Isaias
6 Noong taóng mamatay si Haring Uzias,+ nakita ko si Jehova na nakaupo sa isang matayog at mataas na trono,+ at pinupuno ng laylayan niya ang templo. 2 May mga serapin na nakatayo sa itaas niya; bawat isa ay may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa ang nakatakip sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad.
3 At sinasabi nila sa isa’t isa:
“Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo.+
Ang buong lupa ay punô ng kaluwalhatian niya.”
4 At ang mga paikutan ng mga pinto ay nanginig dahil sa sigaw,* at ang bahay ay napuno ng usok.+
5 Pagkatapos ay sinabi ko: “Kaawa-awa ako!
Tiyak na mamamatay ako,*
Dahil ako ay isang taong marumi ang labi,
At nakatira ako kasama ng bayang marurumi ang labi;+
Dahil nakita ng mga mata ko ang Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!”
6 At lumipad papunta sa akin ang isa sa mga serapin, at sa kamay niya ay may nagbabagang uling+ na kinuha niya sa altar+ sa pamamagitan ng pang-ipit. 7 At idinampi niya ito sa bibig ko at sinabi:
“Dumampi ito sa mga labi mo.
Naalis na ang pagkakamali mo,
At nabayaran na ang kasalanan mo.”
8 Pagkatapos, narinig ko ang tinig ni Jehova na nagsasabi: “Sino ang isusugo ko, at sino ang magdadala ng mensahe namin?”+ At sinabi ko: “Narito ako! Isugo mo ako!”+
9 At sinabi niya, “Pumunta ka sa bayang ito, at sabihin mo:
‘Maririnig ninyo iyon nang paulit-ulit,
Pero hindi ninyo mauunawaan;
Makikita ninyo iyon nang paulit-ulit,
Pero wala kayong matututuhan.’+
10 Gawin mong manhid ang puso ng bayang ito,+
Isara mo ang mga tainga nila,+
At ipikit mo ang mga mata nila,
Para hindi makakita ang mga mata nila
At hindi makarinig ang mga tainga nila,
Para hindi makaunawa ang mga puso nila
At hindi sila manumbalik at gumaling.”+
11 Kaya sinabi ko: “Hanggang kailan, O Jehova?” At sinabi niya:
“Hanggang sa ang mga lunsod ay gumuho at wala nang manirahan doon
At ang mga bahay ay mawalan ng tao
At ang lupain ay mawasak at maging tiwangwang;+
12 Hanggang sa itaboy ni Jehova ang mga tao+
At ang lupain ay lubusang mapabayaan.
13 “Pero may matitira doon na isang ikasampu, at iyon ay muling susunugin, gaya ng isang malaking puno at gaya ng punong ensina, na pagkatapos putulin ay may naiiwang tuod; isang banal na binhi* ang magiging tuod nito.”