Ikalawang Cronica
1 Ang paghahari ni Solomon na anak ni David ay patuloy na tumatag, at si Jehova na kaniyang Diyos ay sumakaniya at ginawa siyang napakadakila.+
2 Ipinatawag ni Solomon ang buong Israel, ang mga pinuno ng libo-libo at ng daan-daan, ang mga hukom, at ang lahat ng pinuno sa buong Israel, ang mga ulo ng mga angkan.* 3 Pagkatapos, si Solomon at ang buong kongregasyon ay pumunta sa mataas na lugar sa Gibeon,+ dahil naroon ang tolda ng pagpupulong ng tunay na Diyos. Ang toldang iyon ay ginawa ng lingkod ni Jehova na si Moises sa ilang. 4 Pero kinuha ni David ang Kaban ng tunay na Diyos sa Kiriat-jearim+ at dinala sa lugar na inihanda ni David para dito; nagtayo siya ng tolda sa Jerusalem para dito.+ 5 At ang tansong altar+ na ginawa ni Bezalel+ na anak ni Uri na anak ni Hur ay inilagay sa harap ng tabernakulo ni Jehova; at si Solomon at ang kongregasyon ay nananalangin sa harap nito.* 6 Ngayon ay naghandog si Solomon doon sa harap ni Jehova; naghandog siya ng 1,000 handog na sinusunog sa tansong altar+ ng tolda ng pagpupulong.
7 Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Solomon at nagsabi: “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo?”+ 8 Sinabi ni Solomon sa Diyos: “Nagpakita ka ng dakila at tapat na pag-ibig sa ama kong si David,+ at ginawa mo akong hari kapalit niya.+ 9 Ngayon, O Diyos na Jehova, matupad nawa ang pangako mo sa ama kong si David,+ dahil ginawa mo akong hari sa isang bayan na sindami ng mga butil ng alabok sa lupa.+ 10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman+ para manguna sa bayang ito,* dahil sino ang makahahatol sa napakalaking bayan mong ito?”+
11 At sinabi ng Diyos kay Solomon: “Dahil ito ang gusto mo at hindi mo hiniling ang kayamanan, ari-arian, at karangalan o ang kamatayan ng mga napopoot sa iyo, at hindi ka rin humiling ng mahabang buhay,* kundi humiling ka ng karunungan at kaalaman para mahatulan mo ang bayan ko na ibinigay ko sa iyo para pamahalaan mo,+ 12 ibibigay sa iyo ang karunungan at kaalaman; pero bibigyan din kita ng kayamanan at ari-arian at karangalan na hindi nakamit ng sinumang haring nauna sa iyo at hindi makakamit ng sinumang haring susunod sa iyo.”+
13 Kaya si Solomon ay umalis sa mataas na lugar sa Gibeon,+ sa harap ng tolda ng pagpupulong, at pumunta sa Jerusalem; at namahala siya sa Israel. 14 Patuloy na nagtipon si Solomon ng mga karwahe* at kabayo;* mayroon siyang 1,400 karwahe at 12,000 kabayo,*+ at inilagay niya ang mga iyon sa mga lunsod ng karwahe+ at sa Jerusalem malapit sa hari.+ 15 Pinarami ng hari ang pilak at ginto sa Jerusalem na gaya ng mga bato,+ at pinarami niya ang mga kahoy na sedro na gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa Sepela.+ 16 Ang mga kabayo ni Solomon ay inaangkat mula sa Ehipto;+ ang samahan ng mga mangangalakal ng hari ang kumukuha ng mga kawan ng kabayo* sa takdang halaga nito.+ 17 Bawat karwahe na inaangkat mula sa Ehipto ay nagkakahalaga ng 600 pirasong pilak, at ang isang kabayo ay nagkakahalaga ng 150; at ibinebenta nila ang mga ito sa lahat ng hari ng mga Hiteo at sa mga hari ng Sirya.