Exodo
9 Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Pumunta ka sa Paraon at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng mga Hebreo: “Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin.+ 2 Pero kung hindi mo pa rin sila papayagang umalis at pipigilan mo sila, 3 sasalutin ng kapangyarihan* ni Jehova+ ang mga alaga mong hayop na nasa parang. Magkakaroon ng napakatinding salot+ sa mga kabayo, asno, kamelyo, bakahan, at kawan. 4 At ipapakita ni Jehova ang pagkakaiba ng mga alagang hayop ng Israel at mga alagang hayop ng Ehipto, at walang mamamatay sa mga alagang hayop ng mga Israelita.”’”+ 5 Nagtakda rin ng panahon si Jehova at nagsabi: “Bukas, gagawin ito ni Jehova sa lupain.”
6 Ginawa nga ito ni Jehova kinabukasan, at namatay ang lahat ng uri ng alagang hayop ng Ehipto,+ pero walang isa mang namatay sa mga alagang hayop ng Israel. 7 Nang magsugo ang Paraon ng mga lingkod niya, nalaman niyang walang isa mang namatay sa mga alagang hayop ng Israel. Pero manhid pa rin ang puso ng Paraon, at hindi niya pinayagang umalis ang bayan.+
8 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: “Punuin ninyo ng abo mula sa pugon ang dalawang kamay ninyo, at isasaboy iyon ni Moises sa hangin sa harap ng Paraon. 9 At iyon ay magiging pinong alabok sa buong Ehipto, at iyon ay magiging nagnanaknak na mga pigsa sa mga tao at hayop sa buong Ehipto.”
10 Kaya kumuha sila ng abo sa pugon at tumayo sa harap ng Paraon, at isinaboy iyon ni Moises sa hangin, at iyon ay naging nagnanaknak na mga pigsa sa mga tao at hayop. 11 Nagkaroon ng mga pigsa ang mga mahikong saserdote at ang lahat ng Ehipsiyo, kaya hindi makaharap kay Moises ang mga mahikong saserdote dahil may mga pigsa sila.+ 12 Pero hinayaan ni Jehova na magmatigas ang puso ng Paraon, at hindi ito nakinig sa kanila, gaya ng sinabi ni Jehova kay Moises.+
13 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Bumangon ka nang maaga bukas at tumayo ka sa harap ng Paraon, at sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng mga Hebreo: “Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin. 14 Kung hindi, ang lahat ng salot na ipadadala ko ay pipinsala sa iyo,* sa mga lingkod mo, at sa bayan mo para malaman mong walang sinuman ang tulad ko sa buong lupa.+ 15 Kung tutuosin, puwede kong gamitin ang kapangyarihan* ko para padalhan ka at ang bayan mo ng matinding sakit, at nabura ka na sana sa lupa. 16 Pero pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko sa iyo ang kapangyarihan ko at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.+ 17 Patuloy ka pa rin bang magmamataas at hindi papayag na umalis ang bayan ko? 18 Bukas, sa ganito ring oras, magkakaroon ng napakatinding pag-ulan ng yelo,* at wala pang nangyaring katulad nito sa Ehipto mula nang araw na maitatag ito. 19 Kaya ipaalám mo sa mga tao na kailangan nilang isilong ang lahat ng kanilang alagang hayop at pag-aari na nasa parang. Ang bawat tao at hayop na maaabutan sa parang at hindi naipasok sa bahay ay mamamatay kapag umulan na ng yelo.”’”
20 May mga lingkod ang Paraon na natakot sa sinabi ni Jehova kaya agad nilang pinapasok sa mga bahay ang mga lingkod nila at isinilong ang kanilang mga alagang hayop, 21 pero hindi pinansin ng iba ang sinabi ni Jehova at pinabayaan lang sa parang ang kanilang mga lingkod at alagang hayop.
22 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo tungo sa langit para umulan ng yelo sa buong Ehipto,+ sa mga tao at hayop at sa lahat ng pananim sa parang sa lupain ng Ehipto.”+ 23 Kaya itinaas ni Moises ang tungkod niya tungo sa langit, at si Jehova ay nagpakulog at nagpaulan ng yelo, at may apoy* na bumabagsak sa lupa, at patuloy na nagpaulan ng yelo si Jehova sa Ehipto. 24 Umulan ng yelo, at kasabay nito ay mayroon ding apoy.* Napakalakas nito; wala pang nangyaring katulad nito sa lupain mula nang maging isang bansa ang Ehipto.+ 25 At napinsala ng pag-ulan ng yelo ang lahat ng nasa parang sa buong Ehipto, mula sa tao hanggang sa hayop, at sinira nito ang lahat ng pananim at puno sa parang.+ 26 Sa lupain lang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga Israelita, hindi umulan ng yelo.+
27 Kaya ipinatawag ng Paraon sina Moises at Aaron at sinabi: “Nagkasala ako sa pagkakataong ito. Si Jehova ay matuwid, ako at ang bayan ko ang mali. 28 Makiusap kayo kay Jehova na patigilin na ang pagkulog at ang pag-ulan ng yelo. At papayagan ko na kayong umalis, at hindi ko na kayo pipigilan.” 29 Kaya sinabi ni Moises: “Pagkalabas ko ng lunsod, itataas ko ang mga kamay ko sa harap ni Jehova. Hihinto ang pagkulog at titigil na ang pag-ulan ng yelo, para malaman mo na ang lupa ay kay Jehova.+ 30 Pero alam kong ikaw at ang mga lingkod mo ay hindi pa rin matatakot sa Diyos na Jehova.”
31 At napinsala ang lino at sebada, dahil ang sebada ay may mga uhay na at ang lino ay nagsisimula nang mamulaklak. 32 Pero hindi nasira ang trigo at espelta, dahil huling tumutubo* ang mga iyon. 33 Umalis si Moises sa harap ng Paraon para lumabas ng lunsod, at itinaas niya ang mga kamay niya sa harap ni Jehova, at huminto ang pagkulog at ang pag-ulan ng yelo at tumigil ang pagbagsak ng ulan sa lupa.+ 34 Nang makita ng Paraon na huminto na ang pagbagsak ng ulan, ang pag-ulan ng yelo, at ang pagkulog, muli siyang nagkasala at pinatigas ang kaniyang puso,+ siya at ang mga lingkod niya. 35 Patuloy na nagmatigas ang puso ng Paraon, at hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.+