Unang Hari
13 Sa utos ni Jehova, isang lingkod ng Diyos+ mula sa Juda ang nagpunta sa Bethel habang si Jeroboam ay nakatayo sa tabi ng altar+ para gumawa ng haing usok. 2 Pagkatapos, sumigaw ito sa altar, gaya ng iniutos ni Jehova: “O altar, altar! Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Isang anak na may pangalang Josias+ ang isisilang sa sambahayan ni David! Ihahandog niya sa ibabaw mo ang mga saserdote ng matataas na lugar, ang mga gumagawa ng haing usok sa ibabaw mo, at magsusunog siya ng mga buto ng tao sa ibabaw mo.’”+ 3 Nagbigay siya ng isang tanda nang araw na iyon. Sinabi niya: “Ito ang tanda na sinabi ni Jehova: Ang altar ay mabibiyak, at ang abo* sa ibabaw nito ay sasambulat.”
4 Nang marinig ng hari ang isinigaw ng lingkod ng tunay na Diyos laban sa altar sa Bethel, iniunat ni Jeroboam ang kamay niya mula sa altar at sinabi: “Hulihin ninyo siya!”+ Agad na natuyot* ang kamay na iniunat niya laban sa lingkod ng tunay na Diyos, at hindi na niya iyon maiurong.+ 5 At ang altar ay nabiyak at sumambulat ang abo mula sa altar gaya ng tandang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng lingkod ng tunay na Diyos.
6 Sinabi ngayon ng hari sa lingkod ng tunay na Diyos: “Pakisuyo, makiusap ka kay* Jehova na iyong Diyos, at ipanalangin mo ako para gumaling ang kamay ko.”+ Kaya nakiusap kay Jehova ang lingkod ng tunay na Diyos, at gumaling ang kamay ng hari. 7 Sinabi ngayon ng hari sa lingkod ng tunay na Diyos: “Sumama ka sa akin sa bahay at kumain ka, at bibigyan kita ng regalo.” 8 Pero sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos sa hari: “Kahit pa ibigay mo sa akin ang kalahati ng kayamanan* mo, hindi ako sasama sa iyo at kakain ng tinapay o iinom ng tubig sa lugar na ito. 9 Dahil iniutos sa akin ni Jehova: ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom ng tubig, at huwag kang babalik sa daan na pinanggalingan mo.’” 10 Kaya sa ibang ruta siya dumaan, at hindi siya bumalik sa dinaanan niya noong papunta siya sa Bethel.
11 May isang matandang propeta na nakatira sa Bethel, at dumating ang mga anak niya sa bahay at ikinuwento ang lahat ng ginawa ng lingkod ng tunay na Diyos nang araw na iyon sa Bethel at ang mga sinabi nito sa hari. Matapos nila itong ikuwento sa kanilang ama, 12 nagtanong siya sa kanila: “Saan siya dumaan?” Kaya itinuro ng mga anak niya ang dinaanan ng lingkod ng tunay na Diyos na galing sa Juda. 13 Sinabi niya ngayon sa mga anak niya: “Lagyan ninyo ng síya* ang asno para sa akin.” Nilagyan nila ng síya ang asno, at sumakay siya rito.
14 Sinundan niya ang lingkod ng tunay na Diyos at nakita niya itong nakaupo sa ilalim ng malaking puno. Sinabi niya rito: “Ikaw ba ang lingkod ng tunay na Diyos na galing sa Juda?”+ Sumagot ito: “Ako nga po.” 15 Sinabi niya rito: “Sumama ka sa akin sa bahay at kumain ka ng tinapay.” 16 Pero sinabi nito: “Hindi po ako puwedeng bumalik at sumama sa bahay ninyo, at hindi rin ako puwedeng kumain ng tinapay o uminom ng tubig kasalo ninyo sa lugar na ito. 17 Dahil inutusan ako ni Jehova, ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom ng tubig doon. Huwag kang babalik sa daan na pinanggalingan mo.’” 18 Sinabi niya rito: “Propeta rin akong gaya mo, at sinabi sa akin ng isang anghel ang mensaheng ito ni Jehova, ‘Isama mo siya pabalik at patuluyin sa bahay mo para makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” (Nilinlang niya ito.) 19 Kaya sumama ito sa kaniya pabalik para makakain ng tinapay at makainom ng tubig sa bahay niya.
20 Habang nakaupo sila sa harap ng mesa, dumating ang mensahe ni Jehova sa propeta na nagpabalik sa lingkod ng tunay na Diyos, 21 at sumigaw siya sa lingkod ng tunay na Diyos na galing sa Juda: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Dahil sinuway mo si Jehova at hindi mo sinunod ang iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, 22 kundi bumalik ka para kumain ng tinapay at uminom ng tubig sa lugar na sinabi niya, “Huwag kang kakain ng tinapay o iinom ng tubig,” ang bangkay mo ay hindi makakarating sa libingan ng mga ninuno mo.’”+
23 Matapos kumain ng tinapay at uminom ang lingkod ng tunay na Diyos, nilagyan ng matandang propeta ng síya ang asno para sa propetang pinabalik niya. 24 At umalis na ang lingkod ng tunay na Diyos, pero nakasalubong niya ang isang leon at pinatay siya nito.+ Nakahandusay ang bangkay niya sa daan, at nakatayo ang asno sa tabi nito; nakatayo rin ang leon sa tabi ng bangkay. 25 May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Pumasok sila sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta, at ibinalita nila ang tungkol dito.
26 Nang marinig iyon ng propeta na nagpabalik sa lingkod ng tunay na Diyos, agad niyang sinabi: “Iyon ang lingkod ng tunay na Diyos na sumuway sa utos ni Jehova;+ kaya ibinigay siya ni Jehova sa leon, para lapain siya nito at patayin, gaya ng sinabi sa kaniya ni Jehova.”+ 27 Pagkatapos, sinabi niya sa mga anak niya: “Lagyan ninyo ng síya ang asno para sa akin.” Kaya nilagyan nila iyon ng síya. 28 At umalis siya at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan, pati ang asno at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, at hindi rin nito nilapa ang asno. 29 Binuhat ng propeta ang bangkay ng lingkod ng tunay na Diyos at ipinasan ito sa asno, at ibinalik niya ito sa lunsod niya para ipagdalamhati at ilibing. 30 Kaya inilagay niya ang bangkay sa sarili niyang libingan, at iniyakan nila ito, na sinasabi: “Kawawa ka naman, kapatid ko!” 31 Pagkalibing sa bangkay, sinabi niya sa mga anak niya: “Kapag namatay ako, ilibing ninyo ako sa pinaglibingan sa lingkod ng tunay na Diyos. Itabi ninyo ang mga buto ko sa mga buto niya.+ 32 Ang inihayag niyang mensahe ni Jehova laban sa altar na nasa Bethel at laban sa lahat ng bahay para sa pagsamba na nasa matataas na lugar+ sa mga lunsod ng Samaria ay tiyak na matutupad.”+
33 Sa kabila ng nangyari, hindi itinigil ni Jeroboam ang masamang ginagawa niya. Patuloy siyang nag-aatas ng mga saserdote para sa matataas na lugar mula sa sinuman sa bayan.+ Ginagawa niyang saserdote ang* lahat ng gustong maging saserdote. Sinasabi niya: “Gawin siyang isa sa mga saserdote para sa matataas na lugar.”+ 34 Dahil sa kasalanang ito ng sambahayan ni Jeroboam,+ pinuksa sila at nilipol sa ibabaw ng lupa.+