Genesis
7 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Noe: “Pumasok ka sa arka, ikaw at ang buong pamilya mo, dahil nakita kong matuwid ka sa gitna ng henerasyong ito.+ 2 Magpasok ka sa arka ng pito sa bawat malinis na hayop,*+ lalaki at babae; at sa bawat di-malinis na hayop ay dalawa lang, lalaki at babae; 3 magpasok ka rin ng tigpipito sa lumilipad na mga nilalang sa langit,* lalaki at babae, para patuloy na mabuhay ang mga ito sa ibabaw ng buong lupa.+ 4 Dahil pitong araw na lang at magpapaulan ako+ sa lupa sa loob ng 40 araw at 40 gabi,+ at papawiin ko sa ibabaw ng lupa ang lahat ng nabubuhay na bagay na ginawa ko.”+ 5 At ginawa ni Noe ang lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya.
6 Si Noe ay 600 taóng gulang nang bumaha sa lupa.+ 7 At si Noe, kasama ang mga anak niya, asawa niya, at asawa ng mga anak niya, ay pumasok sa arka bago bumaha.+ 8 Mula sa bawat malinis na hayop, bawat di-malinis na hayop, lumilipad na mga nilalang, at bawat bagay na gumagala sa lupa,+ 9 dala-dalawa, lalaki at babae, ang pumasok sa arka papunta kay Noe, gaya ng iniutos ng Diyos kay Noe. 10 At pagkalipas ng pitong araw ay bumaha sa lupa.
11 Nang ika-600 taon ng buhay ni Noe, noong ika-17 araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal ng tubig sa langit at ang mga pintuan ng tubig ng langit.+ 12 At umulan sa lupa sa loob ng 40 araw at 40 gabi. 13 Nang mismong araw na iyon, pumasok si Noe sa arka kasama ang mga anak niyang sina Sem, Ham, at Japet,+ ang asawa niya, at ang tatlong asawa ng mga anak niya.+ 14 Pumasok sila kasama ang lahat ng uri ng maiilap na hayop, lahat ng uri ng maaamong hayop, lahat ng uri ng gumagapang na hayop sa lupa, at lahat ng uri ng lumilipad na nilalang, bawat ibon at iba pang may-pakpak na nilalang. 15 Patuloy silang pumasok sa arka papunta kay Noe nang dala-dalawa, ang bawat uri ng hayop na may hininga* ng buhay. 16 Kaya pumasok ang mga ito, lalaki at babae mula sa bawat uri ng hayop, gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Pagkatapos, isinara ni Jehova ang pinto.
17 At patuloy na umulan sa loob ng 40 araw, at tumaas nang tumaas ang tubig sa lupa hanggang sa umangat ang arka, at nagpalutang-lutang iyon sa tubig. 18 Naging napakalaki ng baha sa lupa at patuloy ang mabilis na pagtaas nito, pero ang arka ay nakalutang pa rin sa tubig. 19 Sa laki ng baha, lumubog sa tubig ang lahat ng matataas na bundok sa buong lupa.+ 20 Ang tubig ay lumampas nang 15 siko* sa taluktok ng mga bundok.
21 Kaya nalipol ang lahat ng buháy na nilalang* sa lupa+—ang lumilipad na mga nilalang, maaamong hayop, maiilap na hayop, mga nilalang na nagkukulumpon,* at lahat ng tao.+ 22 Ang lahat ng nabubuhay at humihingang nilikha* sa tuyong lupa ay namatay.+ 23 Kaya pinawi Niya sa lupa ang bawat buháy na nilikha, kasama ang mga tao, mga hayop, gumagapang na mga hayop, at lumilipad na mga nilalang sa langit. Silang lahat ay napawi sa lupa;+ si Noe lang at ang mga kasama niya sa arka ang nakaligtas.+ 24 At nanatiling mataas ang tubig sa lupa sa loob ng 150 araw.+