Josue
7 Pero ang mga Israelita ay hindi naging tapat may kinalaman sa mga bagay na dapat wasakin. Si Acan+ na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, mula sa tribo ni Juda ay kumuha ng ilang bagay na dapat wasakin.+ Kaya nag-init ang galit ni Jehova sa mga Israelita.+
2 At si Josue ay nagpadala ng mga lalaki mula sa Jerico papunta sa Ai,+ na malapit sa Bet-aven at nasa silangan ng Bethel.+ Sinabi niya sa kanila: “Pumunta* kayo sa lupain at mag-espiya roon.” Kaya pumunta ang mga lalaki at nag-espiya sa Ai. 3 Pagbalik nila kay Josue, sinabi nila sa kaniya: “Hindi mo kailangang papuntahin doon ang buong bayan. Sapat na ang mga dalawa o tatlong libong lalaki para matalo ang Ai. Huwag mong pagurin sa pagpunta roon ang buong bayan, dahil kaunti lang sila.”
4 Kaya mga 3,000 lalaki ang nagpunta roon, pero tumakas sila mula sa mga lalaki ng Ai.+ 5 Nakapagpabagsak ang mga lalaki ng Ai ng 36 na lalaki, at hinabol nila ang mga Israelita sa labas ng pintuang-daan pababa ng burol hanggang sa Sebarim,* at patuloy nilang pinabagsak ang mga ito. Kaya natakot ang bayan at pinanghinaan ng loob.*
6 Kaya pinunit ni Josue ang damit niya at sumubsob siya sa lupa sa harap ng Kaban ni Jehova hanggang gabi, siya at ang matatandang lalaki ng Israel, at patuloy silang naglalagay ng alabok sa ulo nila. 7 Sinabi ni Josue: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova, bakit mo pa itinawid ang bayang ito sa Jordan para ibigay lang kami sa mga Amorita at mapuksa? Nakontento na lang sana kami sa kabilang ibayo* ng Jordan at nanatili roon! 8 Pagpasensiyahan mo ako, O Jehova, ano ang masasabi ko ngayong umatras ang Israel sa mga kaaway niya? 9 Kapag narinig ng mga Canaanita at ng lahat ng nakatira sa lupain ang tungkol dito, papalibutan nila kami at buburahin ang pangalan namin sa lupa; at ano ang gagawin mo para sa iyong dakilang pangalan?”+
10 Sumagot si Jehova kay Josue: “Tumayo ka! Bakit ka nakasubsob sa lupa? 11 Nagkasala ang Israel. Lumabag sila sa ipinakipagtipan ko+ sa kanila. Kumuha sila ng mga bagay na dapat wasakin,+ ninakaw+ nila iyon at palihim na isinama sa mga pag-aari nila.+ 12 Kaya hindi magtatagumpay ang mga Israelita laban sa mga kaaway nila. Aatras sila at tatakas mula sa mga kaaway nila, dahil naging karapat-dapat sila sa pagkapuksa. Hindi ko kayo tutulungan malibang puksain ninyo mula sa gitna ninyo ang mga karapat-dapat sa pagkapuksa.+ 13 Kumilos ka at pabanalin mo ang bayan!+ Sabihin mo sa kanila, ‘Pabanalin ninyo ang sarili ninyo para bukas, dahil sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Mayroong nasa gitna mo na dapat puksain, O Israel. Hindi ka magtatagumpay laban sa mga kaaway mo hanggang sa maalis mo sa gitna mo ang dapat puksain. 14 Bukas ng umaga, haharap kayo nang tribo-tribo, at sa tribong pipiliin ni Jehova+ ay lalapit ang bawat angkan, at sa angkang pipiliin ni Jehova ay lalapit ang bawat pamilya, at sa pamilyang pipiliin ni Jehova ay lalapit ang bawat lalaki. 15 At ang matutuklasang kumuha ng bagay na dapat wasakin ay susunugin,+ siya at ang lahat ng sa kaniya, dahil nilabag niya ang tipan+ ni Jehova at dahil gumawa siya ng kahiya-hiyang bagay sa Israel.”’”
16 Kaya kinabukasan, maagang bumangon si Josue at pinalapit ang Israel ayon sa mga tribo nila, at ang tribo ni Juda ang napili. 17 Pinalapit niya ang mga angkan ni Juda at ang angkan ng mga Zerahita+ ang napili, at saka niya pinalapit ang angkan ng mga Zerahita, ang bawat lalaki, at si Zabdi ang napili. 18 Kahuli-hulihan, pinalapit niya ang pamilya ni Zabdi, ang bawat lalaki, at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, mula sa tribo ni Juda, ang napili.+ 19 Pagkatapos, sinabi ni Josue kay Acan: “Anak ko, pakisuyo, parangalan mo si Jehova na Diyos ng Israel at magtapat ka sa kaniya. Pakisuyo, sabihin mo sa akin kung ano ang ginawa mo. Huwag mong ilihim iyon sa akin.”
20 Sinabi ni Acan kay Josue: “Ako nga po ang nagkasala kay Jehova na Diyos ng Israel, at ito ang ginawa ko. 21 Nang makita ko sa samsam ang isang maganda at mamahaling damit* mula sa Sinar+ at ang 200 siklong* pilak at isang bara ng ginto, na 50 siklo ang bigat, nagustuhan ko ang mga iyon, kaya kinuha ko. Nakabaon ang mga iyon sa lupa sa loob ng tolda ko at ang pera ay nasa ilalim.”
22 Agad na nagpadala si Josue ng mga mensahero, at tumakbo sila sa tolda. Nakatago nga doon sa tolda niya ang damit, at ang pera ay nasa ilalim nito. 23 Kaya kinuha nila ang mga iyon mula sa tolda at dinala kay Josue at sa lahat ng Israelita, at inilagay nila ang mga iyon sa harap ni Jehova. 24 At kinuha ni Josue, kasama ng buong Israel, si Acan+ na anak ni Zera, ang pilak, ang mamahaling damit, at ang bara ng ginto,+ at ang kaniyang mga anak na lalaki at babae, ang kaniyang toro, asno, kawan, tolda, at ang lahat ng sa kaniya, at dinala nila ang mga ito sa Lambak* ng Acor.+ 25 Sinabi ni Josue: “Bakit mo kami ipinahamak?+ Ipapahamak ka ni Jehova sa araw na ito.” Pagkatapos, pinagbabato siya ng buong Israel;+ at pinagbabato rin nila ang iba pang kasama niya, at saka sila sinunog lahat.+ 26 At tinabunan nila siya ng napakaraming bato, na naroon pa hanggang ngayon. Pagkatapos ay humupa ang galit ni Jehova.+ Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Lambak ng Acor,* hanggang sa araw na ito.