Ezekiel
8 At nang ikaanim na taon, noong ikalimang araw ng ikaanim na buwan, habang nakaupo ako sa bahay ko at nakaupo sa harap ko ang matatandang lalaki ng Juda, doon ay sumaakin ang kapangyarihan* ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 2 At may nakita akong isang anyo na gaya ng apoy; mula sa tila baywang niya pababa ay may apoy,+ at ang kaniyang baywang pataas ay nagniningning na gaya ng elektrum.*+ 3 Iniunat niya ang tila isang kamay at hinawakan ako sa buhok, at iniangat ako ng isang espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit at dinala sa Jerusalem sa pamamagitan ng mga pangitaing mula sa Diyos, sa hilagang pintuang-daan ng maliit na looban,+ kung saan naroon ang idolatrosong simbolo* na pumupukaw ng pagseselos.+ 4 At nakita ko roon ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel,+ gaya ng anyo na nakita ko sa kapatagan.+
5 At sinabi niya: “Anak ng tao, pakisuyo, tumingin ka sa hilaga.” Kaya tumingin ako sa hilaga, at sa hilaga ng pintuang-daan ng altar, sa pasukan nito, naroon ang simbolong* ito ng pagseselos. 6 Sinabi niya: “Anak ng tao, nakikita mo ba ang napakasama at kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa rito ng sambahayan ng Israel,+ mga bagay na nagpapalayo sa akin sa santuwaryo ko?+ Pero may makikita ka pang mas kasuklam-suklam sa mga ito.”
7 Pagkatapos, dinala niya ako sa pasukan ng looban, at may nakita akong butas sa pader. 8 Sinabi niya: “Anak ng tao, pakisuyo, lakihan mo ang butas sa pader.” Kaya pinalaki ko ang butas sa pader, at may nakita akong isang pasukan. 9 Sinabi niya: “Pumasok ka, tingnan mo ang masama at kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa nila rito.” 10 Kaya pumasok ako at tumingin, at nakita ko ang larawan ng iba’t ibang gumagapang na nilikha at nakapandidiring hayop+ at ang lahat ng karima-rimarim na idolo* ng sambahayan ng Israel;+ nakaukit ang mga iyon sa nakapalibot na pader. 11 At 70 mula sa matatandang lalaki ng sambahayan ng Israel ang nakatayo sa harap ng mga iyon, at kasama nila si Jaazanias na anak ni Sapan.+ Hawak ng bawat isa ang kani-kaniyang insensaryo, at pumapailanlang ang mabangong usok ng insenso.+ 12 Sinabi niya: “Anak ng tao, nakikita mo ba ang ginagawa sa dilim ng matatandang lalaki ng sambahayan ng Israel, ng bawat isa sa kanila sa pinakaloob na mga silid kung saan naroon ang kani-kaniyang idolo? Sinasabi nila, ‘Hindi tayo nakikita ni Jehova. Iniwan na ni Jehova ang lupain.’”+
13 Sinabi pa niya: “May makikita ka pang mas kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa nila.” 14 Kaya dinala niya ako sa pasukan ng hilagang pintuang-daan ng bahay ni Jehova, at may nakita ako roon na mga babaeng nakaupo at iniiyakan ang diyos na si Tamuz.
15 Sinabi pa niya: “Nakikita mo ba ito, O anak ng tao? May makikita ka pang kasuklam-suklam na mga bagay na mas masahol pa sa mga ito.”+ 16 Kaya dinala niya ako sa maliit na looban* ng bahay ni Jehova.+ Doon sa pasukan ng templo ni Jehova, sa pagitan ng beranda at ng altar, may mga 25 lalaki na nakatalikod sa templo ni Jehova at nakaharap sa silangan; niyuyukuran nila ang araw sa silangan.+
17 Sinabi niya: “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? Iniisip ba ng sambahayan ng Juda na maliit na bagay lang ang kasuklam-suklam na ginagawa nila, na pinupuno nila ng karahasan ang lupain+ at paulit-ulit akong ginagalit? Idinuduldol nila sa ilong ko ang sanga.* 18 Kaya sa galit ko ay kikilos ako. Hindi ako maaawa;* hindi rin ako mahahabag.+ Kahit lakasan pa nila ang pagtawag sa akin, hindi ko sila pakikinggan.”+