Unang Samuel
24 Pagbalik ni Saul mula sa paghabol sa mga Filisteo, sinabi nila sa kaniya: “Si David ay nasa ilang ng En-gedi.”+
2 Kaya si Saul ay kumuha ng 3,000 lalaking pinili mula sa buong Israel at hinanap nila si David at ang mga tauhan nito sa mabato at matarik na dalisdis ng mga kambing-bundok. 3 Nakarating si Saul sa batong kulungan ng tupa na nasa tabi ng daan, kung saan may isang kuweba, at pumasok siya roon para magbawas* samantalang si David at ang mga tauhan nito ay nakaupo sa kaloob-looban ng kuweba.+ 4 Sinabi kay David ng mga tauhan niya: “Ito ang araw na sinasabi sa iyo ni Jehova, ‘Ibibigay ko sa iyong kamay ang kaaway mo,+ at magagawa mo sa kaniya kung ano sa tingin mo ang mabuti.’” Kaya tumayo si David at tahimik na pinutol ang laylayan ng walang-manggas na damit ni Saul. 5 Pero pagkatapos nito, nakonsensiya si David*+ dahil pinutol niya ang laylayan ng walang-manggas na damit ni Saul. 6 Sinabi niya sa mga tauhan niya: “Hinding-hindi ko magagawa iyan sa aking panginoon, ang pinili* ni Jehova, dahil hindi malulugod si Jehova. Hindi ko siya sasaktan dahil siya ang pinili ni Jehova.”+ 7 At napigilan* ni David ang mga tauhan niya dahil sa sinabi niya, at hindi niya sila pinayagang saktan si Saul. Si Saul naman ay tumayo mula sa kuweba at nagpatuloy sa kaniyang lakad.
8 Pagkatapos ay tumayo si David at lumabas sa kuweba at tumawag kay Saul: “Panginoon kong hari!”+ Paglingon ni Saul, yumukod si David at sumubsob sa lupa. 9 Sinabi ni David kay Saul: “Bakit ka naniniwala sa mga nagsasabi sa iyo, ‘Gusto kang saktan ni David’?+ 10 Sa araw na ito ay nakita ng sarili mong mga mata kung paano ka ibinigay ni Jehova sa aking kamay sa kuweba. Pero nang may magsabi sa akin na patayin kita,+ naawa ako sa iyo at sinabi ko, ‘Hindi ko sasaktan ang aking panginoon, dahil siya ang pinili* ni Jehova.’+ 11 At tingnan mo, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong damit na walang manggas na nasa kamay ko; nang putulin ko ang laylayan ng iyong damit na walang manggas, hindi kita pinatay. Nakikita mo na ngayon at naiintindihan na wala akong intensiyong saktan ka o magrebelde sa iyo, at wala akong kasalanan sa iyo,+ pero hinahanap mo ako para patayin.+ 12 Si Jehova nawa ang humatol sa ating dalawa,+ at ipaghiganti nawa ako ni Jehova sa iyo,+ pero hindi kita sasaktan.+ 13 Sabi nga ng sinaunang kasabihan, ‘Sa masama nanggagaling ang kasamaan,’ kaya hindi kita sasaktan. 14 Sino ang tinutugis ng hari ng Israel? Sino ang hinahabol mo? Isang asong patay? Isang pulgas?+ 15 Si Jehova nawa ang maging hukom, at hahatol siya sa ating dalawa, at diringgin niya ang aking kaso at ipagtatanggol ako+ at hahatulan at ililigtas sa kamay mo.”
16 Matapos sabihin ni David ang mga salitang ito, sinabi ni Saul: “Boses mo ba iyan, David, anak ko?”+ At umiyak nang malakas si Saul. 17 Sinabi niya kay David: “Mas matuwid ka kaysa sa akin, dahil ginawan mo ako ng mabuti, pero sinuklian ko iyon ng masama.+ 18 Sinabi mo sa akin ngayon ang kabutihang ginawa mo. Hindi mo ako pinatay nang isuko ako ni Jehova sa iyong kamay.+ 19 Sinong tao na kapag nakita ang kaaway niya ay paaalisin iyon nang hindi sinasaktan? Gagantimpalaan ka ni Jehova+ dahil sa ginawa mo sa akin sa araw na ito. 20 At ngayon, alam kong ikaw ay tiyak na mamamahala bilang hari+ at mananatili sa kamay mo ang kaharian ng Israel. 21 Sumumpa ka sa akin ngayon sa ngalan ni Jehova+ na hindi mo lilipulin ang aking mga inapo* at hindi mo buburahin ang pangalan ko sa sambahayan ng aking ama.”+ 22 Kaya sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos ay umuwi si Saul sa bahay niya.+ Pero si David at ang mga tauhan niya ay umakyat sa ligtas na lugar.+