KABANATA 15
Hindi Magawang Manahimik ni Jeremias
1. Bakit hindi magawang manahimik ni Jeremias at ng ibang propeta ni Jehova?
“DINGGIN mo ang salita ni Jehova.” Umaalingawngaw ang mga salitang iyan sa mga lansangan at liwasan ng Jerusalem pasimula noong 647 B.C.E. At hindi tumigil ang propeta. Kahit na nang mawasak ang lunsod, 40 taon pagkaraan, iyan pa rin ang inihahayag niya. (Jer. 2:4; 42:15) Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nagsugo ng mga propeta para tiyaking maririnig ng mga Judio ang Kaniyang mensahe at magsisi sila. Gaya ng natalakay na, namumukod-tangi si Jeremias sa mga propeta ng Diyos. Nang atasan siya, sinabi ng Diyos: “Bumangon ka at salitain mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang mangilabot.” (Jer. 1:17) Mabigat ang atas na iyon. Sakit ng katawan at hirap ng damdamin ang inabot ni Jeremias, pero ginampanan pa rin niya ang atas. Oo, hindi magawang manahimik ni Jeremias.—Jer. 4:19.
2, 3. (a) Paano tinularan ng mga alagad ni Jesus si Jeremias? (b) Bakit dapat mong tularan si Jeremias?
2 Ang pagtupad ni Jeremias sa kaniyang atas ay isang halimbawa para sa mga susunod na lingkod ni Jehova. (Sant. 5:10) Di-nagtagal pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E., inaresto ng mga Judiong opisyal sina apostol Pedro at Juan, at pinagbawalang mangaral. Alam mo ang kanilang sagot. “Hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” (Gawa 4:19, 20) Matapos pagbantaan, pinalaya sina Pedro at Juan. Alam mo ang resulta. Hindi magawang tumigil sa pangangaral ng mga tapat na lalaking iyon, at hindi talaga sila tumigil.
3 Nakikita mo ba mula sa mga salita nina Pedro at Juan sa Gawa 4:20 ang sigasig ni Jeremias? Bilang lingkod ni Jehova sa kritikal na mga huling araw na ito, hindi ba’t determinado ka ring hindi manahimik? Tingnan natin kung paano natin mapapanatili ang sigasig na gaya ng kay Jeremias at magpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita sa gitna ng lumalalang mga kalagayan.
MANGARAL KAHIT AYAW MAKINIG NG MGA TAO
4. Ano ang saloobin ng mga tao noon sa Jerusalem?
4 Kumbinsido ka ba na ang pangako ng Diyos na magandang kinabukasan sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Anak ang pinakamabuting balitang puwedeng marinig ng mga tao? Gayunman, marami ngayon ang gaya ng mga Judio noon na nagsabi kay Jeremias: “Kung tungkol sa salita na sinalita mo sa amin sa pangalan ni Jehova, hindi kami makikinig sa iyo.” (Jer. 29:19; 44:16) Madalas marinig iyan ni Jeremias, at iyan din ang naririnig ng mga lingkod ni Jehova ngayon, “Hindi ako interesado.” Maaaring manghimagod ang mga mamamahayag ng Kaharian kapag ayaw makinig ng mga tao. Kung ganiyan ang mga tao sa inyong teritoryo, at dahil diyan ay nababawasan ang sigasig mo o ng ilan sa inyong kongregasyon, ano ang puwedeng gawin?
5. (a) Ano ang naging saloobin ni Jeremias sa kawalang-interes ng mga tao? (b) Bakit nanganganib ang buhay ng mga taong ayaw makinig sa mabuting balita?
5 Tingnan ang naging saloobin ni Jeremias sa kawalang-interes ng mga tao sa Juda. Sa pasimula ng kaniyang atas, ipinakita ni Jehova sa kaniya ang tungkol sa paparating na paghatol. (Basahin ang Jeremias 4:23-26.) Natanto ng propeta na ang kaligtasan ng libu-libong tao ay nakadepende sa pagtugon at pagkilos nila sa ihahatid niyang mensahe. Ganiyan din ang kalagayan ng mga tao ngayon, pati na ang mga nasa teritoryo ninyo. Tungkol sa “araw na iyon” ng paghatol ng Diyos sa masamang sanlibutang ito, sinabi ni Jesus: “Darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Luc. 21:34-36) Makikita mo sa mga sinabi ni Jesus na nanganganib ang buhay ng mga ayaw makinig sa mabuting balita.
6. Bakit dapat kang patuloy na mangaral, maging sa mga di-gaanong interesado?
6 Pero ang mga makikinig at tutugon sa mensahe ni Jehova na dala natin ay tatanggap ng walang-katulad na mga pagpapala. Binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong makaligtas at makapasok sa kaniyang bagong sanlibutan. May pagkakatulad ito sa ministeryo ni Jeremias. Maaaring makaligtas ang mga taga-Juda. (Basahin ang Jeremias 26:2, 3.) Maraming taon ang ginugol ni Jeremias para himukin ang mga tao na ‘makinig at manumbalik’ sa tunay na Diyos. Hindi natin alam kung ilan ang nagsisi at nagbago dahil sa pagpapatotoo ng propeta. Pero mayroon, at marami ang nakikinig din ngayon. Habang patuloy tayong nangangaral, madalas tayong makabalita ng mga kuwento tungkol sa mga dating ayaw makinig pero tumanggap din. (Tingnan ang kahong “Dating Walang Interes, Interesado Na Ngayon,” sa pahina 184.) Hindi ba’t isa pang dahilan iyan para manatiling aktibo sa ministeryong nakapagliligtas-buhay?
Bakit determinado kang ipangaral ang mabuting balita kahit ayaw makinig ng mga tao?
WALANG MAGAGAWANG PERMANENTENG PINSALA ANG MGA MANANALANSANG
7. Ano ang ginawa ng mga kaaway ni Jeremias para hadlangan siya?
7 Kapansin-pansin sa ministeryo ni Jeremias ang dami ng pagkakataong sinikap ng mga mananalansang na ipahamak siya at hadlangan ang kaniyang gawain. Harapan siyang kinontra ng mga bulaang propeta. (Jer. 14:13-16) Habang naglalakad sa mga lansangan ng Jerusalem, iniinsulto siya at tinutuya ng mga tao. (Jer. 15:10) Siniraan pa nga siya ng mga kaaway niya. (Jer. 18:18) May mga nagkalat ng tsismis laban sa kaniya para hindi makinig ang mga tapat-puso sa mensahe niya. (Panag. 3:61, 62) Sumuko ba si Jeremias? Hindi. Patuloy siyang nangaral. Paano siya nakapagpatuloy?
8. Habang tumitindi ang pagsalansang, paano tumugon si Jeremias?
8 Pagtitiwala kay Jehova ang panlaban ni Jeremias sa pagsalansang. Sa pasimula ng kaniyang atas, sinabi ng Diyos na tutulungan at poprotektahan Niya siya. (Basahin ang Jeremias 1:18, 19.) Nagtiwala si Jeremias sa pangakong iyan, at hindi siya pinabayaan ni Jehova. Miyentras pinahihirapan at sinasalansang, lalo naman siyang nagiging matapang, masigasig, at determinado. Paano nakatulong sa kaniya ang mga katangiang ito?
9, 10. Anong pangyayari sa buhay ni Jeremias ang makakatulong sa iyo na maging matapang?
9 Minsan, dinala siya ng mga rebelyosong saserdote at propeta sa mga prinsipe ng Juda para maipapatay. Nasindak ba nila si Jeremias? Hindi. Pinatunayan niyang mali ang mga bintang ng mga apostatang iyon, kaya nakaligtas siya.—Basahin ang Jeremias 26:11-16; Luc. 21:12-15.
10 Maaalala mong matapos marinig ng saserdoteng si Pasur ang mabigat na mensahe ng propeta, inilagay nito sa pangawan si Jeremias. Inisip siguro ni Pasur na madadalâ ang propeta at mananahimik na. Kinabukasan, pinalaya niya si Jeremias. Pero kahit masakit pa ang katawan, sinabi ni Jeremias kay Pasur ang hatol dito ni Jehova. Oo, kahit ang pagpapahirap ay hindi nakapagpatahimik kay Jeremias! (Jer. 20:1-6) Bakit? Sinabi mismo ni Jeremias: “Si Jehova ay sumasaakin gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan. Kaya naman ang mismong mga umuusig sa akin ay matitisod at hindi mananaig.” (Jer. 20:11) Hindi naduwag si Jeremias kahit sa malulupit na mananalansang. Matibay ang pagtitiwala niya kay Jehova, at matutularan mo siya.
11, 12. (a) Anong matalinong pasiya ang ginawa ni Jeremias nang salansangin siya ni Hananias? (b) Bakit mabuting ‘magpigil tayo sa ilalim ng kasamaan’?
11 Tandaan na si Jeremias ay hindi panatikong sugod nang sugod. Naging matalino siya sa pagpapasiya sa harap ng mga mananalansang. Alam niya kung kailan siya dapat dumistansiya. Halimbawa, pansinin ang ginawa niya nang makaengkuwentro niya si Hananias. Nang kontrahin ng bulaang propetang ito sa harap ng mga tao ang hula ni Jehova, itinuwid siya ni Jeremias at ipinaliwanag kung paano makikilala ang isang tunay na propeta. Nagalit si Hananias at kinuha kay Jeremias ang pasan nitong pamatok na lumalarawan sa pang-aalipin ng Babilonya. Tapos binali niya iyon. Hindi malayong uminit pa ang sitwasyon. Kaya ano ang ginawa ni Jeremias? Mababasa natin: “[Ang] propeta ay yumaon sa kaniyang lakad.” Oo, umalis si Jeremias. Di-nagtagal, pinabalik siya ni Jehova para sabihin kay Hananias ang hatol ng Diyos—ang mga Judio ay aalipinin ng hari ng Babilonya at mamamatay si Hananias.—Jer. 28:1-17.
12 Natutuhan natin dito na sa pangangaral, bukod sa katapangan, kailangan din ng matalinong pagpapasiya. Kung ayaw tanggapin ng may-bahay ang sinasabi ng Bibliya at nagalit ito, at mukhang mananakit pa nga, magalang na lang tayong magpaalam at pumunta sa susunod na bahay. Hindi natin kailangang makipagtalo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian. Kung “nagpipigil [tayo] sa ilalim ng kasamaan,” iniiwan nating bukás ang pagkakataon para mabalikan ang may-bahay sa mas kaayaayang panahon.—Basahin ang 2 Timoteo 2:23-25; Kaw. 17:14.
Bakit mahalagang magtiwala kay Jehova habang nangangaral ng mabuting balita? Bakit parehong kailangan ang katapangan at matalinong pagpapasiya?
“HUWAG KANG MATAKOT”
13. Bakit sinabihan ni Jehova si Jeremias na huwag matakot? Bakit dapat nating isaalang-alang ito?
13 Bago mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang mga tunay na mananamba ay apektado ng kakila-kilabot na kalagayan ng lunsod. Kaya maiintindihan mo kung bakit sinabi ng Diyos kay Jeremias: “Huwag kang matakot.” (Jer. 1:8; Panag. 3:57) At inutusan siya ni Jehova na sabihin din ang pampatibay na ito sa kaniyang bayan. (Basahin ang Jeremias 46:27.) Ano ang matututuhan natin dito? Sa mapanganib na panahong ito ng kawakasan, maaaring makadama rin tayo ng takot kung minsan. Kapag nangyari iyan, makikinig ba tayo kay Jehova na sa diwa ay nagsasabi sa atin: “Huwag kang matakot”? Sa aklat na ito, nakita natin na tinulungan ni Jehova si Jeremias noong kritikal na mga panahong iyon. Repasuhin natin sa maikli ang nangyari at matuto ng aral.
14, 15. (a) Sa anong delikadong sitwasyon nasuong si Jeremias? (b) Paano tinupad ni Jehova ang pangako niyang poprotektahan si Jeremias?
14 Habang humihigpit ang hawak ng Babilonya sa Jerusalem, nagkakagutom ang mga tao. Di-nagtagal, wala nang makain ang marami. (Jer. 37:21) May taggutom na nga, inilagay pa si Jeremias sa isang lugar na baka maging libingan na niya. Gusto ng mga prinsipe ng Juda na ipapatay si Jeremias, at napapayag nila ang duwag na si Haring Zedekias. Kaya itinapon si Jeremias sa isang malalim na imbakang-tubig na puro putik. Habang lumulubog si Jeremias sa putik, wala na siyang maisip na paraan. Kung ikaw ang nandoon, hindi ka ba matatakot?—Jer. 38:4-6.
15 Ordinaryong tao lang din si Jeremias gaya natin. Pero nagtiwala siya sa pangako ni Jehova na hindi siya pababayaan. (Basahin ang Jeremias 15:20, 21.) Sinuklian ba ni Jehova ang tiwalang iyon? Alam natin na ganoon nga. Pinakilos ng Diyos si Ebed-melec na kontrahin ang mga prinsipe at iligtas si Jeremias. Sa pahintulot ng hari, iniahon ni Ebed-melec ang propeta mula sa malalim na imbakang-tubig at iniligtas ito sa tiyak na kamatayan.—Jer. 38:7-13.
16. Sa anong mga panganib inililigtas ni Jehova ang kaniyang matapat na mga lingkod?
16 Kahit naiahon na si Jeremias, hindi pa rin siya ligtas. Noong nasa imbakang-tubig pa ang propeta, nakiusap si Ebed-melec sa hari: “Mamamatay siya sa kinaroroonan niya dahil sa taggutom. Sapagkat wala nang tinapay sa lunsod.” (Jer. 38:9) Halos simót na ang pagkain sa Jerusalem at naging kanibal na ang mga tao. Pero muli, sinaklolohan ni Jehova ang kaniyang propeta. At sinabi naman ni Jeremias kay Ebed-melec na siya rin ay tiyak na ililigtas ni Jehova. (Jer. 39:16-18) Hindi nalimutan ni Jeremias ang pangako ng Diyos: “Ako ay sumasaiyo upang iligtas ka.” (Jer. 1:8) Binantayan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang dalawang tapat na lalaking ito kaya hindi sila namatay sa kamay ng tao, ni sa taggutom man. Natakasan nila ang kamatayan sa sentensiyadong lunsod na iyon. Kaya ano ang punto? Kapag nangako si Jehova na iingatan ka niya, talagang iingatan ka niya.—Jer. 40:1-4.
17. Bakit dapat kang manalig sa pangako ni Jehova na poprotektahan niya ang kaniyang mga lingkod?
17 Patungo na sa kasukdulan ang katuparan ng inihula ni Jesus tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay at walang makakapigil dito. Hindi na magtatagal, magkakaroon ng “mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa ay panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin . . . samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.” (Luc. 21:25, 26) Hintayin natin kung paano matutupad ang hulang iyan at kung paano ito magdudulot ng takot sa marami. Anuman ang mangyari, huwag na huwag kang mag-aalinlangan sa kakayahan at pagnanais ni Jehova na iligtas ang kaniyang bayan. Pero kung tungkol sa mga hinatulan niya, ibang-iba ang sasapitin nila. (Basahin ang Jeremias 8:20; 14:9.) Kahit pa malagay ang mga lingkod niya sa tila walang pag-asang kalagayan, gaya ng maputik at malalim na imbakang-tubig, maililigtas niya sila! Magiging totoo rin sa kanila ang pangako ng Diyos kay Ebed-melec: “‘Walang pagsalang maglalaan ako sa iyo ng pagtakas, at hindi ka mabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at tiyak na mapapasaiyo ang iyong kaluluwa bilang samsam, sapagkat nagtiwala ka sa akin,’ ang sabi ni Jehova.”—Jer. 39:18.
MGA SALITANG ISINULAT PARA SA IYO
18. (a) Anong mga salita ang bumago sa buhay ni Jeremias? (b) Ano ang kahulugan sa iyo ng utos ng Diyos sa Jeremias 1:7?
18 “Sa lahat niyaong pagsusuguan ko sa iyo ay paroroon ka; at ang lahat ng iuutos ko sa iyo ay sasalitain mo.” (Jer. 1:7) Nang marinig ni Jeremias ang utos na iyan ng Diyos, nagbago na ang buhay niya. Mula noon, ginugol niya ang kaniyang buhay sa paghahayag ng “salita ni Jehova.” Paulit-ulit na lumitaw ang mga salitang iyan sa aklat ng Jeremias. Sa huling kabanata nito, inilahad ni Jeremias ang paglupig sa Jerusalem at pagpapatapon sa huling hari nito, si Zedekias. Nagpatuloy si Jeremias sa pagtuturo at paghimok sa Juda na sumunod kay Jehova hanggang sa maging malinaw na tapos na ang atas niya.
19, 20. (a) Bakit magandang tularan mo ang paglilingkod ni Jeremias? (b) Ano ang kaugnayan ng gawaing pangangaral at pagkadama ng kagalakan at kasiyahan? (c) Ano ngayon ang determinado mong gawin matapos pag-aralan ang aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy?
19 Maraming pagkakatulad ang atas ni Jeremias at ang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ngayon. Gaya niya, naglilingkod ka sa tunay na Diyos sa panahon ng paghatol. Marami kang pananagutan; pero ang pangangaral ng mabuting balita ang pinakamahalagang gawaing magagawa mo sa sistemang ito ng mga bagay. Sa pamamagitan nito, naluluwalhati mo ang dakilang pangalan ng Diyos at naipapakita mong nagpapasakop ka sa kaniyang karapatan at awtoridad bilang Soberano ng Uniberso. (Basahin ang Panaghoy 5:19.) Naipapakita mo rin ang masidhing pag-ibig sa iyong kapuwa dahil natutulungan mo silang makilala ang tunay na Diyos at malaman ang kaniyang mga pamantayan.—Jer. 25:3-6.
20 Tungkol sa atas ni Jehova sa kaniya, sinabi ni Jeremias: “Ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova na Diyos ng mga hukbo.” (Jer. 15:16) Ang kagalakan at kasiyahang iyan ang nadarama sa ngayon ng lahat ng handang magsalita para sa tunay na Diyos. Kaya may dahilan ka para patuloy na ihayag ang mensahe ni Jehova, gaya ng ginawa ni Jeremias.
Paano ka matutulungan ng halimbawa nina Jeremias at Ebed-melec na maging matapang? Anong katangian ni Jeremias ang gusto mong tularan sa iyong pangangaral?