Mga Bilang
11 At ang bayan ay nagsimulang magreklamo sa harap ni Jehova na para bang napakasama ng kalagayan nila. Nang marinig iyon ni Jehova, nagalit siya nang husto, at pinadalhan sila ni Jehova ng naglalagablab na apoy at tinupok ang ilan na nasa dulo ng kampo. 2 Nang humingi ng tulong kay Moises ang bayan, nagsumamo siya kay Jehova,+ at namatay ang apoy. 3 Kaya tinawag na Tabera* ang lugar na iyon, dahil pinadalhan sila roon ni Jehova ng naglalagablab na apoy.+
4 At ang mga banyaga+ sa gitna nila ay may kasakimang naghangad ng pagkain,+ at umiyak na naman ang mga Israelita at nagsabi: “Sino ang magbibigay sa amin ng karneng kakainin namin?+ 5 Tandang-tanda pa namin ang isda na kinakain namin nang walang bayad sa Ehipto, pati ang mga pipino, pakwan, puero, sibuyas, at bawang!+ 6 Pero ngayon, nanghihina na kami. Wala na kaming ibang nakikita kundi manna.”+
7 Ang manna+ ay parang buto ng kulantro*+ at kakulay ng dagtang bedelio. 8 Naglilibot ang mga tao at namumulot nito, at dinudurog nila ito sa gilingan* o dinidikdik sa almires. Pagkatapos, pinakukuluan nila ito sa lutuan o ginagawang tinapay na bilog,+ at ang lasa nito ay kagaya ng matamis na tinapay na may langis. 9 Kapag humahamog sa kampo sa gabi, bumabagsak din ang manna.+
10 Narinig ni Moises na umiiyak ang bayan, pami-pamilya, bawat tao sa pasukan ng kani-kaniyang tolda. Kaya nagalit nang husto si Jehova,+ at nagalit din si Moises. 11 Sinabi ni Moises kay Jehova: “Bakit mo pinahihirapan ang iyong lingkod? Ano ang nagawa ko kaya hindi ka nalugod sa akin at ipinasan mo sa akin ang buong bayang ito?+ 12 Ipinagbuntis ko ba ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila, kaya sinasabi mo, ‘Kargahin mo sila,* kung paanong kinakarga ng tagapaglingkod* ang pasusuhing bata,’ papunta sa lupaing ipinangako* mo sa kanilang mga ninuno?+ 13 Saan ako kukuha ng karneng ibibigay sa buong bayang ito? Dahil lagi silang umiiyak sa harap ko at sinasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng kakainin namin!’ 14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito; napakabigat nito para sa akin.+ 15 Kung ganito ang gagawin mo sa akin, pakiusap, patayin mo na ako ngayon.+ Kung kinalulugdan mo ako, huwag mo nang ipakita sa akin ang anumang kapahamakan.”
16 Sumagot si Jehova kay Moises: “Pumili ka ng 70 mula sa matatandang lalaki ng Israel, mga kilala mo* bilang matatandang lalaki at mga opisyal ng bayan,+ at dalhin mo sila sa tolda ng pagpupulong, at patayuin mo sila roon kasama mo. 17 Bababa ako+ at makikipag-usap sa iyo roon,+ at kukuha ako ng ilang bahagi ng espiritu+ na sumasaiyo at ibibigay ko iyon sa kanila, at tutulungan ka nilang pasanin ang bayan para hindi mo ito dalhing mag-isa.+ 18 Sabihin mo sa bayan, ‘Pabanalin ninyo ang inyong sarili para bukas,+ dahil tiyak na kakain kayo ng karne, dahil ipinarinig ninyo kay Jehova ang pag-iyak ninyo+ at sinabi: “Sino ang magbibigay sa amin ng karneng kakainin namin? Mas mabuti pa ang kalagayan namin sa Ehipto.”+ Tiyak na bibigyan kayo ni Jehova ng karne, at kakain nga kayo.+ 19 Kakain kayo, hindi nang isang araw, 2 araw, 5 araw, 10 araw, o 20 araw, 20 kundi nang isang buong buwan, hanggang sa lumabas iyon sa mga butas ng inyong ilong at sawang-sawa na kayo roon,+ dahil itinakwil ninyo si Jehova, na nasa gitna ninyo, at umiiyak kayo sa harap niya at sinasabi ninyo: “Bakit pa kami lumabas ng Ehipto?”’”+
21 At sinabi ni Moises: “Ang bayang kasama ko ay 600,000 lalaki,*+ pero sinasabi mo, ‘Bibigyan ko sila ng karne, at isang buong buwan silang kakain nito’! 22 Kung mga buong kawan at bakahan ang papatayin, sasapat ba iyon sa kanila? O kung huhulihin ang lahat ng isda sa dagat, sasapat ba iyon sa kanila?”
23 Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Napakaikli ba ng kamay ni Jehova?+ Makikita mo ngayon kung mangyayari o hindi ang sinasabi ko.”
24 Kaya lumabas si Moises at sinabi sa bayan ang mga sinabi ni Jehova. At pumili siya ng 70 mula sa matatandang lalaki ng bayan at pinatayo sila sa palibot ng tolda.+ 25 At bumaba si Jehova sa isang ulap+ at nakipag-usap sa kaniya+ at kumuha ng ilang bahagi ng espiritu+ na sumasakaniya at ibinigay iyon sa bawat isa sa 70 matatandang lalaki. At nang mapasakanila ang espiritu, gumawi sila na parang mga propeta,*+ pero hindi na nila iyon inulit.
26 Dalawa sa mga lalaking ito ang nasa kampo pa. Sila ay sina Eldad at Medad. At napasakanila ang espiritu dahil kasama ang pangalan nila sa mga inilista, pero hindi sila pumunta sa tolda. Kaya gumawi sila na parang mga propeta sa kampo. 27 At isang kabataang lalaki ang tumakbo at nag-ulat kay Moises: “Sina Eldad at Medad ay gumagawi na parang mga propeta sa kampo!” 28 Kaya sinabi ni Josue,+ na anak ni Nun at lingkod ni Moises mula nang kabataan pa ito: “Panginoon kong Moises, pigilan mo sila!”+ 29 Pero sinabi ni Moises: “Nag-aalala ka ba sa magiging epekto nito sa akin? Huwag. Gusto ko nga na maging propeta ang buong bayan ni Jehova at ibigay sa kanila ni Jehova ang espiritu niya!” 30 Pagkatapos, bumalik si Moises sa kampo kasama ang matatandang lalaki ng Israel.
31 At nagpadala si Jehova ng malakas na hangin at ang mga pugo mula sa dagat ay tinangay sa palibot ng kampo;+ ang lawak ng natakpan ng mga ito ay mga isang-araw na paglalakbay sa isang panig at mga isang-araw na paglalakbay sa kabilang panig, sa palibot ng kampo, at mga dalawang siko* ang taas ng mga ito sa ibabaw ng lupa. 32 Kaya nang buong araw na iyon hanggang gabi at hanggang sa kinabukasan, hindi natulog ang mga tao at nanguha sila ng mga pugo. Di-bababa sa 10 homer* ang nakuha ng bawat isa sa kanila, at inilatag nila ang mga iyon sa palibot ng kampo para sa kanilang sarili. 33 Pero nang nasa bibig pa lang nila* ang karne, bago pa nila iyon manguya, lumagablab ang galit ni Jehova sa bayan, at napakaraming pinatay ni Jehova.+
34 Kaya tinawag nilang Kibrot-hataava*+ ang lugar na iyon, dahil doon nila inilibing ang mga taong naghangad nang may kasakiman.+ 35 Mula sa Kibrot-hataava, pumunta ang bayan sa Hazerot, at nanatili sila sa Hazerot.+