Ayon kay Mateo
21 Nang malapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage sa Bundok ng mga Olibo,+ nagsugo si Jesus ng dalawang alagad.+ 2 Sinabi niya sa kanila: “Pumunta kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at makakakita kayo agad ng isang asnong nakatali, kasama ang isang bisiro.* Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin sa akin. 3 Kung may magtanong sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kailangan ng Panginoon ang mga ito.’ At agad niyang ipadadala ang mga ito.”
4 Talagang nangyari ito para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propeta: 5 “Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion: ‘Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo,+ mahinahon,+ at nakasakay sa asno, oo, sa isang bisiro, na anak ng hayop na pantrabaho.’”+
6 Kaya umalis ang mga alagad at ginawa ang iniutos sa kanila ni Jesus.+ 7 Dinala nila ang asno at ang bisiro nito, at ipinatong nila sa mga ito ang mga balabal nila, at umupo siya sa mga iyon.+ 8 Inilatag ng karamihan sa mga tao ang mga balabal nila sa daan;+ ang iba naman ay pumutol ng mga sanga mula sa mga puno at inilatag nila ang mga ito sa daan. 9 Gayundin, ang mga taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kaniya ay patuloy na sumisigaw: “Iligtas nawa ang Anak ni David!+ Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova!+ Iligtas nawa siya, ang dalangin namin sa langit!”+
10 At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lunsod. Sinasabi ng mga tao: “Sino ito?” 11 Ang mga taong kasama niya ay nagsasabi: “Ito ang propetang si Jesus,+ mula sa Nazaret ng Galilea!”
12 Pumasok si Jesus sa templo at pinalayas ang lahat ng nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob niya ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati.+ 13 At sinabi niya sa kanila: “Nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan,’+ pero ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”+ 14 Gayundin, lumapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at pilay, at pinagaling niya sila.
15 Nang makita ng mga punong saserdote at mga eskriba ang mga himalang ginawa niya at ang mga batang lalaki na sumisigaw sa templo, “Iligtas nawa ang Anak ni David!”+ nagalit sila.+ 16 Sinabi nila sa kaniya: “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” Sumagot si Jesus: “Oo. Hindi pa ba ninyo nabasa ang ganito, ‘Mula sa bibig ng mga bata at sanggol ay pinalabas mo ang papuri’?”+ 17 At iniwan niya sila at umalis sa lunsod papuntang Betania. Doon siya nagpalipas ng gabi.+
18 Kinaumagahan, habang pabalik siya sa lunsod, nagutom siya.+ 19 May nakita siyang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan niya iyon, pero wala itong bunga kundi mga dahon lang.+ Kaya sinabi niya rito: “Huwag ka nang mamunga kahit kailan.”+ At natuyot agad ang puno ng igos. 20 Nang makita ito ng mga alagad, namangha sila at sinabi nila: “Paano nangyaring natuyot agad ang puno ng igos?”+ 21 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, kung may pananampalataya kayo at hindi nag-aalinlangan, hindi lang ang ginawa ko sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Kahit pa sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umangat ka at mahulog sa dagat,’ mangyayari iyon.+ 22 At lahat ng hihilingin ninyo sa panalangin ay ibibigay sa inyo kung nananampalataya kayo.”+
23 Pumasok siya sa templo. Habang nagtuturo siya, lumapit sa kaniya ang mga punong saserdote at ang matatandang lalaki ng bayan. Sinabi nila: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng ganiyang awtoridad?”+ 24 Sinabi ni Jesus sa kanila: “May itatanong din ako sa inyo. Kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot, sasabihin ko rin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito: 25 Sino ang nagbigay kay Juan ng awtoridad na magbautismo, ang langit o ang mga tao?” Nag-usap-usap sila: “Kung sasabihin natin, ‘Ang langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’+ 26 Kung sasabihin naman natin, ‘Ang mga tao,’ baka kung ano ang gawin sa atin ng mga tao, dahil lahat sila ay naniniwalang propeta si Juan.”+ 27 Kaya sumagot sila kay Jesus: “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito.
28 “Pag-isipan ninyo ito. Isang tao ang may dalawang anak. Nilapitan niya ang nakatatandang anak at sinabi rito, ‘Anak, magtrabaho ka ngayon sa ubasan.’ 29 Sinabi nito, ‘Ayoko po,’ pero nakonsensiya ito at nagpunta sa ubasan. 30 Nilapitan niya ang nakababatang anak at ganoon din ang sinabi niya. Sumagot ito, ‘Sige po,’ pero hindi ito nagpunta. 31 Sino sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?” Sumagot sila: “Ang nakatatandang anak.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna na sa inyo sa Kaharian ng Diyos.+ 32 Dahil si Juan ay dumating sa inyo na nagtuturo ng matuwid na daan, pero hindi kayo naniwala sa kaniya. Ang mga maniningil ng buwis at mga babaeng bayaran ay naniwala sa kaniya.+ Nakita ninyo ito, pero hindi pa rin kayo nagsisi at hindi kayo naniwala sa kaniya.
33 “Pakinggan ninyo ang isa pang ilustrasyon: May isang tao na nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid.+ Binakuran niya ang ubasan, gumawa siya rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo siya ng isang tore;+ pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain.+ 34 Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa ani. 35 Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang mga alipin niya. Ang isa ay binugbog nila, ang isa pa ay pinatay nila, at ang isa pa ay pinagbabato nila.+ 36 Nagpapunta siya uli ng ibang mga alipin, na mas marami kaysa sa nauna, pero ganoon din ang ginawa nila sa mga ito.+ 37 Sa kahuli-hulihan ay pinapunta niya sa kanila ang anak niya. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ 38 Pagkakita nila sa anak, nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana.+ Patayin natin siya at kunin ang mana niya!’ 39 Kaya sinunggaban nila siya at kinaladkad palabas ng ubasan at pinatay.+ 40 Ngayon, kapag dumating ang may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?” 41 Sinabi nila sa kaniya: “Dahil masama sila, pupuksain niya sila at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka, na magbibigay sa kaniya ng parte niya kapag anihan na.”
42 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan, ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong-panulok.+ Nagmula ito kay Jehova at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?+ 43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ang Kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang gumagawa ng kalooban ng Diyos.* 44 Gayundin, ang taong babagsak sa batong ito ay magkakaluray-luray;+ at ang sinumang mababagsakan nito ay madudurog.”+
45 Matapos marinig ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga ilustrasyon niya, nahalata nila na tungkol sa kanila ang sinasabi niya.+ 46 Gusto nilang dakpin siya, pero natatakot sila sa mga tao dahil propeta ang turing ng mga tao kay Jesus.+