Exodo
25 At sinabi ni Jehova kay Moises: 2 “Sabihin mo sa bayang Israel na lumikom ng abuloy para sa akin; lumikom kayo mula sa bawat tao na naudyukan ng puso niya na magbigay.+ 3 Ito ang abuloy na tatanggapin ninyo mula sa kanila: ginto,+ pilak,+ tanso,+ 4 asul na sinulid, purpurang lana,* matingkad-na-pulang sinulid,* magandang klase ng lino, balahibo ng kambing, 5 balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, balat ng poka,* kahoy ng akasya,+ 6 langis para sa ilawan,+ balsamong gagamitin sa langis para sa pag-aatas+ at sa mabangong insenso,+ 7 at batong onix at iba pang bato na ilalagay sa epod*+ at pektoral.*+ 8 Gagawa kayo ng isang santuwaryo para sa akin, at maninirahan* akong kasama ninyo.+ 9 Gagawin ninyo iyon, ang tabernakulo at ang lahat ng kagamitan dito, ayon sa mismong parisan* na ipapakita ko sa iyo.+
10 “Gagawa kayo ng isang kaban na yari sa kahoy ng akasya—dalawa at kalahating siko* ang haba, isa at kalahating siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas.+ 11 Babalutan mo iyon ng purong ginto.+ Babalutan mo iyon sa loob at labas, at papalibutan mo ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito.+ 12 Maghuhulma ka ng apat na gintong argolya* para dito at ikakabit mo ang mga iyon sa itaas ng apat na paa nito, dalawang argolya sa isang panig at dalawa sa kabila. 13 Gagawa ka ng mga pingga* na yari sa kahoy ng akasya at babalutan mo ng ginto ang mga iyon.+ 14 Ipapasok mo ang mga pingga sa mga argolya na nasa mga gilid ng Kaban para mabuhat ang Kaban. 15 Ang mga pingga ay mananatiling nakapasok sa mga argolya ng Kaban; hindi aalisin doon ang mga iyon.+ 16 Ipapasok mo sa Kaban ang Patotoo na ibibigay ko sa iyo.+
17 “Gagawa ka ng pantakip na purong ginto—dalawa at kalahating siko ang haba at isa at kalahating siko ang lapad.+ 18 Gagawa ka ng dalawang kerubin na yari sa pinukpok na ginto at ilalagay mo ang mga iyon sa magkabilang dulo ng pantakip.+ 19 Gawin mo ang mga kerubin at maglagay ka ng isa sa bawat dulo ng pantakip. 20 Nakaunat paitaas ang dalawang pakpak ng mga kerubin, at natatakpan ng mga pakpak nila ang pantakip;+ nakaharap sila sa isa’t isa. Ang mga kerubin ay nakayuko sa pantakip. 21 Ilalagay mo ang pantakip+ sa ibabaw ng Kaban, at ipapasok mo sa Kaban ang Patotoo na ibibigay ko sa iyo. 22 Magpapakita ako roon sa iyo at makikipag-usap ako sa iyo mula sa ibabaw ng pantakip.+ Mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng Patotoo, ipaaalam ko sa iyo ang lahat ng utos na sasabihin mo sa mga Israelita.
23 “Gagawa ka rin ng isang mesa+ na yari sa kahoy ng akasya—dalawang siko ang haba, isang siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas.+ 24 Babalutan mo iyon ng purong ginto at papalibutan ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito. 25 Gagawa ka para sa palibot nito ng isang panggilid na sinlapad-ng-kamay,* at lalagyan mo ng gintong dekorasyon ang palibot ng panggilid. 26 Igagawa mo iyon ng apat na gintong argolya, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na kanto kung saan nakakabit ang apat na paa. 27 Dapat na malapit sa panggilid ang mga argolya na pagsusuotan ng mga pingga na pambuhat sa mesa. 28 Gagawa ka ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya, at babalutan mo ng ginto ang mga iyon at bubuhatin ang mesa sa pamamagitan ng mga iyon.
29 “Gagawa ka rin para dito ng mga pinggan at kopa at ng mga pitsel at mangkok na gagamitin para ibuhos ang mga handog na inumin. Purong ginto ang gagamitin mo sa paggawa ng mga iyon.+ 30 At lagi kang maglalagay ng tinapay na pantanghal sa ibabaw ng mesa sa harap ko.+
31 “Gagawa ka ng kandelero+ na yari sa purong ginto. Pinukpok na ginto ang gagamitin mo sa paggawa nito. Ito ay dapat na isang buong piraso na may paanan, pinakakatawan, mga sanga, mga kalis,* mga buko,* at mga bulaklak.+ 32 At may anim na sanga sa magkabilang panig ng kandelero, tatlong sanga sa isang panig nito at tatlong sanga sa kabila. 33 Ang bawat sanga sa isang panig ay may tatlong kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. Ganiyan din ang bawat sanga sa kabilang panig. Ganito dapat ang hitsura ng anim na sanga ng kandelero. 34 Ang pinakakatawan ng kandelero ay may apat na kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. 35 May buko sa ilalim ng unang dalawang sanga na nasa pinakakatawan. May buko rin sa ilalim ng sumunod na dalawang sanga at sa ilalim ng sumunod pang dalawang sanga. Ito ang magiging puwesto ng anim na sanga sa pinakakatawan. 36 Ang mga buko, mga sanga, at ang buong kandelero ay dapat na isang buong piraso ng pinukpok na purong ginto.+ 37 Gagawa ka ng pitong ilawan para dito, at kapag may sindi ang mga ilawan, paliliwanagin ng mga ito ang lugar sa harap nito.+ 38 Ang mga pang-ipit ng mitsa* nito at mga lalagyan ng baga* nito ay purong ginto.+ 39 Gagawin ito, pati na ang mga kagamitang ito, gamit ang isang talento* ng purong ginto. 40 Tiyakin mong gagawin mo ang mga iyon ayon sa parisan* na ipinakita sa iyo sa bundok.+