Genesis
19 Kinagabihan, dumating ang dalawang anghel sa Sodoma, at si Lot ay nakaupo sa pintuang-daan ng Sodoma. Pagkakita sa kanila, tumayo si Lot para salubungin sila at sumubsob sa lupa.+ 2 Sinabi niya: “Pakiusap, mga panginoon ko, pumunta kayo sa bahay ng inyong lingkod at magpalipas ng gabi roon at pahugasan ninyo ang inyong mga paa. Pagkatapos, puwede kayong bumangon nang maaga at magpatuloy sa inyong paglalakbay.” Sinabi nila: “Hindi, sa liwasan* kami magpapalipas ng gabi.” 3 Pero talagang pinipilit niya sila kaya sumama na sila sa bahay niya. Naghanda siya ng maraming pagkain para sa kanila, at nagluto siya ng tinapay na walang pampaalsa, at kumain sila.
4 Bago sila humiga para matulog, ang mga lalaki sa lunsod—ang lahat ng lalaki sa Sodoma mula bata hanggang matanda—ay pumalibot sa bahay at nanggulo. 5 Paulit-ulit nilang tinatawag si Lot at sinasabi: “Nasaan ang mga lalaki na pumunta sa bahay mo ngayong gabi? Ilabas mo sila sa amin para masipingan namin sila.”+
6 Lumabas si Lot at isinara ang pinto paglabas niya. 7 Sinabi niya: “Pakiusap, mga kapatid ko, huwag kayong gumawa ng masama. 8 Mayroon akong dalawang anak na babae na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Pakiusap, hayaan ninyong ilabas ko sila sa inyo para magawa ninyo sa kanila kung ano ang gusto ninyo. Pero huwag ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, dahil nasa bahay ko sila at pananagutan ko sila.”*+ 9 Kaya sinabi nila: “Tumabi ka!” Sinabi pa nila: “Dayuhan lang ang taong ito na tumira sa lugar natin, pero ang lakas ng loob niyang hatulan tayo! Ngayon ay mas masama ang gagawin namin sa iyo kaysa sa kanila.” Dinumog nila si Lot, at gusto nilang sirain ang pinto. 10 Kaya hinila ng mga lalaki* si Lot at ipinasok sa bahay kasama nila, at isinara nila ang pinto. 11 Pero binulag nila ang mga lalaki na nasa may pinto ng bahay, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda,* kaya hirap na hirap ang mga ito sa paghahanap ng pinto.
12 Pagkatapos, sinabi ng mga lalaki* kay Lot: “May iba ka pa bang kamag-anak dito? Ilabas mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae at ang lahat ng kamag-anak mo sa lunsod! 13 Wawasakin namin ang lugar na ito dahil narinig ni Jehova ang napakalakas na pagdaing laban sa mga tao sa lunsod na ito;+ isinugo kami ni Jehova para wasakin ito.” 14 Kaya lumabas si Lot at nakipag-usap sa mga manugang niya na mapapangasawa ng mga anak niya, at paulit-ulit niyang sinasabi: “Dali! Umalis kayo sa lugar na ito, dahil wawasakin ni Jehova ang lunsod!” Pero akala ng mga manugang niya, nagbibiro lang siya.+
15 Nang madaling-araw na, inapura na ng mga anghel si Lot at sinabi: “Dali! Isama mo ang iyong asawa at dalawang anak na kasama mo rito para hindi ka malipol dahil sa kasalanan ng lunsod!”+ 16 Nang hindi pa rin siya nagmamadali, nahabag sa kaniya si Jehova,+ kaya hinawakan ng mga lalaki* ang kamay niya at ang kamay ng kaniyang asawa at dalawang anak at inilabas sila sa lunsod.+ 17 At nang madala na nila sila sa may hangganan, sinabi ng isa sa kanila: “Tumakas ka para hindi ka mamatay! Huwag kang lilingon+ at huwag kang hihinto kahit saan sa distrito!+ Tumakas ka papunta sa mabundok na rehiyon para hindi ka malipol!”
18 Pero sinabi ni Lot sa kanila: “Pakiusap, huwag doon, Jehova! 19 Ang iyong lingkod ay naging kalugod-lugod sa paningin mo at naging napakabait mo sa akin* dahil iniligtas mo ako,*+ pero hindi ako makatatakas papunta sa mabundok na rehiyon dahil natatakot akong mapahamak doon at mamatay.+ 20 May malapit na bayan dito at puwede akong tumakas papunta roon; maliit na bayan lang iyon. Pakiusap, puwede bang doon ako magtago? Maliit na bayan lang iyon. At maliligtas ako.”* 21 Kaya sinabi niya: “O sige, magpapakita ako ulit sa iyo ng konsiderasyon.+ Hindi ko wawasakin ang bayan na sinabi mo.+ 22 Dali! Tumakas ka papunta roon, dahil wala akong magagawa hanggang sa makarating ka roon!”+ Kaya naman tinawag niyang Zoar*+ ang bayang iyon.
23 Sumikat na ang araw nang dumating si Lot sa Zoar. 24 At nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy sa Sodoma at Gomorra—mula ito kay Jehova, mula sa langit.+ 25 Kaya winasak niya ang mga lunsod na ito, oo, ang buong distrito, kasama ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang mga halaman sa lupa.+ 26 Pero lumingon ang asawa ni Lot, na nasa likuran niya, at ito ay naging haliging asin.+
27 At gumising nang maaga si Abraham at pumunta sa lugar kung saan siya tumayo at nakipag-usap kay Jehova.+ 28 Nang tumingin siya sa direksiyon ng Sodoma at Gomorra at sa buong lupain ng distrito, nakakita siya ng makapal na usok na nagmumula sa lupain gaya ng makapal na usok mula sa isang pugon!+ 29 Nang wasakin ng Diyos ang mga lunsod sa distrito, inalaala ng Diyos si Abraham kaya inilabas niya si Lot mula sa mga lunsod na winasak niya, kung saan tumira si Lot.+
30 Nang maglaon, umalis si Lot sa Zoar kasama ang dalawang anak niya at tumira sa mabundok na rehiyon,+ dahil natakot siyang tumira sa Zoar.+ Kaya tumira siya sa isang kuweba kasama ang dalawang anak niya. 31 At sinabi ng panganay sa nakababata: “Matanda na ang ating ama, at walang lalaki sa lupain na magbibigay sa atin ng anak gaya ng kaugalian ng mga tao. 32 Painumin natin ng alak ang ating ama, at sumiping tayo sa kaniya para hindi maputol ang angkan ng ating ama.”
33 Kaya nang gabing iyon, nilasing nila ang kanilang ama; pagkatapos, pumasok ang panganay at sumiping sa kaniyang ama, pero hindi namalayan ng ama niya nang humiga at bumangon siya. 34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa nakababata: “Sumiping ako kagabi sa ating ama. Painumin natin siya ulit ng alak ngayong gabi. Pagkatapos, pumasok ka at sumiping sa kaniya para hindi maputol ang angkan ng ating ama.” 35 Kaya nang gabi ring iyon, nilasing nila ang kanilang ama; pagkatapos, pumasok ang nakababata at sumiping sa kaniya, pero hindi niya namalayan nang humiga at bumangon ang anak niya. 36 Kaya ang mga anak ni Lot ay parehong nagdalang-tao sa pamamagitan ng kanilang ama. 37 Nanganak ang panganay ng isang lalaki at pinangalanan itong Moab.+ Siya ang ama ng mga Moabita sa ngayon.+ 38 Nanganak din ang nakababata ng isang lalaki at pinangalanan itong Ben-ami. Siya ang ama ng mga Ammonita+ sa ngayon.