Zacarias
4 Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako. Parang nakatulog kasi ako. 2 Pagkatapos, sinabi niya sa akin: “Ano ang nakikita mo?”
Kaya sinabi ko: “May nakikita akong isang kandelero na ang lahat ng bahagi ay gawa sa ginto,+ at may mangkok sa ibabaw nito. Mayroon itong pitong ilawan,+ oo, pito, at ang mga ilawan na nasa ibabaw nito ay may pitong tubo. 3 At sa tabi nito ay may dalawang punong olibo,+ isa sa kanan ng mangkok at isa sa kaliwa nito.”
4 Pagkatapos, tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ano ang ibig sabihin ng mga ito, panginoon ko?” 5 Kaya nagtanong ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Hindi mo alam ang ibig sabihin ng mga ito?”
Sumagot ako: “Hindi, panginoon ko.”
6 Sinabi niya sa akin: “Ito ang mensahe ni Jehova kay Zerubabel: ‘“Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, o sa pamamagitan ng kapangyarihan,+ kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. 7 Sino ka, O malaking bundok? Sa harap ni Zerubabel+ ay magiging patag na lupain* ka.+ At kapag inilabas niya ang pangulong-bato ay maghihiyawan ang mga tao: “Napakaganda! Napakaganda!”’”
8 Ang mensahe ni Jehova ay muling dumating sa akin, na nagsasabi: 9 “Ang mga kamay ni Zerubabel ang gumawa ng pundasyon ng bahay na ito,+ at ang mga kamay niya mismo ang tatapos nito.+ At malalaman ninyo na si Jehova ng mga hukbo ang nagsugo sa akin sa inyo. 10 Kaya bakit ninyo hahamakin ang maliliit na bagay na nagagawa sa pasimula?+ Magsasaya sila at makikita nila ang hulog* sa kamay ni Zerubabel. Ang pitong ito ay mga mata ni Jehova, na lumilibot sa buong lupa.”+
11 Pagkatapos ay tinanong ko siya: “Ano ang ibig sabihin ng dalawang punong olibo sa kanan at sa kaliwa ng kandelero?”+ 12 Nagtanong pa ako: “Ano ang ibig sabihin ng maliliit na sanga* ng dalawang punong olibo na naglalabas ng gintong likido sa pamamagitan ng dalawang gintong tubo?”
13 Kaya tinanong niya ako: “Hindi mo alam ang ibig sabihin ng mga ito?”
Sumagot ako: “Hindi, panginoon ko.”
14 Sinabi niya: “Ito ang dalawang pinili* na nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa.”+