Mga Bilang
5 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Utusan mo ang mga Israelita na palabasin sa kampo ang lahat ng ketongin+ at lahat ng may sakit dahil may lumalabas sa ari nila+ at lahat ng marumi dahil sa isang namatay na tao.*+ 3 Lalaki man o babae, dapat ninyo silang palabasin. Dapat ninyo silang palabasin sa kampo para hindi nila marumihan+ ang buong kampo, na sa gitna nito ay naninirahan* ako.”+ 4 Kaya ginawa iyon ng mga Israelita at pinalabas ang mga ito sa kampo. Kung ano ang sinabi ni Jehova kay Moises, gayon ang ginawa ng mga Israelita.
5 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 6 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung ang isang lalaki o babae ay makagawa ng alinman sa mga kasalanang karaniwan sa tao at maging di-tapat kay Jehova, mananagot ang taong iyon sa ginawa niya.+ 7 Dapat niyang* ipagtapat+ ang kasalanan niya* at ibalik ang buong halaga bilang kabayaran sa kasalanan niya at magdaragdag pa siya ng sangkalima* ng halaga nito;+ ibibigay niya iyon sa taong ginawan niya ng mali. 8 Pero kung ang biktima ay walang malapit na kamag-anak na tatanggap ng kabayaran, dapat itong ibalik kay Jehova at magiging pag-aari ito ng saserdote, bukod pa sa lalaking tupa na gagamitin nito bilang pambayad-sala para sa kaniya.+
9 “‘Bawat banal na abuloy+ mula sa mga Israelita na iniharap sa saserdote ay magiging kaniya.+ 10 Ang mga banal na bagay ng bawat isa ay mananatiling kaniya. Anuman ang ibigay ng bawat isa sa saserdote ay magiging pag-aari ng saserdote.’”
11 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 12 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Ito ang dapat gawin kung ang asawa ng isang lalaki ay lumihis ng landas at magtaksil 13 at sipingan siya ng ibang lalaki+ pero hindi iyon alam ng kaniyang asawang lalaki at iyon ay nanatiling lihim, sa gayon ay dinungisan niya ang sarili niya pero walang testigo laban sa kaniya at hindi siya nahuli: 14 Kung ang asawang lalaki ay magselos at magduda sa katapatan ng kaniyang asawang babae at dinungisan nga nito ang sarili nito, o kung ang asawang lalaki ay magselos at magduda sa katapatan ng kaniyang asawa pero hindi naman nito dinungisan ang sarili nito, 15 dapat dalhin ng lalaki ang kaniyang asawa sa saserdote, pati na ang handog para dito, ang ikasampu ng isang epa* ng harinang sebada. Ang handog ay hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan ng olibano, dahil ito ay handog na mga butil ng pagseselos, isang handog na mga butil na nagpapaalaala ng pagkakasala.
16 “‘Dadalhin ng saserdote ang babae sa harap ni Jehova.+ 17 Ang saserdote ay maglalagay ng banal na tubig sa isang sisidlang luwad, at kukuha ang saserdote ng kaunting alabok sa sahig ng tabernakulo at ilalagay iyon sa tubig. 18 Ang babae ay ihaharap ng saserdote kay Jehova at ilulugay ang buhok nito at ilalagay sa mga palad nito ang handog na mga butil bilang paalaala, na siyang handog na mga butil ng pagseselos,+ at nasa kamay ng saserdote ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa.+
19 “‘Pasusumpain ng saserdote ang babae. Sasabihin niya: “Kung walang ibang lalaking sumiping sa iyo habang pag-aari ka ng iyong asawa+ at hindi ka lumihis ng landas at naging marumi, maging malaya ka nawa sa epekto ng mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa. 20 Pero kung lumihis ka ng landas habang pag-aari ka ng iyong asawa dahil dinungisan mo ang iyong sarili, at nakipagtalik ka sa ibang lalaki+ bukod sa iyong asawa—” 21 Bibigkas ang saserdote ng panata na may kasamang sumpa, at pasusumpain niya ang babae. Sasabihin ng saserdote sa babae: “Parusahan ka nawa ni Jehova at gamitin nawa ng iyong bayan ang pangalan mo sa kanilang mga sumpa at panata kapag pinabagsak* ni Jehova ang iyong hita* at pinamaga ang iyong tiyan. 22 Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay papasok sa iyong mga bituka para mamaga ang iyong tiyan at bumagsak* ang iyong hita.”* At dapat sabihin ng babae: “Amen! Amen!”*
23 “‘Pagkatapos, ang mga sumpang ito ay dapat isulat ng saserdote sa aklat at burahin gamit ang mapait na tubig. 24 Ipaiinom niya sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa, at ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa babae at magdudulot ng kapaitan.* 25 At dapat kunin ng saserdote ang handog na mga butil ng pagseselos+ mula sa kamay ng babae, at igagalaw niya iyon nang pabalik-balik sa harap ni Jehova at ilalapit sa altar. 26 Ang saserdote ay kukuha ng sandakot ng handog na mga butil bilang alaalang handog,* at pauusukin niya iyon sa ibabaw ng altar;+ pagkatapos, ipaiinom niya sa babae ang tubig. 27 Kapag naipainom na niya sa babae ang tubig at talagang dinungisan ng babae ang sarili niya at nagtaksil sa kaniyang asawa, ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kaniya at magdudulot ng kapaitan,* at mamamaga ang tiyan niya at babagsak* ang hita* niya, at ang babae ay babanggitin kapag sumusumpa ang kaniyang bayan. 28 Pero kung malinis ang babae at hindi dinungisan ang sarili niya, magiging ligtas siya sa gayong parusa, at puwede siyang magdalang-tao at magkaanak.
29 “‘Ito ang kautusan tungkol sa pagseselos,+ kapag ang isang babae ay lumihis ng landas at dinungisan ang sarili niya habang pag-aari siya ng kaniyang asawa, 30 o kapag nagselos ang isang lalaki at may suspetsang nagtaksil ang kaniyang asawa; ihaharap niya kay Jehova ang kaniyang asawang babae, at isasagawa rito ng saserdote ang buong kautusang ito. 31 Hindi magkakasala ang lalaki, pero ang asawa niya ay mananagot sa kasalanan nito.’”