Huwag Magpahadlang sa Pagtangan sa Kaluwalhatian
“Siyang may mapagpakumbabang espiritu ay tatangan sa kaluwalhatian.”—KAW. 29:23.
1, 2. (a) Sa ano tumutukoy ang orihinal na mga salita na isinaling “kaluwalhatian”? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?
ANO ang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang “kaluwalhatian”? Ang maningning na kagandahan ng sangnilalang? (Awit 19:1) Ang papuri at kaluwalhatian na ibinibigay sa mga taong mayaman, marunong, o matagumpay? Sa Kasulatan, ang orihinal na mga salita para sa “kaluwalhatian” ay nagpapahiwatig ng bigat. Noong sinaunang panahon, ang mga barya ay gawa sa mahahalagang metal. Miyentras mas mabigat ang barya, mas malaki ang halaga nito. Kaya naman ang mga salita na nagpapahiwatig ng bigat ay sinimulang gamitin para tumukoy sa isang bagay na mahalaga, maringal, o kahanga-hanga.
2 Napapahanga tayo sa kapangyarihan, posisyon, o reputasyon ng iba. Pero ano ba ang hinahanap ng Diyos sa mga taong binibigyan niya ng kaluwalhatian? Sinasabi ng Kawikaan 22:4: “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.” Isinulat naman ng alagad na si Santiago: “Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova, at itataas niya kayo.” (Sant. 4:10) Ano ang kaluwalhatiang ibinibigay ni Jehova sa mga tao? Ano ang maaaring makahadlang sa atin sa pagtangan dito? At paano natin matutulungan ang iba na tumangan sa kaluwalhatiang ito?
3-5. Paano tayo binibigyan ni Jehova ng kaluwalhatian?
3 Nagtiwala ang salmista na tatanganan ni Jehova ang kaniyang kanang kamay at aakayin siya sa tunay na kaluwalhatian. (Basahin ang Awit 73:23, 24.) Paano ito ginagawa ni Jehova? Binibigyan niya ng karangalan ang kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, tinutulungan niya sila na maunawaan ang kaniyang kalooban. (1 Cor. 2:7) Pinahihintulutan niyang magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya ang mga nakikinig at sumusunod sa kaniyang salita.—Sant. 4:8.
4 Ipinagkatiwala rin niya sa kaniyang mga lingkod ang isang maluwalhating kayamanan, ang ministeryong Kristiyano. (2 Cor. 4:1, 7) Ang ministeryong ito ay umaakay sa kaluwalhatian. Sa mga nakikibahagi sa ministeryong ito para purihin si Jehova at tulungan ang iba, ipinangako niya: “Yaong mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko.” (1 Sam. 2:30) Napararangalan sila dahil nagkakaroon sila ng mabuting pangalan sa harap ni Jehova at ng iba pang lingkod ng Diyos.—Kaw. 11:16; 22:1.
5 Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga ‘umaasa kay Jehova at nag-iingat ng kaniyang daan’? Pinangakuan sila: “Itataas ka [ni Jehova] upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.” (Awit 37:34) Inaasam-asam nila ang karangalang tumanggap ng buhay na walang hanggan.—Awit 37:29.
“HINDI AKO TUMATANGGAP NG KALUWALHATIAN MULA SA TAO”
6, 7. Bakit marami ang ayaw manampalataya kay Jesus?
6 Ano ang maaaring makahadlang sa atin sa pagtanggap sa kaluwalhatiang ibinibigay ng Diyos? Isa rito ay ang labis na pagpapahalaga sa opinyon ng mga taong di-sinasang-ayunan ng Diyos. Ganito ang isinulat ni apostol Juan tungkol sa ilang tagapamahala noong panahon ni Jesus: “Marami maging sa mga tagapamahala ang talagang nanampalataya [kay Jesus], ngunit dahil sa mga Pariseo ay hindi nila siya ipinapahayag, upang hindi sila matiwalag mula sa sinagoga; sapagkat inibig nila ang kaluwalhatian ng tao nang higit pa kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Juan 12:42, 43) Napabuti sana ang mga tagapamahalang iyon kung hindi sila labis na nagpahalaga sa opinyon ng mga Pariseo.
7 Noong pasimula ng ministeryo ni Jesus, ipinaliwanag niya kung bakit marami ang hindi tatanggap at mananampalataya sa kaniya. (Basahin ang Juan 5:39-44.) Daan-daang taon nang hinihintay ng bansang Israel ang pagdating ng Mesiyas. Nang magsimulang magturo si Jesus, maaaring nauunawaan na ng ilang indibiduwal, batay sa hula ni Daniel, na dumating na ang takdang panahon ng paglitaw ng Mesiyas. Sa katunayan, mga ilang buwan bago nito, nang magsimulang mangaral si Juan na Tagapagbautismo, marami ang nagsasabi: “Siya kaya ang Kristo?” (Luc. 3:15) Ngayon, nagtuturo na sa gitna nila ang pinakahihintay na Mesiyas. Pero hindi siya tinanggap ng mga bihasa sa Kautusan. Tinukoy ni Jesus ang dahilan nang tanungin niya sila: “Paano kayo maniniwala, gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa’t isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa iisang Diyos?”
8, 9. Paano maaaring magtinging malabo sa atin ang kaluwalhatian ng Diyos dahil sa kaluwalhatian ng tao? Ilarawan.
8 Dahil sa kaluwalhatian ng tao, maaaring magtinging malabo sa atin ang kaluwalhatian ng Diyos. Para ilarawan ito, ihambing natin sa liwanag ang kaluwalhatian. Ang ating maningning na uniberso ay totoong maluwalhati. Naaalaala mo pa ba nang tumingin ka sa maaliwalas na kalangitan sa gabi at nagmasid sa libu-libong bituin? Talagang kagila-gilalas “ang kaluwalhatian ng mga bituin.” (1 Cor. 15:40, 41) Pero kumusta ang kalangitan sa ilang lunsod kung saan napakaraming ilaw? Aba, halos hindi na natin makita ang liwanag ng mga bituin! Bakit? Dahil ba sa mas maliwanag o mas maganda ang liwanag ng ilaw sa mga kalsada, istadyum, at gusali? Hindi! Mas malapit kasi sa atin ang liwanag ng mga ilaw sa lunsod at nasasapawan nito ang liwanag ng mga bituin. Para makita ang ganda ng mga bituin, kailangang lumayo tayo mula sa mga artipisyal na liwanag ng lunsod.
9 Sa katulad na paraan, kung masyadong malapít sa ating puso ang maling uri ng kaluwalhatian, baka hindi natin mapahalagahan ang namamalaging kaluwalhatian na handang ibigay ni Jehova. Marami ang tumatanggi sa mensahe ng Kaharian dahil takót sila sa iisipin ng kanilang mga kakilala at kapamilya. Pero maaari din ba itong mangyari sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos? Ipagpalagay na isang kabataang lalaki ang inatasang mangaral sa isang teritoryo kung saan kilalá siya ng mga tao pero hindi nila alam na isa siyang Saksi ni Jehova. Uurong ba siya dahil sa takot? O paano naman kung ang isa ay tinutuya dahil sa kaniyang teokratikong mga tunguhin? Magpapaimpluwensiya ba siya sa mga hindi nagpapahalaga sa paglilingkod kay Jehova? O marahil nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano. Ililihim ba niya ito dahil sa takot na masira ang reputasyon niya sa kongregasyon o masaktan ang kaniyang mga mahal sa buhay? Kung gusto niyang maibalik ang kaniyang kaugnayan kay Jehova, ‘tatawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon’ at hihingin ang kanilang tulong.—Basahin ang Santiago 5:14-16.
10. (a) Ano ang maaaring mangyari kung masyado tayong nag-aalala sa iniisip ng iba tungkol sa atin? (b) Sa ano tayo makatitiyak kung mapagpakumbaba tayo?
10 Baka nagsisikap naman tayong sumulong sa espirituwal na pagkamaygulang, pero pinayuhan tayo ng isang kapananampalataya. Makikinabang tayo sa kaniyang payo kung hindi natin ito kokontrahin dahil sa pride, takot na mapahiya, o tuksong ipagmatuwid ang ating sarili. Paano naman kung may ginagawa kang proyekto kasama ang isang kapananampalataya? Pangunahin ba sa iyo kung kanino mapupunta ang papuri dahil sa magaganda mong ideya at pagsisikap? Kung malagay ka man sa ganiyang mga sitwasyon, tandaan na “siyang may mapagpakumbabang espiritu ay tatangan sa kaluwalhatian.”—Kaw. 29:23.
11. Ano ang dapat nating maging saloobin kapag pinupuri tayo, at bakit?
11 Ang mga tagapangasiwa at ang mga “umaabot” sa gayong katungkulan ay dapat ding mag-ingat sa tendensiyang maghangad ng “kaluwalhatian mula sa mga tao.” (1 Tim. 3:1; 1 Tes. 2:6) Paano dapat tumugon ang isang brother kapag tumanggap siya ng komendasyon dahil sa mabuting nagawa niya? Malamang na hindi naman siya magtatayo ng monumento para sa kaniyang sarili, gaya ng ginawa ni Haring Saul. (1 Sam. 15:12) Pero kinikilala ba niya na nagtagumpay lang siya dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova at na anumang tagumpay niya sa hinaharap ay nakadepende pa rin sa pagpapala at tulong ng Diyos? (1 Ped. 4:11) Ang saloobin natin kapag pinupuri tayo ay indikasyon kung kaninong kaluwalhatian ang hinahangad natin.—Kaw. 27:21.
“NINANAIS NINYONG GAWIN ANG MGA PAGNANASA NG INYONG AMA”
12. Bakit hindi nakinig kay Jesus ang ilang Judio?
12 Ang isa pang bagay na maaaring humadlang sa atin sa pagtangan sa kaluwalhatiang nagmumula sa Diyos ay ang maling mga pagnanasa. Dahil sa mga ito, baka tumanggi tayong makinig sa katotohanan. (Basahin ang Juan 8:43-47.) Sinabi ni Jesus sa ilang Judio na hindi sila nakinig sa kaniyang mensahe dahil ‘nais nilang gawin ang mga pagnanasa ng kanilang ama, ang Diyablo.’
13, 14. (a) Ano ang sinasabi ng mga mananaliksik tungkol sa ating utak at sa pakikinig sa mga taong nagsasalita? (b) Paano natin pinipili kung kanino tayo makikinig?
13 Kung minsan, pinakikinggan lang natin kung ano ang gusto nating marinig. (2 Ped. 3:5) Nilalang ni Jehova ang ating utak na may kamangha-manghang kakayahan na balewalain ang ilang ingay. Huminto ka sandali at pakinggan ang lahat ng tunog sa paligid mo. Kani-kanina lang, baka hindi mo napapansin ang karamihan sa mga ito. Bagaman may kakayahan ka pa ring marinig ang iba’t ibang tunog, tinutulungan ka ng limbic system ng iyong utak na magpokus lang sa iisang bagay. Pero natuklasan ng mga mananaliksik na mas nahihirapan ang utak na gawin iyan kapag nakikinig tayo sa mga taong nagsasalita. Ibig sabihin, kapag magkasabay na nagsasalita ang dalawang tao, kailangan mong pumili kung kanino ka makikinig. Siyempre, pakikinggan mo kung sino ang gusto mong pakinggan. Kaya naman ang mga Judio, na nagnanais gawin ang pagnanasa ng kanilang amang Diyablo, ay hindi nakinig kay Jesus.
14 Sinasabi ng Bibliya na ang “karunungan” at ang ‘kahangalan’ ay waring nag-aanyaya sa atin na makinig sa kani-kanilang mensahe. (Kaw. 9:1-5, 13-17) Kailangan tayong pumili. Kanino tayo makikinig? Depende iyan kung kaninong kalooban ang gusto nating gawin. Ang mga tupa ni Jesus ay nakikinig sa kaniyang tinig at sumusunod sa kaniya. (Juan 10:16, 27) Sila ay “nasa panig ng katotohanan.” (Juan 18:37) “Hindi nila kilala ang tinig ng ibang mga tao.” (Juan 10:5) Ang mga mapagpakumbabang ito na sumusunod kay Jesus ay tumatangan sa kaluwalhatian.—Kaw. 3:13, 16; 8:1, 18.
“ANG MGA ITO AY NANGANGAHULUGAN NG KALUWALHATIAN PARA SA INYO”
15. Sa anong diwa “nangangahulugan ng kaluwalhatian” para sa iba ang kapighatian ni Pablo?
15 Ang pagbabata natin habang ginagawa ang kalooban ni Jehova ay makatutulong sa iba na tumangan sa kaluwalhatian. Sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Efeso: “Hinihiling ko sa inyo na huwag manghimagod dahil sa mga kapighatian kong ito alang-alang sa inyo, sapagkat ang mga ito ay nangangahulugan ng kaluwalhatian para sa inyo.” (Efe. 3:13) Sa anong diwa “nangangahulugan ng kaluwalhatian” para sa mga taga-Efeso ang mga kapighatian ni Pablo? Dahil handang maglingkod si Pablo sa kaniyang mga kapatid sa kabila ng mga pagsubok, naipakita niya sa kanila na ang paglilingkod sa Diyos ang dapat na maging pinakamahalagang bagay para sa isang Kristiyano. Kung sumuko si Pablo dahil sa mga kapighatian, hindi kaya isipin nila na hindi naman mahalaga ang kanilang kaugnayan kay Jehova, ang kanilang ministeryo, at ang kanilang pag-asa? Sa pamamagitan ng pagbabata, naipakita ni Pablo na sulit ang mga sakripisyo alang-alang sa pagiging alagad ni Kristo.
16. Anong kapighatian ang naranasan ni Pablo sa Listra?
16 Isip-isipin ang naging epekto sa mga kapatid ng sigasig at pagbabata ni Pablo. Sinasabi sa Gawa 14:19, 20: “May mga Judio na dumating mula sa Antioquia at Iconio at nanghikayat sa mga pulutong, at binato nila si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lunsod [ng Listra], sa pag-aakalang patay na siya. Gayunman, nang palibutan siya ng mga alagad, siya ay tumindig at pumasok sa lunsod. At nang sumunod na araw ay umalis siyang kasama ni Bernabe patungong Derbe.” Isip-isipin kung gaano kahirap para kay Pablo na maglakad nang 100 kilometro patungong Derbe matapos siyang pagbabatuhin hanggang sa halos mamatay na!
17, 18. (a) Sa anong diwa maingat na sinundan ni Timoteo ang mga pagdurusa ni Pablo sa Listra? (b) Ano ang epekto kay Timoteo ng pagbabata ni Pablo?
17 Kasama ba si Timoteo sa “mga alagad” na sumaklolo kay Pablo? Walang sinasabi ang aklat ng Mga Gawa, pero posible. Pansinin ang isinulat ni Pablo sa kaniyang ikalawang liham kay Timoteo: “Maingat mong sinundan ang aking turo, ang aking landasin sa buhay, . . . ang uri ng mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia [pagpapalayas mula sa lunsod], sa Iconio [tangkang pambabato], sa Listra [pambabato], ang uri ng mga pag-uusig na tiniis ko; gayunma’y mula sa lahat ng mga ito ay iniligtas ako ng Panginoon.”—2 Tim. 3:10, 11; Gawa 13:50; 14:5, 19.
18 “Maingat [na] sinundan” ni Timoteo ang mga pangyayaring iyon at alam na alam niya ang pagbabata ni Pablo. Maraming natutuhan si Timoteo sa halimbawa ni Pablo. Nang dumalaw si Pablo sa Listra, nakita niya na isa nang huwarang Kristiyano si Timoteo, anupat “may mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gawa 16:1, 2) Nang maglaon, naging kuwalipikado si Timoteo na humawak ng mabibigat na pananagutan.—Fil. 2:19, 20; 1 Tim. 1:3.
19. Ano ang epekto sa iba ng ating pagbabata?
19 Ang pagbabata natin habang ginagawa ang kalooban ng Diyos ay may gayunding epekto sa iba, lalo na sa mga kabataan na magiging mahuhusay na lingkod ng Diyos. Kapag pinagmamasdan nila tayo, natututo sila hindi lamang sa ating paraan ng pakikipag-usap sa mga tao sa ministeryo kundi pati na rin sa paraan ng pagharap natin sa mga problema sa buhay. “Patuloy [na binatá ni Pablo] ang lahat ng mga bagay” upang ang lahat ng nananatiling tapat ay ‘makapagtamo ng kaligtasan kalakip ang walang-hanggang kaluwalhatian.’—2 Tim. 2:10.
20. Bakit natin dapat patuloy na hanapin ang kaluwalhatiang mula sa Diyos?
20 Talagang mayroon tayong mabubuting dahilan para patuloy na ‘hanapin ang kaluwalhatiang mula sa iisang Diyos’! (Juan 5:44; 7:18) Si Jehova ay nagbibigay ng “buhay na walang hanggan doon sa mga naghahanap ng kaluwalhatian.” (Basahin ang Roma 2:6, 7.) Bukod diyan, ang ating “pagbabata sa gawang mabuti” ay nag-uudyok sa iba na manatiling tapat para tumanggap din sila ng buhay na walang hanggan. Kung gayon, huwag hayaang may humadlang sa iyo sa pagtangan sa kaluwalhatiang ibinibigay ng Diyos.