Unang Liham ni Pedro
1 Mula kay Pedro, isang apostol+ ni Jesu-Kristo, para sa mga nakapangalat at pansamantalang nakatira sa Ponto, Galacia, Capadocia,+ Asia, at Bitinia, sa mga pinili 2 ayon sa patiunang kaalaman ng Diyos na Ama,+ na may pagpapabanal ng espiritu,+ para sila ay maging masunurin at mawisikan ng dugo ni Jesu-Kristo:+
Tumanggap nawa kayo ng higit pang kapayapaan at walang-kapantay na kabaitan.
3 Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Dahil sa kaniyang dakilang awa, pinangyari niyang muli tayong maisilang+ tungo sa isang buháy na pag-asa+ sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo,+ 4 tungo sa isang mana na hindi nasisira at walang dungis at hindi kumukupas.+ Ito ay nakalaan sa langit para sa inyo,+ 5 kayo na iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang isisiwalat sa huling yugto ng panahon. 6 Dahil dito ay nagsasaya kayo nang husto, kahit na sa maikling panahon ay kailangan ninyong dumanas ng iba’t ibang pagsubok,+ 7 para ang inyong nasubok na pananampalataya,+ na mas malaki ang halaga kaysa sa ginto na nasisira kahit nasubok* na ito sa apoy, ay magdulot ng kapurihan at kaluwalhatian at karangalan kapag isiniwalat na si Jesu-Kristo.+ 8 Kahit hindi ninyo siya nakita kailanman, mahal ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon, nananampalataya kayo sa kaniya at labis na nagsasaya at mayroon kayong malaking kagalakan na hindi mailarawan, 9 habang inaabot ninyo ang tunguhin ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ninyo.+
10 May kinalaman sa kaligtasang ito, ang mga propetang humula tungkol sa walang-kapantay na kabaitang para sa inyo ay matiyagang nagsaliksik at nag-aral na mabuti.+ 11 Patuloy nilang sinuri kung kailan at sa anong panahon matutupad ang sinabi ng espiritung nasa kanila may kinalaman kay Kristo+ nang ito ay patiunang magpatotoo tungkol sa mga pagdurusang mararanasan ni Kristo+ at tungkol sa kaluwalhatiang kasunod nito. 12 Isiniwalat sa kanila na sila ay naglilingkod, hindi sa sarili nila, kundi sa inyo, may kinalaman sa sinabi na sa inyo ng mga naghayag ng mabuting balita taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit.+ Ang mismong mga bagay na ito ay gustong-gustong malaman ng mga anghel.
13 Kaya ihanda ninyong mabuti* ang isip ninyo para sa gawain;+ lubusang panatilihin ang inyong katinuan;+ umasa kayo sa walang-kapantay* na kabaitan na ipapakita sa inyo kapag isiniwalat na si Jesu-Kristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog sa mga pagnanasa na mayroon kayo noong wala pa kayong alam, 15 kundi gaya ng Banal na Diyos na tumawag sa inyo, magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo,+ 16 dahil nasusulat: “Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.”+
17 At kung tumatawag kayo sa Ama na humahatol nang patas+ ayon sa ginagawa ng bawat isa, gumawi kayo nang may takot+ habang pansamantala kayong naninirahan sa sanlibutang ito. 18 Dahil alam ninyo na pinalaya* kayo+ mula sa walang-saysay na pamumuhay na natutuhan ninyo sa mga ninuno ninyo,* hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, ng pilak o ginto, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo,+ gaya ng sa isang walang-dungis at walang-batik na kordero,*+ ang kay Kristo.+ 20 Totoo, siya ay pinili na bago pa maitatag ang sanlibutan,+ pero isiniwalat siya sa wakas ng mga panahon alang-alang sa inyo.+ 21 Sa pamamagitan niya, kayo ay naging mga mananampalataya ng Diyos,+ na bumuhay-muli sa kaniya+ at nagbigay sa kaniya ng kaluwalhatian,+ para manampalataya kayo at umasa sa Diyos.
22 Ngayong dinalisay na ninyo ang sarili ninyo sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan na ang resulta ay di-mapagkunwaring pagmamahal sa kapatid,+ masidhi ninyong ibigin ang isa’t isa mula sa puso.+ 23 Dahil muli kayong isinilang,+ hindi sa pamamagitan ng nasisira, kundi ng di-nasisirang binhi,*+ sa pamamagitan ng salita ng buháy at walang-hanggang Diyos.+ 24 Dahil “ang lahat ng tao* ay gaya ng berdeng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nila ay gaya ng bulaklak sa parang; ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, 25 pero ang salita ni Jehova* ay mananatili magpakailanman.”+ At ang “salita” na ito ay ang mabuting balita na inihayag sa inyo.+