Exodo
31 Patuloy na nakipag-usap si Jehova kay Moises: 2 “Tingnan mo, pinili ko* si Bezalel+ na anak ni Uri na anak ni Hur na mula sa tribo ni Juda.+ 3 Pupuspusin ko siya ng espiritu ng Diyos at bibigyan ng karunungan, unawa, at kaalaman sa bawat uri ng kasanayan, 4 sa paggawa ng magagandang disenyo, sa paggawa gamit ang ginto, pilak, at tanso, 5 sa pagtabas ng mga bato at paggawa ng mga lalagyan* nito,+ at sa paggawa ng bawat uri ng kagamitang yari sa kahoy.+ 6 At para tulungan siya, aatasan ko si Oholiab+ na anak ni Ahisamac na mula sa tribo ni Dan, at ilalagay ko ang karunungan sa puso ng lahat ng bihasa* para magawa nila ang lahat ng iniutos ko sa iyo:+ 7 ang tolda ng pagpupulong,+ ang kaban ng Patotoo+ at pantakip+ nito, ang lahat ng kagamitan ng tolda, 8 ang mesa+ at mga kagamitan nito, ang kandelero na yari sa purong ginto at lahat ng kagamitan nito,+ ang altar ng insenso,+ 9 ang altar ng handog na sinusunog+ at lahat ng kagamitan nito, ang tipunan ng tubig at patungan nito,+ 10 ang mga kasuotang mahusay ang pagkakahabi, ang banal na kasuotan para kay Aaron na saserdote, ang mga kasuotan ng mga anak niya para sa paglilingkod bilang saserdote,+ 11 ang langis para sa pag-aatas, at ang mabangong insenso para sa santuwaryo.+ Gagawin nila ang lahat ng iniutos ko sa iyo.”
12 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 13 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Higit sa lahat, sundin ninyo ang batas ko sa mga sabbath,+ dahil iyon ay isang tanda sa pagitan natin sa lahat ng henerasyon ninyo para malaman ninyo na akong si Jehova ang nagpapabanal sa inyo. 14 Dapat ninyong sundin ang batas sa Sabbath, dahil iyon ay banal para sa inyo.+ Ang sinumang lumabag dito ay dapat patayin. Kung ang sinuman ay gumawa ng anumang trabaho sa araw na iyon, ang taong* iyon ay dapat patayin.+ 15 Puwede kayong magtrabaho nang anim na araw, pero ang ikapitong araw ay isang sabbath, isang espesyal na araw ng pamamahinga.+ Iyon ay banal para kay Jehova. Ang sinumang magtrabaho sa araw ng Sabbath ay dapat patayin. 16 Dapat sundin ng mga Israelita ang batas sa Sabbath; dapat nilang ipagdiwang ang Sabbath sa lahat ng henerasyon nila. Ito ay isang tipan hanggang sa panahong walang takda. 17 Ito ay isang tanda sa pagitan ko at ng bayang Israel hanggang sa panahong walang takda,+ dahil sa loob ng anim na araw ay ginawa ni Jehova ang langit at ang lupa at sa ikapitong araw ay nagpahinga siya.’”+
18 Pagkatapos niyang makipag-usap kay Moises sa Bundok Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas ng Patotoo,+ mga tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.+