Deuteronomio
10 “Nang panahong iyon, sinabi ni Jehova sa akin, ‘Gumawa ka ng dalawang tapyas ng bato na tulad ng mga nauna,+ at pumunta ka sa akin sa bundok; gumawa ka rin ng kaban na yari sa kahoy. 2 At isusulat ko sa mga tapyas ang mga isinulat ko sa unang mga tapyas na binasag mo, at ilagay mo sa kaban ang mga iyon.’ 3 Kaya gumawa ako ng isang kaban na yari sa kahoy ng akasya, pati ng dalawang tapyas ng bato na tulad ng mga nauna, at umakyat ako sa bundok hawak ang dalawang tapyas.+ 4 At isinulat niya sa mga tapyas ang mga salitang isinulat niya noon,+ ang Sampung Utos,*+ na sinabi sa inyo ni Jehova sa bundok noong magsalita siya mula sa apoy+ nang araw na tipunin ang bayan;*+ at ibinigay ni Jehova sa akin ang mga iyon. 5 Pagkatapos, bumaba ako sa bundok+ at inilagay ko ang mga tapyas sa kaban na ginawa ko, kung saan pa rin nakalagay ngayon ang mga iyon, gaya ng iniutos ni Jehova sa akin.
6 “At mula sa Beerot Bene-jaakan, pumunta ang mga Israelita sa Mosera. Doon namatay at inilibing si Aaron,+ at ang anak niyang si Eleazar ang pumalit sa kaniya bilang saserdote.+ 7 Mula roon, pumunta sila sa Gudgoda, at mula sa Gudgoda, pumunta sila sa Jotbata,+ isang lupaing dinadaluyan ng tubig.*
8 “Nang panahong iyon, pinili* ni Jehova ang tribo ni Levi+ para magbuhat ng kaban ng tipan ni Jehova,+ maglingkod sa harap ni Jehova, at pagpalain ang mga tao sa ngalan niya,+ gaya ng ginagawa nila hanggang ngayon. 9 Kaya hindi binigyan ng bahagi o mana ang mga Levita, di-gaya ng mga kapatid nila. Si Jehova ang kanilang mana, gaya ng sinabi sa kanila ng Diyos ninyong si Jehova.+ 10 Nanatili ulit ako sa bundok nang 40 araw at 40 gabi,+ at nakinig din si Jehova sa akin nang pagkakataong iyon.+ Ayaw ni Jehova na ipahamak kayo. 11 Pagkatapos, sinabi ni Jehova sa akin, ‘Pangunahan mo ang bayan, at maghanda kayo sa pag-alis para makuha nila ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila.’+
12 “Ngayon, O Israel, ano ang hinihiling sa iyo ni Jehova na iyong Diyos?+ Ito lang: matakot kay Jehova na iyong Diyos,+ lumakad sa lahat ng daan niya,+ ibigin siya, maglingkod kay Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at kaluluwa,+ 13 at sumunod sa mga utos at batas ni Jehova na iniuutos ko sa iyo ngayon para sa iyong ikabubuti.+ 14 Tingnan mo, kay Jehova na iyong Diyos ang mga langit, maging ang pinakamataas na mga langit,* at ang lupa at ang lahat ng naroon.+ 15 Pero sa inyong mga ninuno lang naging malapít si Jehova at nagpakita ng pag-ibig, at mula sa lahat ng bayan, kayong mga supling nila ang pinili ng Diyos,+ gaya ng kalagayan ninyo ngayon. 16 Linisin* na ninyo ang inyong mga puso+ at huwag nang maging matigas ang ulo* ninyo.+ 17 Dahil ang Diyos ninyong si Jehova ang Diyos ng mga diyos+ at ang Panginoon ng mga panginoon, ang Diyos na dakila, makapangyarihan, at kahanga-hanga,* na hindi nagtatangi+ o tumatanggap ng suhol. 18 Binibigyan niya ng katarungan ang batang walang ama* at biyuda.+ Minamahal din niya ang dayuhang naninirahang kasama ninyo+—binibigyan niya ito ng pagkain at damit. 19 Dapat din ninyong mahalin ang dayuhang naninirahang kasama ninyo, dahil nanirahan din kayo bilang dayuhan sa Ehipto.+
20 “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong katakutan, siya ang dapat mong paglingkuran,+ sa kaniya ka dapat mangunyapit, at sa kaniyang pangalan ka dapat manumpa. 21 Siya ang dapat mong purihin.+ Siya ang iyong Diyos, na gumawa para sa iyo ng dakila at kamangha-manghang mga bagay na nakita mo mismo.+ 22 Nang pumunta sa Ehipto ang inyong mga ninuno, 70 lang sila,+ pero ginawa kayo ngayon ng Diyos ninyong si Jehova na kasindami ng mga bituin sa langit.+