Exodo
7 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Tingnan mo, ginawa kitang tulad ng Diyos* sa Paraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging propeta mo.+ 2 Sasabihin mo sa kaniya ang lahat ng iuutos ko sa iyo, at ang kapatid mong si Aaron ang makikipag-usap sa Paraon, at papayagan nitong umalis ang mga Israelita sa lupain nito. 3 Pero hahayaan kong magmatigas ang puso ng Paraon,+ at pararamihin ko ang aking mga tanda at himala sa lupain ng Ehipto.+ 4 Hindi makikinig sa inyo ang Paraon, at pagbubuhatan ko ng kamay ang Ehipto at ilalabas ko ang aking malaking bayan,* ang mga Israelita, mula sa lupain ng Ehipto nang may mabibigat na hatol.+ 5 At tiyak na malalaman ng mga Ehipsiyo na ako si Jehova+ kapag ginamit ko ang kapangyarihan ko* laban sa Ehipto at inilabas ko ang mga Israelita mula sa gitna nila.” 6 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos ni Jehova; gayong-gayon ang ginawa nila. 7 Si Moises ay 80 taóng gulang at si Aaron ay 83 taóng gulang nang makipag-usap sila sa Paraon.+
8 Sinabi ngayon ni Jehova kina Moises at Aaron: 9 “Kung sabihin sa inyo ng Paraon, ‘Magpakita kayo ng himala,’ sabihin mo kay Aaron, ‘Kunin mo ang tungkod mo at ihagis mo iyon sa harap ng Paraon.’ Iyon ay magiging isang malaking ahas.”+ 10 Kaya pinuntahan nina Moises at Aaron ang Paraon at ginawa ang lahat ng iniutos ni Jehova. Inihagis ni Aaron ang tungkod niya sa harap ng Paraon at ng mga lingkod nito, at iyon ay naging isang malaking ahas. 11 Pero ipinatawag ng Paraon ang matatalinong tao at ang mga mangkukulam,* at ginawa rin ng mga mahikong saserdote ng Ehipto+ ang himalang iyon gamit ang mahika* nila.+ 12 Inihagis nila ang tungkod nila, at naging malalaking ahas ang mga ito; pero nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila. 13 Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Paraon,+ at hindi siya nakinig sa kanila, gaya ng sinabi ni Jehova.
14 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Manhid ang puso ng Paraon.+ Ayaw niyang payagang umalis ang bayan. 15 Puntahan mo ang Paraon bukas ng umaga. Pupunta siya sa Ilog Nilo. Abangan mo siya sa may gilid ng ilog, at dalhin* mo ang tungkod na naging ahas.+ 16 Sabihin mo sa kaniya, ‘Isinugo ako sa iyo ni Jehova na Diyos ng mga Hebreo,+ at sinabi niya: “Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin sa ilang,” pero hindi ka pa rin sumusunod. 17 Ito ang sinabi ni Jehova: “Sa ganito mo makikilala na ako si Jehova.+ Hahampasin ko ng tungkod ko ang tubig ng Ilog Nilo, at iyon ay magiging dugo. 18 Mamamatay ang mga isda sa Nilo, at babaho ang Nilo, at hindi kakayaning inumin ng mga Ehipsiyo ang tubig sa Nilo.”’”
19 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kunin mo ang tungkod mo at iunat mo ang kamay mo sa ibabaw ng tubig ng Ehipto,+ sa ibabaw ng mga ilog, kanal,* latian,+ at lahat ng imbakan ng tubig, para maging dugo ang mga iyon.’ Magiging dugo ang tubig sa buong lupain ng Ehipto, kahit ang nasa mga lalagyang kahoy at bato.” 20 Ginawa agad nina Moises at Aaron ang iniutos ni Jehova. Itinaas ni Aaron ang tungkod at hinampas ang tubig ng Ilog Nilo sa harap ng Paraon at ng mga lingkod nito, at naging dugo ang tubig sa ilog.+ 21 Namatay ang mga isda sa ilog,+ bumaho ang ilog, at hindi mainom ng mga Ehipsiyo ang tubig sa Nilo;+ at naging dugo ang tubig sa buong Ehipto.
22 Gayunman, ginawa rin iyon ng mga mahikong saserdote ng Ehipto gamit ang lihim na mahika nila,+ kaya patuloy na nagmatigas ang puso ng Paraon, at hindi siya nakinig sa kanila, gaya ng sinabi ni Jehova.+ 23 Pagkatapos, umuwi ang Paraon sa bahay niya at hindi niya ito binigyang-pansin. 24 Kaya naghukay ang lahat ng Ehipsiyo sa palibot ng Nilo para kumuha ng tubig na maiinom, dahil hindi nila mainom ang tubig sa Nilo. 25 At pitong araw ang lumipas mula nang hampasin ni Jehova ang Nilo.