Levitico
21 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo sa mga saserdote, na mga anak ni Aaron, ‘Walang sinuman ang magpaparungis ng sarili niya dahil sa isang namatay na tao* sa kaniyang bayan.+ 2 Pero puwede niyang gawin iyon para sa isang miyembro ng pamilya—sa kaniyang ina, ama, anak na lalaki, anak na babae, at kapatid na lalaki, 3 at puwede siyang magparungis ng sarili niya para sa kapatid niyang babae kung ito ay isang dalaga na malapit sa kaniya at wala pang asawa. 4 Hindi siya maaaring magparungis ng sarili niya at maging di-banal para sa isang babae na asawa ng isang lalaki sa kaniyang bayan. 5 Huwag nilang kakalbuhin ang ulo nila+ o aahitan ang gilid ng balbas nila o hihiwaan ang katawan nila.+ 6 Dapat silang maging banal sa harap ng kanilang Diyos,+ at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos,+ dahil sila ang nag-aalay ng mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, ang tinapay* ng kanilang Diyos, at dapat silang maging banal.+ 7 Huwag silang mag-aasawa ng isang babaeng bayaran,+ babaeng nadungisan, o babaeng diniborsiyo ng asawa nito,+ dahil ang saserdote ay banal sa harap ng kaniyang Diyos. 8 Dapat mo siyang pabanalin,+ dahil siya ang nag-aalay ng tinapay ng iyong Diyos. Dapat siyang maging banal sa harap mo, dahil akong si Jehova, na nagpapabanal sa inyo, ay banal.+
9 “‘Kung ang isang anak ng saserdote ay maging babaeng bayaran, nilalapastangan niya ang sarili niya at ang kaniyang ama. Dapat siyang sunugin.+
10 “‘Kung tungkol sa mataas na saserdote, na kapatid nila, na ang ulo ay binuhusan ng langis para sa pag-aatas+ at inatasang* magsuot ng mga kasuotan ng saserdote,+ dapat niyang panatilihing maayos ang buhok niya at hindi niya dapat punitin ang mga kasuotan niya.+ 11 Huwag siyang lalapit sa namatay na tao,*+ sino man ito; huwag siyang magpaparungis ng sarili niya kahit ito ay kaniyang ama o ina. 12 Huwag siyang lalabas sa santuwaryo at huwag niyang lalapastanganin ang santuwaryo ng kaniyang Diyos,+ dahil ibinuhos sa ulo niya ang tanda ng pag-aalay sa Diyos, ang langis para sa pag-aatas.+ Ako si Jehova.
13 “‘Ang kukunin niyang asawa ay dapat na isang babaeng birhen.+ 14 Hindi siya puwedeng mag-asawa ng isang biyuda, diborsiyada, isa na nadungisan, o babaeng bayaran; dapat na birhen ang kunin niyang asawa mula sa kaniyang bayan. 15 Huwag niyang aalisan ng dangal ang supling* niya sa gitna ng kaniyang bayan,+ dahil akong si Jehova ang nagpapabanal sa kaniya.’”
16 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 17 “Sabihin mo kay Aaron, ‘Sa lahat ng henerasyon nila, walang lalaking may kapintasan mula sa mga supling* mo ang makalalapit para ihandog ang tinapay ng kaniyang Diyos. 18 Kung ang sinumang lalaki ay may kapintasan, hindi siya makalalapit: isang lalaking bulag o pilay o may diperensiya sa mukha* o may biyas na sobra ang haba, 19 o isang lalaking may bali ang paa o may bali ang kamay, 20 o kuba o unano,* o isang lalaking may problema sa mata o may eksema o may buni o may mga bayag na napinsala.+ 21 Walang lalaking may kapintasan mula sa mga supling* ni Aaron na saserdote ang makalalapit para ialay ang mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. Dahil may kapintasan siya, hindi siya makalalapit para ialay ang tinapay ng kaniyang Diyos. 22 Puwede niyang kainin ang tinapay ng kaniyang Diyos na mula sa mga kabanal-banalang bagay+ at mula sa mga banal na bagay.+ 23 Pero hindi siya makalalapit sa kurtina,+ at hindi siya makalalapit sa altar,+ dahil may kapintasan siya; at huwag niyang lalapastanganin ang aking santuwaryo,+ dahil akong si Jehova ang nagpapabanal sa kanila.’”+
24 Kaya nakipag-usap si Moises kay Aaron, sa mga anak nito, at sa lahat ng Israelita.