Mga Gawa ng mga Apostol
25 Tatlong araw pagkarating ni Festo+ sa lalawigan para mamahala, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2 At ang mga punong saserdote at mga prominenteng lalaking Judio ay nagbigay sa kaniya ng impormasyon laban kay Pablo.+ Nakiusap sila* kay Festo 3 na papuntahin si Pablo sa Jerusalem. Pero may plano silang tambangan sa daan si Pablo para patayin.+ 4 Gayunman, sumagot si Festo na hindi aalis si Pablo sa Cesarea at siya mismo ay pabalik na roon. 5 “Kaya sumama sa akin ang mga may awtoridad sa inyo,” ang sabi niya, “at akusahan ang lalaking iyon kung may ginawa siyang mali.”+
6 Kaya nang mga 8 hanggang 10 araw na siyang naroon, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa luklukan ng paghatol at iniutos niyang dalhin si Pablo. 7 Pagpasok ni Pablo, pinalibutan siya ng mga Judiong mula sa Jerusalem at pinaulanan ng mabibigat na paratang na hindi naman nila mapatunayan.+
8 Pero sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol: “Wala akong ginawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kay Cesar.”+ 9 Dahil gusto ni Festo na makuha ang pabor ng mga Judio,+ sinabi niya kay Pablo: “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem para doon kita hatulan may kinalaman sa mga bagay na ito?” 10 Pero sinabi ni Pablo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, gaya rin ng alam mo. 11 Kung talagang may ginawa akong kasalanan na nararapat sa kamatayan,+ handa akong mamatay; pero kung walang basehan ang paratang sa akin ng mga taong ito, walang karapatan ang sinuman na ibigay ako sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!”+ 12 At pagkatapos kausapin ni Festo ang kapulungan ng mga tagapayo, sinabi niya: “Kay Cesar ka umapela, kay Cesar ka pupunta.”
13 Pagkalipas ng ilang araw, dumating sa Cesarea si Agripa na hari at si Bernice para magbigay-galang kay Festo. 14 Dahil mananatili sila roon nang ilang araw, iniharap ni Festo sa hari ang kaso ni Pablo:
“May isang lalaki na iniwang bilanggo ni Felix,+ 15 at noong nasa Jerusalem ako, kinausap ako ng mga punong saserdote at matatandang lalaki ng mga Judio tungkol sa kaniya,+ at gusto nilang mahatulan siya. 16 Pero sinabi ko sa kanila na hindi ginagawa ng mga Romano na ibigay ang sinuman bilang pabor kung hindi pa nakakaharap ng akusado ang mga nagpaparatang sa kaniya at kung hindi pa niya naipagtatanggol ang sarili niya.+ 17 Kaya nang dumating sila rito, hindi ako nagpaliban. Kinabukasan, umupo ako sa luklukan ng paghatol at nag-utos na dalhin ang lalaki. 18 Nang magsalita sila, wala silang naiparatang na kasalanan sa kaniya na iniisip kong ginawa niya.+ 19 Nakikipagtalo lang sila sa kaniya tungkol sa pagsamba sa kanilang bathala*+ at tungkol sa lalaking si Jesus na patay na pero iginigiit ni Pablo na buháy pa.+ 20 Dahil hindi ko alam ang gagawin sa usaping ito, tinanong ko siya kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem para doon mahatulan may kinalaman dito.+ 21 Pero nang sabihin ni Pablo na gusto niyang umapela sa Augusto,+ iniutos kong ibilanggo siya hanggang sa maipadala ko siya kay Cesar.”
22 Sinabi ni Agripa kay Festo: “Gusto kong mapakinggan ang taong iyon.”+ “Bukas,” sabi niya, “mapakikinggan mo siya.” 23 Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice at napakaengrande ng pagpasok nila sa bulwagan kasama ang mga kumandante ng militar at mga prominenteng lalaki sa lunsod; at iniutos ni Festo na ipasok si Pablo. 24 Sinabi ni Festo: “Haring Agripa at lahat ng narito, nasa harap ninyo ang taong inirereklamo sa akin ng lahat ng Judio rito at sa Jerusalem, at isinisigaw nilang dapat siyang mamatay.+ 25 Pero nakita kong wala siyang ginawang nararapat sa kamatayan.+ Kaya nang gustong umapela ng taong ito sa Augusto, ipinasiya kong ipadala siya. 26 Pero hindi ko alam kung ano ang isusulat ko sa aking Panginoon tungkol sa kaniya. Kaya dinala ko siya sa harap ninyo, at lalo na sa harap mo, Haring Agripa, para may maisulat na ako pagkatapos ng hudisyal na pagsusuri. 27 Dahil hindi tama para sa akin na ipadala ang isang bilanggo nang hindi sinasabi ang paratang laban dito.”