Unang Samuel
15 Pagkatapos, sinabi ni Samuel kay Saul: “Isinugo ako ni Jehova para pahiran ka ng langis at gawing hari ng bayan niyang Israel;+ ngayon ay makinig ka sa sasabihin ni Jehova.+ 2 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pananagutin ko ang mga Amalekita sa ginawa nila sa Israel nang labanan nila ito noong naglalakbay ito mula sa Ehipto.+ 3 Ngayon, lipulin mo ang mga Amalekita+ at ang lahat ng mayroon sila. Huwag kang maaawa sa kanila; patayin mo sila,+ ang lalaki at ang babae, ang bata at ang sanggol, ang toro at ang tupa, ang kamelyo at ang asno.’”+ 4 Ipinatawag ni Saul ang bayan at binilang niya sila sa Telaim: Mayroong 200,000 sundalo at 10,000 lalaki ng Juda.+
5 Umabante si Saul at ang mga sundalo niya hanggang sa lunsod ng Amalek, at pumuwesto sila sa lambak* para sumalakay. 6 Pagkatapos, sinabi ni Saul sa mga Kenita:+ “Humiwalay kayo sa mga Amalekita, para hindi ko kayo malipol na kasama nila.+ Dahil nagpakita kayo ng tapat na pag-ibig sa buong bayan ng Israel+ nang lumabas sila mula sa Ehipto.” Kaya iniwan ng mga Kenita ang Amalek. 7 Pagkatapos, pinabagsak ni Saul ang mga Amalekita+ mula sa Havila+ hanggang sa Sur,+ na katabi ng Ehipto. 8 Nahuli niya nang buháy si Agag+ na hari ng Amalek, pero ang lahat ng iba pang tao ay nilipol niya sa pamamagitan ng espada.+ 9 Hindi pinatay ni Saul at ng bayan si* Agag at ang pinakamagaganda sa kawan, sa bakahan, sa mga pinatabang hayop, sa mga lalaking tupa, at ang lahat ng mainam.+ Ayaw nilang lipulin ang mga ito. Pero nilipol nila ang lahat ng hindi mapapakinabangan at hindi nila gusto.
10 Pagkatapos, may dumating na mensahe kay Samuel mula kay Jehova: 11 “Ikinalulungkot kong ginawa kong hari si Saul, dahil tinalikuran niya ako at hindi siya sumunod sa iniutos ko.”+ Napighati si Samuel, at dumaing siya kay Jehova nang buong gabi.+ 12 Kinabukasan, bumangon nang maaga si Samuel para puntahan si Saul. May nagsabi kay Samuel: “Pumunta si Saul sa Carmel,+ at nagtayo siya roon ng monumento para sa sarili niya.+ Pagkatapos, nagpunta siya sa Gilgal.” 13 Nang makarating si Samuel kay Saul, sinabi ni Saul sa kaniya: “Pagpalain ka nawa ni Jehova. Sinunod ko ang salita ni Jehova.” 14 Sinabi naman ni Samuel: “Pero ano itong naririnig kong ingay ng kawan at ng bakahan?”+ 15 Sumagot si Saul: “Kinuha ang mga iyon mula sa mga Amalekita. Hindi nilipol ng bayan ang* pinakamagaganda sa kawan at bakahan para ihandog kay Jehova na iyong Diyos; pero ang lahat ng iba pa ay nilipol namin.” 16 Sinabi ni Samuel kay Saul: “Tumigil ka! Sasabihin ko sa iyo ang sinabi sa akin ni Jehova kagabi.”+ Sumagot si Saul: “Sige, magsalita ka.”
17 Sinabi ni Samuel: “Hindi ba maliit ang tingin mo sa sarili mo+ nang gawin kang pinuno ng mga tribo ng Israel at nang piliin* ka ni Jehova bilang hari ng Israel?+ 18 Nang maglaon, isinugo ka ni Jehova sa isang misyon, at sinabi niya sa iyo, ‘Lipulin mo ang makasalanang mga Amalekita.+ Labanan mo sila hanggang sa mapuksa mo sila.’+ 19 Kaya bakit hindi ka sumunod sa utos ni Jehova? Sa halip, naging sakim ka at nagmadali sa pagkuha ng samsam,+ at ginawa mo ang masama sa paningin ni Jehova!”
20 Sinabi ni Saul kay Samuel: “Pero sinunod ko ang sinabi ni Jehova! Ginawa ko ang ipinagagawa sa akin ni Jehova. Nabihag ko naman si Agag na hari ng Amalek, at nilipol ko ang mga Amalekita.+ 21 Pero kumuha ang bayan ng mga tupa at baka mula sa samsam, ang pinakamagaganda sa mga dapat lipulin, para ihandog kay Jehova na iyong Diyos sa Gilgal.”+
22 Sinabi naman ni Samuel: “Alin ang mas makapagpapasaya kay Jehova: ang mga handog na sinusunog at mga hain,+ o ang pagsunod kay Jehova? Makinig ka! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain,+ at ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba+ ng mga lalaking tupa; 23 dahil ang pagrerebelde+ ay katulad ng kasalanan na panghuhula,+ at ang kapangahasan ay katulad ng paggamit ng kapangyarihan ng mahika at idolatriya.* Dahil itinakwil mo ang salita ni Jehova,+ itinatakwil ka niya mula sa pagiging hari.”+
24 Pagkatapos, sinabi ni Saul kay Samuel: “Nagkasala ako. Hindi ko sinunod ang utos ni Jehova at ang sinabi mo, dahil natakot ako sa bayan at nakinig ako sa sinabi nila. 25 At ngayon, pakisuyo, pagpaumanhinan mo ang kasalanan ko, at bumalik kang kasama ko para makayukod ako kay Jehova.”+ 26 Pero sinabi ni Samuel kay Saul: “Hindi ako babalik na kasama mo, dahil itinakwil mo ang salita ni Jehova, at itinakwil ka ni Jehova bilang hari ng Israel.”+ 27 Nang paalis na si Samuel, sinunggaban ni Saul ang laylayan ng damit nito na walang manggas, pero napunit ito. 28 Sinabi ni Samuel sa kaniya: “Ngayon ay inalis* ni Jehova sa iyo ang paghahari sa Israel, at ibibigay niya iyon sa iba na mas mabuti kaysa sa iyo.+ 29 Isa pa, ang Kamahalan ng Israel+ ay hindi magsisinungaling+ o magbabago ng isip,* dahil hindi Siya gaya ng tao na nagbabago ng isip.”*+
30 Kaya sinabi niya: “Nagkasala ako. Pero pakisuyo, parangalan mo ako sa harap ng matatandang lalaki ng aking bayan at sa harap ng Israel. Bumalik kang kasama ko, at yuyukod ako kay Jehova na iyong Diyos.”+ 31 Kaya bumalik si Samuel na kasunod ni Saul, at yumukod si Saul kay Jehova. 32 Pagkatapos, sinabi ni Samuel: “Ilapit ninyo sa akin si Agag na hari ng Amalek.” Lumapit sa kaniya si Agag nang nag-aalangan,* dahil iniisip noon ni Agag: ‘Ligtas na ako sa banta* ng kamatayan.’ 33 Pero sinabi ni Samuel: “Nagdalamhati ang mga babae sa mga anak nila dahil sa iyong espada, pero ang iyong ina ang daranas ng pinakamatinding pagdadalamhati sa lahat ng babae.” At pinagtataga ni Samuel si Agag sa harap ni Jehova sa Gilgal.+
34 Pagkatapos, pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul naman ay umuwi sa bahay niya sa Gibeah.* 35 Hanggang sa mamatay si Samuel, hindi na siya nakipagkita kay Saul, dahil nagdalamhati si Samuel para kay Saul.+ At nalungkot si Jehova na ginawa niyang hari sa Israel si Saul.+