Ezra
6 Kaya naglabas ng utos si Haring Dario, at gumawa sila ng imbestigasyon sa bahay na nasa Babilonya kung saan nakatago ang mga aklat ng kasaysayan at ang kayamanan. 2 Isang balumbon ang nakita sa kuta sa Ecbatana, sa distrito ng Media, at ganitong tagubilin ang isinulat batay roon:
3 “Noong unang taon ni Haring Ciro, naglabas siya ng isang utos tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem:+ ‘Itatayong muli ang bahay na paghahandugan nila ng mga hain, at gagawin ang mga pundasyon nito; 60 siko* ang taas nito at 60 siko ang lapad,+ 4 na may tatlong patong ng malalaking bato at isang patong ng mga kahoy.+ Ang panggastos ay kukunin sa kabang-yaman ng hari.+ 5 Bukod diyan, ang mga sisidlang yari sa ginto at pilak sa bahay ng Diyos na kinuha ni Nabucodonosor sa templo sa Jerusalem at dinala sa Babilonya+ ay isasauli, para mailagay ang mga iyon sa tamang lugar sa bahay ng Diyos sa Jerusalem.’+
6 “Kaya Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog,* Setar-bozenai, at sa mga kasamahan ninyo na nakabababang mga gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog+—huwag kayong makialam diyan. 7 Huwag ninyong hadlangan ang paggawa sa bahay na iyon ng Diyos. Muling itatayo ng gobernador ng mga Judio at ng matatandang lalaki ng mga Judio ang bahay na iyon ng Diyos sa dati nitong lugar. 8 At ako ay naglalabas ng isang utos kung paano ninyo tutulungan ang matatandang lalaking ito ng mga Judio para muling maitayo ang bahay na iyon ng Diyos: Ang panggastos ay kukunin sa kabang-yaman ng hari,+ mula sa buwis na nakokolekta sa rehiyon sa kabila ng Ilog, at agad na ibibigay sa mga lalaking ito para hindi matigil ang pagtatayo.+ 9 At ang anumang kailangan—mga batang toro*+ at mga lalaking tupa+ at mga kordero*+ na gagamitin bilang handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, at trigo,+ asin,+ alak,+ at langis,+ anuman ang sabihin ng mga saserdoteng nasa Jerusalem—ay dapat ibigay sa kanila araw-araw nang walang palya, 10 para patuloy silang makapagbigay ng mga handog na nakapagpapasaya sa Diyos ng langit at makapanalangin para sa buhay ng hari at ng mga anak niya.+ 11 Ipinag-uutos ko rin na ang sinumang lalabag sa kautusang ito ay ibabayubay* sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya, at ang bahay niya ay gagawing pampublikong palikuran.* 12 Kaya pabagsakin nawa ng Diyos ang sinumang hari at bayan na lalabag sa kautusang ito at magtatangkang wasakin ang bahay ng Diyos sa Jerusalem, na nagdadala ng pangalan Niya.+ Ako, si Dario, ang naglalabas ng kautusang ito. Ipatupad ito agad.”
13 Kaya si Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog, si Setar-bozenai,+ at ang kanilang mga kasamahan ay agad na sumunod sa lahat ng iniutos ni Haring Dario. 14 At ang matatandang lalaki ng mga Judio ay nagpatuloy sa pagtatayo at unti-unti nilang natapos ang gawain,+ dahil napalakas sila ng mga hulang inihayag ng propetang si Hagai+ at ni Zacarias+ na apo ni Ido; tinapos nila ang pagtatayo ayon sa utos ng Diyos ng Israel+ at sa utos ni Ciro+ at ni Dario+ at ni Haring Artajerjes+ ng Persia. 15 Natapos nila ang bahay nang ikatlong araw ng buwan ng Adar,* noong ikaanim na taon ng pamamahala ni Haring Dario.
16 At ang pagpapasinaya* sa bahay na ito ng Diyos ay masayang idinaos ng mga Israelita, mga saserdote, mga Levita,+ at ng iba pa sa mga dating ipinatapon. 17 At naghandog sila para sa pagpapasinaya sa bahay na ito ng Diyos ng 100 toro, 200 lalaking tupa, 400 kordero, at bilang handog para sa kasalanan ng buong Israel ay 12 lalaking kambing, katumbas ng bilang ng mga tribo ng Israel.+ 18 At inatasan nila ang mga saserdote ayon sa kani-kanilang grupo at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang pangkat para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem,+ ayon sa nakasulat sa aklat ni Moises.+
19 At sa ika-14 na araw ng unang buwan, idinaos ng mga dating ipinatapon ang Paskuwa.+ 20 Lahat ng saserdote at Levita ay naglinis ng sarili nila,+ kaya silang lahat ay malinis; pinatay nila ang haing pampaskuwa para sa lahat ng dating ipinatapon, para sa mga kapuwa nila saserdote, at para sa kanilang sarili. 21 Pagkatapos, kumain nito ang mga Israelita na nagsibalik mula sa pagkatapon, pati ang mga sumama sa kanila at humiwalay sa karumihan ng mga bansa para sambahin* si Jehova na Diyos ng Israel.+ 22 Masaya rin nilang idinaos nang pitong araw ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ dahil pinasaya sila ni Jehova at ginawa niyang magaan ang loob sa kanila ng hari ng Asirya+ kung kaya sinuportahan sila nito* sa gawain para sa bahay ng tunay na Diyos, ang Diyos ng Israel.