KABAN NG TIPAN
Ang sagradong kaban na matatagpuan sa Kabanal-banalan ng tabernakulo at, nang maglaon, sa templong itinayo ni Solomon. Ginawa ang Kaban sa utos ni Jehova at ayon sa kaniyang disenyo.
Mahigit sa 20 iba’t ibang katawagan ang ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya para sa kaban ng tipan. Ang pinakakaraniwan sa mga ito, ang “kaban ng tipan [sa Heb., ‘arohnʹ hab·berithʹ; sa Gr., ki·bo·tosʹ tes di·a·theʹkes]” (Jos 3:6; Heb 9:4) at ang “kaban ng patotoo” (Exo 25:22), ay hindi lamang ginamit ng iisang partikular na manunulat at ang mga ito ay halinhinang ginagamit.
Parisan at Disenyo. Nang tagubilinan ni Jehova si Moises na itayo ang tabernakulo, ang unang bagay na ibinigay Niya kay Moises ay ang parisan at disenyo ng Kaban, sapagkat ito ang pangunahin at pinakamahalagang bagay sa tabernakulo at sa buong kampo ng Israel. Ang mismong kaban ay may haba na 2.5 siko, may lapad na 1.5 siko, at may taas na 1.5 siko (mga 111 × 67 × 67 sentimetro; 44 × 26 × 26 na pulgada). Ito ay gawa sa kahoy ng akasya at kinalupkupan ng dalisay na ginto sa loob at sa labas. Isang artistikong “sinepang ginto” ang nagsilbing korona “sa palibot niyaon.” Ang ikalawang seksiyon ng Kaban, ang takip nito, ay gawa sa purong ginto, hindi basta kahoy na kinalupkupan ng ginto, at kasinghaba at kasinlapad ng mismong kaban. Nakapatong sa takip na ito ang dalawang ginintuang kerubin na mga gawang pinukpok, isa sa magkabilang dulo ng takip anupat magkaharap ang mga ito, nakayukod ang mga ulo at ang mga pakpak ay nakaunat nang paitaas at lumililim sa ibabaw ng Kaban. (Exo 25:10, 11, 17-22; 37:6-9) Ang takip na ito ay tinatawag ding “luklukan ng awa” o “panakip na pampalubag-loob.”—Exo 25:17; Heb 9:5, tlb sa Rbi8; tingnan ang PANAKIP NA PAMPALUBAG-LOOB.
May inilaan na mahahabang pingga upang mabuhat ang Kaban. Ang mga ito ay gawa rin sa kahoy ng akasya na binalutan ng ginto at ang mga ito ay isinuksok sa dalawang argolyang ginto sa magkabilang tagiliran ng kaban. Hindi dapat alisin ang mga pingga na ito mula sa kanilang mga argolya; kaya naman ang Kaban ay hindi kailanman kinailangang hawakan ng mga tagabuhat nito. Sa mga panulukan ng Kaban ay may apat na paa, “mga paang panlakad, mga paang nakabaluktot na parang maglalakad,” upang iangat ang Kaban mula sa sahig, ngunit hindi sinasabi kung gaano kataas. (Commentary on the Old Testament, nina C. F. Keil at F. Delitzsch, 1973, Tomo 1, The Second Book of Moses, p. 167) Ang mga argolya ay maaaring nakakabit sa mismong itaas ng mga paa, kung hindi man sa mga paa mismo.—Exo 25:12-16; Bil 4:5, 15; 1Ha 8:8; 1Cr 15:15.
Pagpapasinaya at Paggamit. Detalyadong sinunod ni Bezalel at niyaong mga may pusong marunong na tumulong sa kaniya ang mga plano ng Kaban, anupat ginawa nila ang Kaban mula sa mga materyales na iniabuloy ng bayan. (Exo 35:5, 7, 10, 12; 37:1-9) Nang matapos ang tabernakulo at maitayo ito isang taon pagkaraan ng Pag-alis, kinuha ni Moises ang dalawang tapyas na bato ng Kautusan at inilagay niya ang mga ito sa loob ng Kaban. (Ipinahihiwatig ng Deuteronomio 10:1-5 na isang pansamantalang kaban na gawa sa kahoy ng akasya ang pinaglagyan ng mga tapyas sa loob ng ilang buwan mula nang tanggapin ni Moises ang mga ito sa bundok hanggang noong ilipat ang mga ito sa Kaban na ginawa ni Bezalel.) Sumunod ay isinuksok ni Moises ang mga pingga sa mga argolya ng Kaban, ipinatong niya ang takip nito, dinala niya ito sa tolda, at inilagay niya ang pantabing na maghihiwalay sa dakong Banal mula sa Kabanal-banalan. Pagkatapos, bilang bahagi ng seremonya ng pagpapasinaya, pinahiran ni Moises ng langis ang Kaban at ang lahat ng iba pang kagamitan. Mula noon, kapag kinakalas ng mga saserdote ang tabernakulo tuwing lumilipat sila ng kampo, ang pantabing din na iyon, kasama ang karagdagang balat ng poka at telang asul, ay ipinantatakip sa Kaban upang huwag itong makita ng bayan ‘kahit saglit man, dahil baka mamatay sila.’—Exo 40:3, 9, 20, 21; Bil 3:30, 31; 4:5, 6, 19, 20; 7:9; Deu 10:8; 31:9; tingnan ang TABERNAKULO.
Ang Kaban ay nagsilbing isang banal na lalagyan para sa pag-iingat ng mga sagradong paalaala o patotoo, anupat ang pangunahing laman nito ay ang dalawang tapyas ng patotoo, o ang Sampung Utos. (Exo 25:16) Inilagay rin sa Kaban ang ‘isang ginintuang banga na may manna at ang tungkod ni Aaron na nag-usbong,’ ngunit nang maglaon ay inalis ang mga ito bago itayo ang templo ni Solomon. (Heb 9:4; Exo 16:32-34; Bil 17:10; 1Ha 8:9; 2Cr 5:10) Bago mamatay si Moises, binigyan niya ng isang kopya ng “aklat ng Kautusan” ang mga Levitikong saserdote at itinagubilin niya na dapat itong ingatan, hindi sa loob, kundi “sa tabi ng kaban ng tipan ni Jehova na inyong Diyos, at iyon ay magsisilbing saksi roon laban sa iyo.”—Deu 31:24-26.
Iniuugnay sa presensiya ng Diyos. Sa buong kasaysayan ng Kaban, iniuugnay ito sa presensiya ng Diyos. Nangako si Jehova: “Doon ako haharap sa iyo at magsasalita ako sa iyo mula sa ibabaw ng takip, mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo.” “Sa isang ulap ay magpapakita ako sa ibabaw ng takip.” (Exo 25:22; Lev 16:2) Isinulat ni Samuel na si Jehova ay “nakaupo sa mga kerubin” (1Sa 4:4); kaya naman ang mga kerubin ay nagsilbing “kawangis ng karo” ni Jehova. (1Cr 28:18) Kaayon nito, “kapag pumapasok si Moises sa tolda ng kapisanan upang makipag-usap [kay Jehova], maririnig nga niya ang tinig na nagsasalita sa kaniya mula sa itaas ng takip na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, mula sa pagitan ng dalawang kerubin; at magsasalita siya sa kaniya.” (Bil 7:89) Nang maglaon, sumangguni rin kay Jehova sa harap ng Kaban si Josue at maging ang mataas na saserdoteng si Pinehas. (Jos 7:6-10; Huk 20:27, 28) Gayunman, tanging ang mataas na saserdote ang aktuwal na nakakapasok sa Kabanal-banalan at siya lamang ang nakakakita sa Kaban, isang araw sa loob ng isang taon, hindi para makipagtalastasan kay Jehova, kundi upang isagawa ang seremonya para sa Araw ng Pagbabayad-Sala.—Lev 16:2, 3, 13, 15, 17; Heb 9:7.
Sa iba pang mga paraan, ang presensiya ni Jehova na kinakatawanan ng Kaban ay nagdulot ng mga pagpapala sa Israel. Karaniwan na, kapag ang Israel ay lumilipat ng kampo, ang Kaban at ang ulap na nasa ibabaw nito ang pumapatnubay sa kanila sa daan. (Bil 10:33, 34) Kaya naman noong papatawid sila sa Jordan, nang tumapak na sa tubig ng ilog ang mga saserdoteng nagdadala ng Kaban, pinatigil ni Jehova ang agos nito, anupat nakatawid sila. (Jos 3:1–4:18) Noong humahayo sila sa palibot ng Jerico, ang mga hukbong nasasakbatan sa pakikipagdigma ay sinusundan ng pitong saserdote na humihihip ng mga tambuli, pagkatapos ay ang Kaban, at kasunod nito ay ang bantay sa likuran. (Jos 6:3-13) Kabaligtaran naman ng tagumpay sa Jerico, dumanas sila ng pagkatalo nang may-kapangahasang tangkain ng ilang rebelde na bihagin ang Lupang Pangako salungat sa mga tagubilin ng Diyos, at nang “ang kaban ng tipan ni Jehova at si Moises ay hindi umalis mula sa gitna ng kampo.” (Bil 14:44, 45) Kinilala rin ng mga kaaway na Filisteo ang presensiya ni Jehova nang makita nila ang Kaban sa lugar ng pagbabaka. Sa takot ay napasigaw sila: “Ang Diyos ay pumasok sa kampo [ng Israel]!” “Sa aba natin, sapagkat ang ganitong bagay ay hindi pa nangyayari noong una! Sa aba natin! Sino ang magliligtas sa atin mula sa kamay ng maringal na Diyos na ito? Ito ang Diyos na nanakit sa Ehipto sa pamamagitan ng bawat uri ng pagpatay sa ilang.”—1Sa 4:6-8.
Patuloy na nadama ang presensiya ni Jehova nang bihagin ng mga Filisteo ang Kaban at dalhin ito sa Asdod upang itabi sa imahen ni Dagon. Nang gabing iyon, napasubasob ang mukha ni Dagon; nang sumunod na gabi, muli siyang bumagsak sa harap ng kaban ni Jehova at naputol ang kaniyang ulo at ang mga palad ng kaniyang dalawang kamay. Noong sumunod na pitong buwan, habang nagpapasalin-salin ang Kaban sa mga Filisteong lunsod, ang taong-bayan ay sinasalot ng mga almoranas, at ang lunsod ng Ekron ay napasa “isang nakamamatay na kalituhan,” hanggang sa wakas ay naibalik sa Israel ang Kaban kasama ang isang angkop na handog.—1Sa 5:1–6:12.
Yamang ang Kaban ay iniuugnay sa presensiya ni Jehova, kailangan itong pag-ukulan ng paggalang at pagpipitagan. Kaya naman, nagpapahayag si Moises ng papuri kay Jehova kapag inililipat ang Kaban at kapag inilalapag ito. (Bil 10:35, 36) Lubhang nagitla ang mataas na saserdoteng si Eli nang marinig niyang nabihag ng mga Filisteo ang Kaban anupat siya’y nawalan ng panimbang, nabuwal nang patalikod, at nabali ang kaniyang leeg; ang kaniyang manugang din, bago ito malagutan ng hininga, ay nanaghoy, “Ang kaluwalhatian ay lumisan sa Israel tungo sa pagkatapon, sapagkat ang kaban ng tunay na Diyos ay nabihag.” (1Sa 4:18-22) Kinilala ni Solomon na “ang mga dakong pinaglagyan ng kaban ni Jehova ay banal.”—2Cr 8:11.
Hindi isang anting-anting. Gayunman, ang Kaban ay hindi isang anting-anting. Ang pagkanaroroon nito sa isang lugar ay hindi garantiya ng tagumpay; ang mga pagpapala ni Jehova ay nakadepende sa espirituwal na katayuan at tapat na pagsunod ng mga nag-iingat sa Kaban. Kaya naman kahit na naroon ang Kaban sa kanilang kampo, ang mga Israelita sa ilalim ng pangunguna ni Josue ay natalo sa Ai dahil sa kawalang-katapatan. (Jos 7:1-6) Sa katulad na paraan, bagaman nagtiwala ang Israel sa pagkanaroroon ng Kaban sa gitna mismo ng mga hukbong pandigma, hindi nito napigilan ang mga Filisteo sa pagpatay ng 30,000 Israelita at sa pagbihag sa Kaban. (1Sa 4:1-11) Ang pagkakabalik ng Kaban mula sa mga Filisteo ay naging isang okasyon para sa malaking pagsasaya, paghahandog ng mga hain, at pagpapasalamat, gayunma’y “pinabagsak ni Jehova ang bayan sa isang lansakang pagpatay.” Bakit? “Sapagkat tiningnan nila ang kaban ni Jehova,” na isang paglabag sa kaniyang utos. (1Sa 6:11-21; Bil 4:6, 20) Hindi matiyak ang eksaktong bilang ng mga namatay nang pagkakataong iyon. Ang tekstong Masoretiko ay kababasahan: “Sa gayon ay pinabagsak niya sa gitna ng bayan ang pitumpung lalaki—limampung libong lalaki.” Ang malabong konstruksiyon ng pangungusap na ito ay maaaring magpahiwatig na ang “limampung libong lalaki” ay isang interpolasyon. Ang Syriac na Peshitta at ang saling Arabe ay nagsasabi na “limang libo at pitumpung lalaki” ang pinabagsak. Ang Targum Jonathan ay kababasahan: “At pinabagsak niya ang pitumpung lalaki sa gitna ng matatandang lalaki ng bayan, at limampung libo sa gitna ng kongregasyon.” Sinasabi ng Griegong Septuagint na “pitumpung lalaki sa gitna nila, at limampung libo sa mga lalaki” ang pinabagsak. Binanggit ni Josephus na pitumpung lalaki lamang ang pinatay.—Jewish Antiquities, VI, 16 (i, 4).
Mga Lokasyon Kung Saan Iningatan ang Kaban. Ang Kaban ay walang permanenteng pahingahang-dako noong hindi pa naitatayo ang templo ni Solomon. Nang matapos ang kalakhang bahagi ng pananakop sa lupain ng Canaan (mga 1467 B.C.E.), ang Kaban ay inilipat sa Shilo, kung saan lumilitaw na nanatili ito (maliban noong panahong nasa Bethel ito) hanggang sa mabihag ito ng mga Filisteo. (Jos 18:1; Huk 20:26, 27; 1Sa 3:3; 6:1) Nang maibalik ito sa teritoryo ng mga Israelita, nanatili ito sa Bet-semes at pagkatapos ay sa Kiriat-jearim, kung saan tumagal ito nang mga 70 taon.—1Sa 6:11-14; 7:1, 2; 1Cr 13:5, 6.
Ayon sa tekstong Masoretiko, ipinahihiwatig ng 1 Samuel 14:18 na sa isang pakikipagbaka sa mga Filisteo, inutusan ni Haring Saul ang mataas na saserdoteng si Ahias na dalhin ang Kaban sa kaniyang kampo. Gayunman, binabanggit ng Griegong Septuagint na sinabi ni Saul kay Ahias: “‘Ilapit mo ang epod!’ (Sapagkat dinala niya ang epod noong araw na iyon sa harap ng Israel.).”
Bagaman mabuti ang hangarin ni David na dalhin sa Jerusalem ang Kaban, ang unang pamamaraang ginamit niya ay humantong sa kapahamakan. Sa halip na pasanin ito sa pamamagitan ng mga pingga na nakapatong sa mga balikat ng mga Kohatitang Levita gaya ng itinagubilin, isinakay ito ni David sa isang karwahe. Muntik na itong maibuwal ng mga toro, at pinabagsak si Uzah dahil iniunat niya ang kaniyang kamay upang sunggaban ang Kaban, na salungat sa kautusan ng Diyos.—2Sa 6:2-11; 1Cr 13:1-11; 15:13; Bil 4:15.
Sa wakas ay nakarating din sa Jerusalem ang Kaban, na pinasan ng mga Levita sa wastong paraan (1Cr 15:2, 15), at nanatili ito roon sa isang tolda sa natitirang bahagi ng paghahari ni David. (2Sa 6:12-19; 11:11) Nang tumakas ang mga saserdote dahil sa paghihimagsik ni Absalom, tinangka nilang dalhin ang Kaban, ngunit iginiit ni David na iwan ito sa Jerusalem, anupat nagtiwala siya na silang lahat ay ligtas na ibabalik doon ni Jehova. (2Sa 15:24, 25, 29; 1Ha 2:26) Hinangad ni David na magtayo ng isang permanenteng bahay para sa Kaban, ngunit ipinagpaliban ni Jehova ang pagtatayong iyon hanggang noong maghari si Solomon. (2Sa 7:2-13; 1Ha 8:20, 21; 1Cr 28:2, 6; 2Cr 1:4) Noong ialay ang templo, ang Kaban ay inilipat mula sa tolda sa Sion tungo sa Kabanal-banalan ng templo sa Bundok Moria, kung saan inilagay ito sa lilim ng mga pakpak ng dalawang malalaking kerubin. Sa templo ni Solomon, ito lamang ang muwebles na nanggaling sa orihinal na tabernakulo.—1Ha 6:19; 8:1-11; 1Cr 22:19; 2Cr 5:2-10; 6:10, 11; tingnan ang KERUBIN; TEMPLO (Ang Templo ni Solomon).
Halos 900 taon matapos gawin ang kaban ng tipan, ang tanging pagbanggit dito pagkatapos ng paghahari ni Solomon ay nasa 2 Cronica 35:3 kung saan ipinag-utos ni Haring Josias, noong 642 B.C.E., na ibalik ito sa templo. Hindi sinasabi kung paano ito nawala sa templo. Napakaapostata ng mga haring sinundan ni Josias sa trono, anupat ang isa sa mga ito ay naglagay ng isang imahen sa bahay ni Jehova, at posibleng isa sa balakyot na mga haring ito ang nag-alis sa Kaban. (2Cr 33:1, 2, 7) Sa kabilang dako, nagsagawa si Josias ng malawakang pagkukumpuni sa templo, anupat noong panahong iyon, ang Kaban ay maaaring iningatan sa ibang lugar upang hindi ito mapinsala. (2Cr 34:8–35:19) Hindi binabanggit kung ang Kaban ay dinala sa Babilonya. Ang Kaban ay hindi kasama sa talaan ng mga kagamitang tinangay mula sa templo. Gayundin, walang binabanggit na isinauli ito at inilagay sa muling-itinayong templo ni Zerubabel, ni iginawa man ito ng kapalit. Hindi alam kung kailan at kung paano nawala ang Kaban.—2Ha 25:13-17; 2Cr 36:18; Ezr 1:7-11; 7:12-19.
Inihula ni Jeremias na darating ang panahon na mawawala na ang kaban ng tipan, ngunit hindi iyon hahanap-hanapin at hindi daranas ng anumang hirap ang mga mananamba ni Jehova kahit wala na ito sa kanila. Sa halip, ‘ang Jerusalem mismo ay tatawaging trono ni Jehova.’—Jer 3:16, 17.
Sa makasagisag na aklat ng Apocalipsis, sinabi ni Juan na “ang kaban ng kaniyang tipan ay nakita sa santuwaryo ng kaniyang templo” sa langit. Ang kaban ng tipang ito ay nauugnay sa bagong tipan ng Diyos sa mga tao at ang pagkanaroroon ng Kaban ay nagpapahiwatig na muling namamahala si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Pinahiran.—Apo 11:15, 19.