Deuteronomio
14 “Kayo ay mga anak ng Diyos ninyong si Jehova. Huwag ninyong hihiwaan ang katawan ninyo+ o aahitin ang kilay* ninyo dahil sa isang taong patay.+ 2 Dahil kayo ay isang banal na bayan+ para sa Diyos ninyong si Jehova, at mula sa lahat ng bayan sa ibabaw ng lupa, pinili kayo ni Jehova para maging bayan niya, ang espesyal* na pag-aari niya.+
3 “Huwag kayong kakain ng anumang bagay na kasuklam-suklam.+ 4 Ito ang mga hayop na puwede ninyong kainin:+ toro, tupa, kambing, 5 usa, gasela, maliit na usa, mailap na kambing, antilope, mailap na tupa, at tupang-bundok. 6 Puwede ninyong kainin ang anumang hayop na may biyak ang paa at may puwang sa pagitan ng biyak at ngumunguya ulit ng nakain na nito. 7 Pero sa mga hayop na ngumunguya ulit ng nakain na nito o may biyak ang paa, huwag ninyong kakainin ang mga ito: kamelyo, kuneho, at kuneho sa batuhan, dahil nginunguya ulit ng mga ito ang nakain na pero walang biyak ang paa ng mga ito. Marumi ang mga ito para sa inyo.+ 8 Pati ang baboy, dahil may biyak ang paa nito pero hindi nginunguya ulit ang nakain na nito. Marumi ito para sa inyo. Huwag ninyong kakainin ang karne nito o hihipuin ito kapag patay na.
9 “Ito ang puwede ninyong kainin sa lahat ng nasa tubig: lahat ng may palikpik at kaliskis.+ 10 Pero huwag ninyong kakainin ang walang palikpik at kaliskis. Marumi ito para sa inyo.
11 “Puwede ninyong kainin ang anumang malinis na ibon. 12 Pero ito ang mga hindi ninyo puwedeng kainin: agila, lawing-dagat, itim na buwitre,+ 13 pulang lawin, itim na lawin, lahat ng uri ng lawing mandaragit, 14 lahat ng uri ng uwak, 15 avestruz,* kuwago, gaviota,* lahat ng uri ng halkon,* 16 maliit na kuwago, kuwagong may mahabang tainga, sisne,* 17 pelikano, buwitre, kormoran, 18 siguana,* lahat ng uri ng tagak,* abubilya, at paniki. 19 Marumi rin para sa inyo ang lahat ng may-pakpak na nilalang na nagkukulumpon.* Hindi dapat kainin ang mga iyon. 20 Puwede ninyong kainin ang lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang.
21 “Huwag kayong kakain ng anumang hayop na natagpuang patay.+ Puwede ninyo itong ibigay sa dayuhang naninirahan sa inyong mga lunsod* at makakain niya iyon; puwede rin itong ipagbili sa dayuhan. Dahil kayo ay isang banal na bayan para sa Diyos ninyong si Jehova.
“Huwag ninyong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng ina nito.+
22 “Taon-taon, dapat kayong magbigay ng ikasampu* ng lahat ng ani mula sa binhing itinanim sa inyong bukid.+ 23 Kakainin ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong mga butil, bagong alak, at langis, pati ang mga panganay sa inyong bakahan at kawan sa harap ng Diyos ninyong si Jehova sa lugar na pipiliin niya para sa kaluwalhatian ng pangalan niya;+ sa gayon, matututo kayong laging matakot sa Diyos ninyong si Jehova.+
24 “Pero kung masyadong matagal ang inyong paglalakbay dahil malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Diyos ninyong si Jehova para sa pangalan niya,+ at hindi na ninyo madadala roon ang mga iyon (dahil pagpapalain kayo ng Diyos ninyong si Jehova), 25 ipagbili ninyo ang mga iyon at baunin ang pera sa pagpunta ninyo sa lugar na pinili ng Diyos ninyong si Jehova. 26 Pagkatapos, puwede ninyong ipambili ang pera ng anumang gusto ninyo—mga baka, tupa, kambing, alak at iba pang inuming de-alkohol, at anumang gusto ninyo; at kakain kayo roon sa harap ng Diyos ninyong si Jehova, at magsasaya kayo kasama ang sambahayan ninyo.+ 27 At huwag ninyong pababayaan ang mga Levita na nasa mga lunsod ninyo+ dahil hindi sila binigyan ng bahagi o mana, hindi gaya ninyo.+
28 “Tuwing matatapos ang ikatlong taon, dalhin ninyo sa loob ng inyong mga lunsod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ninyo para sa taóng iyon.+ 29 At ang mga Levita, na hindi binigyan ng bahagi o mana di-gaya ninyo, pati ang dayuhang naninirahang kasama ninyo, batang walang ama,* at biyuda sa mga lunsod ninyo ay pupunta para kumain at mabusog;+ at pagpapalain ng Diyos ninyong si Jehova ang lahat ng gagawin ninyo.+