Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
5 Alam natin na kung masira ang makalupang bahay natin, ang toldang ito,+ bibigyan tayo ng Diyos ng isang gusali, isang bahay na hindi ginawa ng mga kamay+ at mananatili nang walang hanggan sa langit. 2 Talagang dumaraing tayo sa bahay na ito, at gustong-gusto nating isuot ang bahay mula sa langit na para sa atin,+ 3 para kapag naisuot na natin iyon, hindi na tayo magiging hubad. 4 Ang totoo, tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan, hindi dahil sa gusto natin itong hubarin, kundi dahil gusto nating isuot ang isang iyon,+ para ang mortal ay mapalitan ng buhay.+ 5 Ang naghanda sa atin para sa mismong bagay na ito ay ang Diyos,+ na nagbigay sa atin ng espiritu bilang garantiya ng darating.+
6 Kaya buo ang tiwala natin at alam natin na habang ang tahanan natin ay ang katawang ito, wala tayo sa harap ng Panginoon,+ 7 dahil lumalakad tayo ayon sa pananampalataya,+ at hindi ayon sa nakikita natin.+ 8 Wala tayong pagdududa, at mas gusto nating manirahan kasama ng Panginoon sa halip na sa katawang ito.+ 9 Kaya naninirahan man tayong kasama niya o wala tayo sa harap niya, tunguhin natin na maging kalugod-lugod sa kaniya. 10 Dahil tayong lahat ay dapat humarap sa luklukan ng paghatol ng Kristo, para magantihan ang bawat isa ayon sa mga ginawa niya, mabuti man o masama,+ habang nasa katawang ito.
11 Kaya dahil alam naming dapat kaming matakot sa Panginoon, patuloy kaming nanghihikayat, pero kilalang-kilala kami ng Diyos. Pero sana ay kilalang-kilala rin kami ng inyong mga konsensiya. 12 Hindi namin muling inirerekomenda sa inyo ang sarili namin, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan para ipagmalaki kami, para may maisagot kayo sa mga nagmamalaki dahil sa panlabas na anyo+ at hindi dahil sa nasa puso. 13 Kung nasisiraan kami ng bait,+ para ito sa Diyos; kung matino ang isip namin, para ito sa inyo. 14 Ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa amin,+ dahil ito ang naunawaan namin: isang tao ang namatay para sa lahat,+ dahil namatay ang lahat. 15 At namatay siya para sa lahat, nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila,+ kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli.
16 Kaya mula ngayon, hindi na namin tinitingnan ang sinuman ayon sa pananaw ng tao.+ Kung noon ay tiningnan namin si Kristo ayon sa pananaw ng tao, hindi na gayon ang tingin namin sa kaniya ngayon.+ 17 Kaya kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo, siya ay isang bagong nilalang;+ lumipas na ang mga lumang bagay, at may mga bagong bagay na umiral. 18 Pero ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos; ipinagkasundo niya kami sa sarili niya sa pamamagitan ni Kristo+ at ibinigay niya sa amin ang ministeryo ng pakikipagkasundo,+ 19 ibig sabihin, sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa sarili niya+ at hindi na niya sila pananagutin sa mga kasalanan nila,+ at ipinagkatiwala niya sa amin ang mensahe ng pakikipagkasundo.+
20 Kung gayon, mga embahador kami+ na humahalili kay Kristo,+ na para bang nakikiusap ang Diyos sa pamamagitan namin. Bilang mga kahalili ni Kristo, nakikiusap kami: “Makipagkasundo kayo sa Diyos.” 21 Ang isa na walang kasalanan+ ay ginawa niyang kasalanan alang-alang sa atin, para maging matuwid tayo sa harap ng Diyos sa pamamagitan niya.+