Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
11 Pagtiisan sana ninyo ako kahit parang wala ako sa katuwiran. Pero sa totoo lang, pinagtitiisan na ninyo ako! 2 Dahil ang malasakit ko sa inyo ay gaya ng malasakit ng Diyos, dahil ako mismo ang nangako na ipakakasal ko kayo sa isang lalaki,* ang Kristo, at gusto kong iharap kayo sa kaniya bilang isang malinis na birhen.+ 3 Pero natatakot ako na sa paanuman, kung paanong nadaya ng ahas si Eva sa tusong paraan,+ ang mga pag-iisip ninyo ay malason din at maiwala ninyo ang inyong kataimtiman at kalinisan* na nararapat sa Kristo.+ 4 Dahil ang totoo, kapag may dumarating at nangangaral tungkol sa isang Jesus na iba sa ipinangangaral namin o kapag may nagbibigay sa inyo ng isang espiritu na iba sa taglay na ninyo* o kapag may nagdadala sa inyo ng mabuting balita na iba sa tinanggap na ninyo,+ tinatanggap ninyo siya. 5 Dahil wala akong makitang dahilan para masabing nakabababa ako sa ubod-galing na mga apostol ninyo.+ 6 Dahil kahit hindi ako mahusay sa pagsasalita,+ mayroon naman akong kaalaman;+ at malinaw namin itong ipinapakita sa inyo sa lahat ng bagay.
7 Nagkasala ba ako nang ibaba ko ang sarili ko para maitaas kayo at nang malugod kong ihayag sa inyo nang walang bayad ang mabuting balita ng Diyos?+ 8 Tinustusan ng ibang mga kongregasyon ang mga pangangailangan ko para makapaglingkod ako sa inyo, kaya parang napagnakawan ko sila.+ 9 Pero noong nariyan akong kasama ninyo at nangailangan ako, hindi ako naging pabigat sa sinuman, dahil saganang inilaan ng mga kapatid sa Macedonia ang mga pangangailangan ko.+ Oo, sa bawat paraan, sinikap kong hindi maging pabigat sa inyo at patuloy kong gagawin iyon.+ 10 Hangga’t ako ay isang tagasunod ni Kristo, patuloy ko itong ipagmamalaki+ sa buong Acaya. 11 Bakit? Dahil hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo.+
12 May ilan na nagyayabang, at sinasabi nilang kapantay namin sila. Kaya ipagpapatuloy ko lang ang ginagawa ko+ para mawalan sila ng dahilang magyabang. 13 Dahil ang gayong mga tao ay huwad na mga apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nagkukunwaring mga apostol ni Kristo.+ 14 At hindi naman iyon nakapagtataka, dahil si Satanas mismo ay laging nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.+ 15 Kaya hindi nakakagulat kung ang mga lingkod niya ay lagi ring nagkukunwari na mga lingkod ng katuwiran. Pero ang magiging wakas nila ay ayon sa mga ginagawa nila.+
16 Sasabihin ko ulit: Huwag ninyong isipin na wala ako sa katuwiran. Pero kung maisip ninyo iyon, pagtiisan lang ninyo ako, para makapagmalaki rin ako nang kaunti.+ 17 Nagsasalita ako ngayon hindi kaayon ng halimbawa ng Panginoon kundi gaya ng taong wala sa katuwiran, na mayabang at sobra ang tiwala sa sarili. 18 Marami ang nagmamalaki dahil sa mga bagay sa sanlibutan, kaya magmamalaki rin ako. 19 Dahil “napakamakatuwiran” ninyo, malugod ninyong pinagtitiisan ang mga wala sa katuwiran. 20 Ang totoo, pinagtitiisan ninyo ang sinumang umaalipin sa inyo, nananamantala sa inyo, nang-aagaw sa taglay ninyo, nagmamataas sa inyo, at sumasampal sa inyo.
21 Nakakahiya na nasabi namin ito, dahil baka isipin ng ilan na mahina kami.
Pero kung hindi nahihiya ang ibang tao na magmalaki, hindi rin ako mahihiya, kahit pa isipin ng ilan na wala ako sa katuwiran.+ 22 Hebreo ba sila? Ako rin.+ Israelita ba sila? Ako rin. Supling ba sila ni Abraham? Ako rin.+ 23 Lingkod ba sila ni Kristo? Sasagot akong gaya ng isang baliw, di-hamak na nakahihigit ako sa kanila: mas marami akong ginawa,+ mas madalas akong nabilanggo,+ napakaraming hampas ang tiniis ko, at maraming beses akong nalagay sa bingit ng kamatayan.+ 24 Limang beses akong tumanggap sa mga Judio ng 40 hampas na kulang ng isa,+ 25 tatlong beses akong pinaghahampas,+ minsan akong pinagbabato,+ tatlong beses na nawasak ang barkong sinasakyan ko,+ at isang gabi at isang araw akong nasa gitna ng dagat; 26 sa madalas kong paglalakbay, ilang beses akong nanganib sa mga ilog, sa mga magnanakaw, sa mga kalahi ko,+ sa ibang mga bansa,+ sa lunsod,+ sa ilang, sa dagat, at sa gitna ng nagkukunwaring mga kapatid; 27 nagtrabaho rin ako nang mabigat at nagpakahirap, maraming beses akong hindi makatulog sa gabi,+ nagutom ako at nauhaw,+ madalas akong walang pagkain,+ at gininaw ako at walang maisuot.
28 Bukod sa lahat ng paghihirap na iyon, araw-araw rin akong nag-aalala para sa lahat ng kongregasyon.+ 29 Kung may nanghihina, hindi ba nanghihina rin ako? Kung may natisod, hindi ba nagagalit ako?
30 Kung kailangan kong magmalaki, ipagmamalaki ko ang mga bagay na nagpapakita ng kahinaan ko. 31 Alam ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, ang Isa na dapat purihin magpakailanman, na hindi ako nagsisinungaling. 32 Sa lunsod ng Damasco, nagbabantay ang gobernador na nasa ilalim ni Aretas na hari para mahuli ako, 33 pero sakay ng isang basket, ibinaba ako sa isang bintana na nasa pader ng lunsod,+ kaya nakatakas ako sa kaniya.