Zacarias
14 “Darating ang araw, isang araw na para kay Jehova, kung kailan ang sinamsam sa iyo* ay paghahati-hatian sa gitna mo. 2 Titipunin ko ang lahat ng bansa laban sa Jerusalem para sa digmaan; at ang lunsod ay bibihagin, ang mga bahay ay sasamsaman, at ang mga babae ay gagahasain. At ang kalahati ng lunsod ay ipatatapon, pero ang matitira sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod.
3 “Si Jehova ay lalabas at makikipagdigma laban sa mga bansang iyon+ gaya ng pakikipagdigma niya noon sa mga kaaway.+ 4 Sa araw na iyon, tutuntong siya sa Bundok ng mga Olibo,+ na nasa tapat ng Jerusalem sa silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mabibiyak sa gitna, mula silangan* hanggang kanluran,* kaya magkakaroon ng isang napakalaking lambak; at ang kalahati ng bundok ay mapupunta sa hilaga, at ang kalahati ay mapupunta sa timog. 5 Tatakas kayo papunta sa lambak ng aking mga bundok, dahil ang lambak ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azel. Tatakas kayo, gaya ng pagtakas ninyo dahil sa lindol noong panahon ni Haring Uzias ng Juda.+ At darating si Jehova na aking Diyos, kasama ang lahat ng banal.+
6 “Sa araw na iyon, hindi magkakaroon ng maningning na liwanag+—ang mga bagay ay mamumuo.* 7 At ang araw na iyon ay makikilala bilang araw ni Jehova.+ Hindi ito magiging araw, o magiging gabi; at sa gabi ay magkakaroon ng liwanag. 8 Sa araw na iyon, ang tubig na nagbibigay-buhay+ ay aagos mula sa Jerusalem,+ ang kalahati nito ay papunta sa silanganing dagat,*+ at ang kalahati ay papunta sa kanluraning dagat.*+ Mangyayari ito sa tag-araw at sa taglamig. 9 At si Jehova ay magiging Hari sa buong lupa.+ Sa araw na iyon, si Jehova ay magiging iisa,*+ at ang pangalan niya ay magiging iisa.+
10 “Ang buong lupain ay magiging gaya ng Araba,+ mula sa Geba+ hanggang sa Rimon+ na nasa timog ng Jerusalem; at babangon siya sa sarili niyang lugar at paninirahan siya,+ mula sa Pintuang-Daan ng Benjamin+ hanggang sa lugar ng Unang Pintuang-Daan at sa Panulukang Pintuang-Daan, at mula sa Tore ni Hananel+ hanggang sa mga pisaan ng ubas ng hari. 11 At paninirahan siya ng mga tao; at hindi na muling magkakaroon ng sumpa ng pagkapuksa,+ at ang Jerusalem ay paninirahan nang tiwasay.+
12 “At ito ang salot na pasasapitin ni Jehova sa lahat ng bayan na makikipagdigma sa Jerusalem:+ Mabubulok ang laman nila habang nakatayo sila, mabubulok ang mga mata nila sa mga ukit nito, at mabubulok ang dila nila sa kanilang bibig.
13 “Sa araw na iyon, lilituhin silang lahat ni Jehova; at susunggaban ng bawat isa ang kamay ng kasamahan niya, at sasaktan niya ang kasamahan niya.+ 14 Ang Juda rin ay sasama sa digmaan sa Jerusalem; at ang yaman ng lahat ng kalapít na bansa ay matitipon, ginto at pilak at mga damit na napakarami.+
15 “At ang salot na ito ay sasapit din sa mga kabayo, mula,* kamelyo, asno, at sa lahat ng alagang hayop na nasa mga kampong iyon.
16 “Ang lahat ng matitira sa mga bansang lumaban sa Jerusalem ay aakyat taon-taon+ para yumukod* sa Hari, kay Jehova ng mga hukbo,+ at para ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol.*+ 17 Pero kung may sinuman mula sa mga pamilya sa lupa na hindi aakyat sa Jerusalem para yumukod sa Hari, kay Jehova ng mga hukbo, walang darating na ulan sa kanila.+ 18 At kung ang pamilya ng Ehipto ay hindi aakyat at papasok, walang darating na ulan sa kanila. Sa halip, sasalutin sila ni Jehova kung paano niya sinasalot ang mga bansang hindi umaakyat para ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol. 19 Ito ang magiging parusa para sa kasalanan ng Ehipto at sa kasalanan ng lahat ng bansa na hindi aakyat para ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol.
20 “Sa araw na iyon, ang pananalitang ‘Kay Jehova ang kabanalan!’+ ay isusulat sa kampanilya ng mga kabayo. At ang lutuan*+ na nasa bahay ni Jehova ay magiging tulad ng mga mangkok+ sa harap ng altar. 21 At ang bawat lutuan* sa Jerusalem at sa Juda ay magiging banal at magiging kay Jehova ng mga hukbo, at ang lahat ng naghahandog ay darating at magpapakulo sa mga ito. Sa araw na iyon, wala nang Canaanita* sa bahay ni Jehova ng mga hukbo.”+