DIYOS AT DIYOSA, MGA
Ang mga bathalang sinasamba ng mga bansa noon at hanggang sa ngayon ay mga likha ng tao, mga katha ng di-sakdal at “walang-isip” na mga tao, anupat “ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kasiraan ay ginawa nilang isang bagay na tulad ng larawan ng taong may kasiraan at ng mga ibon at mga nilalang na may apat na paa at mga gumagapang na bagay.” (Ro 1:21-23) Kaya naman hindi kataka-taka na mababanaag sa mga bathalang ito ang mismong mga katangian at mga kahinaan ng kanilang di-sakdal na mga mananamba. Ang isang terminong Hebreo na ginagamit upang tumukoy sa mga idolo o huwad na mga diyos ay literal na nangangahulugang “walang-silbing bagay” o “walang-kabuluhang bagay.”—Lev 19:4; Isa 2:20.
Tinutukoy ng Bibliya si Satanas na Diyablo bilang ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2Co 4:4) Malinaw na makikitang si Satanas ang “diyos” na tinutukoy rito sapagkat sinasabi ng kasunod na bahagi ng talata 4 na ‘binulag ng diyos na ito ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.’ Sa Apocalipsis 12:9, sinasabing ‘inililigaw niya ang buong tinatahanang lupa.’ Kontrolado ni Satanas ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, pati na ang mga pamahalaan nito, at ipinahihiwatig ito ng bagay na naialok niya kay Jesus ang “lahat ng mga kaharian ng sanlibutan” kapalit ng “isang gawang pagsamba.”—Mat 4:8, 9.
Ang pagsamba ng mga tao sa kanilang mga diyos na idolo, sa totoo, ay iniuukol nila “sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.” (1Co 10:20; Aw 106:36, 37) Bukod-tanging debosyon ang hinihiling ng Diyos na Jehova. (Isa 42:8) Kapag ang isa ay sumasamba sa diyos na idolo, itinatakwil niya ang tunay na Diyos at sa gayo’y naglilingkod siya sa mga kapakanan ng pangunahing Kalaban ni Jehova, si Satanas, at ng mga demonyo nito.
Bagaman ang Bibliya ay bumabanggit ng maraming diyos at diyosa ng sinaunang mga tao, hindi laging posible na espesipikong matukoy ang gayong mga diyos.
Ang Pinagmulan ng mga Diyos at mga Diyosa. Ang kapuna-punang pagkakahawig na mapapansin kaagad kapag pinaghambing-hambing ang mga diyos at mga diyosa ng sinaunang mga bayan ay mahirap isiping nagkataon lamang. Tungkol dito, si J. Garnier ay sumulat: “Hindi lamang ang mga Ehipsiyo, mga Caldeo, mga taga-Fenicia, mga Griego at mga Romano, kundi pati ang mga Hindu, mga Budista ng Tsina at ng Tibet, mga Goth, mga Anglo-Saxon, mga Druid, mga Mexicano at mga Peruviano, mga Aborigine ng Australia, at maging ang mga taong-gubat ng South Sea Islands, ay malamang na pawang humalaw ng kanilang relihiyosong mga ideya mula sa iisang pinagmulan at iisang sentro. Sa lahat ng dako ay makasusumpong tayo ng talagang nakagugulat na mga pagkakatulad sa mga ritwal, mga seremonya, mga kaugalian, mga tradisyon, at sa mga pangalan at mga kaugnayan ng kani-kanilang mga diyos at mga diyosa.”—The Worship of the Dead, London, 1904, p. 3.
Itinuturo ng katibayan sa Kasulatan ang lupain ng Sinar bilang ang lugar na sinilangan ng huwad na relihiyosong mga konsepto pagkaraan ng Baha. Tiyak na sa ilalim ng pangunguna ni Nimrod, na “isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova,” sinimulan ang pagtatayo ng lunsod ng Babel at ng tore nito, malamang na isang ziggurat na gagamitin sa huwad na pagsamba. Isinagawa ang proyektong ito ng pagtatayo, hindi upang magdulot ng karangalan sa Diyos na Jehova, kundi para sa sariling kaluwalhatian ng mga tagapagtayo, na nais gumawa ng “bantog na pangalan” para sa kanilang sarili. Bukod diyan, salungat na salungat ito sa layunin ng Diyos na ang sangkatauhan ay mangalat sa lupa. Sa pamamagitan ng paggulo sa kanilang wika, binigo ng Makapangyarihan-sa-lahat ang mga plano ng mga tagapagtayong ito. Dahil hindi na sila magkaintindihan, nang maglaon ay itinigil nila ang pagtatayo ng lunsod at sila’y nangalat. (Gen 10:8-10; 11:2-9) Gayunman, lumilitaw na nanatili si Nimrod sa Babel at pinalawak niya ang kaniyang nasasakupan, anupat itinatag niya ang unang Imperyo ng Babilonya.—Gen 10:11, 12.
Kung tungkol sa mga taong nangalat, dala-dala nila saanman sila pumaroon ang kanilang huwad na relihiyon, na isasagawa naman nila sa ilalim ng bagong mga kalagayan at sa kanilang bagong wika at bagong mga lokasyon. Ang mga tao ay nangalat noong mga araw ni Peleg, na ipinanganak mga isang siglo pagkaraan ng Delubyo at namatay sa edad na 239. Yamang si Noe at ang kaniyang anak na si Sem ay kapuwa buháy pa nang mamatay si Peleg, naganap ang pangangalat noong panahong alam pa ng mga tao ang mga detalye hinggil sa mga pangyayari noong una, gaya ng Baha. (Gen 9:28; 10:25; 11:10-19) Tiyak na sa paanuman ay nakaukit sa alaala ng mga taong nangalat ang kaalamang ito. Makikita iyon sa mga mitolohiya ng sinaunang mga tao na may pagkakahawig sa iba’t ibang bahagi ng ulat ng Bibliya, bagaman sa isang anyong pilipit at politeistiko. Inilalarawan ng mga alamat ang ilang diyos bilang pumapatay ng mga serpiyente; gayundin, kalakip sa mga relihiyon ng maraming sinaunang grupo ng mga tao ang pagsamba sa isang diyos na kinilala bilang isang tagapagpala ngunit dumanas ng marahas na kamatayan sa lupa at pagkatapos ay muling nabuhay. Maaaring ipinahihiwatig nito na ang gayong diyos, sa totoo, ay isang ginawang-diyos na tao at may-kamaliang itinuring na ang ‘ipinangakong binhi.’ (Ihambing ang Gen 3:15.) Inilalahad ng mga mito ang pag-iibigan sa pagitan ng mga diyos at ng mga babae sa lupa at ang mga kabayanihan ng kanilang mga mestisong supling. (Ihambing ang Gen 6:1, 2, 4; Jud 6.) Halos lahat ng bansa sa lupa ay may alamat tungkol sa isang pangglobong baha, at masusumpungan din sa mga alamat ng sangkatauhan ang mga bakas ng ulat tungkol sa pagtatayo ng isang tore.
Mga Bathala ng Babilonya. Pagkamatay ni Nimrod, makatuwirang isipin na pagpipitaganan siya ng mga Babilonyo bilang ang tagapagtatag at tagapagtayo at unang hari ng kanilang lunsod at bilang ang organisador ng orihinal na Imperyo ng Babilonya. Ayon sa tradisyon, dumanas si Nimrod ng isang marahas na kamatayan. Yamang ang diyos na si Marduk (Merodac) ang itinuturing na tagapagtatag ng Babilonya, iminumungkahi ng ilan na si Marduk ay kumakatawan sa ginawang-diyos na si Nimrod. Gayunman, iba-iba ang opinyon ng mga iskolar kung tungkol sa pag-uugnay sa mga bathala sa espesipikong mga tao.
Sa paglipas ng panahon, nagsimulang dumami ang mga diyos ng unang Imperyo ng Babilonya. Naparagdag sa kanilang kalipunan ng mga diyos ang maraming tatluhang mga diyos, o mga bathala. Ang isa sa gayong mga tatluhan ay binubuo nina Anu (ang diyos ng kalangitan), Enlil (ang diyos-lupa, hangin, at bagyo), at Ea (ang diyos na namamahala sa mga katubigan). Ang isa pang tatluhan ay binubuo ng diyos-buwan na si Sin, ng diyos-araw na si Shamash, at ng diyosa ng pag-aanak na si Ishtar, ang kalaguyo o asawa ni Tamuz. (LARAWAN, Tomo 2, p. 529) Mayroon pa ngang mga tatluhang diyablo ang mga Babilonyo, gaya ng tatluhan nina Labartu, Labasu, at Akhkhazu. Naging prominente sa mga Babilonyo ang pagsamba sa mga bagay sa kalangitan (Isa 47:13), at ang iba’t ibang mga planeta ay iniugnay nila sa partikular na mga bathala. Ang planetang Jupiter ay iniugnay nila sa pangunahing diyos ng Babilonya, si Marduk; ang Venus ay kay Ishtar, isang diyosa ng pag-ibig at pag-aanak; ang Saturn ay kay Ninurta, isang diyos ng digmaan at pangangaso at patron ng agrikultura; ang Mercury ay kay Nebo, isang diyos ng karunungan at agrikultura; at ang Mars naman ay kay Nergal, isang diyos ng digmaan at salot at panginoon ng daigdig ng mga patay.
Ang mga lunsod ng sinaunang Babilonia ay nagkaroon ng kani-kanilang pantanging tagapag-ingat na bathala, na waring kagaya ng “mga patrong santo.” Sa Ur ay si Sin; sa Eridu ay si Ea; sa Nippur ay si Enlil; sa Cuta ay si Nergal; sa Borsippa ay si Nebo, at sa lunsod naman ng Babilonya ay si Marduk (Merodac). Sabihin pa, noong panahong italaga ni Hammurabi ang Babilonya bilang kabisera ng Babilonia, nadagdagan ang importansiya ni Marduk na paboritong diyos ng lunsod na iyon. Sa katapus-tapusan, ibinigay kay Marduk ang pagkakakilanlan ng mas naunang mga diyos at siya ang ipinalit sa mga ito sa mga Babilonyong mito. Noong bandang huli, ang kaniyang pangalang pantangi na “Marduk” ay napalitan ng titulong “Belu” (“May-ari”), anupat nang maglaon ay karaniwan na lamang siyang tinutukoy bilang si Bel. Ang kaniyang asawa naman ay tinatawag na Belit (kagaling-galingang “Among Babae”).—Tingnan ang BEL; NEBO Blg. 4.
Ang paglalarawan sa mga diyos at mga diyosa sa sinaunang mga tekstong Babilonyo ay nagpapabanaag lamang ng kalagayan ng makasalanang taong mortal. Sinasabi ng mga ulat na ito na ang mga bathala ay ipinanganganak, umiibig, nagpapamilya, nakikipaglaban, at namamatay pa nga, gaya ni Tamuz. Dahil sa pagkasindak nila sa Delubyo, sinasabing ‘yumukyok sila na parang mga aso.’ Inilalarawan din ang mga bathala bilang sakim, malimit magpakabundat sa pagkain, at nagpapakalasing sa alak. Sila ay matindi kung magalit, mapaghiganti, at mapaghinala sa isa’t isa. Mayroon ding matitinding pagkakapootan sa gitna nila. Bilang paglalarawan: Determinado si Tiamat na puksain ang ibang mga diyos ngunit napanaigan siya ni Marduk, na humati kay Tiamat sa dalawang bahagi, anupat ang kalahati ay ginawa niyang kalangitan at ang kalahati ay ginamit niya may kaugnayan sa pagtatatag ng lupa. Inutusan ni Eresh-Kigal, ang diyosa ng daigdig ng mga patay, si Namtaru, ang diyos ng salot, na ibilanggo ang kaniyang kapatid na babae na si Ishtar at pasapitan ito ng 60 kahapisan.—Tingnan ang NERGAL.
Ang mga nabanggit ay nagbibigay ng kaunting ideya hinggil sa kapaligirang iniwan ng tapat na si Abraham nang lumisan siya mula sa Caldeong lunsod ng Ur, na noo’y lipos ng idolatriyang Babilonyo. (Gen 11:31; 12:1; Jos 24:2, 14, 15) Pagkaraan ng maraming siglo, sa Babilonya na isang “lupain ng mga nililok na imahen” at maruruming “karumal-dumal na idolo” itinapon ang libu-libong Judiong bihag.—Jer 50:1, 2, 38; 2Ha kab 25.
Mga Bathala ng Asirya. Sa pangkalahatan, ang mga diyos at mga diyosa ng Asirya ay kapareho ng mga bathala ng Babilonya. Gayunman, isang bathala, si Asur na pangunahing diyos, ang waring matatagpuan lamang sa kalipunan ng mga diyos ng Asirya. Yamang nagmula kay Asur ang pangalan ng Asirya, iminumungkahi ng ilan na ang diyos na ito, sa totoo, ay ang anak ni Sem na nagngangalang Asur, na ginawang diyos ng mga huwad na mananamba.—Gen 10:21, 22.
Di-gaya ni Marduk ng Babilonya, na sinamba rin sa Asirya ngunit ang sentro ng pagsamba ay nanatili sa lunsod ng Babilonya, ang sentro ng pagsamba kay Asur ay inililipat kapag opisyal na naninirahan sa ibang mga lunsod ang mga hari ng Asirya. Gayundin, may itinayong mga santuwaryo para kay Asur sa iba’t ibang bahagi ng Asirya. Isang estandarte ng militar ang pangunahing sagisag ni Asur, at dinadala ito sa gitna ng pagbabaka. Ang may-pakpak na bilog, o disk, na kadalasa’y may pigura ng isang balbasing lalaki sa ibabaw nito, ay lumalarawan sa diyos na si Asur. Kung minsan, ang pigurang iyon ng tao ay ipinakikitang may hawak na busog o nagpapahilagpos ng palaso. Ang isa pang paglalarawan kay Asur ay nagpapahiwatig naman ng ideya ng tatluhang diyos. Bukod pa sa panggitnang pigura sa ibabaw ng bilog, dalawa pang ulo ng tao ang makikita sa ibabaw ng mga pakpak, tig-isa sa magkabilang panig ng panggitnang pigura.—Tingnan ang LARAWAN, Tomo 2, p. 529; ASIRYA; NISROC.
Sa gitna ng gayong mga Asiryano nasadlak ang mga tapon mula sa hilagang sampung-tribong kaharian nang bumagsak ang Samaria noong 740 B.C.E. (2Ha 17:1-6) Nang maglaon, inihula ng propetang si Nahum ang pagbagsak ng Nineve (kabisera ng Asirya) at ng mga diyos nito, anupat sumapit ang pagkawasak na ito noong 632 B.C.E.—Na 1:1, 14.
Mga Bathala ng Ehipto. Ang mga diyos at mga diyosa na sinamba ng mga Ehipsiyo ay kakikitaan ng ebidensiya ng impluwensiyang Babilonyo. Mayroon silang mga tatluhang bathala at maging tatluhan pa nga ng mga tatluhang diyos, o “mga siyaman.” Ang isa sa popular na mga tatluhang diyos ay binubuo ni Osiris, ng kaniyang asawang si Isis, at ng kanilang anak na si Horus.—LARAWAN, Tomo 2, p. 529.
Si Osiris ang pinakapopular sa mga diyos ng Ehipto at siya’y itinuturing na anak ng diyos-lupa na si Geb at ng diyosang-kalangitan na si Nut. Sinasabing si Osiris ay naging asawa ni Isis at namahala bilang hari sa Ehipto. Ayon sa mitolohikal na mga ulat, si Osiris ay pinaslang ng kaniyang kapatid na si Set at pagkatapos ay muling nabuhay, anupat naging hukom at hari ng mga patay. Ang kaugnayan nina Osiris at Isis at ang kani-kanilang mga katangian ay kapuna-punang katugma ng kaugnayan at mga katangian nina Tamuz at Ishtar ng Babilonya. Dahil dito, itinuturing ng maraming iskolar na magkapareho ang mga ito.
Napakapopular din noon sa Ehipto ang pagsamba sa mag-inang bathala. Kadalasa’y ipinakikita si Isis na kalong ang sanggol na si Horus. Ang paglalarawang ito ay kahawig na kahawig ng “Madonna and child” anupat kung minsan ay sinasamba ito ng ilang miyembro ng Sangkakristiyanuhan nang di-namamalayan. (LARAWAN, Tomo 2, p. 529) Hinggil sa diyos na si Horus, may katibayan na pinilipit ang pangako sa Eden may kinalaman sa binhing susugat sa ulo ng serpiyente. (Gen 3:15) Kung minsan, inilalarawan si Horus na yumuyurak sa mga buwaya at may hawak na mga ahas at mga alakdan. Ayon sa isang ulat, nang ipaghiganti ni Horus ang pagkamatay ng kaniyang amang si Osiris, si Set, na pumaslang kay Osiris, ay nagbagong-anyo at naging isang serpiyente.
Sa mga eskultura at mga ipinintang larawan ng mga Ehipsiyo ay napakalimit lumitaw ng kanilang sagradong sagisag, ang crux ansata. Ang tinaguriang sagisag ng buhay na ito ay mistulang titik na “T” na may biluhabang hawakan sa ibabaw at malamang na sumasagisag sa pinagsamang sangkap sa pag-aanak ng lalaki at babae. Ang mga bathala ng Ehipto ay kadalasang ipinakikita na may hawak na crux ansata.—LARAWAN, Tomo 2, p. 530.
Maraming hayop ang itinuring ng mga Ehipsiyo bilang sagrado. Kabilang sa mga ito ang toro, pusa, baka, buwaya, halkon, palaka, hipopotamus, ibis, chakal, leon, barakong tupa, scarab, alakdan, serpiyente, buwitre, at lobo. Gayunman, ang ilan sa mga ito ay sagrado sa isang bahagi ng Ehipto ngunit hindi sagrado sa ibang bahagi, anupat kung minsan ay nagiging sanhi pa nga ito ng pagsiklab ng mga digmaang sibil. Hindi lamang sagrado ang mga hayop para sa partikular na mga diyos, kundi minamalas pa nga ang ilan sa mga iyon bilang pagsasaanyong-laman ng isang diyos o diyosa. Halimbawa, ang torong Apis ay itinuturing na ang mismong pagsasaanyong-laman ng diyos na si Osiris at nagmula sa diyos na si Ptah.
Ayon kay Herodotus (II, 65-67), ang isang tao na pumatay ng isang sagradong hayop nang sinasadya ay pinapatay; kung napatay niya ang hayop nang di-sinasadya, pagmumultahin siya ng mga saserdote. Gayunman, ang isa na pumatay ng isang ibis o isang lawin, sinasadya man o hindi, ay pinapatay, kadalasa’y ng nagngangalit na mga mang-uumog. Kapag namatay ang isang pusa, ang lahat ng nasa sambahayan ay nag-aahit ng kanilang mga kilay, samantalang kapag aso ang namatay, inaahitan nila ang kanilang buong katawan. Ang sagradong mga hayop ay ginagawang momya at binibigyan ng mararangyang libing. Kabilang sa natuklasang mga hayop na ginawang momya ang toro, pusa, buwaya, at halkon.
Inilalarawan ng mitolohikal na mga ulat ang mga bathala ng Ehipto bilang may mga kahinaan at di-kasakdalan ng tao. Sinasabing sila’y nababagabag at natatakot at paulit-ulit na nalalagay sa panganib. Ang diyos na si Osiris ay pinatay. Si Horus naman, noong bata pa, ay sinasabing nakaranas ng mga kirot sa loob ng katawan, sakit ng ulo, at disintirya at namatay dahil sa tibo ng alakdan, ngunit pagkatapos ay sinasabing muling nabuhay. Pinaniniwalaang si Isis ay nagkaroon ng nana sa suso. Itinuturo na nang tumanda na ang diyos-araw na si Ra, nabawasan ang kaniyang lakas at may tumutulong laway mula sa kaniyang bibig. Nanganib ang kaniya mismong buhay nang matuklaw siya ng isang serpiyente na nilikha ni Isis sa pamamagitan ng mahika, bagaman gumaling siya dahil sa mahikang mga salita ni Isis. Si Sekhmet, isang diyosa na kumakatawan sa mapamuksang puwersa ng araw, ay inilalarawan bilang uháw sa dugo. Lubha siyang nasisiyahang pumatay ng mga tao anupat sinasabing ikinabahala ni Ra ang kinabukasan ng lahi ng tao. Upang mailigtas ni Ra ang sangkatauhan mula sa pagkalipol, 7,000 banga na may pinaghalong serbesa at katas ng granada ang ikinalat niya sa lugar ng pagbabaka. Palibhasa’y napagkamalan ni Sekhmet na iyon ay dugo ng tao, buong-kasabikan niyang ininom iyon hanggang sa malango siya nang husto anupat hindi na niya naipagpatuloy ang pagpatay. Sinasabing nilasing ni Nephthys ang kaniyang kapatid na lalaki na si Osiris, na asawa ng kaniyang kapatid na babae na si Isis, at pagkatapos ay sinipingan niya ito. Ang mga diyos-araw na sina Tem at Horus ay inilalarawan bilang mga nagsasagawa ng masturbasyon.
Kapansin-pansin na nang atasan ni Paraon si Jose bilang pangalawang tagapamahala sa lupain ng Ehipto, si Jose ay naging mas mataas kaysa sa mga mananamba ng huwad na mga diyos ng Ehipto.—Gen 41:37-44.
Ang Sampung Salot. Sa pamamagitan ng mga salot na pinasapit niya sa mga Ehipsiyo, hiniya ni Jehova ang kanilang mga diyos at nilapatan niya ang mga ito ng kahatulan. (Exo 12:12; Bil 33:4; MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 530) Ang unang salot, nang gawing dugo ang Nilo at ang lahat ng tubig ng Ehipto, ay nagdulot ng kadustaan sa diyos-Nilo na si Hapi. Ang pagkamatay ng mga isda sa Nilo ay isa ring dagok sa relihiyon ng Ehipto, sapagkat ang ilang uri ng isda ay aktuwal na sinasamba at ginagawa pa ngang momya. (Exo 7:19-21) Ang palaka, na itinuturing na isang sagisag ng pag-aanak at kumakatawan sa konsepto ng mga Ehipsiyo hinggil sa pagkabuhay-muli, ay itinuturing na sagrado para sa diyosang-palaka na si Heqt. Kaya naman nagdulot ng kadustaan sa diyosang ito ang salot ng mga palaka. (Exo 8:5-14) Dahil sa ikatlong salot, kinilala ng mga mahikong saserdote ang kanilang pagkatalo nang hindi nila magawang mga niknik ang alabok sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na sining. (Exo 8:16-19) Kinikilalang ang diyos na si Thoth ang umimbento ng mahika o mga lihim na sining, ngunit hindi natulungan kahit ng diyos na ito ang mga mahikong saserdote upang matularan nila ang ikatlong salot.
Mula sa ikaapat na salot, malinaw na nakita ang harang sa pagitan ng mga Ehipsiyo at ng mga mananamba ng tunay na Diyos. Samantalang sinasalakay ng mga kulupon ng langaw na nangangagat ang mga tahanan ng mga Ehipsiyo, ang mga Israelita sa lupain ng Gosen ay hindi naapektuhan nito. (Exo 8:23, 24) Ang sumunod na dagok, ang salot sa mga alagang hayop, ay nagdulot ng kahihiyan sa mga bathalang gaya ng diyosang-baka na si Hathor, ng bathalang si Apis, at ng diyosang-kalangitan na si Nut, na ipinapalagay na isang baka na sa tiyan nito nakadikit ang mga bituin. (Exo 9:1-6) Ang salot ng mga bukol naman ay nagdulot ng kadustaan sa mga diyos at mga diyosa na itinuturing na may mga kakayahang magpagaling, gaya nina Thoth, Isis, at Ptah. (Exo 9:8-11) Ang matinding bagyo ng graniso ay nagdulot ng kahihiyan sa mga diyos na itinuturing na may kontrol sa mga elemento ng kalikasan; halimbawa, si Reshpu, na waring pinaniniwalaang kumokontrol sa kidlat, at si Thoth, na sinasabing may kapangyarihan sa ulan at kulog. (Exo 9:22-26) Ang salot ng balang ay nangahulugan ng pagkatalo ng mga diyos na ipinapalagay na gumagarantiya ng saganang ani, anupat ang isa sa mga ito ay ang diyos ng pag-aanak na si Min, na itinuturing na tagapagsanggalang ng mga pananim. (Exo 10:12-15) Kabilang sa mga bathalang nadusta dahil sa salot ng kadiliman ay ang mga diyos-araw, gaya nina Ra at Horus, gayundin si Thoth na diyos ng buwan na pinaniniwalaang tagapag-organisa ng araw, buwan, at mga bituin.—Exo 10:21-23.
Ang pagkamatay ng mga panganay ang nagdulot ng pinakamatinding kahihiyan sa mga diyos at mga diyosa ng Ehipto. (Exo 12:12) Ang totoo, tinutukoy ng mga tagapamahala ng Ehipto ang kanilang sarili bilang mga diyos, mga anak ni Ra, o Amon-Ra. Sinasabing si Ra, o Amon-Ra, ay nakikipagtalik sa reyna. Kaya naman ang anak na isinisilang nito ay itinuturing na isang diyos na nagkatawang-tao at iniaalay kay Ra, o Amon-Ra, sa kaniyang templo. Dahil dito, ang kamatayan ng panganay ni Paraon, sa diwa, ay nangahulugan ng pagkamatay ng isang diyos. (Exo 12:29) Ito mismo ay isa nang matinding dagok sa relihiyon ng Ehipto, at nakita ang ganap na pagkainutil ng lahat ng mga bathala nang hindi nila nailigtas ang mga panganay ng mga Ehipsiyo mula sa kamatayan.—Tingnan ang AMON Blg. 4.
Mga Bathala ng Canaan. Ipinakikita ng di-Biblikal na mga mapagkukunan ng impormasyon na ang diyos na si El ang itinuturing ng mga Canaanita bilang ang maylalang at soberano. Bagaman waring hindi nakikialam si El sa mga nangyayari sa lupa, paulit-ulit na ipinakikitang nilalapitan siya ng ibang mga bathala taglay ang kanilang mga kahilingan. Inilalarawan si El bilang isang mapaghimagsik na anak na nag-alis sa sarili niyang ama sa trono at kumapon dito, at gayundin bilang isang marahas na maniniil, isang mamamaslang, at isang mangangalunya. Sa mga teksto ng Ras Shamra, si El ay tinutukoy bilang “amang toro” at inilalarawan na may buhok at balbas na ubanin. Ang kaniyang asawa ay si Asera, na tinutukoy bilang ang ninunong babae ng mga diyos, samantalang kinikilala naman si El bilang ang ninunong lalaki ng mga diyos.
Gayunman, ang pinakaprominente sa mga diyos ng Canaan ay ang diyos ng pag-aanak na si Baal, isang bathala ng kalangitan at ng ulan at bagyo. (Huk 2:12, 13) Sa mga teksto ng Ras Shamra, si Baal ay kadalasang tinatawag na anak ni Dagon, bagaman binabanggit din na si El ay kaniyang ama. Ipinakikitang tinutukoy ni Anath na kapatid na babae ni Baal si El bilang kaniyang ama at tinatawag naman siya ni El bilang kaniyang anak na babae. Samakatuwid, malamang na si Baal ay itinuturing na anak ni El, bagaman maaaring minamalas din siya bilang apo ni El. Sa mitolohikal na mga ulat, si Baal ay inilalarawang dumaluhong at nanaig kay Yamm, ang diyos na namamahala sa katubigan at waring ang paborito o pinakamamahal na anak ni El. Ngunit napatay si Baal sa pakikipaglaban niya kay Mot, na itinuturing na isang anak ni El at diyos ng kamatayan at pagkatigang. Kaya naman tulad ng Babilonya, ang Canaan ay mayroon ding diyos na dumanas ng marahas na kamatayan at nang maglaon ay muling nabuhay.—Tingnan ang BAAL Blg. 4.
Sina Anat, Asera, at Astoret ang pangunahing mga diyosa na binabanggit sa mga teksto ng Ras Shamra. Gayunman, waring may maraming pagkakatulad ang mga papel ng mga diyosang ito. Sa Sirya, kung saan natagpuan ang mga teksto ng Ras Shamra, maaaring si Anat ay itinuturing na asawa ni Baal, sapagkat bagaman paulit-ulit siyang tinutukoy na “dalaga,” ipinakikitang nakikipagtalik siya kay Baal. Gayunman, kung tungkol kay Baal, ang binabanggit lamang ng rekord ng Kasulatan ay si Astoret at ang sagradong poste, o Asera. Kaya naman, maaaring may mga pagkakataon na si Asera at gayundin si Astoret ay itinuring na mga asawa ni Baal.—Huk 2:13; 3:7; 10:6; 1Sa 7:4; 12:10; 1Ha 18:19; tingnan ang ASTORET; SAGRADONG HALIGI; SAGRADONG POSTE.
Ang mga pagbanggit kay Anat sa mga teksto ng Ras Shamra ay nagpapahiwatig ng mahalay na konsepto ng mga Canaanita hinggil sa mga bathala anupat walang alinlangang kagaya rin ito ng konsepto ng mga Siryano. Si Anat ay inilalarawan bilang ang pinakamaganda sa mga kapatid na babae ni Baal ngunit napakatinding magalit. Sinasabing nagbanta siyang dudurugin niya ang bungo ng kaniyang amang si El at padadanakin niya ang dugo sa ubaning buhok nito at ang lumapot na dugo sa ubaning balbas nito kung hindi nito susundin ang kaniyang mga kagustuhan. Noong isang pagkakataon naman, si Anat ay inilalarawang pumapatay nang walang taros. Isinabit niya sa kaniyang likod ang mga ulo, at ang mga kamay naman sa kaniyang pamigkis, at nagtampisaw siya sa hanggang-tuhod na dugo ng magigiting at sa hanggang-balakang na lumapot na dugo ng mga ito. Ang kaluguran niya sa gayong pagbububo ng dugo ay mababanaag sa mga salitang: “Ang kaniyang atay ay nag-uumapaw sa pagtawa, ang kaniyang puso ay lipos ng kagalakan.”—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 136, 137, 142, 152.
Idiniriin ng labis-labis na kabuktutan at kahalayan ng pagsamba ng mga Canaanita na makatarungan lamang na ipinag-utos ng Diyos na puksain ang mga tumatahan sa lupain. (Lev 18; Deu 9:3, 4) Gayunman, dahil hindi lubusang isinagawa ng mga Israelita ang utos na iyon ng Diyos, nang maglaon ay nasilo sila sa tiwaling mga gawain na kaugnay ng pagsamba sa mga diyos ng Canaan.—Aw 106:34-43; tingnan din ang CANAAN, CANAANITA Blg. 2.
Mga Bathala ng Medo-Persia. Lumilitaw na ang mga hari ng Imperyo ng Medo-Persia ay mga Zoroastriano. Bagaman hindi mapatutunayan o mapabubulaanan kung nanghawakan si Cirong Dakila sa mga turo ni Zoroaster, mula noong panahon ni Dario I ay paulit-ulit na binabanggit si Ahura Mazda, na pangunahing bathala ng Zoroastrianismo, sa mga inskripsiyon ng mga monarka. Tinukoy ni Dario I si Ahura Mazda bilang ang maylalang ng langit, lupa, at tao, at itinuring niya na ang diyos na ito ang nagkaloob sa kaniya ng karunungan, pisikal na kadalubhasaan, at ng kaharian.
Ang isang pagkakakilanlang turo ng Zoroastrianismo ay ang dualismo, samakatuwid nga, ang paniniwala sa dalawang magkaibang diyos, isang mabuti at isang masama. Si Ahura Mazda ay itinuturing bilang ang maylalang ng lahat ng mabubuting bagay, samantalang si Angra Mainyu naman ay itinuturing bilang ang maylalang ng lahat ng bagay na masama. Ipinapalagay na ang huling nabanggit ay nakapagpapasapit ng lindol, bagyo, sakit, at kamatayan, at lumilikha ng kaligaligan at digmaan. Pinaniniwalaang may mas mabababang espiritu na tumutulong sa dalawang diyos na ito sa pagsasagawa nila ng kani-kanilang gawain.
Ang sagisag ng diyos na si Ahura Mazda ay kahawig na kahawig niyaong kay Asur ng Asirya, samakatuwid nga, isang may-pakpak na bilog, na kung minsan ay may isang balbasing lalaki sa ibabaw at may buntot ng ibon sa ilalim.
Si Ahura Mazda ay maaaring naging bahagi ng isang tatluhang diyos. Ipinahihiwatig ito ng paghiling ni Artajerjes Mnemon ng proteksiyon nina Ahura Mazda, Anahita (isang diyosa ng tubig at ng pag-aanak), at Mithra (isang diyos ng liwanag), at ng pagkilala niya na muli niyang naitayo ang Bulwagan ng mga Haligi sa Susa dahil sa kagandahang-loob ng tatlong bathalang ito.
Iniuugnay ng ilang iskolar si Anahita kay Ishtar ng Babilonya. Ganito ang sinabi ni E. O. James sa kaniyang aklat na The Cult of the Mother-Goddess (1959, p. 94): “Sinamba siya bilang ‘ang Dakilang Diyosa na ang pangalan ay Ginang’, ang ‘isa na pinakamakapangyarihan-sa-lahat at imakulada’, na nagpapadalisay ‘sa binhi ng mga lalaki at sa bahay-bata at gatas ng mga babae’. . . . Siya, sa katunayan, ang katumbas sa Iran ni Anat ng Sirya, ni Inanna-Ishtar ng Babilonya, ng Hiteong diyosa ng Comana, at ni Aphrodite ng Gresya.”
Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus (I, 131), sinamba rin ng mga Persiano ang mga elemento ng kalikasan at ang mga bagay sa kalangitan. Sumulat siya: “Tungkol sa mga pamamaraan ng mga Persiano, ganito ang alam ko sa mga iyon. Hindi nila kaugaliang gumawa at magtayo ng mga estatuwa at mga templo at mga altar, kundi yaong mga gumagawa ng mga iyon ay itinuturing nilang mangmang, sa palagay ko, sapagkat hindi sila naniniwala na ang mga diyos, gaya ng paniniwala ng mga Griego, ay kawangis ng mga tao; ngunit ang buong balantok ng langit ay tinatawag nilang Zeus, at naghahandog sila sa kaniya ng hain sa pinakamatataas na taluktok ng mga bundok; naghahain din sila sa araw at buwan at lupa at apoy at tubig at hangin. Mula’t sapol ay sa mga diyos na ito lamang sila naghahain; natutuhan nila nang dakong huli, na maghain sa ‘makalangit’ na si Aphrodite, mula sa mga Asiryano at mga Arabe. Tinatawag siya ng mga Asiryano bilang Mylitta, ng mga Arabe bilang Alilat, at ng mga Persiano bilang Mitra.”
Ang Zend-Avesta, ang sagradong mga akdang Zoroastriano, ay aktuwal na kababasahan ng mga dasal sa apoy, sa tubig, at sa mga planeta, gayundin sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin. Tinutukoy pa nga ang apoy bilang anak ni Ahura Mazda.
Bagaman si Haring Ciro ay maaaring isang Zoroastriano, binanggit ang kaniyang pangalan sa hula ng Bibliya bilang ang inatasan ni Jehova na magpabagsak sa Babilonya at magpalaya sa mga Judiong bihag. (Isa 44:26–45:7; ihambing ang Kaw 21:1.) Pagkatapos na mawasak ang Babilonya noong 539 B.C.E., ang mga Israelita ay sumailalim sa kontrol ng Zoroastrianong mga Medo-Persiano.
Mga Bathala ng Gresya. Isinisiwalat ng pagsusuri sa mga diyos at mga diyosa ng sinaunang Gresya na ang relihiyon ng mga Griego ay may bakas ng impluwensiyang Babilonyo. Ganito ang obserbasyon ni Propesor George Rawlinson ng Oxford University: “Ang kapuna-punang pagkakatulad ng sistemang Caldeo sa Klasikal na Mitolohiya ay waring dapat pag-ukulan ng partikular na atensiyon. Ang pagkakatulad na ito ay napakalawak, at sa ilang aspekto ay napakalapit, upang ipalagay na nagkataon lamang ang mga ito. Sa mga kalipunan ng mga diyos ng Gresya at Roma, at ng Caldea, ay mapapansin ang magkakatulad na pangkalahatang pagkakapangkat-pangkat; madalas na makikita sa mga iyon ang magkakatulad na pagkakasunud-sunod sa talaangkanan; at sa ilang kaso, maging ang pamilyar na mga pangalan at mga titulo ng klasikal na mga diyos ay kapansin-pansing mailalarawan at maipaliliwanag batay sa mga Caldeong pinagmulan. Halos nakatitiyak tayo na, sa paanuman, nagkaroon ng pagtatalastasan hinggil sa mga paniniwala—pagtatawid ng mga ito noong sinaunang mga panahon, mula sa mga baybayin ng Gulpo ng Persia hanggang sa mga lupaing karatig ng Mediteraneo, tungkol sa mitolohikal na mga konsepto at mga ideya.”—The Seven Great Monarchies of the Ancient Eastern World, 1885, Tomo I, p. 71, 72.
Ang kapahayagan ng Diyos may kinalaman sa binhing ipinangako ay posibleng pinilipit sa mitolohikal na mga ulat na naglalahad ng pagpatay ng diyos na si Apolo sa serpiyenteng si Python at sa pagsakal ng sanggol na si Hercules (anak ni Zeus at ng isang makalupang babae, si Alcmene) sa dalawang serpiyente. Muling lumilitaw ang pamilyar na tema tungkol sa isang diyos na namatay at pagkatapos ay muling nabuhay. Taun-taon, ginugunita ang marahas na kamatayan ni Adonis at ang kaniyang muling pagkabuhay; karaniwan nang ang mga babae ang tumatangis sa kaniyang kamatayan anupat nagdadala sila ng mga imahen ng kaniyang katawan na parang sa prusisyon ng libing at sa kalaunan ay inihahagis nila ang mga iyon sa dagat o sa mga bukal. Ang isa pang bathala na ang marahas na kamatayan at muling pagkabuhay ay ipinagdiriwang noon ng mga Griego ay si Dionysus, o Bacchus; tulad ni Adonis, iniuugnay rin siya kay Tamuz ng Babilonya.
Inilalarawan ng mitolohikal na mga ulat ang mga diyos at mga diyosa ng mga Griego bilang katulad na katulad ng mga lalaki at babae. Bagaman ipinapalagay na sila’y di-hamak na mas malalaki, mas magaganda, at mas malalakas kaysa sa mga tao, inilalarawan na ang kanilang mga katawan ay katawan ng mga tao. Yamang ang dumadaloy diumano sa kanilang mga ugat ay “ichor,” sa halip na dugo, inaakalang hindi napipinsala ang mga katawan ng mga bathala. Gayunpaman, pinaniniwalaan na maaari silang dulutan ng mga tao ng makikirot na sugat sa pamamagitan ng mga sandata ng mga ito. Ngunit sinasabing ang mga sugat nila ay gumagaling din at na ang mga diyos ay hindi tumatanda.
Sa kalakhang bahagi, inilalarawan na ang mga bathala ng mga Griego ay napakaimoral at may mga kahinaan ng tao. Sila’y nag-aaway-away, naglalaban-laban, at nagsasabuwatan pa nga laban sa isa’t isa. Sinasabing inalis ni Zeus, na kataas-taasang diyos ng mga Griego, ang kaniya mismong ama na si Cronus mula sa trono. Bago nito, pinatalsik din ni Cronus ang kaniyang amang si Uranus mula sa posisyon at kinapon pa nga niya ito. Sina Uranus at Cronus ay kapuwa inilalarawan bilang malulupit na ama. Kaagad na ikinubli ni Uranus sa ilalim ng lupa ang mga supling na isinilang sa kaniya ng asawa niyang si Gaea, anupat hindi man lamang niya sila hinayaang makakita ng liwanag. Sa kabilang dako, nilamon naman ni Cronus ang mga anak na isinilang sa kaniya ni Rhea. Kabilang sa karima-rimarim na mga gawain na sinasabing ginagawa ng mga bathala ang pangangalunya, pakikiapid, insesto, panggagahasa, pagsisinungaling, pagnanakaw, paglalasing, at pagpaslang. Yaong mga di-kinalulugdan ng isang diyos o diyosa ay inilalarawang pinarurusahan sa napakalupit na paraan. Halimbawa, ang satyr na si Marsyas, na humamon sa diyos na si Apolo sa isang paligsahan sa pagtugtog, ay itinali nito sa isang puno at binalatan nang buháy. Sinasabing ang mangangasong si Actaeon ay ginawang isang usa ng diyosang si Artemis at pagkatapos ay ipinalapa siya nito sa sarili niyang mga aso, anupat ito’y dahil nakita niya ang kahubaran ng diyosa.
Sabihin pa, inaangkin ng ilan na ang mitolohikal na mga ulat na ito ay guniguni lamang ng mga makata. Ngunit tungkol dito, si Augustine na nabuhay noong ikalimang siglo C.E. ay sumulat: “Sapagkat bagaman sinasabi bilang pagtatanggol sa kanila, na ang mga kuwentong ito tungkol sa kanilang mga diyos ay hindi totoo, kundi mga imbento lamang ng mga makata, at bulaang mga kathang-isip, bakit dahil doo’y lalo itong nagiging kasuklam-suklam, kung iginagalang mo ang kadalisayan ng iyong relihiyon: at kung binibigyang-pansin mo ang mapaminsalang hangarin ng diyablo, ano pa nga bang katusuhan ang mas mapandaya o mas mapanlinlang kaysa rito? Sapagkat kapag isang matapat at karapat-dapat na tagapamahala ng isang bansa ang sinisiraang-puri, hindi ba’t lalo na ngang balakyot at di-mapatatawad ang paninirang-puri, yamang ang buhay ng partidong iyon na sinisiraang-puri ay mas malinis at mas mabuti anupat walang anumang bahid ng gayong bagay?” (The City of God, Aklat II, kab IX) Gayunman, ipinahihiwatig ng popularidad ng mga ulat ng mga makata gaya ng isinasadula sa entabladong Griego na ang mga iyon ay hindi itinuturing ng karamihan bilang paninirang-puri, kundi sinasang-ayunan pa nga nila ang mga iyon. Ipinagmatuwid ng pagiging imoral ng mga diyos ang masasamang gawa ng tao, at pabor naman dito ang taong-bayan.—Tingnan ang GRESYA, MGA GRIEGO (Relihiyong Griego).
Sa kaniyang ministeryo, nakatagpo ng apostol na si Pablo ang mga mananamba ng Griegong mga diyos na sina Zeus at Hermes. (Gaw 14:12, 13) Ipinakita ng mga taga-Atenas ang pagkatakot nila sa mga bathala sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming templo at altar. (Gaw 17:22-29) Nakaapekto pa nga sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto ang talamak na imoralidad sa sekso na bahagi ng pagsamba ng mga Griego, anupat kinailangang sawayin ng apostol na si Pablo ang kongregasyong iyon.—1Co kab 5.
Mga Bathala ng Roma. Ang relihiyon ng mga Romano ay lubhang naimpluwensiyahan ng mga Etruscano, isang grupo ng mga tao na karaniwang ipinapalagay na nagmula sa Asia Minor. Tiyakang iniuugnay ng gawaing panghuhula ang relihiyon ng mga Etruscano sa relihiyon ng mga Babilonyo. Halimbawa, ang mga wangis ng mga atay na luwad na ginagamit sa panghuhula na natagpuan sa Mesopotamia ay kahawig ng bronseng wangis ng atay na natagpuan sa Piacenza sa rehiyon ng Emilia-Romagna, Italya. Kaya nang tanggapin ng mga Romano ang mga bathalang Etruscano, sa diwa ay naimpluwensiyahan sila ng mga Babilonyo. (Tingnan ang ASTROLOGO.) Ang tatluhang diyos ng mga Romano na binubuo nina Jupiter (ang kataas-taasang diyos, isang diyos ng kalangitan at liwanag), Juno (ang asawa ni Jupiter at itinuturing na namamahala sa mga bagay na may kinalaman sa mga babae), at Minerva (isang diyosa na namamahala sa lahat ng gawaing-kamay) ay katumbas nina Tinia, Uni, at Menrva ng mga Etruscano.
Sa paglipas ng panahon, ang prominenteng mga diyos ng mga Griego ay naging bahagi ng kalipunan ng mga diyos ng mga Romano, bagaman nakilala ang mga ito sa ibang mga pangalan. Tinanggap din ng mga Romano ang mga bathala ng iba pang mga lupain, kabilang na rito si Mithras ng Persia (na ang kaarawan ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre 25) at ang diyosa ng pag-aanak ng Frigia na si Cybele at si Isis ng Ehipto, na kapuwa iniuugnay kay Ishtar ng Babilonya. Gayundin, mismong ang mga Romanong emperador ay ginawang mga diyos.
Si Saturn ay sinamba dahil sa pagpapasapit ng isang ginintuang panahon sa Roma. Ang Saturnalia, na noong una’y isang-araw na kapistahan bilang parangal sa kaniya, ay pinahaba nang dakong huli upang maging pitong-araw na pagdiriwang sa huling kalahatian ng Disyembre. Kalakip sa okasyong iyon ang walang-taros na pagsasaya. May pagpapalitan ng mga regalo, gaya ng mga prutas na yari sa pagkit at ng mga kandila, at mga manikang luwad ang partikular na ibinibigay sa mga bata. Sa panahon ng kapistahan, walang sinuman ang nilalapatan ng kaparusahan. Sarado ang mga paaralan at mga korte; kahit ang pagdidigmaan ay itinitigil. Ang mga alipin ay nakikipagpalitan ng posisyon sa kani-kanilang panginoon at pinahihintulutan silang sabihin ang anumang gusto nilang sabihin nang hindi nag-aalalang parurusahan sila.
Ang unang mga Kristiyano ay tumangging makibahagi sa pagsamba ng mga Romano, partikular na sa pagsamba sa emperador, na naging dahilan naman upang maging mga tudlaan sila ng matinding pag-uusig. Hindi sila natinag sa kanilang paninindigan na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao,” anupat tumanggi silang ibigay sa mga tagapamahalang Romano ang pagsambang nauukol sa Diyos.—Gaw 5:29; Mar 12:17; tingnan ang ROMA (Relihiyon).
Ang Kaibahan ng mga Diyos ng mga Bansa at ni Jehova. Sa ngayon, ang marami sa mga diyos na binabanggit sa Bibliya ay mga pangalan na lamang. Bagaman sa ilang pagkakataon ay inihain pa nga sa kanila ng kanilang mga mananamba ang mismong mga anak ng mga ito, hindi nailigtas ng huwad na mga diyos yaong mga umasa sa kanilang tulong sa panahon ng kagipitan. (2Ha 17:31) Kaya naman sa harap ng mga tagumpay niya sa militar, ang hari ng Asirya, sa pamamagitan ng kaniyang tagapagsalita na si Rabsases, ay naghambog: “Sa paanuman ba ay nailigtas ng mga diyos ng mga bansa ang kani-kaniyang lupain mula sa kamay ng hari ng Asirya? Nasaan ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Separvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa aking kamay? Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain mula sa aking kamay, anupat maililigtas ni Jehova ang Jerusalem mula sa aking kamay?” (2Ha 18:28, 31-35) Ngunit di-tulad ng mga diyos na iyon, hindi binigo ni Jehova ang kaniyang bayan. Sa isang gabi ay pumatay ang anghel ni Jehova ng 185,000 sa kampo ng mga Asiryano. Dahil sa kahihiyan, ang mapagmapuring Asiryanong monarka na si Senakerib ay bumalik sa Nineve, anupat nang maglaon ay pinaslang siya ng dalawa sa kaniyang mga anak sa templo ng kaniyang diyos na si Nisroc. (2Ha 19:17-19, 35-37) Tunay nga, “ang lahat ng diyos ng mga bayan ay walang-silbing mga diyos; ngunit kung tungkol kay Jehova, ginawa niya ang mismong langit.”—Aw 96:5.
Hindi lamang ang huwad na mga diyos ang nagtataglay ng mga katangian ng mga taong gumawa sa kanila; ang mga tao rin ay nagiging katulad na katulad ng mga diyos na sinasamba nila. Bilang paglalarawan: Si Haring Manases ng Juda ay nagpakita ng debosyon sa huwad na mga diyos, anupat pinaraan pa nga niya sa apoy ang kaniyang anak. Ngunit ang masigasig na pagtataguyod ni Manases ng huwad na pagsamba ay hindi nakatulong upang siya’y maging isang mabuting hari. Sa halip, siya’y naging tulad ng uháw-sa-dugong mga bathala na sinamba niya, anupat nagbubo ng dugong walang-sala na lubhang pagkarami-rami. (2Ha 21:1-6, 16) Kabaligtaran naman nito, ang mga mananamba ng tunay na Diyos ay nagsisikap na maging mga tagatulad ng kanilang Sakdal na Maylikha, anupat nagpapamalas ng mga bunga ng kaniyang espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.—Efe 5:1; Gal 5:22, 23.