Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
3 Kailangan ba ulit naming magpakilala* sa inyo? O gaya ng iba, kailangan ba naming magbigay sa inyo ng mga liham ng rekomendasyon o tumanggap nito mula sa inyo?+ 2 Kayo mismo ang liham namin,+ na nakasulat sa aming mga puso at nakikilala at binabasa ng buong sangkatauhan. 3 Malinaw na kayo ay isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga lingkod,+ na isinulat hindi gamit ang tinta kundi sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas ng bato,+ kundi sa mga tapyas ng laman, sa mga puso.+
4 Sa harap ng Diyos, taglay namin ang pagtitiwalang ito sa pamamagitan ng Kristo. 5 Hindi namin sinasabi na lubusan kaming kuwalipikado sa gawaing ito dahil sa sarili naming kakayahan; naging kuwalipikado kami dahil sa Diyos.+ 6 Dahil sa kaniya, naging lubusan kaming kuwalipikado na maging mga lingkod ng isang bagong tipan,+ na ginagabayan ng espiritu at hindi ng isang nasusulat na Kautusan;+ dahil ang nasusulat na Kautusan ay nagpapataw ng hatol na kamatayan,+ pero ang espiritu ay bumubuhay.+
7 Ngayon, kung ang Kautusan na nagpapataw ng kamatayan+ at nakaukit sa bato+ ay napakaluwalhati kung kaya hindi matitigan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito+—isang kaluwalhatiang aalisin— 8 hindi ba mas maluwalhati ang mga bagay na kayang gawin ng espiritu?+ 9 Dahil kung maluwalhati ang Kautusan+ na nagpapataw ng hatol na kamatayan,+ di-hamak na mas maluwalhati ang paglalapat ng katuwiran!+ 10 Ang totoo, kahit ang ginawang maluwalhati noon ay naalisan ng kaluwalhatian dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito.+ 11 Dahil kung ang isang bagay na aalisin ay dumating nang may kaluwalhatian,+ di-hamak na mas maluwalhati ang mananatili!+
12 Dahil mayroon tayong gayong pag-asa,+ malaya tayong nakapagsasalita, 13 at hindi tayo gaya ni Moises na nagtakip ng tela sa mukha niya+ para hindi matitigan ng mga Israelita ang katapusan ng bagay na aalisin. 14 Pero pumurol ang isip nila.+ Hanggang ngayon, nananatiling nakatakip ang telang iyon kapag binabasa ang lumang tipan,+ dahil maaalis lang iyon sa pamamagitan ni Kristo.+ 15 Ang totoo, hanggang sa araw na ito, natatalukbungan ang puso nila+ tuwing binabasa ang mga isinulat ni Moises.+ 16 Pero kapag ang isa ay bumabaling kay Jehova, naaalis ang talukbong.+ 17 Si Jehova ang Espiritu,+ at may kalayaan kung nasaan ang espiritu ni Jehova.+ 18 At habang ipinaaaninag natin na gaya ng salamin ang kaluwalhatian ni Jehova dahil hindi natatakpan ang mukha natin, tayong lahat ay nababago nang eksakto kung paano ito ginagawa ni Jehova na Espiritu; nagiging mas kawangis tayo ng Diyos at mas naipaaaninag natin ang kaluwalhatian niya.+