Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Ilang ng Juda—Baog Ngunit Kabigha-bighani
ANO ba ang naguguniguni mong hitsura ng ilang ng Juda sa Lupang Pangako? Ang iba’y naguguniguni ang isang malawak, makapal na kagubatan. Ang iba naman ay naguguniguni ang isang mistulang disyerto ng Sahara ng palanas na buhanginan.
Alinman sa dalawang guniguning iyan ay hindi masasabing totoo tungkol sa ilang na ito, gaya ng makikita mo sa larawan sa itaas. Sa bistang ito, ikaw ay nakatingin sa isang bahagi ng ilang na may kaugnayan kay Jesus. Ayon sa tradisyon ipinakita ni Satanas kay Jesus “ang lahat ng kaharian ng sanlibutan” buhat sa taluktok na ito, na nasa gilid ng ilang at nanununghay sa siyudad ng Jerico na natatamnan ng mga palma sa Libis ng Jordan sa gawing silangan.—Mateo 3:1; 4:1-11.
Buhat sa hilagang-silangang bahaging ito, ang ilang ng Juda ay umaabot hanggang sa kanlurang panig ng Dagat na Patay. Marahil ay matutulungan kang gunigunihin ang ayos ng lugar na ito kung tutunghayan mo ang mapa na nasa takip ng 1989 Calendar of Jehovah’s Witnesses. (Ang kalendaryo ay mayroon ding isang malaking bersiyon ng larawan sa itaas.) Ang ilang (16 hanggang 24 kilometro ang luwang) ay nasa silangang tagiliran ng kabundukan ng Juda, hanggang sa dalampasigan ng Dagat na Patay.
Ang mga bundok na iyon ay nagsisilbing panghadlang sa halumigmig na nanggagaling sa Dagat Mediteraneo. Kaya’t ang malalambot, at nakalantad na mga burol ng yeso sa silanganing panig ay bahagya lamang ulan ang tinatanggap kung taglamig ng mga buwan ng Nobyembre at Disyembre. Sa panahong iyan ay sumisibol ang damo, anupa’t ang mga kawan ng tupa ay nakapanginginain dito. Sa gayon, “ang batong kulungan ng mga tupa” na binabanggit sa 1 Samuel 24:3 ay wasto ang pagkabagay sa rehiyong ito.
Ang damo na tumutubo rito ay hindi naman lumalagi nang matagal. Dahil sa hanging nanggagaling sa silangan galing sa disyerto hindi nagtatagal at ang luntiang kalawakang iyon ay nagiging isang tigang na dakong kulay kayumanggi. Bagay na bagay ang pagkasabi tungkol dito ng hula: “Ang luntiang damo ay natuyo, nalanta ang bulaklak; ngunit ang salita ng ating Diyos, ito’y mamamalagi hanggang sa panahong walang takda.”—Isaias 40:8; 1 Pedro 1:24, 25.
Marahil binulaybulay ni Jesus ang tekstong ito samantalang siya’y palakad-lakad sa ilang na ito nang may 40 araw at 40 gabi. Isip-isipin kung ano ang nadama ni Jesus sa silong ng nakapapasong araw na humahampas ang sikat sa walang punungkahoy na mga batuhan at mga bangin. (Isaias 32:2) Madaling mauunawaan nga kung bakit pagkatapos ay “dumating ang mga anghel at siya’y pinaglingkuran”!—Mateo 4:1-11.
Dahilan sa pagkabaog at kawalan ng mga naninirahan, ang ilang ng Juda ay kadalasan ginagamit na isang dako ng kanlungan. Nang tumakas sa napopoot na si Haring Saul, doon nakasumpong si David ng kanlungan, anupa’t tinukoy niya iyon na “isang tuyo at uhaw na lupa, na walang tubig.” (Awit 63:1 at nasa titulo; 1 Samuel 23:29) May ilang panahon na siya’y nagtago sa isang yungib, marahil katulad ng Umm Qatafa Cave sa Wadi Khareitun (isang libis na nasa kahabaan sa silangan ng Bethlehem patungo sa direksiyon ng Dagat na Patay). (Hebreo 11:32, 38) Sa ganitong bista buhat sa yungib, makikita mo sa gawing ibaba sa may kanan ang ilang maiitim na tupang nanginginain sa kalat-kalat na mga halaman.
Si David ay nasa yungib sa rehiyon ng En-gedi nang pumasok si Saul upang bigyang-daan ang hinihiling ng katawan. Bagaman pinutol ni David ang laylayan ng balabal ni Saul, hindi niya sinaktan “ang pinahiran ni Jehova.” Nang bandang huli si Saul ay tinawagan ni David, marahil nang ang hari ay naroon sa bandang ibaba sa gitna ng makapal na mga punò. (1 Samuel 24:1-22) ‘Makapal na mga punò rito?’ Marahil ay ipagtataka mo.
Oo, pagka may saganang tubig, ang ilang na ito ay maaaring mamukadkad. Ang En-gedi ay isang halimbawa. Tubig na bumabalong sa natatagos-ng-tubig na mga batuhan ang nagiging mga bukal at mga talon sa libis na ito na ang bukana’y nasa kanlurang dalampasigan ng Dagat na Patay. Kaya naman ang En-gedi ay halos isang kagubatan, mayaman sa mga halaman. Kung dadalaw ka roon, may makikita kang maraming klase ng bulaklak at bungang-kahoy. Makakakita ka rin ng mga hayop-bundok, mula sa rock badgers hanggang sa mga kambing-bundok; mayroon pa man ding mga leopardo sa lugar na iyon!—1 Samuel 24:2; Awit ni Solomon 1:14.
Dahil sa ang baog na ilang ng Juda ay maaaring maging lubhang luntian ito’y lalong nagpapayabong sa ating kaunawaan sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa tubig na umaagos buhat sa templo sa Jerusalem. Ang agos ay patuloy na lumalaki hanggang sa ito’y maging isang mistulang ilog na umaagos nang pasilangan sa kahabaan ng ilang ng Juda. Ano ang epekto nito? Isinulat ni Ezekiel: “Aba, narito! sa pangpang ng ilog ay may napakaraming punungkahoy . . . At ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pampagaling.” Ang tubig ay umagos patungo sa Dagat na Patay, anupa’t pinagaling kahit na ang tubig niyaon na hindi makapagbigay ng buhay.—Ezekiel 47:1-12; Isaias 35:1, 6, 7.
Samakatuwid, bagaman ang ilang ng Juda ay medyo tigang at mapanglaw, ito ay isa ring kaakit-akit na lugar ng mga pagkakaiba-iba at eksena ng maraming mga pangyayari sa Bibliya.—Lucas 10:29-37.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.