ARKEOLOHIYA
Ang Biblikal na arkeolohiya ay ang pag-aaral tungkol sa mga tao at mga pangyayari sa Bibliya sa pamamagitan ng kamangha-manghang rekord na nakabaon sa lupa. Ang arkeologo ay naghuhukay at nagsusuri ng mga bato, gumuhong mga pader at mga gusali, at wasak na mga lunsod, bukod pa sa mga kagamitang luwad, mga tapyas na luwad, nakasulat na mga inskripsiyon, mga libingan, at iba pang sinaunang mga labí o mga kasangkapan, na siyang pinagkukunan niya ng impormasyon. Kadalasan nang nakatutulong ang gayong mga pag-aaral upang higit na maunawaan ang mga kalagayan noong isinusulat ang Bibliya at noong nabubuhay ang sinaunang mga taong may pananampalataya, pati ang mga wika na ginamit nila at ng mga grupo ng mga tao sa palibot nila. Napalawak ng mga iyon ang kaalaman natin tungkol sa lahat ng rehiyon na binanggit sa Bibliya: Palestina, Ehipto, Persia, Asirya, Babilonia, Asia Minor, Gresya, at Roma.
Ang Biblikal na arkeolohiya ay isang siyensiya na maituturing na bago pa. Noon lamang 1822 naintindihan ang hieroglyphics ng mga Ehipsiyo, nang mabasa na ang Batong Rosetta. Naunawaan ang cuneiform ng mga Asiryano pagkaraan pa ng mahigit 20 taon. Sinimulan ang sistematikong mga paghuhukay sa Asirya noong 1843 at sa Ehipto naman noong 1850.
Ilang Pangunahing mga Lugar ng Paghuhukay at mga Tuklas. Sa pamamagitan ng arkeolohiya, napagtibay ang maraming detalye sa ulat ng Bibliya may kaugnayan sa mga lupaing iyon at napatunayan ang mga bagay na dati’y kinukuwestiyon ng makabagong mga kritiko. Ang pag-aalinlangan may kinalaman sa Tore ng Babel, ang mga pagtutol sa pag-iral ng Babilonyong hari na nagngangalang Belsasar at ng Asiryanong hari na nagngangalang Sargon (na ang mga pangalan, hanggang noong ikalabinsiyam na siglo C.E., ay hindi matatagpuan sa ibang mapagkukunan ng impormasyon maliban sa rekord ng Bibliya), at ang iba pang negatibong mga kritisismo sa datos ng Bibliya hinggil sa mga lupaing iyon ay naipakita na pawang walang saligan. Sa kabaligtaran pa nga, napakarami ng ebidensiyang nahukay na lubusang kaayon ng ulat ng Kasulatan.
Babilonia. Isiniwalat ng mga paghuhukay sa loob at sa palibot ng sinaunang lunsod ng Babilonya ang mga lugar ng ilang ziggurat, o tulad-piramide at baytang-baytang na mga templong tore, kasama ang wasak na templo ni Etemenanki sa loob ng mga pader ng Babilonya. Madalas na kalakip sa natagpuang mga rekord at mga inskripsiyon may kaugnayan sa gayong mga templo ang mga salitang, “Ang taluktok nito ay aabot sa langit,” at iniulat na sinabi ni Haring Nabucodonosor: “Itinaas ko ang pinakataluktok ng baytang-baytang na Tore sa Etemenanki upang makapantay ng langit ang taluktok nito.” Ang isang piraso ng luwad na labí na natagpuan sa H ng templo ni Marduk sa Babilonya ay maaaring tungkol sa pagbagsak ng gayong tore at sa paggulo sa mga wika, pero wala itong binanggit na ziggurat. (The Chaldean Account of Genesis, ni George Adam Smith, nirebisa at itinuwid [na may mga dagdag] ni A. H. Sayce, 1880, p. 164) Ang ziggurat sa Uruk (Erec sa Bibliya) ay natuklasang gawa sa luwad, mga laryo, at aspalto.—Ihambing ang Gen 11:1-9.
Malapit sa Ishtar Gate sa Babilonya, may nahukay na mga 300 tapyas na cuneiform na nauugnay sa yugto ng paghahari ni Haring Nabucodonosor. Sa mga talaan ng mga pangalan ng mga manggagawa at mga bihag na naninirahan noon sa Babilonya at binibigyan ng mga paglalaan ay lumilitaw ang “Yaukin, hari ng lupain ng Yahud,” samakatuwid ay si “Jehoiakin, ang hari ng lupain ng Juda,” na dinala sa Babilonya nang malupig ni Nabucodonosor ang Jerusalem noong 617 B.C.E. Pinalaya siya ni Awil-Marduk (Evil-merodac), ang kahalili ni Nabucodonosor, mula sa bahay-kulungan at binigyan siya ng pang-araw-araw na panustos na pagkain. (2Ha 25:27-30) Binabanggit din sa mga tapyas na ito ang lima sa mga anak ni Jehoiakin.—1Cr 3:17, 18.
Saganang katibayan ang natagpuan hinggil sa napakaraming diyos ng Babilonya, kasama na rito ang pangunahing diyos na si Marduk, nang maglaon ay karaniwang tinatawag na Bel, at ang diyos na si Nebo, na parehong binanggit sa Isaias 46:1, 2. Ang karamihan sa impormasyon na nasa sariling mga inskripsiyon ni Nabucodonosor ay tungkol sa kaniyang napakalaking programa ng pagtatayo na naging dahilan upang maging isang napakaringal na lunsod ang Babilonya. (Ihambing ang Dan 4:30.) Ang pangalan ng kaniyang kahalili na si Awil-Marduk (tinatawag na Evil-merodac sa 2Ha 25:27) ay mababasa sa isang plorera na natuklasan sa Susa (Elam).
Sa Babilonya rin, sa lugar ng templo ni Marduk, natagpuan ang isang silinder na luwad na naglalahad tungkol kay Haring Ciro na manlulupig ng Babilonya. Isinasalaysay ng silinder na ito kung paano madaling nabihag ni Ciro ang lunsod at binabalangkas din nito ang patakaran niya na isauli sa kani-kanilang tinubuang lupain ang mga bihag na naninirahan sa Babilonya, sa gayo’y katugma ng ulat ng Bibliya na si Ciro ang inihulang manlulupig ng Babilonya at na isinauli sa Palestina ang mga Judio noong panahong naghahari si Ciro.—Isa 44:28; 45:1; 2Cr 36:23.
Malapit sa makabagong Baghdad, noong huling kalahatian ng ika-19 na siglo ay nahukay ang maraming luwad na tapyas at silinder, kasama na ang ngayo’y bantog na Nabonidus Chronicle. Ang lahat ng pagtutol sa rekord ng Daniel kabanata 5 tungkol sa pamamahala ni Belsasar sa Babilonya noong panahon ng pagbagsak nito ay pinawi ng dokumentong iyon, na nagpatunay na si Belsasar, panganay na anak ni Nabonido, ay namahalang kasama ng kaniyang ama at na noong huling bahagi ng kaniyang paghahari, ipinagkatiwala ni Nabonido sa kaniyang anak na si Belsasar ang pamamahala sa Babilonya.
Ang Ur, ang sinaunang tahanan ni Abraham (Gen 11:28-31), ay napatunayan ding isang prominenteng metropolis na may napakaunlad na sibilisasyon. Ito’y isang Sumerianong lunsod at nasa tabi ng Eufrates malapit sa Gulpo ng Persia. Ipinakikita ng mga paghuhukay roon ni Sir Leonard Woolley na ito’y nasa karurukan ng kapangyarihan at kabantugan nito noong panahong lisanin ito ni Abraham upang pumaroon sa Canaan (bago 1943 B.C.E.). Sa lahat ng templong ziggurat na natagpuan, yaong nasa Ur ang pinakanaingatan. Nakuha sa maharlikang mga libingan ng Ur ang maraming napakaartistikong kagamitang ginto at alahas, gayundin ang mga panugtog gaya ng alpa. (Ihambing ang Gen 4:21.) May natagpuan ding isang maliit na palakol na asero, na hindi basta bakal. (Ihambing ang Gen 4:22.) Natuklasan din doon ang libu-libong tapyas na luwad na nagsiwalat ng maraming detalye tungkol sa pamumuhay ng mga tao halos 4,000 taon na ang nakalilipas.—Tingnan ang UR Blg. 2.
Asirya. Noong 1843, malapit sa Khorsabad, sa isang sangang-ilog ng Ilog Tigris sa hilaga, natuklasan ang palasyo ng Asiryanong si Haring Sargon II, na itinayo sa isang plataporma na may lawak na halos 10 ektarya (25 akre), at dahil sa higit pang paghuhukay roon ng mga arkeologo, ang haring ito na binanggit sa Isaias 20:1, bagaman dating di-kilala sa sekular na mga rekord, ay naging prominente sa kasaysayan. (LARAWAN, Tomo 1, p. 960) Sa isa sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan, inangkin niyang nabihag niya ang Samaria (740 B.C.E.). Itinala rin niya ang pagkabihag ng Asdod, na binanggit sa Isaias 20:1. Bagaman dati’y itinuturing ng maraming prominenteng iskolar bilang di-umiiral, si Sargon II ngayon ang isa sa pinakakilalá sa mga hari ng Asirya.
Sa Nineve, kabisera ng Asirya, ay nahukay ang pagkalaki-laking palasyo ni Senakerib, na may mga 70 silid, anupat ang mga pader nito ay nababalutan ng nililok na malalapad na bato sa haba na mahigit 3,000 m (halos 10,000 piye). Sa isa sa mga ito ay ipinakikita ang mga bilanggong Judio na dinadala sa pagkabihag matapos bumagsak ang Lakis noong 732 B.C.E. (2Ha 18:13-17; 2Cr 32:9; LARAWAN, Tomo 1, p. 952) Higit pang kapansin-pansin ang mga ulat ng kasaysayan ni Senakerib na natagpuan sa Nineve, anupat nakatala ang mga ito sa mga prisma (mga silinder na luwad). Sa ilang prisma, inilalarawan ni Senakerib ang kampanya ng mga Asiryano laban sa Palestina noong paghahari ni Hezekias (732 B.C.E.), ngunit kapansin-pansin na hindi inangkin ng hambog na monarka na nabihag niya ang Jerusalem, sa gayo’y pinagtitibay ang ulat ng Bibliya. (Tingnan ang SENAKERIB.) Nakatala rin sa isang inskripsiyon ni Esar-hadon, kahalili ni Senakerib, ang ulat tungkol sa pagpatay kay Senakerib ng kaniyang mga anak, at ang pagpatay na iyon ay tinutukoy sa isang inskripsiyon ng sumunod na hari. (2Ha 19:37) Bukod sa pagbanggit ni Senakerib kay Haring Hezekias, ang mga pangalan ng mga hari ng Juda na sina Ahaz at Manases, at ang mga pangalan ng mga hari ng Israel na sina Omri, Jehu, Jehoas, Menahem, at Hosea, pati ni Hazael ng Damasco, ay pawang lumilitaw sa mga rekord na cuneiform ng iba’t ibang emperador ng Asirya.
Persia. Malapit sa Behistun, Iran (sinaunang Persia), ipinaukit ni Haring Dario I (521-486 B.C.E.; Ezr 6:1-15) sa isang mataas na batong-apog na dalisdis ang isang pagkalaki-laking inskripsiyon, na naglalahad kung paano niya pinagkaisa ang Imperyo ng Persia anupat kinilala rin niya na nagtagumpay siya dahil sa kaniyang diyos na si Ahura Mazda. Palibhasa’y itinala ito sa tatlong wika, Babilonyo (Akkadiano), Elamita, at matandang Persiano, nakatulong ito nang malaki upang maunawaan ang Asiro-Babilonyong cuneiform, na hanggang noong panahong iyon ay hindi pa nauunawaan. Dahil sa inskripsiyong ito, mababasa na ngayon ang libu-libong tapyas na luwad at inskripsiyon na nasa wikang Babilonyo.
Sa Susan, kung saan naganap ang mga pangyayari sa aklat ng Esther, ang mga arkeologong Pranses ay naghukay sa pagitan ng 1880 at 1890. (Es 1:2) Natuklasan doon ang maharlikang palasyo ni Jerjes, na may lawak na mga 1 ektarya (2.5 akre), anupat isinisiwalat ang karilagan at karingalan ng mga haring Persiano. Pinatotohanan ng mga tuklas ang pagiging eksakto ng mga detalyeng iniulat ng manunulat ng Esther may kaugnayan sa administrasyon ng kaharian ng Persia at sa kayarian ng palasyo. Ang aklat na The Monuments and the Old Testament ni I. M. Price (1946, p. 408) ay nagkomento: “Walang pangyayaring inilarawan sa Matandang Tipan ang may istraktural na kapaligirang maisasauli nang makatotohanan at may-katumpakan mula sa aktuwal na mga paghuhukay na gaya ng ‘Palasyo ng Susan.’”—Tingnan ang SUSAN.
Mari at Nuzi. Ang sinaunang maharlikang lunsod ng Mari (Tell Hariri) malapit sa Ilog Eufrates, mga 11 km (7 mi) sa HHK ng Abu Kemal sa TS Sirya, ay naging lugar ng mga paghuhukay mula noong 1933. Natuklasan doon ang isang pagkalaki-laking palasyo na may lawak na mga 6 na ektarya (15 akre) at 300 silid, at ang mga artsibo nito ay may mahigit sa 20,000 tapyas na luwad. Bukod sa maharlikang mga silid, mayroon din itong mga opisinang pampangasiwaan at isang paaralan para sa mga eskriba. Ang marami sa mga dingding ay napapalamutian ng malalaking miyural ng ipinintang larawan o mga alpresko, may mga bathtub sa mga banyo, at may natagpuang mga hulmahan ng keyk sa mga kusina. Waring ang lunsod na ito ang isa sa pinakanamumukod-tangi at pinakakahanga-hanga noong yugtong iyon ng maagang bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E. Kabilang sa mga teksto ng mga tapyas na luwad ang mga batas ng hari, mga patalastas sa publiko, mga kuwenta, mga pag-uutos na magtayo ng mga kanal at mga trangkahan para sa mga ito, mga prinsa, at iba pang mga proyekto sa irigasyon, gayundin ang mga liham may kinalaman sa pag-angkat, pagluluwas, at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Malimit magsagawa roon ng mga sensus may kaugnayan sa pagbubuwis at pangangalap para sa militar. Prominente roon ang relihiyon, partikular na ang pagsamba kay Ishtar, ang diyosa ng pag-aanak, na ang templo ay natagpuan din. Gaya sa Babilonya, nagsagawa rin doon ng panghuhula sa pamamagitan ng pagsusuri sa atay, astronomiya, at katulad na mga pamamaraan. Halos lubusang winasak ng Babilonyong si Haring Hammurabi ang lunsod. Partikular na nakatatawag-pansin ang paglitaw ng mga pangalang Peleg, Serug, Nahor, Tera, at Haran, na pawang nakatala bilang mga lunsod ng hilagang Mesopotamia at nagpapaalaala sa mga pangalan ng mga kamag-anak ni Abraham.—Gen 11:17-32.
Sa Nuzi naman, isang sinaunang lunsod sa dakong S ng Tigris at TS ng Nineve, na hinukay noong 1925-1931, ay natagpuan ang isang mapa na nakaukit sa luwad, ang pinakamatandang mapa na natuklasan, gayundin ang mga ebidensiya na noon pa mang ika-15 siglo B.C.E. ay isinasagawa na roon ang pagbili at pagbebenta nang hulugan. Nakahukay rin doon ng mga 20,000 tapyas na luwad, ipinapalagay na isinulat ng mga eskribang Hurriano sa wikang Babilonyo. Ang mga ito ay naglalaman ng napakaraming detalye tungkol sa mga batas noong panahong iyon, na may kinalaman sa mga bagay na gaya ng pag-aampon, mga kontrata sa pag-aasawa, mga karapatan sa pagmamana, at mga testamento. Makikitang may ilang pagkakatulad ang mga ito sa mga kaugaliang inilalarawan sa ulat ng Genesis may kaugnayan sa mga patriyarka. Ang kaugalian ng mag-asawang walang anak na mag-ampon ng bata, iyon man ay ipinanganak na malaya o alipin, upang mag-alaga sa kanila, maglibing sa kanila, at maging kanilang tagapagmana, ay may pagkakahawig sa pananalita ni Abraham sa Genesis 15:2 tungkol sa kaniyang pinagkakatiwalaang alipin na si Eliezer. Inilalarawan sa mga teksto ang pagbibili ng pagkapanganay, na nagpapaalaala sa kaso nina Jacob at Esau. (Gen 25:29-34) Ipinakikita rin sa mga iyon na ang pagmamay-ari ng mga diyos ng pamilya, kadalasa’y maliliit na piguring luwad, ay itinuturing na katumbas ng pagtataglay ng titulo, anupat ang isa na nagmamay-ari ng mga diyos ay itinuturing na siyang may karapatan sa ari-arian o sa pagmamana nito. Maaaring iyon ang dahilan kung bakit kinuha ni Raquel ang terapim ng kaniyang amang si Laban at kung bakit gayon na lamang ang pagkabahala nito na mabawi ang mga iyon.—Gen 31:14-16, 19, 25-35.
Ehipto. Ang pinakadetalyadong paglalarawan sa Bibliya tungkol sa Ehipto ay may kaugnayan sa pagpasok doon ni Jose at, nang maglaon, sa pagdating at pakikipamayan doon ng buong pamilya ni Jacob. Ipinakikita ng mga natuklasan sa arkeolohiya na tumpak na tumpak ang paglalarawang iyon, anupat hindi iyon maihaharap sa gayong paraan ng isang manunulat na nabuhay nang dakong huli (gaya ng sinasabi ng ilang kritiko tungkol sa sumulat ng bahaging iyon ng ulat ng Genesis). Gaya nga ng sinabi ng aklat na New Light on Hebrew Origins ni J. G. Duncan (1936, p. 174) may kinalaman sa manunulat ng ulat tungkol kay Jose: “Gumagamit siya ng tamang titulo na ginagamit noon at ginagamit niya iyon sa eksaktong paraan ng paggamit noong yugtong tinutukoy, at, kapag walang katumbas sa Hebreo, ginagamit na lamang niya ang salitang Ehipsiyo at tinutumbasan ito ng transliterasyon sa Hebreo.” Ang mga pangalang Ehipsiyo, ang posisyon ni Jose bilang tagapamahala sa sambahayan ni Potipar, ang mga bahay-bilangguan, ang mga titulong “pinuno ng mga katiwala ng kopa” at “pinuno ng mga magtitinapay,” ang kahalagahan ng mga panaginip sa mga Ehipsiyo, ang kaugalian ng mga magtitinapay na Ehipsiyo na sunungin sa kanilang ulo ang mga basket ng tinapay (Gen 40:1, 2, 16, 17), ang posisyon bilang punong ministro at administrador ng pagkain na iginawad ni Paraon kay Jose, ang paraan ng pagtatalaga sa kaniya sa katungkulan, ang pagkarimarim ng mga Ehipsiyo sa mga tagapagpastol ng tupa, ang malaking impluwensiya ng mga mahiko sa korte ng Ehipto, ang paninirahan ng nakikipamayang mga Israelita sa lupain ng Gosen, ang mga kaugalian ng mga Ehipsiyo sa paglilibing—ang lahat ng ito at ang marami pang ibang bagay na inilalarawan sa rekord ng Bibliya ay malinaw na pinatutunayan ng arkeolohikal na mga katibayan mula sa Ehipto.—Gen 39:1–47:27; 50:1-3.
Sa Karnak (sinaunang Thebes), na nasa tabi ng Ilog Nilo, ay masusumpungan ang isang pagkalaki-laking templong Ehipsiyo, anupat sa pader nito sa T ay may inskripsiyon na nagpapatotoo sa kampanya ng Ehipsiyong si Haring Sisak (Sheshonk I) sa Palestina, na inilalarawan naman sa 1 Hari 14:25, 26 at 2 Cronica 12:1-9. Makikita sa ubod-laking relyebe na naglalarawan ng kaniyang mga tagumpay ang 156 na bilanggong Palestino na nakaposas, bawat isa’y kumakatawan sa isang lunsod o nayon, na ang pangalan ay nakasulat sa hieroglyphics. Kabilang sa mga pangalang mababasa roon ang Rabit (Jos 19:20), Taanac, Bet-sean at Megido (kung saan nahukay ang isang bahagi ng isang stela, o haliging may inskripsiyon, ni Sisak) (Jos 17:11), Sunem (Jos 19:18), Rehob (Jos 19:28), Haparaim (Jos 19:19), Gibeon (Jos 18:25), Bet-horon (Jos 21:22), Aijalon (Jos 21:24), Socoh (Jos 15:35), at Arad (Jos 12:14). Itinala pa nga niya ang “Bukid ni Abram” bilang isa sa kaniyang mga nabihag, anupat ito ang pinakamaagang pagtukoy kay Abraham sa mga rekord ng Ehipto. Natagpuan din sa lugar na iyon ang isang bantayog ni Merneptah, anak ni Ramses II, na kababasahan ng isang himno na doo’y matatagpuan ang kaisa-isang paglitaw ng pangalang Israel sa sinaunang mga tekstong Ehipsiyo.
Sa Tell el-Amarna, mga 270 km (170 mi) sa T ng Cairo, isang babaing magbubukid ang sa di-sinasadya’y nakasumpong ng mga tapyas na luwad na naging dahilan naman upang matuklasan ang maraming dokumento sa wikang Akkadiano mula sa maharlikang mga artsibo ni Amenhotep III at ng kaniyang anak na si Akhenaton. Ang 379 na tapyas na inilathala ay binubuo ng mga liham kay Paraon mula sa mga basalyong prinsipe ng maraming kahariang-lunsod sa Sirya at Palestina, kasama ang ilan mula sa gobernador ng Urusalim (Jerusalem), at nagsisiwalat ng mga pagdidigmaan at intriga na lubusang kasuwato ng paglalarawan ng Kasulatan sa mga panahong iyon. Ang “Habiru,” na maraming beses na inirereklamo sa mga liham na ito, ay ipinapalagay ng ilan na tumutukoy sa mga Hebreo, ngunit ipinakikita ng katibayan na ang mga ito ay iba’t ibang grupo ng pagala-galang mga tao na may mababang katayuan sa lipunan noong yugtong iyon.—Tingnan ang HEBREO, I (Ang mga “Habiru”).
Ang Elephantine, isang pulo sa Nilo sa dulong T ng Ehipto (malapit sa Aswan) na kilala sa pangalang Griegong iyon, ay naging lugar ng isang kolonyang Judio matapos bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Maraming dokumento sa wikang Aramaiko, karamiha’y nasa papiro, ang natagpuan doon noong 1903, anupat ipinapalagay na ang mga ito ay mula pa nang ikalimang siglo B.C.E. noong nagpupuno ang Imperyo ng Medo-Persia. Binabanggit sa mga dokumento si Sanbalat, ang gobernador ng Samaria.—Ne 4:1.
Walang alinlangang ang pinakamahahalagang tuklas mula sa Ehipto ay ang papirong mga piraso at mga bahagi ng mga aklat ng Bibliya, kapuwa ng Hebreo at ng Griegong Kasulatan, na mula pa noong ikalawang siglo B.C.E. Dahil sa tuyong klima at mabuhanging lupa ng Ehipto, ito ay naging isang napakahusay na imbakan ng gayong mga dokumentong papiro.—Tingnan ang MANUSKRITO NG BIBLIYA, MGA.
Palestina at Sirya. Nakahukay sa mga lugar na ito ng mga 600 lokasyon na matutukoy kung kailan umiral. Ang karamihan sa impormasyong nakuha ay may pangkalahatang kahalagahan, anupat sumusuporta sa rekord ng Bibliya sa malawak na paraan sa halip na espesipikong nauugnay sa partikular na mga detalye o mga pangyayari. Bilang halimbawa, noong nakalipas na mga panahon, sinikap ng ilan na siraan ang ulat ng Bibliya tungkol sa lubos na pagkatiwangwang ng Juda noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya. Gayunman, sa pangkalahatan, pinatutunayan ng isinagawang mga paghuhukay ang ulat ng Bibliya. Gaya nga ng sinabi ni W. F. Albright: “Wala ni isa mang nalalamang kaso na ang isang bayan sa mismong Juda ay patuluyang pinanirahan sa buong yugto ng pagkatapon. Bilang pagpapakita ng pagkakaiba, ang Bethel, na nasa labas lamang ng hilagaang hangganan ng Juda noong mga panahon bago ang pagkatapon, ay hindi winasak noong panahong iyon, kundi patuluyang pinanirahan hanggang noong huling bahagi ng ikaanim na siglo.”—The Archaeology of Palestine, 1971, p. 142.
Ang Bet-san (Bet-sean), isang sinaunang tanggulang lunsod na dinaraanan papasok sa Libis ng Jezreel mula sa S, ay naging lokasyon ng malakihang mga paghuhukay na nagsiwalat ng 18 iba’t ibang patong ng paninirahan, anupat kinailangan itong hukayin hanggang sa lalim na 21 m (70 piye). (DAYAGRAM, Tomo 1, p. 959) Ipinakikita ng ulat ng Kasulatan na ang Bet-san ay hindi kabilang sa mga bayan na pinanirahan ng sumasalakay na mga Israelita noong pasimula at na pinaninirahan iyon ng mga Filisteo noong panahon ni Saul. (Jos 17:11; Huk 1:27; 1Sa 31:8-12) Sa pangkalahatan ay sinusuportahan ng mga paghuhukay ang rekord na ito at ipinahihiwatig ng mga iyon na winasak ang Bet-san ilang panahon pagkatapos na mabihag ng mga Filisteo ang kaban ng tipan. (1Sa 4:1-11) Partikular na nakatatawag-pansin ang pagkatuklas sa ilang templong Canaanita sa Bet-san. Sinasabi ng 1 Samuel 31:10 na ang baluti ni Haring Saul ay inilagay ng mga Filisteo “sa bahay ng mga imahen ni Astoret, at ang kaniyang bangkay ay ibinitin nila sa pader ng Bet-san,” samantalang sinasabi ng 1 Cronica 10:10 na “inilagay nila ang kaniyang baluti sa bahay ng kanilang diyos, at ang bungo niya ay ibinitin nila sa bahay ni Dagon.” Dalawa sa mga templong nahukay ang mula sa iisang yugto ng panahon at ipinakikita ng katibayan na ang isa ay templo ni Astoret, samantalang ang isa naman ay ipinapalagay na templo ni Dagon, sa gayo’y kasuwato ng nabanggit na mga teksto na nagpapahiwatig na nagkaroon ng dalawang templo sa Bet-san.
Ang Ezion-geber ang daungang lunsod ni Solomon sa Gulpo ng ʽAqaba. Posibleng ito ang makabagong-panahong Tell el-Kheleifeh, na hinukay noong 1937-1940 at kinakitaan ng katibayan na nagkaroon doon ng isang tunawan ng tanso, yamang may natagpuang mga linab ng tanso at maliliit na piraso ng inambato ng tanso sa isang mababang gulod sa rehiyong iyon. Gayunman, sa isang artikulo sa The Biblical Archaeologist (1965, p. 73), lubusang binago ng arkeologong si Nelson Glueck ang kaniyang orihinal na mga konklusyon tungkol sa lugar na iyon. Ang kaniyang dating opinyon na may ginamit doon na isang hurnuhang tunawan ng metal ay salig sa pagkatuklas ng sa wari’y “mga butas na daanan ng hangin” sa pangunahing gusali na nahukay. Ipinapalagay na niya ngayon na ang mga butas na ito sa mga dingding ng gusali ay resulta ng “pagkabulok at/o pagkasunog ng mga bigang kahoy na inilagay nang pahalang sa kalaparan ng mga dingding bilang pampatibay o pampatatag.” Ang gusali, na dati’y ipinapalagay na isang tunawan, ay pinaniniwalaan ngayon na isang istrakturang imbakan ng butil. Bagaman pinaniniwalaan pa rin na nagsagawa roon ng mga gawaing nauugnay sa metalurhiya, ang mga iyon ay hindi na ipinapalagay na napakalawak gaya ng dating inaakala. Idiniriin nito ang katotohanan na ang pagpapakahulugan sa mga tuklas sa arkeolohiya ay pangunahin nang nakadepende sa indibiduwal na interpretasyon ng arkeologo, na posible namang magkamali. Ang Bibliya mismo ay walang binabanggit na industriya ng tanso sa Ezion-geber, anupat ang inilalarawan lamang nito ay ang paghuhulma ng mga kagamitang tanso sa isang lugar sa Libis ng Jordan.—1Ha 7:45, 46.
Ang Hazor sa Galilea ay inilalarawan noong panahon ni Josue bilang “ulo ng lahat ng mga kahariang ito.” (Jos 11:10) Ipinakita ng mga paghuhukay roon na ang lunsod ay dating sumasaklaw nang mga 60 ektarya (150 akre), anupat may malaking populasyon, sa gayo’y isa sa mga pangunahing lunsod sa rehiyong iyon. Pinatibay ni Solomon ang lunsod, at ipinakikita ng katibayan mula sa yugtong iyon na maaaring ito’y naging isang lunsod ng karo.—1Ha 9:15, 19.
Nagsagawa ng mga paghuhukay sa Jerico sa tatlong magkakaibang ekspedisyon (1907-1909; 1930-1936; 1952-1958) at, muli, ipinakikita ng magkakasunod na mga interpretasyon sa mga tuklas doon na ang arkeolohiya, tulad ng iba pang mga larangan ng siyensiya ng tao, ay hindi pinagmumulan ng tiyak at di-nagbabagong impormasyon. Ang bawat isa sa tatlong ekspedisyon ay may nakuhang datos, ngunit ang bawat isa ay sumapit sa magkakaibang konklusyon may kinalaman sa kasaysayan ng lunsod at partikular na hinggil sa petsa ng pagbagsak nito sa harap ng mga manlulupig na Israelita. Gayunpaman, masasabing inihaharap ng pinagsama-samang mga resulta ang pangkalahatang larawan na inilahad sa aklat na Biblical Archaeology, ni G. E. Wright (1962, p. 78), na nagsasabi: “Ang lunsod ay sumailalim sa isang kahila-hilakbot na pagkawasak o sa sunud-sunod na pagkawasak noong ikalawang milenyo B.C., at halos hindi pinanirahan sa loob ng maraming salinlahi.” Ang pagkawasak ay may kasamang napakalakas na apoy, gaya ng ipinakikita ng nahukay na katibayan.—Ihambing ang Jos 6:20-26.
Sa Jerusalem, natuklasan noong 1867 ang isang sinaunang paagusan ng tubig, na nagmumula sa bukal ng Gihon patungo sa burol sa likuran. (Tingnan ang GIHON Blg. 2.) Maaari itong magbigay-linaw sa ulat sa 2 Samuel 5:6-10 tungkol sa pagbihag ni David sa lunsod. Noong 1909-1911, hinawan ang buong sistema ng mga paagusan na konektado sa bukal ng Gihon. Ang isang paagusan, tinatawag na Paagusan ng Siloam, ay may katamtamang taas na 1.8 m (6 na piye) at inuka sa bato sa distansiya na mga 533 m (1,749 na piye) mula sa Gihon hanggang sa Tipunang-tubig ng Siloam sa Libis ng Tyropoeon (sa loob ng lunsod). Kaya naman waring ito ang proyekto ni Haring Hezekias na inilalarawan sa 2 Hari 20:20 at 2 Cronica 32:30. Lubhang kapansin-pansin ang sinaunang inskripsiyon sa pinakadingding ng paagusang ito na nakasulat sa sinaunang sulat Hebreo at naglalarawan kung paano inuka ang paagusan at kung gaano ito kahaba. Ginagamit ang inskripsiyong ito sa paghahambing upang mapetsahan ang iba pang mga inskripsiyong Hebreo na natagpuan.
Ang Lakis, 44 na km (27 mi) sa KTK ng Jerusalem, ay isang pangunahing tanggulan na nagsilbing depensa ng maburol na lupain ng Juda. Sa Jeremias 34:7, binanggit ng propeta na ang mga hukbo ni Nabucodonosor ay nakipaglaban sa “Jerusalem at sa lahat ng mga lunsod ng Juda na nalalabi, laban sa Lakis at laban sa Azeka; sapagkat ang mga iyon, na mga nakukutaang lunsod, ang siyang nalabi sa mga lunsod ng Juda.” Ipinakikita ng mga paghuhukay sa Lakis na dalawang beses itong nawasak sa pamamagitan ng apoy sa loob lamang ng ilang taon, pinaniniwalaang tumutukoy sa dalawang pagsalakay ng mga Babilonyo (618-617 at 609-607 B.C.E.), anupat pagkatapos ay hindi na ito tinahanan sa loob ng mahabang panahon.
Sa mga abo ng ikalawang pagkasunog ay may natagpuang 21 ostracon (mga piraso ng mga kagamitang luwad na inukitan ng mga sulat), na pinaniniwalaang mga liham na isinulat di-kalaunan bago mawasak ang lunsod noong huling pagsalakay ni Nabucodonosor. Ang mga liham na ito, tinatawag na Lachish Letters, ay nagpapahiwatig ng isang yugto ng krisis at kabalisahan at waring isinulat mula sa natitirang mga himpilan ng mga hukbong Judeano para kay Yaosh, isang kumandante ng militar sa Lakis. (LARAWAN, Tomo 1, p. 325) Ang liham bilang IV ay naglalaman ng ganitong pananalita: “Hayaan nawa ni YHWH [samakatuwid nga, ni Jehova] na makarinig ngayon mismo ng mabuting pabalita ang aking panginoon. . . . inaabangan namin ang mga hudyat na apoy ng Lakis, ayon sa lahat ng tanda na ibinibigay ng aking panginoon, sa dahilang hindi namin makita ang Azeka.” Kapansin-pansing inilalahad ng pananalitang ito ang situwasyong inilalarawan sa Jeremias 34:7, na sinipi sa sinundang parapo, at waring ipinahihiwatig nito na ang Azeka ay bumagsak na o kaya’y hindi makapagpadala ng hinihintay na mga hudyat na apoy o usok.
Ang liham bilang III, na isinulat ni “Hosaias,” ay kababasahan ng sumusunod: “Hayaan nawa ni YHWH [samakatuwid nga, ni Jehova] na makarinig ng pabalita ng kapayapaan ang aking panginoon! . . . At iniulat sa iyong lingkod na sinasabi, ‘Ang kumandante ng hukbo, si Conias na anak ni Elnatan, ay bumaba upang pumaroon sa Ehipto, at kay Hodavias na anak ni Ahias at sa kaniyang mga tauhan ay nagpasugo siya upang kumuha [ng mga panustos] mula sa kaniya.’” Ang pananalitang ito ay maaaring tumutukoy sa pagbaling ng Juda sa Ehipto upang magpatulong, na hinatulan naman ng mga propeta. (Jer 46:25, 26; Eze 17:15, 16) Ang mga pangalang Elnatan at Hosaias, na lumilitaw sa kumpletong teksto ng liham na ito, ay matatagpuan din sa Jeremias 36:12 at Jeremias 42:1. Ang iba pang mga pangalan na masusumpungan sa mga liham ay lumilitaw rin sa aklat ng Jeremias: Gemarias (36:10), Nerias (32:12), at Jaazanias (35:3). Hindi masabi kung ang alinman sa mga iyon ay tumutukoy sa magkakaparehong indibiduwal o hindi, ngunit nakatatawag-pansin ang pagkakatulad yamang sa yugtong iyon nabuhay si Jeremias.
Kapansin-pansin na malimit gamitin ang Tetragrammaton sa mga liham na ito, anupat ipinakikita nito na noong panahong iyon ay hindi iniiwasan ng mga Judio ang paggamit sa banal na pangalan. Kawili-wili ring pansinin ang natagpuang piraso ng luwad na may marka ng pantatak na tumutukoy kay “Gedalias, na nangangasiwa sa sambahayan.” Gedalias ang pangalan ng gobernador na inatasan ni Nabucodonosor na mamahala sa Juda pagkatapos na bumagsak ang Jerusalem, at ipinapalagay ng marami na malamang na siya ang tinutukoy sa marka ng pantatak.—2Ha 25:22; ihambing ang Isa 22:15; 36:3.
Ang Megido ay isang estratehikong tanggulang lunsod na kumokontrol noon sa isang mahalagang daanan patungo sa Libis ng Jezreel. Muli itong itinayo ni Solomon at binabanggit ito kasama ng mga imbakang lunsod at mga lunsod ng karo noong siya’y naghahari. (1Ha 9:15-19) Sa lugar na iyon (Tell el-Mutesellim), na isang gulod na may lawak na 5.3 ektarya (13 akre), ay nakahukay ng mga istraktura na ipinapalagay ng ilang iskolar na mga kuwadra na mapaglalagyan ng mga 450 kabayo. Noong una, ipinapalagay na ang mga istrakturang ito ay mula sa panahon ni Solomon, ngunit binago ng mas huling mga iskolar ang petsang ito at itinalaga ang mga ito sa isang mas huling yugto, marahil ay noong panahon ni Ahab.
Ang Batong Moabita ay isa sa kauna-unahang mahahalagang tuklas sa lugar na nasa gawing S ng Jordan. (LARAWAN, Tomo 1, p. 325) Ito ay natagpuan noong 1868 sa Dhiban, sa H ng Libis ng Arnon, at naglalahad ng bersiyon ng Moabitang si Haring Mesa tungkol sa paghihimagsik niya laban sa Israel. (Ihambing ang 2Ha 1:1; 3:4, 5.) Ang isang bahagi ng inskripsiyon ay nagsasabi: “Ako (si) Mesa, anak ni Kemos-[. . . ], hari ng Moab, ang Dibonita . . . Tungkol kay Omri, hari ng Israel, nilupig niya ang Moab nang maraming taon (sa literal, mga araw), sapagkat galít si Kemos [diyos ng Moab] sa kaniyang lupain. At tinularan siya ng kaniyang anak at sinabi rin nito, ‘Lulupigin ko ang Moab.’ Noong panahon ko ay nagsalita siya (nang gayon), ngunit nagapi ko siya at ang kaniyang sambahayan, samantalang ang Israel naman ay napuksa magpakailanman! . . . At sinabi sa akin ni Kemos, ‘Humayo ka, bawiin mo ang Nebo sa Israel!’ Kaya isang gabi ay pumaroon ako at nakipagdigma laban doon mula bukang-liwayway hanggang katanghalian, anupat binawi ko iyon at pinatay ang lahat . . . At kinuha ko mula roon ang [mga sisidlan] ni Yahweh, at dinala ang mga ito sa harap ni Kemos.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 320) Kaya hindi lamang ang pangalan ni Haring Omri ng Israel ang binabanggit sa bato kundi kababasahan din ito, sa ika-18 linya, ng pangalan ng Diyos sa anyong Tetragrammaton.
Binabanggit din sa Batong Moabita ang maraming lugar na tinukoy sa Bibliya: Atarot at Nebo (Bil 32:34, 38); ang Arnon, Aroer, Medeba, at Dibon (Jos 13:9); Bamot-baal, Bet-baal-meon, Jahaz, at Kiriataim (Jos 13:17-19); Bezer (Jos 20:8); Horonaim (Isa 15:5); Bet-diblataim at Keriot. (Jer 48:22, 24) Sa gayon ay sinusuportahan nito ang pagiging tunay ng lahat ng mga lugar na iyon.
Sa Ras Shamra (sinaunang Ugarit), na nasa H baybayin ng Sirya at katapat ng pulo ng Ciprus, ay may nakuhang impormasyon tungkol sa pagsamba na kahawig na kahawig niyaong sa Canaan, lakip ang gayunding mga diyos at mga diyosa, mga templo, mga “sagradong” patutot, mga ritwal, mga hain, at mga dasal. Isang silid ang natuklasan sa pagitan ng isang templo para kay Baal at ng isa pang templo na nakaalay kay Dagon at ito’y naglalaman ng isang aklatan na may daan-daang tekstong relihiyoso na ipinapalagay na mula noong ika-15 siglo at maagang bahagi ng ika-14 na siglo B.C.E. Ang mitolohikal na mga tekstong patula ay maraming isinisiwalat tungkol sa mga diyos ng Canaan na sina El, Baal, at Asera at sa karumal-dumal na anyo ng idolatriya na bahagi ng pagsamba sa kanila. Sa kaniyang aklat na Archaeology and the Old Testament (1964, p. 175), si Merrill F. Unger ay nagkomento: “Nakatulong ang Ugaritikong panitikang epiko upang masiwalat kung gaano katindi ang kabalakyutan ng relihiyong Canaanita. Palibhasa’y isang napakasamang uri ng politeismo, ang mga gawain ng kultong Canaanita ay malupit at napakahalay.” May natagpuan din doon na mga imahen ni Baal at ng iba pang mga diyos. (Tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA [Mga Bathala ng Canaan].) Naiiba ang nabanggit na mga teksto dahil isinulat ang mga iyon sa isang dati’y di-kilalang uri ng alpabetikong cuneiform (iba sa cuneiform na Akkadiano). Ang pagkakasunud-sunod nito ay katulad ng sa Hebreo ngunit may karagdagan pa itong mga titik anupat umaabot sa kabuuang 30. Gaya sa Ur, nakahukay rin doon ng isang aserong palakol na pandigma.
Ang Samaria, ang matibay na nakukutaang kabisera ng hilagang kaharian ng Israel, ay itinayo sa isang burol na mga 90 m (295 piye) ang taas mula sa pinakasahig ng libis. Ang ebidensiya na nakatagal ito sa mahahabang pagkubkob, gaya ng mga inilalarawan sa 2 Hari 6:24-30 may kaugnayan sa Sirya, at sa 2 Hari 17:5 may kaugnayan sa makapangyarihang hukbong Asiryano, ay ang mga labí ng matitibay na doblihang pader, na sa ilang dako ay nagiging balwarte na may lapad na 10 m (33 piye). Ang masoneriya ng mga bato na nasumpungan sa lugar na ito, ipinapalagay na mula sa panahon ng mga haring sina Omri, Ahab, at Jehu, ay napakahusay. Ang sa wari’y plataporma ng palasyo ay may lapad na mga 90 m (295 piye) at haba na mga 180 m (590 piye). Maraming piraso, plake, at entrepanyong garing ang natagpuan sa lugar ng palasyo, na maaaring nagmula sa bahay na garing ni Ahab na binanggit sa 1 Hari 22:39. (Ihambing ang Am 6:4.) Sa HK panulukan ng pinakataluktok ay may natagpuang isang malaki at sementadong tipunang-tubig, na may haba na mga 10 m (33 piye) at lapad na mga 5 m (17 piye). Maaaring ito ang “tipunang-tubig ng Samaria,” kung saan hinugasan ang karo ni Ahab upang maalis doon ang kaniyang dugo.—1Ha 22:38.
Natagpuan din sa Samaria ang 63 piraso ng basag na palayok (mga ostracon) na may mga inskripsiyong tinta, ipinapalagay na mula noong ikawalong siglo B.C.E. Ang mga resibo para sa alak at langis na ipinadala sa Samaria mula sa ibang mga bayan ay kakikitaan ng isang Israelitang sistema ng pagsulat ng mga numero na gumagamit ng mga guhit na patindig, pahalang, at pahilis. Ang karaniwang resibo ay kababasahan ng ganito:
Noong ikasampung taon.
Kay Gaddiyau [malamang na ang katiwala ng ingatang-yaman].
Mula sa Azah [marahil ay ang nayon o distrito na nagpadala ng alak o langis].
Abi-ba‛al 2
Ahaz 2
Sheba 1
Meriba‛al 1
Isinisiwalat din ng mga resibong ito na malimit gamitin noon ang pangalang Baal bilang bahagi ng mga pangalan, anupat mga 7 pangalan ang nagtataglay ng pangalang ito sa bawat 11 na may isang anyo ng pangalang Jehova, malamang na indikasyon ng pagpasok ng pagsamba kay Baal gaya ng inilalarawan sa ulat ng Bibliya.
Ang maapoy na pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra at ang pagkakaroon ng mga hukay ng bitumen (aspalto) sa rehiyong iyon ay inilalarawan sa Bibliya. (Gen 14:3, 10; 19:12-28) Naniniwala ang maraming iskolar na posibleng ang tubig ng Dagat na Patay ay tumaas noong nakalipas na mga panahon anupat ang timugang dulo ng dagat ay umabot sa malayo at tumakip sa ipinapalagay na dating lokasyon ng dalawang lunsod na ito. Ipinakikita ng mga paggagalugad doon na ang lugar na iyon ay isang sunóg na pook ng langis at aspalto. Tungkol sa bagay na ito, ang aklat na Light From the Ancient Past, ni Jack Finegan (1959, p. 147), ay nagsabi: “Ang isang maingat na pagsusuri sa pampanitikan, heolohikal, at arkeolohikal na katibayan ay umaakay sa konklusyon na ang bantog sa kasamaang ‘mga lunsod ng libis’ (Genesis 19:29) ay nasa lugar na nakalubog na ngayon . . . at na winasak ang mga iyon sa pamamagitan ng isang malakas na lindol, malamang na may kasamang mga pagsabog, kidlat, pagliyab ng natural na gas, at malawakang sunog.”—Tingnan din ang SODOMA.
Arkeolohiya at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang paggamit ni Jesus ng isang baryang denario na may larawan ng ulo ni Tiberio Cesar (Mar 12:15-17) ay pinatutunayan ng pagkatuklas ng isang pilak na baryang denario na may larawan ng ulo ni Tiberio at ginamit noong mga taóng 15 C.E. (LARAWAN, Tomo 2, p. 544) (Ihambing ang Luc 3:1, 2.) Ang panunungkulan naman noon ni Poncio Pilato bilang Romanong gobernador ng Judea ay pinatototohanan ng isang malapad na bato na natagpuan sa Cesarea at kababasahan ng mga pangalang Latin na Pontius Pilatus at Tiberieum.—Tingnan ang PILATO; LARAWAN, Tomo 2, p. 741.
Ang Mga Gawa ng mga Apostol, na kakikitaan ng malinaw na katibayan na isinulat ito ni Lucas, ay may maraming pagtukoy sa mga lunsod at sa mga probinsiya ng mga ito at sa iba’t ibang uri ng opisyal na may iba’t ibang titulo, na nanunungkulan sa isang partikular na panahon—isang presentasyon na doo’y napakalaki ng posibilidad na magkamali ang manunulat. (Pansinin din ang Luc 3:1, 2.) Gayunman, buong-linaw na ipinakikita ng nakuhang arkeolohikal na katibayan ang katumpakan ng isinulat ni Lucas. Halimbawa, sa Gawa 14:1-6, binabanggit ni Lucas na ang Listra at Derbe ay nasa loob ng teritoryo ng Licaonia ngunit ipinahihiwatig niya na ang Iconio ay nasa ibang teritoryo. Tinutukoy naman ng mga manunulat na Romano, kasama na si Cicero, na ang Iconio ay nasa Licaonia. Gayunman, ipinakikita ng isang bantayog na natuklasan noong 1910 na ang Iconio ay talagang itinuturing noon bilang isang lunsod ng Frigia at hindi ng Licaonia.
Sa katulad na paraan, pinatutunayan ng isang inskripsiyon na natuklasan sa Delphi na si Galio ang proconsul ng Acaya, malamang na noong 51-52 C.E. (Gaw 18:12) Pinatutunayan naman ng mga 19 na inskripsiyong mula pa noong ikalawang siglo B.C.E. hanggang ikatlong siglo C.E. na tama ang pagkakagamit ni Lucas sa titulong mga tagapamahala ng lunsod (kapag pang-isahan, po·li·tarʹkhes) upang tumukoy sa mga opisyal ng Tesalonica (Gaw 17:6, 8), anupat lima sa mga inskripsiyong ito ang espesipikong tumutukoy sa lunsod na iyon. (Tingnan ang TAGAPAMAHALA NG LUNSOD, MGA.) Sa gayunding paraan, nang tukuyin ni Lucas si Publio bilang “ang pangunahing lalaki” (proʹtos) sa Malta (Gaw 28:7), ginamit niya ang eksaktong titulo na dapat gamitin, gaya ng ipinakikita ng paglitaw nito sa dalawang inskripsiyon sa Malta, ang isa’y sa Latin at ang isa naman ay sa Griego. Natagpuan sa Efeso ang ilang teksto tungkol sa mahika, gayundin ang templo ni Artemis (Gaw 19:19, 27); natuklasan din sa mga paghuhukay roon ang isang dulaan na makapaglalaman ng mga 25,000 katao, at ang ilang inskripsiyon na may binabanggit na “mga komisyonado ng mga kapistahan at mga palaro,” tulad niyaong mga namagitan para kay Pablo, at isang “tagapagtala,” tulad niyaong nagpatahimik sa mga mang-uumog noong pangyayaring iyon.—Gaw 19:29-31, 35, 41.
Dahil sa gayong mga tuklas, si Charles Gore ay sumulat tungkol sa katumpakan ng ulat ni Lucas sa A New Commentary on Holy Scripture: “Sabihin pa, dapat kilalanin na dahil sa makabagong arkeolohiya ay halos napilitan ang mga kritiko ni San Lucas na tanggapin ang lahat ng kaniyang mga pagbanggit sa sekular na mga bagay at mga pangyayari bilang napakatumpak.”—Inedit nina Gore, Goudge, at Guillaume, 1929, p. 210.
Relatibong Kahalagahan ng Arkeolohiya. Ang arkeolohiya ay nakapaglaan ng kapaki-pakinabang na impormasyon na nakatulong sa pagtukoy (kadalasa’y hindi tiyak) sa mga lugar sa Bibliya, nagsiwalat ng mga nasusulat na dokumento na nakatulong upang higit na maunawaan ang orihinal na mga wikang ginamit sa pagsulat ng Kasulatan, at nagbigay-linaw hinggil sa mga kalagayan ng pamumuhay at sa mga gawain ng sinaunang mga tao at mga tagapamahala na binabanggit sa Bibliya. Gayunman, kung tungkol sa kaugnayan ng arkeolohiya sa pagiging tumpak at mapananaligan ng Bibliya, gayundin sa paniniwala rito, sa mga turo nito, at sa pagsisiwalat nito ng mga layunin at mga pangako ng Diyos, tama lamang na sabihin na bagaman ang arkeolohiya ay sumusuporta sa sinasabi ng Bibliya, hindi ito isang kahilingan upang patunayan ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Gaya nga ng sinabi ng apostol na si Pablo: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita. Sa pananampalataya ay ating napag-uunawa na ang mga sistema ng mga bagay ay iniayos sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupat ang nakikita ay umiral mula sa mga bagay na hindi nakikita.” (Heb 11:1, 3) “Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”—2Co 5:7.
Hindi ito nangangahulugan na ang pananampalatayang Kristiyano ay walang anumang saligan sa mga bagay na nakikita o na may kaugnayan lamang ito sa mga bagay na di-materyal. Gayunman, totoo na sa bawat yugto at panahon ay may sapat na katibayan sa palibot ng mga tao, gayundin sa loob nila at sa sarili nilang mga karanasan, na makakukumbinsi sa kanila na ang Bibliya ang tunay na pinagmumulan ng pagsisiwalat ng Diyos at na ang lahat ng nilalaman nito ay kasuwato ng mga bagay na mapatutunayan. (Ro 1:18-23) Ang kaalaman tungkol sa nakalipas na mga panahon sa liwanag ng tuklas sa arkeolohiya ay kawili-wiling pag-aralan at pinahahalagahan, ngunit hindi kailangang-kailangan. Ang kaalaman tungkol sa nakalipas na mga panahon sa liwanag ng Bibliya, sa ganang sarili nito, ay mahalaga at lubhang mapananaligan. Kaayon man ng arkeolohiya o hindi, sinasabi ng Bibliya ang tunay na kahulugan ng kasalukuyang panahon at kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Aw 119:105; 2Pe 1:19-21) Ang totoo, mahina ang pananampalataya ng isa kung kailangan niyang dumepende sa naaagnas na mga laryo, basag na mga plorera, at gumuhong mga pader bilang suhay at pampatibay ng kaniyang pananampalataya.
Kawalang-katiyakan ng mga konklusyon. Bagaman kung minsan ay nakapaglalaan ang mga tuklas sa arkeolohiya ng dagliang sagot sa mga pumipintas sa mga ulat ng Bibliya o pumupuna sa pagiging makasaysayan ng partikular na mga pangyayari, at bagaman ang gayong mga tuklas ay nakatulong upang maalis ang pag-aalinlangan ng taimtim na mga tao na labis na napahanga sa mga argumento ng gayong mga kritiko, hindi pa rin napatatahimik ng arkeolohiya ang mga kritiko ng Bibliya ni maituturing man na ito’y isang tunay na matibay na pundasyon upang maniwala sa rekord ng Bibliya. Ang mga konklusyong nabuo batay sa karamihan sa isinagawang mga paghuhukay ay pangunahin nang batay sa panghihinuha ng mga imbestigador na parang mga detektib na bumubuo ng isang kaso na kanilang patutunayan. Maging sa makabagong panahon, makatuklas man at makapagtipon ang mga detektib ng napakaraming sirkumstansiyal at materyal na ebidensiya, ang anumang kaso na nakasalig lamang sa gayong ebidensiya ngunit wala namang testimonyo na mula sa kapani-paniwalang mga testigo na tuwirang nauugnay sa usapin ay ituturing na napakahina kung ihaharap sa korte. Ang mga desisyong ibinatay lamang sa gayong ebidensiya ay nagbunga ng malubhang pagkakamali at kawalang-katarungan. Lalo na ngang ganito ang situwasyon kung 2,000 o 3,000 taon na ang agwat sa pagitan ng mga imbestigador at ng pangyayari.
Isang kahawig na ilustrasyon ang iniharap ng arkeologong si R. J. C. Atkinson, na nagsabi: “Isip-isipin na lamang kung gaano kahirap ang trabaho ng mga arkeologo sa hinaharap kung kailangan nilang muling alamin ang mga ritwal, turo, at doktrina ng mga Simbahang Kristiyano batay lamang sa mga guho ng mga gusali ng simbahan, kung walang tulong ng anumang nasusulat na rekord o inskripsiyon. Kaya naman isang kabalintunaan na ang arkeolohiya, ang tanging paraan ng pag-iimbestiga sa nakalipas na kasaysayan ng tao nang walang gamit na nasusulat na mga rekord, ay lalong nagiging di-epektibo bilang isang paraan ng pagsusuri habang higit itong tumatalakay sa mga aspekto ng buhay ng tao na mas espesipikong tungkol sa tao.”—Stonehenge, London, 1956, p. 167.
Lalo pang nagiging komplikado ang bagay na ito sapagkat, bukod sa talagang tantiyahan lamang ang pagpapaliwanag nila tungkol sa mga bagay-bagay na umiral noong sinaunang panahon, at sa kabila ng pagsisikap nilang manatiling lubos na walang kinikilingan sa pagsusuri sa mga ebidensiyang nahuhukay nila, ang mga arkeologo, tulad ng iba pang mga siyentipiko, ay mayroon ding mga kahinaan ng tao at mga personal na paniniwala at ambisyon, na maaaring maging sanhi ng maling pangangatuwiran. Tungkol sa problemang ito, si Propesor W. F. Albright ay nagsabi: “Sa kabilang dako, may panganib sa paghahanap ng bagong mga tuklas at naiibang mga punto de vista samantalang ipinagwawalang-bahala naman ang mas maaasahang naunang paraan. Partikular nang totoo ito sa mga larangang tulad ng Biblikal na arkeolohiya at heograpiya, kung saan ang kasanayan sa mga kagamitan at sa mga pamamaraan ng pag-iimbestiga ay napakamatrabaho anupat laging nakatutukso na isaisantabi ang mapananaligang pamamaraan, sa gayo’y hinahalinhan ng mapamaraang mga kombinasyon at malikhaing mga panghihinuha ang mas mabagal at mas sistematikong paraan.”—The Westminster Historical Atlas to the Bible, inedit ni G. E. Wright, 1956, p. 9.
Mga pagkakaiba sa pagpepetsa. Mahalagang kilalanin ang katotohanang ito kapag isinasaalang-alang ang mga petsang inihaharap ng mga arkeologo may kaugnayan sa kanilang mga tuklas. Bilang paglalarawan, si Merrill F. Unger ay nagsabi: “Halimbawa, pinepetsahan ni Garstang ang pagbagsak ng Jerico ng mga 1400 B.C. . . . ; sinusuportahan ni Albright ang petsa na mga 1290 B.C. . . . ; si Hugues Vincent, ang bantog na arkeologong Palestino, ay nanghahawakan sa petsa na 1250 B.C. . . . ; samantalang ipinapalagay naman ni H. H. Rowley na si Rameses II ang Paraon noong panahon ng Paniniil, at na naganap ang Pag-alis sa ilalim ng kaniyang kahalili na si Marniptah [Merneptah] noong mga 1225 B.C.” (Archaeology and the Old Testament, p. 164, tlb. 15) Bagaman ipinagtatanggol ni Propesor Albright ang pagkamaaasahan ng makabagong arkeolohikal na proseso at pagsusuri, kinikilala niya na “napakahirap pa rin para sa di-espesyalista ang magpasiya sa gitna ng nagkakasalungatang mga petsa at mga konklusyon ng mga arkeologo.”—The Archaeology of Palestine, p. 253.
Totoo na ginagamit na ang radiocarbon clock, kasama ng iba pang makabagong mga pamamaraan, para sa pagpepetsa sa mga labí na natuklasan. Gayunman, ang pamamaraang ito ay hindi lubusang mapagkakatiwalaan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na pahayag ni G. Ernest Wright sa The Biblical Archaeologist (1955, p. 46): “Mapapansin na ang bagong Carbon 14 na paraan ng pagpepetsa sa sinaunang mga labí ay hindi kasintumpak ng inaasahan. . . . Kitang-kitang mali ang naging resulta ng ilang pagsubok, malamang na dahil sa ilang kadahilanan. Sa kasalukuyan, ang isa ay makapagtitiwala sa mga resulta nang walang pag-aalinlangan tangi lamang kung ang ilang pagsubok na isinagawa ay halos pare-pareho ng resulta at kapag ang petsa ay waring tama batay sa iba pang mga pamamaraan ng pagkukuwenta [amin ang italiko].” Nang maglaon, ang The New Encyclopædia Britannica (Macropædia, 1976, Tomo 5, p. 508) ay nagsabi: “Anuman ang dahilan, . . . maliwanag na ang mga petsang batay sa carbon-14 ay hindi kasintumpak ng inaasahan ng tradisyonal na mga istoryador.”—Tingnan ang KRONOLOHIYA (Arkeolohikal na Pagpepetsa).
Relatibong kahalagahan ng mga inskripsiyon. Libu-libong sinaunang inskripsiyon ang natagpuan at sinisikap na bigyang-pakahulugan. Sinabi ni Albright: “Mga nasusulat na dokumento ang bumubuo ng pinakamahalagang kalipunan ng materyal na natuklasan ng mga arkeologo. Kaya naman napakahalaga na magkaroon ng malinaw na ideya tungkol sa katangian ng mga ito at sa kakayahan natin na bigyang-pakahulugan ang mga ito.” (The Westminster Historical Atlas to the Bible, p. 11) Ang mga ito ay maaaring nakasulat sa basag na mga kagamitang luwad, mga tapyas na luwad, mga papiro, o nakaukit sa batong granito. Anuman ang materyal, ang impormasyong itinatawid ng mga ito ay dapat pa ring suriin at subukin kung ito’y mapananaligan at mahalaga. Ang kamalian o tahasang kabulaanan ay maaaring maitala at malimit ngang naitala sa bato at gayundin sa papel.—Tingnan ang KRONOLOHIYA (Ang Kronolohiya ng Bibliya at ang Sekular na Kasaysayan); SARGON.
Bilang ilustrasyon, sinasabi sa rekord ng Bibliya na si Haring Senakerib ng Asirya ay pinatay ng kaniyang dalawang anak, sina Adramelec at Sarezer, at hinalinhan sa trono ng isa pa niyang anak, si Esar-hadon. (2Ha 19:36, 37) Gayunman, isang kronikang Babilonyo ang nagsabi na, noong ika-20 ng Tebet, pinatay si Senakerib ng kaniyang anak sa isang paghihimagsik. Gayundin ang sinasabi ng ulat ni Berossus, isang Babilonyong saserdote noong ikatlong siglo B.C.E., at ni Nabonido, hari ng Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E., anupat sa wari’y isa lamang sa mga anak ni Senakerib ang pumaslang sa kaniya. Gayunman, sa isang mas bagong-tuklas na piraso ng Prisma ni Esar-hadon, ang anak na humalili kay Senakerib, malinaw na sinasabi ni Esar-hadon na ang kaniyang mga kapatid (anyong pangmaramihan) ay naghimagsik at pinatay ng mga ito ang kanilang ama at pagkatapos ay tumakas. Bilang komento rito, si Philip Biberfeld, sa Universal Jewish History (1948, Tomo I, p. 27), ay nagsabi: “Ang Babylonian Chronicle, si Nabonid, at si Berossus ay mali; ang ulat ng Bibliya lamang ang napatunayang tama. Ito’y napatotohanan sa lahat ng maliliit na detalye sa pamamagitan ng inskripsiyon ni Esarhaddon at napatunayang mas tumpak may kinalaman sa pangyayaring ito sa kasaysayan ng Babilonya at Asirya kaysa sa mismong impormasyon mula sa mga Babilonyo. Napakahalagang kilalanin ang bagay na ito sa pagsusuri maging ng magkakapanahong mga mapagkukunan ng impormasyon na hindi kaayon ng sinasabi ng Bibliya.”
Mga problema sa pag-unawa at pagsasalin ng sinaunang teksto. Kailangan din ng isang Kristiyano ang kaukulang pag-iingat na huwag basta na lamang tanggapin ang interpretasyong ibinibigay sa maraming inskripsiyon na nakasulat sa iba’t ibang sinaunang wika. Sa ilang kaso, gaya ng Batong Rosetta at ng Behistun Inscription, malaki ang naitulong sa mga bumasa ng mga wikang nakasulat doon upang maunawaan ang isang dati’y di-kilalang wika dahil ang sulat sa wikang iyon ay kahanay ng sulat sa isang kilalang wika. Gayunman, hindi dapat asahan na ang gayong mga pantulong ay makalulutas sa lahat ng problema o magbibigay ng lubos na kaunawaan sa isang wika lakip ang lahat ng iba’t ibang kahulugan ng mga salita nito at ang lahat ng idyomatikong pananalita nito. Maging ang pagkaunawa sa pangunahing mga wika ng Bibliya, ang Hebreo, Aramaiko, at Griego, ay sumulong nang malaki nitong kalilipas na mga panahon at patuloy pa ring pinag-aaralan ang mga wikang ito. Hinggil sa kinasihang Salita ng Diyos, makatuwirang asahan na pangyayarihin ng Awtor ng Bibliya na matamo natin ang tamang unawa sa mensahe nito sa pamamagitan ng taglay nating mga salin sa makabagong mga wika. Gayunman, hindi gayon ang kalagayan may kinalaman sa di-kinasihang mga akda ng mga bansang pagano.
Upang ilarawan ang gayong pangangailangan na mag-ingat at upang muling ipakita na ang walang-kinikilingang pagharap sa mga problemang nauugnay sa pag-unawa sa sinaunang mga inskripsiyon ay kadalasang hindi itinuturing na pangunahin gaya ng inaakala ng isa, ang aklat na The Secret of the Hittites, ni C. W. Ceram, ay kababasahan ng sumusunod na impormasyon may kinalaman sa isang prominenteng Asiryologo na nagpagal sa pag-unawa sa wikang “Hiteo” (1956, p. 106-109): “Talaga namang napakagaling ng kaniyang akda—isang napakahusay na paglalahok ng matitinding kamalian sa kahanga-hangang obserbasyon . . . Ang ilan sa mga pagkakamali niya ay suportado ng mga argumento na talagang nakakukumbinsi anupat deka-dekadang pag-aaral ang kinailangan upang maibuwal ang mga iyon. Ang kaniyang malikhaing pangangatuwiran ay sinuhayan ng pagkalawak-lawak na kaalaman sa pilolohiya anupat naging napakahirap na ihiwalay ang trigo sa ipa.” Pagkatapos ay inilarawan ng manunulat ang labis na pagmamatigas ng iskolar na iyon hinggil sa paggawa ng anumang pagbabago sa kaniyang mga tuklas; pagkaraan ng maraming taon ay sumang-ayon din siyang gumawa ng ilang pagbabago—na baguhin ang mismong mga bahagi na nang maglaon ay napatunayang siyang tama! Sa paglalahad sa mainitang pagtatalong batbat ng personalang mga pagpaparatangan, na bumangon sa pagitan ng iskolar na iyon at ng isa pa na nagsikap bumasa sa hieroglyphic na “Hiteo” na iyon, sinabi ng awtor: “Gayunma’y ang mismong panatisismo na sanhi ng gayong mga pag-aaway ay kailangan upang magsagawa ng mga pagtuklas ang mga iskolar.” Dahil dito, bagaman naituwid ng panahon at pag-aaral ang maraming pagkakamali sa pagkaunawa sa sinaunang mga inskripsiyon, makabubuting kilalanin natin na malamang na may iba pang mga bagay na maitutuwid dahil sa higit pang pagsusuri.
Pinatitingkad ng mga bagay na tinalakay natin na ang Bibliya ay nakahihigit bilang pinagmumulan ng mapananaligang kaalaman, makatotohanang impormasyon, at mapagkakatiwalaang patnubay. Bilang isang kalipunan ng mga nasusulat na dokumento, ibinibigay sa atin ng Bibliya ang pinakamalinaw na larawan ng nakalipas na kasaysayan ng tao, at nakarating ito sa atin, hindi sa pamamagitan ng paghuhukay, kundi dahil iningatan ito ng Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova. Ito ay “buháy at may lakas” (Heb 4:12) at ang “salita ng buháy at namamalaging Diyos.” “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay tulad ng bulaklak ng damo; ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, ngunit ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”—1Pe 1:23-25.
[Larawan sa pahina 193]
Ang stela kung saan ipinagmapuri ni Merneptah, anak ni Ramses II, na nalupig niya ang Israel; ito ang kaisa-isang natuklasang pagbanggit sa Israel sa sinaunang mga tekstong Ehipsiyo