Unang Samuel
23 Nang maglaon, may nagsabi kay David: “Ang mga Filisteo ay nakikipagdigma sa Keila,+ at kinukuha nila ang mga ani sa mga giikan.” 2 Kaya sumangguni si David kay Jehova:+ “Lalabanan at pababagsakin ko po ba ang mga Filisteong ito?” Sinabi ni Jehova kay David: “Makipaglaban ka at pabagsakin mo ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.” 3 Pero sinabi ng mga tauhan ni David sa kaniya: “Dito pa lang sa Juda, natatakot na tayo;+ paano pa kaya kung pupunta tayo sa Keila para lumaban sa hukbo ng mga Filisteo!”+ 4 Kaya muling sumangguni si David kay Jehova.+ Sumagot si Jehova: “Sige, pumunta ka sa Keila dahil ibibigay ko sa kamay mo ang mga Filisteo.”+ 5 Kaya nagpunta si David sa Keila kasama ang mga tauhan niya at nakipaglaban sila sa mga Filisteo; tinangay nila ang mga alagang hayop ng mga ito at napakarami niyang napatay na mga Filisteo, at iniligtas ni David ang mga taga-Keila.+
6 Noong tumakas si Abiatar+ na anak ni Ahimelec papunta kay David sa Keila, may dala siyang epod.* 7 May nagsabi kay Saul: “Pumunta si David sa Keila.” Sinabi ni Saul: “Ibinigay* siya ng Diyos sa kamay ko,+ dahil ikinulong niya ang sarili niya nang pumasok siya sa isang lunsod na may mga pintuang-daan at halang.” 8 Kaya tinawag ni Saul ang buong bayan para makipagdigma, para pumunta sa Keila at paligiran si David at ang mga tauhan nito. 9 Nang malaman ni David na may pinaplano si Saul laban sa kaniya, sinabi niya sa saserdoteng si Abiatar: “Dalhin mo rito ang epod.”+ 10 Pagkatapos, sinabi ni David: “O Jehova na Diyos ng Israel, narinig ng iyong lingkod na gustong pumunta ni Saul sa Keila para wasakin ang lunsod dahil sa akin.+ 11 Isusuko ba ako ng mga pinuno* ng Keila sa kamay niya? Sasalakay ba rito si Saul gaya ng narinig ng iyong lingkod? O Jehova na Diyos ng Israel, pakisuyong sabihin mo sa iyong lingkod.” Sumagot si Jehova: “Sasalakay siya.” 12 Nagtanong si David: “Ako ba at ang mga tauhan ko ay isusuko ng mga pinuno ng Keila sa kamay ni Saul?” Sumagot si Jehova: “Isusuko nila kayo.”
13 Agad na umalis ng Keila si David at ang mga tauhan niya, mga 600 lalaki,+ at nagpalipat-lipat sila sa mga puwede nilang puntahan. Nang sabihin kay Saul na tumakas si David mula sa Keila, hindi na niya ito sinundan. 14 Nanatili si David sa mga lugar na mahirap puntahan sa ilang, sa mabundok na rehiyon sa ilang ng Zip.+ Palagi siyang tinutugis ni Saul,+ pero hindi siya ibinibigay ni Jehova sa kamay nito. 15 Alam ni David na* hinahanap siya ni Saul para patayin habang siya ay nasa ilang ng Zip sa Hores.
16 Si Jonatan na anak ni Saul ay pumunta kay David sa Hores, at pinatibay niya ang pagtitiwala* nito kay Jehova.+ 17 Sinabi niya rito: “Huwag kang matakot, dahil hindi ka makikita ng ama kong si Saul; ikaw ang magiging hari sa Israel,+ at ako ang magiging pangalawa sa iyo; at alam din iyan ng ama kong si Saul.”+ 18 Pagkatapos, gumawa sila ng tipan+ sa harap ni Jehova, at nanatili si David sa Hores, at si Jonatan naman ay umuwi sa bahay niya.
19 Nang maglaon, pumunta ang mga lalaki ng Zip kay Saul sa Gibeah+ at nagsabi: “Nagtatago si David malapit sa amin,+ sa mga lugar na mahirap puntahan sa Hores,+ sa burol ng Hakila,+ na nasa timog* ng Jesimon.*+ 20 Mahal na hari, kahit kailan ninyo gustong pumunta roon, pumunta kayo, at isusuko namin siya sa kamay ng hari.”+ 21 Sinabi ni Saul: “Pagpalain nawa kayo ni Jehova, dahil naawa kayo sa akin. 22 Pakisuyong alamin ninyo ang eksaktong kinaroroonan niya at kung sino ang nakakita sa kaniya roon, dahil may nagsabi sa akin na napakatuso niya. 23 Alamin ninyong mabuti ang lahat ng lugar na pinagtataguan niya at bumalik kayo sa akin na may ebidensiya. Pagkatapos, sasama ako sa inyo, at kung naroon siya sa lupain, hahanapin ko siya sa lahat ng libo-libo* ng Juda.”
24 Kaya umalis sila at nauna kay Saul sa pagpunta sa Zip,+ samantalang si David at ang mga tauhan niya ay nasa ilang ng Maon+ sa Araba+ sa gawing timog ng Jesimon. 25 Pagkatapos, dumating si Saul kasama ang mga tauhan niya para hanapin siya.+ Nang sabihin ito kay David, agad siyang pumunta sa malaking bato+ at nanatili sa ilang ng Maon. Nang mabalitaan iyon ni Saul, hinabol niya si David sa ilang ng Maon. 26 Nakarating si Saul sa isang panig ng bundok, at si David naman at ang mga tauhan niya ay nasa kabilang panig ng bundok. Nagmadali si David sa pagtakas+ mula kay Saul, pero si Saul at ang mga tauhan nito ay palapit nang palapit kay David at sa mga tauhan niya para hulihin sila.+ 27 Pero isang mensahero ang nagsabi kay Saul: “Bumalik kayo agad, dahil sinalakay ng mga Filisteo ang lupain!” 28 Tumigil si Saul sa paghabol kay David+ at bumalik para makipaglaban sa mga Filisteo. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Malaking Bato ng Paghihiwalay.
29 Si David naman ay umalis doon at nanatili sa mga lugar na mahirap puntahan sa En-gedi.+