Genesis
25 At muling nag-asawa si Abraham, at ang pangalan nito ay Ketura. 2 Nang maglaon, naging anak nila sina Zimran, Joksan, Medan, Midian,+ Isbak, at Shuah.+
3 Naging anak ni Joksan sina Sheba at Dedan.
Ang mga anak ni Dedan ay sina Asurim, Letusim, at Leumim.
4 Ang mga anak ni Midian ay sina Epa, Eper, Hanok, Abida, at Eldaa.
Ang lahat ng ito ang mga anak ni Ketura.
5 Nang maglaon, ibinigay ni Abraham kay Isaac ang lahat ng pag-aari niya,+ 6 pero nagbigay si Abraham ng mga regalo sa mga anak niya sa kaniyang mga pangalawahing asawa. At habang buháy pa siya, pinapunta niya sila sa gawing silangan, malayo sa anak niyang si Isaac,+ sa tinatawag na lupain ng Silangan. 7 Nabuhay si Abraham nang 175 taon. 8 Namatay si Abraham matapos masiyahan sa mahabang buhay, at inilibing siya gaya ng mga ninuno niya.* 9 Inilibing siya ng mga anak niyang sina Isaac at Ismael sa kuweba ng Macpela sa lupain ni Epron na anak ni Zohar na Hiteo na nasa tapat ng Mamre,+ 10 sa lupaing binili ni Abraham mula sa mga anak ni Het. Doon inilibing si Abraham, kung saan inilibing ang asawa niyang si Sara.+ 11 Pagkamatay ni Abraham, patuloy na pinagpala ng Diyos ang anak nitong si Isaac;+ si Isaac ay nakatira malapit sa Beer-lahai-roi.+
12 Ito ang kasaysayan ni Ismael+ na anak ni Abraham sa Ehipsiyong si Hagar,+ na alila ni Sara.
13 At ito ang pangalan ng mga anak ni Ismael, ang mga inapo niya: ang panganay ni Ismael ay si Nebaiot,+ at sumunod sina Kedar,+ Adbeel, Mibsam,+ 14 Misma, Duma, Masa, 15 Hadad, Tema, Jetur, Napis, at Kedema. 16 Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang mga pangalan nila ayon sa kanilang mga pamayanan at ayon sa kanilang mga kampo,* 12 pinuno ayon sa kanilang mga angkan.+ 17 At nabuhay si Ismael nang 137 taon. Namatay siya at inilibing gaya ng mga ninuno niya.* 18 At nanirahan sila sa Havila+ malapit sa Sur,+ na malapit sa Ehipto, hanggang sa Asirya. Tumira siya malapit sa lahat ng kapatid niya.*+
19 At ito ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham.+
Naging anak ni Abraham si Isaac. 20 Si Isaac ay 40 taóng gulang nang mapangasawa niya si Rebeka, na anak ni Betuel+ na Arameano ng Padan-aram at kapatid ni Laban na Arameano. 21 At paulit-ulit na nakiusap si Isaac kay Jehova para sa kaniyang asawa dahil baog ito; kaya sinagot ni Jehova ang kahilingan niya, at nagdalang-tao ang asawa niyang si Rebeka. 22 At ang mga sanggol sa sinapupunan ni Rebeka ay nag-aaway,+ kaya sinabi niya: “Kung kailangan kong maghirap nang ganito, wala nang dahilan para mabuhay pa ako.” At tinanong niya si Jehova tungkol dito. 23 At sinabi ni Jehova sa kaniya: “Dalawang bansa ang nasa iyong sinapupunan,+ at dalawang magkaibang bayan ang magmumula sa iyo;+ at ang isang bansa ay magiging mas malakas kaysa sa isang bansa,+ at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”+
24 Nang dumating na ang panahon para magsilang siya, kambal nga ang nasa sinapupunan niya! 25 At ang una ay lumabas na mapula ang buong katawan at tulad ng mabalahibong damit,+ kaya pinangalanan nila siyang Esau.*+ 26 Pagkatapos, lumabas ang kapatid niya at ang kamay nito ay nakahawak sa sakong ni Esau,+ kaya pinangalanan niya itong Jacob.*+ Si Isaac ay 60 taóng gulang nang magsilang ang asawa niya.
27 Habang lumalaki ang mga bata, si Esau ay naging mahusay na mangangaso+ at madalas na nasa parang, pero si Jacob ay isang lalaking walang kapintasan, na madalas na nasa tolda.+ 28 At mahal ni Isaac si Esau dahil nagdadala ito ng karneng makakain, pero mahal ni Rebeka si Jacob.+ 29 Isang araw, nagluluto si Jacob ng nilaga nang dumating si Esau mula sa parang na pagod na pagod. 30 Kaya sinabi ni Esau kay Jacob: “Dalian mo, pakisuyo, bigyan mo ako* ng mapulang nilagang iyan,* dahil pagod na pagod* ako!” Kaya naman pinangalanan siyang Edom.*+ 31 Sinabi ni Jacob: “Ipagbili mo muna sa akin ang karapatan mo bilang panganay!”+ 32 Sumagot si Esau: “Mamamatay na ako sa gutom! Ano pa ang silbi ng karapatan ko bilang panganay?” 33 Sinabi ni Jacob: “Sumumpa ka muna sa akin!” Kaya sumumpa ito sa kaniya at ipinagbili kay Jacob ang karapatan nito bilang panganay.+ 34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilagang lentehas, at kumain siya at uminom; pagkatapos, tumayo siya at umalis. Sa gayon, hinamak ni Esau ang karapatan niya bilang panganay.