EZRA
[Tulong].
1. Isang Aaronikong saserdote, isang inapo nina Eleazar at Pinehas, isang iskolar, isang dalubhasang tagakopya at guro ng Kautusan, bihasa kapuwa sa Hebreo at Aramaiko. Si Ezra ay may tunay na sigasig sa dalisay na pagsamba at “inihanda [niya] ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang magsagawa niyaon at upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan.” (Ezr 7:1-6, 10) Bukod sa pagsulat ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan, lumilitaw na si Ezra ang sumulat ng dalawang aklat ng Mga Cronica, at kinikilala ng tradisyong Judio na siya ang nagpasimula ng pagtitipon at paggawa ng katalogo ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan. Isa pa, si Ezra ay isang namumukod-tanging mananaliksik, anupat bumanggit siya ng mga 20 pinagkunan ng impormasyon sa dalawang aklat ng Mga Cronica. Yamang marami sa mga Judio ang nangalat sa iba’t ibang dako noong mga araw ni Ezra, kinailangan ang paggawa ng maraming kopya ng Hebreong Kasulatan, at malamang na si Ezra ang nanguna sa gawaing ito.
Walang ibinibigay na detalye sa Bibliya tungkol sa maagang bahagi ng buhay ni Ezra. Nanirahan siya sa Babilonya. Nagmula siya sa isang pamilya ng mga mataas na saserdote ngunit hindi mula sa partikular na angkan na kaagad na humawak ng mataas na pagkasaserdote pagkabalik mula sa pagkatapon noong 537 B.C.E. Ang kahuli-hulihan sa mga ninuno ni Ezra na humawak ng katungkulang iyon ay si Seraias, na mataas na saserdote noong mga araw ni Haring Zedekias ng Juda. Ang Seraias na ito ay ipinapatay ni Nabucodonosor nang mabihag ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (Ezr 7:1, 6; 2Ha 25:18, 21) Sa Babilonya, nanatili ang paggalang ng mga Judio sa pagkasaserdote, at dahil dito, naingatan ng makasaserdoteng mga pamilya ang kanilang pagkakakilanlan. Karagdagan pa, patuloy na umiral ang organisasyon ng komunidad ng mga Judio, na ang matatandang lalaki ang mga ulo. (Eze 20:1) Malamang na ninais ng pamilya ni Ezra, at ni Ezra mismo, na magtamo siya ng kaalaman sa kautusan ng Diyos. Kaya naman pinaglaanan siya ng mahusay na edukasyon.
Kung, gaya ng paniwala ng ilang iskolar, ang isang tao ay hindi maaaring maging eskriba hanggang sa sumapit sa edad na 30, malamang na si Ezra ay mahigit na sa 30 taóng gulang noong 468 B.C.E. nang pumaroon siya sa Jerusalem. Walang alinlangang nabubuhay na siya noong panahon ng pamamahala ni Ahasuero, noong panahon nina Mardokeo at Esther, nang panahong magpalabas ng batas na lipulin ang mga Judio sa buong Imperyo ng Persia. Maraming Judio ang naninirahan sa Babilonya, kaya ang pambansang krisis na ito ay malamang na tumimo sa isip ni Ezra, anupat nagpalakas sa kaniya na manampalataya sa pangangalaga at pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan at nagsilbing pagsasanay, na pinaging may-gulang siya sa pagpapasiya at sa kakayahang isagawa ang napakabigat na pananagutang iniatang sa kaniya nang dakong huli.—Es 1:1; 3:7, 12, 13; 8:9; 9:1.
Patungo sa Jerusalem. Noong 468 B.C.E., 69 na taon pagkabalik ng tapat na mga Judiong nalabi mula sa Babilonya sa ilalim ng pangunguna ni Zerubabel, nang ipagkaloob ng Persianong hari na si Artajerjes Longimanus kay Ezra ang “lahat ng kahilingan niya” may kinalaman sa pagparoon sa Jerusalem at pagpapasulong ng dalisay na pagsamba roon. Ayon sa opisyal na liham ng hari, yaong mga Israelita na kusang-loob na nagnanais sumama kay Ezra patungo sa Jerusalem ay dapat na sumama.—Ezr 7:1, 6, 12, 13.
Maging noong mga araw ni Ezra, bakit kinailangan ng mga Judiong umalis ng Babilonya ang matibay na pananampalataya?
Marami sa mga Judio ang yumaman sa Babilonya, ngunit walang gaanong oportunidad sa Jerusalem upang umunlad. Kakaunti lamang ang naninirahan sa Jerusalem. Ang mainam na pasimulang ginawa ng mga Judio sa ilalim ni Zerubabel ay waring naglaho. Isang komentarista, si Dean Stanley, ang nagsabi: “Mangilan-ngilan lamang ang tumatahan sa Jerusalem mismo, at waring naudlot ang naisagawang pagsulong sa ilalim ng mga unang namayan. . . . Tiyak nga na, kung dahil man sa orihinal na kahinaan ng bumabangong pamayanan, o dahil sa ilang bagong pananalakay ng nakapalibot na mga tribo, na dito ay wala tayong malinaw na pahiwatig, ang mga pader ng Jerusalem ay hindi pa rin tapos; malalaking puwang ang naiwan sa mga iyon kung saan ang mga pintuang-daan ay nasunog at hindi nakumpuni; nakakalat sa mga gilid ng mabatong mga burol nito ang mga guho ng mga ito; ang Templo, bagaman tapos na, ay kakaunti pa rin ang mga muwebles at kulang ang mga palamuti.” (Ezra and Nehemiah: Their Lives and Times, ni George Rawlinson, London, 1890, p. 21, 22) Kaya ang pagbabalik sa Jerusalem ay nangahulugan ng kawalan ng posisyon, pagkaputol ng mga ugnayan, pagkakait sa isa ng humigit-kumulang ay maginhawang paraan ng pamumuhay, at ng pagtatatag ng bagong buhay sa isang malayong lupain sa ilalim ng mga kalagayang nakapipighati, mahirap, at posibleng mapanganib, huwag nang banggitin pa ang isang mahaba at delikadong paglalakbay, yamang maraming napopoot na tribong Arabe at iba pang mga kaaway ang maaaring makaengkuwentro. Humiling ito ng sigasig sa tunay na pagsamba, pananampalataya kay Jehova, at lakas ng loob upang isagawa ang paglipat. Mga 1,500 lalaki lamang at ang kani-kanilang pamilya ang nasumpungang handa at may kakayahang pumaroon, marahil ay mga 6,000 sa kabuuan. Mahirap ang atas ni Ezra bilang kanilang lider. Ngunit naihanda si Ezra ng kaniyang nakaraang landasin sa buhay, at nagpakalakas siya kaayon ng kamay ni Jehova na sumasakaniya.—Ezr 7:10, 28; 8:1-14.
Naglaan ang Diyos na Jehova ng lubhang kinakailangang materyal na tulong, sapagkat ang pinansiyal na kalagayan sa Jerusalem ay hindi mabuti at ang kayamanan niyaong mga maglalakbay na kasama ni Ezra ay limitado. Napakilos si Haring Artajerjes at ang kaniyang pitong tagapayo na magbigay ng boluntaryong abuloy na gagamitin sa pagbili ng mga hayop na ihahain at ng kanilang mga handog na mga butil at mga handog na inumin. Karagdagan pa, si Ezra ay binigyan ng awtoridad na tumanggap ng mga abuloy para sa layuning ito mula sa nasasakupang distrito ng Babilonya. Kung may anumang lalabis sa mga pondo, pagpapasiyahan ni Ezra at niyaong mga kasama niya kung paano ito magagamit sa pinakamainam na paraan. Ang mga sisidlan para sa paglilingkod sa templo ay dapat na dalhing lahat sa Jerusalem. Kung kinakailangan, ang karagdagang mga pondo ay maaaring makuha mula sa ingatang-yaman ng hari. Ang mga ingat-yaman sa kabilang ibayo ng Ilog ay sinabihan na si Ezra ay maaaring humiling sa kanila ng pilak, trigo, alak, at langis hanggang sa itinakdang dami, at asin na walang takdang dami, at na ang kahilingan nito ay dapat ibigay kaagad. Bukod diyan, ang mga saserdote at mga manggagawa sa templo ay libre sa pagbubuwis. Karagdagan pa, si Ezra ay binigyan ng awtoridad na mag-atas ng mga mahistrado at mga hukom, at ang kahatulan ay dapat na ilapat sa sinuman na hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos at sa kautusan ng hari, “ukol man sa kamatayan o ukol sa pagpapalayas, o ukol sa multang salapi o ukol sa pagkabilanggo.”—Ezr 7:11-26.
Palibhasa’y kinikilala ni Ezra ang patnubay ni Jehova sa bagay na ito, kaagad niyang isinagawa ang kaniyang atas. Tinipon niya ang mga Israelita sa pampang ng ilog ng Ahava, kung saan niya isinagawa ang tatlong-araw na pagsusuri sa bayan. Dito ay nasumpungan niya na, bagaman kasama nila ang ilang saserdote, walang isa man sa mga di-saserdoteng Levita ang nagboluntaryo, at kailangang-kailangan sila sa paglilingkod sa templo. Dito ay ipinakita ni Ezra ang kaniyang mga kuwalipikasyon bilang isang lider. Palibhasa’y di-nasiraan ng loob sa situwasyong iyon, kaagad siyang nagsugo ng opisyal na delegasyon sa mga Judio sa Casipia. Mabuti ang naging pagtugon ng mga ito, anupat naglaan ng 38 Levita at 220 Netineo. Kasama ang kani-kanilang pamilya, walang alinlangang pinalaki nito ang bilang ng mga kasamahan ni Ezra tungo sa mahigit na 7,000.—Ezr 7:27, 28; 8:15-20.
Pagkatapos ay naghayag si Ezra ng isang pag-aayuno upang usisain kay Jehova ang tamang daan. Bagaman ang kaniyang pulutong ay magdadala ng malaking kayamanan, hindi nais ni Ezra na malagay sa kahit kaunting pag-aalinlangan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng paghiling ng hukbong tagapaghatid matapos niyang ipahayag sa hari ang kaniyang lubos na pananampalataya sa pagsasanggalang ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Pagkatapos na magsumamo sa Diyos, tumawag siya ng 12 mula sa mga pinuno ng mga saserdote, anupat maingat na tinimbang sa kanila ang abuloy, na sa makabagong-panahong halaga ay maliwanag na nagkakahalaga nang mahigit sa $43,000,000, at ipinagkatiwala iyon sa kanila.—Ezr 8:21-30.
Ang kamay ni Jehova ay napatunayang sumasa kay Ezra at sa mga kasama niya, anupat ipinagsanggalang sila mula sa “kaaway sa daan,” kung kaya nakarating sila nang ligtas sa Jerusalem. (Ezr 8:22) Hindi siya nahirapan na makilala siya ng mga saserdote at mga Levita na naglilingkod sa templo, na pinagbigyan niya ng mahahalagang bagay na dinala niya.—Ezr 8:31-34.
Hinimok ang Israel na Paalisin ang mga Asawang Banyaga. Pagkatapos na maghandog ng mga hain sa templo, napag-alaman ni Ezra mula sa mga prinsipe na marami sa bayan, sa mga saserdote, at sa mga Levita na naninirahan sa lupain ang kumuha ng mga asawang banyaga. Nang marinig niya ito, hinapak ni Ezra ang kaniyang kasuutan at ang kaniyang damit na walang manggas, binunot ang ilang buhok ng kaniyang ulo at ng kaniyang balbas, at nanatili siyang nakaupong natitigilan hanggang sa pagsapit ng panggabing handog na mga butil. Nang magkagayon, pagkatapos niyang iluhod ang kaniyang mga tuhod at iunat ang kaniyang mga palad kay Jehova, siya, sa harap ng nagkakatipong mga Israelita, ay gumawa ng pangmadlang pagtatapat ng mga kasalanan ng kaniyang bayan, pasimula noong mga araw ng kanilang mga ninuno.—Ezr 8:35–10:1.
Pagkatapos nito, si Secanias, na nagsalita para sa bayan, ay nagrekomenda na makipagtipan sila kay Jehova na paalisin ang kanilang mga asawang banyaga at ang mga anak na ipinanganak sa kanila, at saka niya sinabi kay Ezra: “Bumangon ka, sapagkat ang bagay na ito ay nakaatang sa iyo, at kami ay sumasaiyo. Magpakalakas ka at kumilos.” Alinsunod dito, pinanumpa ni Ezra ang bayan, at pinasabihan niya ang lahat ng dating tapon na magtipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw upang ituwid ang kamaliang ito. Noong okasyong iyon ay pinayuhan ni Ezra yaong mga nagkakatipon na magtapat kay Jehova at bumukod mula sa kanilang mga asawang banyaga. Gayunman, dahil napakaraming tao ang sangkot sa pagsalansang na ito, hindi naging posible na asikasuhin ang lahat ng bagay nang mismong pagkakataong iyon, ngunit unti-unti, sa loob ng isang yugto na mga tatlong buwan, ang karumihan ay naalis.—Ezr 10:2-17.
Kasama ni Nehemias. Hindi tiyak kung si Ezra ay nanatili sa Jerusalem o bumalik sa Babilonya. Ngunit ang masasamang kalagayan na sinapit ng lunsod, lakip na ang katiwalian na nagpasamâ sa pagkasaserdote, ay waring nagpapahiwatig na wala siya roon. Maaaring ipinatawag siya ni Nehemias upang bumalik pagkatapos na muling maitayo ang mga pader ng Jerusalem. Magkagayunman, masusumpungan natin na muli siyang lumitaw sa tanawin, kung saan ipinakikita siya na nagbabasa ng Kautusan sa nagkakatipong bayan at nagtuturo sa kanila. Noong ikalawang araw ng kapulungang iyon ay nagdaos ng pantanging pakikipagpulong kay Ezra ang mga ulo ng bayan upang magtamo ng kaunawaan sa Kautusan. Ang Kapistahan ng mga Kubol ay idinaos na may pagsasaya. Pagkatapos ng walong-araw na pangingilin, ang Tisri 24 ay itinalaga bilang isang araw ng pagkakait sa sarili at pagtatapat ng kanilang mga kasalanan, na may pananalangin. Sa ilalim ng matatag na pangunguna at pangangasiwa nina Ezra at Nehemias, “isang mapagkakatiwalaang kaayusan” ang ginawa, hindi bibigan sa pagkakataong ito, kundi sa sulat, na pinatotohanan sa pamamagitan ng tatak ng mga prinsipe, mga Levita, at mga saserdote.—Ne 8:1-9, 13-18; kab 9.
Pagsulat. Ang mga aklat ng Bibliya na Mga Cronica gayundin ang aklat na nagtataglay ng pangalan ni Ezra ay nagbibigay ng katibayan na si Ezra ay isang napakasipag na mananaliksik, na may kakayahang magpasiya kung alin ang pipiliin sa iba’t ibang kopya ng Kautusan na umiiral noon. Nagpakita siya ng di-pangkaraniwang sigasig sa paghahanap ng opisyal na mga dokumento ng kaniyang bansa, at maliwanag na dahil sa kaniyang mga pagsisikap kung kaya taglay natin ang tumpak na ulat na ibinibigay sa atin ng Mga Cronica. Gayunman, dapat nating tandaan na sumakaniya ang espiritu ng pagkasi ng Diyos at na pinatnubayan siya ng Diyos sa layuning maingatan ang isang malaking bahagi ng kasaysayan ng Israel para sa ating kapakinabangan.
Ang sigasig ni Ezra para sa katuwiran, ang kaniyang mapanalangining pananalig kay Jehova, ang kaniyang katapatan sa pagtuturo ng kautusan ng Diyos sa Israel, at ang kaniyang pagiging masikap sa pagpapasulong ng tunay na pagsamba ang dahilan kung bakit siya, bilang isa sa “ganito kalaking ulap ng mga saksi,” ay isang mainam na halimbawa na karapat-dapat tularan.—Heb 12:1.
2. Isang saserdote na bumalik kasama ni Zerubabel mula sa Babilonya patungong Jerusalem noong 537 B.C.E.—Ne 12:1, 13.