KABANATA 13
“Ginawa ni Jehova Kung Ano ang Nasa Kaniyang Isip”
1. Nang mawasak ang Jerusalem, ano ang sinabi ni Jeremias tungkol sa mga hula ni Jehova?
BAGSAK na ang Jerusalem. Sinunog ito ng mga Babilonyo, at makapal pa rin ang usok. Sariwa pa sa isip ni Jeremias ang nakakakilabot na hiyaw ng mga pinapatay. Sinabi sa kaniya ng Diyos kung ano ang mangyayari, at iyon nga ang eksaktong nangyari. “Ginawa ni Jehova kung ano ang nasa kaniyang isip,” ang buntunghininga ng propeta. Napakalagim ng sinapit ng Jerusalem!—Basahin ang Panaghoy 2:17.
2. Anong hula na inihayag daan-daang taon na ang nakita ni Jeremias na natupad?
2 Oo, nakita ni Jeremias ang katuparan ng maraming hulang inihayag sa bayan ng Diyos, pati na ang mga sinaunang hula. Daan-daang taon bago nito, sinabi ni Moises sa Israel ang kahihinatnan ng pagsunod o pagsuway sa Diyos—alinman sa “pagpapala” o “sumpa.” Gusto ni Jehova ang pinakamabuti para sa kaniyang bayan, ang pagpapala. Pero matinding sumpa ang daranasin nila kapag sumuway sila. Nagbabala si Moises—at inulit ito ni Jeremias—na aabot sa punto na ‘kakainin’ ng mga hindi nakikinig at sumusuway kay Jehova ang “laman ng kanilang mga anak na lalaki at ang laman ng kanilang mga anak na babae.” (Deut. 30:19, 20; Jer. 19:9; Lev. 26:29) Baka may magtanong, ‘Grabe, nangyari nga kaya talaga iyon?’ Aba, noong kinukubkob ang Jerusalem at wala nang makain ang mga tao, talagang nangyari iyon! “Pinakuluan ng mismong mga kamay ng mga babaing mahabagin ang kanilang sariling mga anak,” ang sabi ni Jeremias. “Sa isa ay naging gaya sila ng tinapay ng kaaliwan sa panahon ng pagkasira ng anak na babae ng aking bayan.” (Panag. 4:10) Napakasaklap nga!
3. Bakit nagsusugo si Jehova ng mga propeta sa kaniyang bayan?
3 Sabihin pa, hindi naman para maghayag lang ng kapahamakan kaya nagsusugo si Jehova ng mga propeta. Gusto ng Diyos na manumbalik ang katapatan sa kaniya ng bayan. Gusto niyang magsisi ang mga makasalanan. Sinabi ni Ezra: “Si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno ay patuloy na nagsugo laban sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, na nagsusugo nang paulit-ulit, sapagkat siya ay nahabag sa kaniyang bayan at sa kaniyang tahanan.”—2 Cro. 36:15; basahin ang Jeremias 26:3, 12, 13.
4. Ano ang nadama ni Jeremias sa mensaheng inihatid niya?
4 Tulad ni Jehova, nahabag si Jeremias sa mga kababayan niya. Makikita mo iyan sa sinabi niya bago bumagsak ang Jerusalem. Masyado siyang nabalisa sa nakatakdang kapahamakan. Maiiwasan sana iyon kung nakinig lang ang bayan at sumunod sa mensahe ni Jeremias! Isip-isipin ang nadama ni Jeremias habang inihahatid niya ang mensahe ng Diyos. Sinabi niya: “O ang bituka ko, ang bituka ko! Ako ay dumaranas ng matitinding kirot sa mga dingding ng aking puso. Ang aking puso ay kumakabog sa loob ko. Hindi ako matahimik, sapagkat tunog ng tambuli ang narinig ng aking kaluluwa, ang babalang hudyat ng digmaan.” (Jer. 4:19) Talagang hindi niya kayang manahimik lang tungkol sa paparating na kapahamakan.
SIGURADO BA SIYA?
5. Bakit sigurado si Jeremias sa mensaheng ipinangangaral niya?
5 Bakit sigurado si Jeremias na mangyayari ang mga inihula niya? (Jer. 1:17; 7:30; 9:22) Buo ang pananampalataya niya, napag-aralan niya ang Kasulatan, at alam niyang si Jehova ay Diyos na tumutupad ng hula. Pinatutunayan ng kasaysayan na kayang ihula ni Jehova ang mga pangyayaring parang imposible sa tingin ng tao, gaya ng paglaya ng Israel mula sa Ehipto. Pamilyar si Jeremias sa ulat na ito at sa salaysay ni Josue na nakasaksi nito. Ipinaalaala ni Josue sa mga Israelita: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Jos. 23:14.
6, 7. (a) Bakit ka dapat maging interesado sa mga hulang inihayag ni Jeremias? (b) Ano ang makakatulong sa iyo na maging kumbinsido sa mensaheng ipinangangaral mo?
6 Bakit dapat kang patuloy na magbigay-pansin sa mga hula ni Jeremias? Una, nagtiwala si Jeremias na talagang matutupad ang mga salita ni Jehova. Ikalawa, ang ilan sa mga hula ng Diyos sa pamamagitan ni Jeremias ay natutupad ngayon, at makikita mo pa ang katuparan ng ibang hula. Ikatlo, namumukod-tanging lingkod ng Diyos si Jeremias dahil sa dami ng kapahayagan na ipinahatid sa kaniya ng Diyos at sa sigasig niya sa paghahayag nito. Sabi nga ng isang iskolar: “Sa lahat ng propeta, angat si Jeremias.” Pagdating sa kasaysayan ng bayan ng Diyos, talagang tumatak sa isip ng mga tao si Jeremias. Napagkamalan nga ng ilan si Jesus bilang si Jeremias.—Mat. 16:13, 14.
7 Gaya ni Jeremias, nabubuhay tayo sa panahong natutupad ang mahahalagang hula sa Bibliya. At kailangan mo ring mapanatili ang iyong pananalig sa mga pangako ng Diyos. (2 Ped. 3:9-14) Paano mo ito magagawa? Patuloy mong patibayin ang iyong pagtitiwala na talagang matutupad ang lahat ng hula sa Bibliya. Kaya repasuhin natin ang ilan sa mga hulang inihatid ni Jeremias at nakita niyang natupad. Gayundin ang ilan na natupad nang maglaon. Talakayin din natin ang mga hulang may kaugnayan sa iyo ngayon at sa iyong kinabukasan. Nawa ang pagrepasong ito ay lalong magpatibay ng iyong pagtitiwala sa mga hula ni Jehova at maging higit kang kumbinsido na ‘gagawin niya kung ano ang nasa kaniyang isip.’—Panag. 2:17.
Bakit nagsugo si Jehova ng mga propeta? Bakit ka nagtitiwala sa mga hula tungkol sa darating na kapahamakan?
MGA HULA NI JEREMIAS NA NAKITA NIYANG NATUPAD
8, 9. Ano ang isang dahilan kung bakit natatanging aklat ang Bibliya?
8 Marami ang sumusubok na hulaan ang kinabukasan—mga ekonomista, pulitiko, espiritista, at mga tagataya ng lagay ng panahon. Mahirap gumawa ng eksaktong prediksiyon kahit sa simpleng mga pangyayari sa susunod na mga araw o linggo, hindi ba? Pero diyan lamáng ang Bibliya—talagang natutupad ang mga hula nito. (Isa. 41:26; 42:9) Lahat ng hula ni Jeremias, tungkol man ito sa malapit o sa malayong hinaharap, ay tumpak. Marami sa mga ito ay may kinalaman sa mga indibiduwal at mga bansa. Tingnan natin ang ilan sa mga hulang natupad noong panahon ni Jeremias.
9 Sino ang makapagsasabi ng magiging sitwasyon sa daigdig isa o dalawang taon mula ngayon? Halimbawa, sinong analista ang eksaktong makapagsasabi kung magkakaroon ba ng pagbabago sa liderato sa daigdig? Gayunman, inihula ni Jeremias, sa tulong ng espiritu ng Diyos, na mamamayagpag ang Babilonya. Sinabi niyang ang Babilonya ang “ginintuang kopa” na naglalaman ng galit ni Jehova, na ibubuhos sa Juda at mga kalapit na lunsod at bayan. Aalipinin sila ng Babilonya. (Jer. 51:7) Ito mismo ang nasaksihan ni Jeremias at ng mga kababayan niya.—Ihambing ang Jeremias 25:15-29; 27:3-6; 46:13.
10. Ano ang inihula ni Jehova tungkol sa apat na hari ng Juda?
10 Inihula din ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias kung ano ang mangyayari sa apat na hari ng Juda. Tungkol sa anak ni Haring Josias na si Jehoahaz, o Salum, inihula ng Diyos na siya ay magiging tapon at hindi na makakabalik pa sa Juda. (Jer. 22:11, 12) Nangyari iyon. (2 Hari 23:31-34) Inihula ng Diyos na ang kapalit ni Jehoahaz na si Jehoiakim ay ililibing gaya ng “paglilibing sa asnong lalaki.” (Jer. 22:18, 19; 36:30) Hindi sinasabi ng Bibliya kung paano siya namatay o kung ano ang ginawa sa bangkay niya, pero sinasabi nito na ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kaniya noong panahon ng pagkubkob. Inihula din ni Jeremias na si Jehoiakin (kilala ring Conias at Jeconias) ay magiging tapon sa Babilonya at doon mamamatay. (Jer. 22:24-27; 24:1) Natupad iyon. Ano naman ang nangyari sa huling haring si Zedekias? Inihula ni Jeremias na ibibigay si Zedekias sa kamay ng mga kaaway, at hindi kahahabagan. (Jer. 21:1-10) Ano ang nangyari? Nadakip siya ng mga kaaway. Pinatay sa harap niya ang kaniyang mga anak, binulag siya, at dinala sa Babilonya, kung saan siya namatay. (Jer. 52:8-11) Oo, lahat ng hulang ito ay nagkatotoo.
11. Sino si Hananias? Ano ang inihula ni Jehova tungkol sa kaniya?
11 Mababasa natin sa Jeremias kabanata 28 na noong si Zedekias ang hari, kinontra ng bulaang propetang si Hananias ang kapahayagan ni Jehova, na lulupigin ng Babilonya ang Jerusalem. Sinabi ni Hananias na mababali ang pamatok ng pang-aalipin ni Nabucodonosor sa Juda at sa iba pang bansa. Pero inutusan ng Diyos si Jeremias na ibunyag ang kasinungalingan ni Hananias. Inulit ni Jeremias ang hulang aalipinin ng Babilonya ang maraming bansa. Sinabi rin niyang mamamatay ang bulaang propeta sa taon ding iyon. At gayon nga ang nangyari.—Basahin ang Jeremias 28:10-17.
12. Ano ang reaksiyon ng marami sa pangunahing mensahe ni Jeremias?
12 Gayunman, ang hula ni Jeremias ay nakasentro sa pagbagsak ng Jerusalem. Paulit-ulit na nagbabala si Jeremias na babagsak ang lunsod kung hindi tatalikuran ng mga Judio ang idolatriya, kawalang-katarungan, at karahasan. (Jer. 4:1; 16:18; 19:3-5, 15) Akala ng marami, hindi iyon magagawa ni Jehova. Nasa Jerusalem ang templo ng Diyos. Papayag ba siyang mawasak ang banal na dakong ito? Sa tingin nila, imposibleng mangyari iyon. Pero alam mong hindi nagsisinungaling si Jehova. Ginawa niya ang nasa isip niya.—Jer. 52:12-14.
13. (a) Ano ang pagkakatulad ng panahon natin ngayon sa panahon ni Jeremias? (b) Bakit ka dapat maging interesado sa mga ipinangako ng Diyos sa ilang indibiduwal noong panahon ni Jeremias?
13 Ang sitwasyon ng bayan ng Diyos ngayon ay katulad ng kalagayan ng mga tapat kay Jehova noong panahon ni Jeremias. Alam nating malapit nang puksain ng Diyos ang lahat ng ayaw makinig sa kaniyang babala. Pero makakaasa tayo sa kaniyang mga pangako, gaya ng mga Judio noon na nananatiling tapat sa Diyos. Dahil sa pagkamasunurin ng mga Recabita kay Jehova at sa mga utos ng kanilang ninuno, sinabi ng Diyos na makaliligtas sila sa pagbagsak ng Jerusalem. At nakaligtas nga sila. Isang katibayan nito ang pagbanggit kay “Malkias na anak ni Recab” na tumulong sa pagkukumpuni sa Jerusalem noong si Nehemias ang gobernador. (Neh. 3:14; Jer. 35:18, 19) Tiniyak ni Jehova kay Ebed-melec na makaliligtas din siya dahil sa pagtitiwala niya sa Diyos at pagtulong kay Jeremias. (Jer. 38:11-13; 39:15-18) At nangako rin ang Diyos kay Baruc na tatanggapin nito ang kaniyang “kaluluwa bilang samsam.” (Jer. 45:1, 5) Ano ang masasabi mo yamang natupad ang lahat ng hulang ito? Sa palagay mo, paano ka kaya pakikitunguhan ni Jehova kung tapat ka?—Basahin ang 2 Pedro 2:9.
Paano nakaapekto kay Ebed-melec, Baruc, at sa mga Recabita ang pagtupad ng Diyos sa Kaniyang mga hula? Ano ang epekto nito sa iyo?
MGA HULANG NATUPAD NANG MAGLAON
14. Bakit pambihira ang hula ng Diyos tungkol sa Babilonya?
14 Inihula ng Diyos na bukod sa Juda, sasakupin din ni Nabucodonosor ang Ehipto. (Jer. 25:17-19) Parang imposibleng mangyari iyon dahil napakalakas ng Ehipto; hawak nito ang Juda. (2 Hari 23:29-35) Matapos bumagsak ang Jerusalem, binalak ng mga natirang Judio na manganlong sa Ehipto. Sa kabila ng pangako ni Jehova na pagpapalain niya sila kung mananatili sila sa Juda, gusto pa rin nilang gawin ang binabalak nila. Pero kung tatakas sila tungo sa Ehipto, aabutan pa rin sila doon ng tabak na kinatatakutan nila. (Jer. 42:10-16; 44:30) Hindi iniulat ni Jeremias kung nasaksihan ba niya ang paglupig ng Babilonya sa Ehipto. Pero sigurado tayong natupad ang hula ni Jehova hinggil sa mga Israelitang tumakas tungo sa Ehipto nang pabagsakin ito ng Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E.—Jer. 43:8-13.
15, 16. Paano natupad ang hula ng Diyos tungkol sa paglaya ng kaniyang bayan?
15 Inihula rin ni Jeremias ang magiging wakas ng tumalo sa Ehipto, ang Babilonya. Isang siglo patiuna, detalyadong inihula ni Jeremias na biglang babagsak ang Babilonya. Paano? Ayon sa propeta, ang tubig na depensa nito ay ‘matutuyo,’ at hindi man lang siya maipagtatanggol ng kaniyang makapangyarihang mga lalaki. (Jer. 50:38; 51:30) Natupad nang eksakto ang hulang ito. Inilihis ng mga Medo at Persiano ang Ilog Eufrates. Nilusong nila ito, pinasok ang lunsod, at binulaga ang mga Babilonyo. Alam mo rin siguro ang hulang hindi na paninirahan ang lunsod ng Babilonya; magiging tiwangwang ito. (Jer. 50:39; 51:26) Pinapatunayan ng mga guho ng dating makapangyarihang Babilonya na talagang tumpak ang mga hula ng Diyos.
16 Sa pamamagitan ni Jeremias, sinabi ni Jehova na ang mga Judio ay magiging alipin ng Babilonya sa loob ng 70 taon. Pagkatapos nito, ibabalik ng Diyos ang kaniyang bayan sa kanilang lupain. (Basahin ang Jeremias 25:8-11; 29:10.) Sigurado si Daniel na matutupad ang hulang ito, at ginamit niya itong basehan para malaman kung hanggang kailan mananatiling ‘wasák ang Jerusalem.’ (Dan. 9:2) Sinabi naman ni Ezra na “upang maganap ang salita ni Jehova mula sa bibig ni Jeremias, . . . pinukaw ni Jehova ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia,” na nagpabagsak sa Babilonya, para isauli ang mga Judio sa kanilang lupain. (Ezra 1:1-4) Magiging panatag ang mga babalik sa Jerusalem at maipagpapatuloy nila roon ang tunay na pagsamba, gaya ng inihula ni Jeremias.—Jer. 30:8-10; 31:3, 11, 12; 32:37.
17. Ipaliwanag kung bakit maaaring tumukoy sa dalawang bukod na pangyayari ang “pagtangis” sa Rama.
17 Nag-ulat din si Jeremias ng mga hulang nagkaroon ng iba pang katuparan nang maglaon. Sinabi niya: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Sa Rama ay naririnig ang isang tinig, pagtaghoy at mapait na pagtangis; si Raquel ay tumatangis dahil sa kaniyang mga anak. Siya ay tumangging maaliw dahil sa kaniyang mga anak, sapagkat sila ay wala na.’” (Jer. 31:15) Lumilitaw na matapos bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang mga Judiong bihag ay tinipon sa lunsod ng Rama, mga walong kilometro sa hilaga ng Jerusalem. Maaaring ang ilan sa mga bihag ay pinatay sa Rama. Ito marahil ang unang katuparan ng hula, na para bang si Raquel ay tumatangis dahil sa pagkamatay ng kaniyang “mga anak.” Pagkaraan naman ng mahigit anim na siglo, ipinapatay ni Haring Herodes ang mga sanggol sa Betlehem. Sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo na natupad ang hula ni Jeremias tungkol sa magiging pagtangis sa masaker na iyon.—Mat. 2:16-18.
18. Paano natupad ang hula ng Diyos tungkol sa Edom?
18 Isa pang hula ang natupad noong unang siglo C.E. Sinabi ng Diyos na isa ang Edom sa mga bansang ibabagsak ng Babilonya. (Jer. 25:15-17, 21; 27:1-7) Pero hindi lang iyan ang inihulang sasapitin ng Edom. Matutulad ito sa Sodoma at Gomorra. Alam mo kung ano ang ibig sabihin nito—hindi na ito paninirahan, hindi na ito iiral. (Jer. 49:7-10, 17, 18) Iyan nga ang nangyari. Saan mo makikita ngayon ang mga pangalang Edom at Edomita? Sa mga mapa ngayon? Wala na. Malamang na makikita mo na lang ito sa mga aklat tungkol sa sinaunang kasaysayan at ensayklopidiya sa Bibliya o sa mga sinaunang mapa. Iniulat ni Flavius Josephus na napilitan ang mga Edomita na tanggapin ang Judaismo noong ikalawang siglo B.C.E. Matapos mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E., hindi na umiral ang Edom bilang isang bansa.
19. Ano ang itinuturo ng aklat ng Jeremias tungkol sa kakayahan ng Diyos na tumupad ng mga hula?
19 Gaya ng nakita mo, bawat kabanata ng Jeremias ay siksik sa hula tungkol sa mga indibiduwal at bansa. Karamihan sa mga hulang ito ay natupad na. Ito pa lang ay isang dahilan na para pag-aralan mo ang aklat ng Jeremias dahil may pinapatunayan ito sa iyo tungkol sa iyong dakilang Diyos. Ginawa ni Jehova kung ano ang nasa isip niya, at marami pa siyang gagawin. (Basahin ang Isaias 46:9-11.) Mapapatibay nito ang pagtitiwala mo sa mga hula ng Bibliya. Sa katunayan, ang ilan sa mga natupad na hula ni Jeremias ay may kaugnayan sa iyo at sa iyong kinabukasan. Tingnan natin ang ilan sa mga ito.
Ano ang ilan sa mga hulang natupad pagkamatay ni Jeremias? Bakit mahalaga ito sa iyo?
MGA HULANG MAKAKAAPEKTO SA IYO
20-22. Bakit masasabing hindi lang isa ang katuparan ng mga hula sa Bibliya, pati na ang ilan na nasa aklat ng Jeremias? Magbigay ng halimbawa.
20 May mga hula sa Bibliya na maaaring hindi lang isa ang katuparan. Isang halimbawa nito ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad tungkol sa tanda ng kaniyang “pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3) Nagkaroon ito ng katuparan noong 66 hanggang 70 C.E. Pero malinaw na may katuparan pa ang hulang iyan sa panahon ng “malaking kapighatian” na sasapit sa masamang sistemang ito. Iyon ay magiging isang kapighatian “gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mat. 24:21) Ganiyan din ang ilan sa mga hula ni Jeremias. Ang ilan dito ay unang natupad noong 607 B.C.E. at natupad muli makalipas ang ilang siglo, gaya ng hula may kinalaman sa ‘pagtangis ni Raquel dahil sa kaniyang mga anak.’ (Jer. 31:15) Sa katunayan, ang ilan sa mga inihula ni Jeremias ay may katuparan sa panahong kinabubuhayan mo, at makakaapekto ito sa iyo.
21 Halimbawa, sa aklat ng Apocalipsis, kinasihan si apostol Juan na bumanggit ng mga hulang kaugnay ng inihula ni Jeremias hinggil sa pagbagsak ng Babilonya noong 539 B.C.E. Ipinapakita ng Apocalipsis na isang mas malaking katuparan nito ang magaganap. Natupad sa makabagong panahon ang hula ni Jeremias tungkol sa pagbagsak ng isang malaking imperyo—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang “Babilonyang Dakila.” (Apoc. 14:8; 17:1, 2, 5; Jer. 50:2; 51:8) Ang bayan ng Diyos ay kailangang ‘lumabas sa kaniya’ para hindi sila madamay sa kaniyang pagkapuksa. (Apoc. 18:2, 4; Jer. 51:6) Ang tubig ng lunsod, sumasagisag sa kaniyang mga mamamayan, o tagasuporta, ay ‘matutuyo.’—Jer. 51:36; Apoc. 16:12.
22 Sa hinaharap, matutupad naman ang pangako ng Diyos na maghihiganti siya sa huwad na relihiyon dahil sa pang-aapi nito sa kaniyang bayan. Gagantihan siya ni Jehova “ayon sa . . . lahat ng ginawa niya.” (Jer. 50:29; 51:9; Apoc. 18:6) At magiging tiwangwang ang makasagisag na mga lupain ng huwad na relihiyon.—Jer. 50:39, 40.
23. Anong hula ni Jeremias hinggil sa espirituwal na pagsasauli ang natupad sa ika-20 siglo?
23 Gaya ng alam mo na, ang mga hulang inihatid ni Jeremias ay nagbibigay rin ng pag-asa. Sa katunayan, humula siya tungkol sa pagsasauli ng tunay na pagsamba sa lupa sa modernong panahon. Ang paglaya ng mga Judiong bihag sa sinaunang Babilonya ay kahalintulad ng paglaya ng makabagong-panahong bayan ng Diyos sa Babilonyang Dakila. Naganap ito matapos maitatag ang Kaharian sa langit. Sa espirituwal na diwa, isinauli ni Jehova ang kaniyang bayan sa dalisay na pagsamba, at nag-umapaw ang pasasalamat at kagalakan. Pinagpala niya ang pagsisikap nilang tulungan ang iba na sumamba sa kaniya, gayundin ang pagsisikap nilang kumuha ng saganang espirituwal na pagkain. (Basahin ang Jeremias 30:18, 19.) Nakikita mo rin mismo na tinupad ni Jehova sa makabagong panahon ang kaniyang pangako na maglalaan siya sa kaniyang bayan ng mga pastol—mga lalaking maygulang sa espirituwal na talagang nagmamalasakit at nagsasanggalang sa kawan.—Jer. 3:15; 23:3, 4.
24. Anong mabigat na mensahe ni Jeremias ang malapit nang matupad?
24 Ang mensahe ni Jeremias sa bayan ng Diyos ay may pangako ng magandang kinabukasan para sa mga tapat sa Diyos, pero babala naman ng pagkapuksa para sa mga hindi mananatiling tapat. Ganiyan din ngayon. Kitang-kita natin na hindi dapat ipagwalang-bahala ang babalang iyon, dahil inihayag ni Jeremias: “Ang mga mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay tiyak na mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Hindi sila hahagulhulan, ni pipisanin man sila o ililibing. Magiging gaya sila ng dumi sa ibabaw ng lupa.”—Jer. 25:33.
25. Ano ang pananagutan ng bayan ng Diyos ngayon?
25 Oo, gaya ni Jeremias, nabubuhay tayo sa kritikal na panahon. Tulad noon, ang pagtugon ng mga tao ay maaaring mangahulugan ng buhay o kamatayan. Ang mga lingkod ng Diyos ngayon ay hindi mga propeta. Hindi tayo kinasihang magdagdag pa sa walang-mintis na mga hula ni Jehova sa Bibliya. Pero inatasan tayong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng araw hanggang sa dumating ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. (Mat. 28:19, 20) Tiyak na ayaw nating ‘nakawin ang mga salita ni Jehova’ sa pamamagitan ng hindi pagsasabi sa mga tao ng nakatakdang mangyari. (Basahin ang Jeremias 23:30.) Ayaw nating pahinain ang puwersa ng mga salita ni Jehova at mawalang-saysay ito. Marami sa mga hula ng Diyos na inihayag ni Jeremias ang natupad na. Garantiya ito na ang mga hindi pa natutupad ay tiyak na matutupad. Dapat nating sabihin sa mga tao na siguradong gagawin ng Diyos ‘kung ano ang nasa isip niya at ipinag-utos niya mula pa noong mga araw ng sinaunang panahon.’—Panag. 2:17.
26. Ano pang hula ang tatalakayin natin?
26 Hindi makukumpleto ang pag-aaral sa aklat ng Jeremias kung hindi isasaalang-alang ang mga dakilang pangako ni Jehova hinggil sa “isang bagong tipan,” na ang mga kautusan nito ay isusulat niya sa puso ng kaniyang bayan. (Jer. 31:31-33) Ano ang “bagong tipan” at paano ito matutupad? Ano ang kaugnayan nito sa iyo? Talakayin natin sa susunod na kabanata.
Anong mga hula sa aklat ng Jeremias ang natupad na sa modernong panahon? Ano ang masasabi mo tungkol sa mga hulang hindi pa natutupad?