Genesis
40 Pagkatapos nito, ang punong katiwala ng kopa+ ng hari ng Ehipto at ang punong panadero ay nagkasala sa kanilang panginoon, ang hari ng Ehipto. 2 Kaya nagalit ang Paraon sa dalawang opisyal niya, sa punong katiwala ng kopa at sa punong panadero,+ 3 at ipinakulong niya sila sa bilangguan na nasa pangangasiwa ng pinuno ng mga bantay,+ kung saan nakabilanggo rin si Jose.+ 4 Pagkatapos, inatasan ng pinuno ng mga bantay si Jose para maging lingkod nila,+ at nanatili sila sa bilangguan sa loob ng ilang panahon.*
5 Isang gabi, parehong nanaginip ang nakabilanggong katiwala ng kopa at panadero ng hari ng Ehipto, at may magkaibang kahulugan ang mga panaginip nila. 6 Kinaumagahan, nang puntahan sila ni Jose at makita sila, mukha silang problemado. 7 Kaya tinanong niya ang mga opisyal ng Paraon na kasama niya sa bilangguang nasa pangangasiwa ng panginoon niya: “Bakit matamlay kayo ngayon?” 8 Sinabi nila: “Pareho kaming nanaginip, pero wala kaming kasama na magbibigay ng kahulugan nito.” Sinabi ni Jose: “Hindi ba Diyos ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip?+ Sabihin ninyo iyon sa akin, pakisuyo.”
9 Kaya sinabi ng punong katiwala ng kopa kay Jose ang panaginip niya: “Sa panaginip ko, may isang punong ubas sa harap ko. 10 Ang punong ubas ay may tatlong sanga, at habang tinutubuan ito ng maliliit na sanga, namulaklak ito at ang mga kumpol ay nahinog at naging ubas. 11 At hawak ko ang kopa ng Paraon. Kinuha ko ang mga ubas at piniga ang mga iyon sa kopa ng Paraon. Pagkatapos, iniabot ko sa Paraon ang kopa.” 12 Sinabi ni Jose: “Ito ang kahulugan ng panaginip: Ang tatlong sanga ay tatlong araw. 13 Tatlong araw mula ngayon, ilalabas ka ng Paraon,* ibabalik ka niya sa iyong katungkulan,+ at iaabot mo sa Paraon ang kopa niya, gaya ng dati mong ginagawa bilang kaniyang katiwala ng kopa.+ 14 Pero huwag mo akong kalimutan kapag maayos na ang kalagayan mo. Pakisuyo, magpakita ka sa akin ng tapat na pag-ibig at banggitin mo ako sa Paraon para makaalis ako sa lugar na ito. 15 Ang totoo, kinuha ako sa lupain ng mga Hebreo,+ at wala akong ginawang masama para ilagay nila ako sa bilangguan.”*+
16 Nang makita ng punong panadero na maganda ang kahulugang ibinigay ni Jose, sinabi niya rito: “Naroon din ako sa panaginip ko, at may tatlong basket ng puting tinapay na nakapatong sa ulo ko, 17 at sa pinakaibabaw na basket ay may iba’t ibang pagkaing gawa ng panadero para sa Paraon, at may mga ibong kumakain sa mga iyon mula sa basket na nakapatong sa ulo ko.” 18 Sinabi ni Jose: “Ito ang kahulugan ng panaginip: Ang tatlong basket ay tatlong araw. 19 Tatlong araw mula ngayon, pupugutan ka ng Paraon* at ibibitin ka sa tulos, at kakainin ng mga ibon ang laman mo.”+
20 At nang ikatlong araw ay kaarawan ng Paraon,+ at naghanda siya ng isang malaking salusalo para sa lahat ng lingkod niya, at inilabas niya ang punong katiwala ng kopa at ang punong panadero* para makita ng mga lingkod niya. 21 Ang punong katiwala ng kopa ay ibinalik niya sa pagiging katiwala ng kopa, at patuloy itong nag-abot ng kopa sa Paraon. 22 Pero ibinitin niya ang punong panadero, gaya ng sinabi ni Jose na kahulugan ng panaginip.+ 23 Gayunman, hindi siya naalaala ng punong katiwala ng kopa; nalimutan na nito si Jose.+