KANDELERO
Patungan ng isa o higit pang lamparang de-langis. Bagaman may binanggit ang Bibliya na mga patungan ng lampara sa mga tahanan at iba pang mga gusali (2Ha 4:10; Dan 5:5; Luc 8:16; 11:33), ang pangunahing tinutukoy nito ay mga kandelerong ginamit sa tunay na pagsamba.
Sa Tabernakulo. Sa pamamagitan ng pangitain, tinagubilinan ni Jehova si Moises na gumawa para sa tabernakulo ng isang kandelero (sa Heb., menoh·rahʹ; sa Gr., ly·khniʹa) ‘na yari sa dalisay na ginto, yari sa gawang pinukpok.’ Ang kandelerong ito, kasama ang mga lampara at mga kagamitan nito, ay dapat tumimbang nang isang talento. (Exo 25:31, 39, 40; 37:17, 24; Bil 8:4; Heb 9:2) Katumbas ito ng mga 34 na kg (92 lb t), anupat nagkakahalaga ng $385,350 sa makabagong panahon.
Disenyo. Ang ilawang ito ng “Dakong Banal,” na unahang silid ng tabernakulo (Heb 9:2), ay binubuo ng isang panggitnang tangkay, na may anim na sanga. Ang mga sangang ito ay nakakurba nang pataas mula sa magkabilang tagiliran ng pinakakatawan ng ilawan. Ang pinakakatawan, o panggitnang tangkay, ay napapalamutian ng apat na nililok na kopang kahugis ng bulaklak ng almendras, na may mga globito at mga bulaklak na nagsasalitan. Hindi matiyak kung anong uri ng bulaklak ang kinakatawanan ng mga bulaklak na iyon; ang salitang Hebreo na ginamit ay maaaring tumukoy sa anumang bulaklak. Ang bawat sanga ng kandelero ay may tatlong kopa, na may mga globito at mga bulaklak na nagsasalitan. Maaaring ipinahihiwatig ng paglalarawan na ang mga globito sa panggitnang tangkay ay nasa hugpungan ng tangkay at ng mga sanga. Ang mga lamparang pinagniningas ng mainam na napigang langis ng olibo ay inilalagay sa ibabaw ng pangunahing tangkay at sa dulo ng bawat sanga. Ang iba pang mga kagamitan nito ay ang mga pamatay-apoy, mga lalagyan ng apoy, at mga sisidlan ng langis.—Exo 25:31-38; 37:18-23; Lev 24:2; Bil 4:9.
Ang aktuwal na paggawa ng kandelero ay pinangasiwaan ni Bezalel na mula sa tribo ni Juda, at ni Oholiab na mula sa tribo ni Dan. (Exo 31:1-11; 35:30-35) Tiyak na ang mga lalaking ito ay mahuhusay at bihasang manggagawa, anupat posibleng natutuhan nila ang kasanayang ito noong mga alipin pa sila sa Ehipto. Subalit sa pagkakataong ito, inilagay ni Jehova sa kanila ang kaniyang espiritu upang maisagawa nang lubusan ang gawain, ayon mismo sa parisang isiniwalat at sinabi kay Moises.—Exo 25:9, 40; 39:43; 40:16.
Paggamit dito. “Inilagay [ni Moises] ang kandelero sa loob ng tolda ng kapisanan sa tapat ng mesa, sa panig ng tabernakulo sa dakong timog.” Maliwanag na nakapaayon ito sa timugang panig ng tolda (anupat nasa gawing kaliwa kapag ang isa’y pumapasok) at katapat ng mesa ng tinapay na pantanghal. Ang liwanag ng kandelero ay sumisinag ‘sa lugar na nasa tapat nito,’ anupat tinatanglawan ang Dakong Banal, na kinaroroonan din ng ginintuang altar ng insenso.—Exo 40:22-26; Bil 8:2, 3.
Pagkatapos maitayo ni Moises ang tabernakulo, noong Nisan 1, 1512 B.C.E., sinunod niya ang tagubilin ni Jehova na pagningasin ang mga lampara. (Exo 40:1, 2, 4, 25) Nang maglaon, gayundin ang ginawa ni Aaron (Bil 8:3), at mula noon, siya (at ang mga mataas na saserdoteng humalili sa kaniya) ang palaging nag-aayos sa kandelero “mula sa gabi hanggang sa umaga sa harap ni Jehova.” (Lev 24:3, 4) Kapag inaayos ni Aaron ang mga lampara “uma-umaga” at kapag pinagniningas niya ang mga ito “sa pagitan ng dalawang gabi,” naghahandog din siya ng insenso sa ginintuang altar.—Exo 30:1, 7, 8.
Noong panahon ng paglalakbay sa ilang, ang Kohatitang pamilya ng tribo ni Levi ang nagdadala sa kandelero, kasama ang iba pang mga kagamitan sa tabernakulo. Subalit kailangan munang takpan ng mga saserdote ang mga ito, sapagkat, gaya ng babala ni Jehova, yaong mga di-saserdote ay hindi dapat ‘pumasok upang tingnan ang mga banal na bagay kahit saglit man, sapagkat kung gayon ay mamamatay sila.’ Ang kandelero at ang iba pang mga kagamitan nito ay tinatakpan ng telang asul at saka inilalagay sa isang pantakip na yari sa balat ng poka at inilalagay sa isang pamingga upang mabuhat.—Bil 4:4, 9, 10, 15, 19, 20.
Ang kandelero ay hindi binanggit sa ulat nang dalhin ni Haring David sa Bundok Sion ang kaban ng tipan. Maliwanag na nanatili ito sa tabernakulo sa iba’t ibang lokasyon na pinagtayuan ng tabernakulo.
Sa mga Templo. Ibinigay ni David kay Solomon ang mga arkitektural na plano para sa templo, mga planong tinanggap niya sa pamamagitan ng pagkasi. Kabilang sa mga ito ang mga tagubilin para sa mga gintong kandelero at mga pilak na kandelero. (1Cr 28:11, 12, 15, 19) Sampu ang ginintuang kandelero, at ang mga ito ay inilagay nang “lima sa kanan at lima sa kaliwa,” o lima sa timugang panig at lima sa hilagang panig kapag ang isa’y nakaharap sa silangan at nasa dakong Banal ng templo. (1Ha 7:48, 49; 2Cr 4:20) “Magkakapareho ang plano” ng sampung kandelerong ito. (2Cr 4:7) Marahil ay mas malalaki ang mga ito kaysa sa kandelerong nasa tabernakulo noon, anupat tugma sa mas malaking sukat ng templo at ng iba pang mga kagamitan niyaon, gaya ng “binubong dagat.” (2Cr 3:3, 4; 1Ha 7:23-26) Ang mga pilak na kandelero ay tiyak na ginamit sa mga looban o sa mga silid at hindi sa dakong Banal at sa Kabanal-banalan, sapagkat yari sa ginto ang mga kasangkapan ng dalawang silid na ito. Gaya sa tabernakulo, ang mga lampara ng mga ginintuang kandelero ay pinagniningas “gabi-gabi,” o nang palagian.—2Cr 13:11.
Nang wasakin ng mga Babilonyo ang templo noong 607 B.C.E., ang mga kandelero ay kasama sa mga bagay na yari sa ginto at pilak na kinuha sa bahay ni Jehova.—Jer 52:19.
Sa templong muling itinayo ni Zerubabel. Walang impormasyong inilaan ang Kasulatan tungkol sa mga kandelero sa templong muling itinayo ni Zerubabel. Gayunman, sinabi ni Josephus na ‘sinamsaman ni Antiochus (Epiphanes) ang templo, anupat tinangay niya ang mga ginintuang kandelero.’ (Jewish Antiquities, XII, 250 [v, 4]) Binanggit ng Apokripal na aklat ng Macabeo na may “kandelero” na inalis, kung kaya kinailangang gumawa ng bago.—1 Macabeo 1:21-23; 4:49, 50, JB.
Sa templong muling itinayo ni Herodes. Dahil sa karingalan ng templong muling itinayo ni Herodes, maaaring ipalagay na nagkaroon din ito ng mga kandelero na kasinggaganda at kasingmamahal niyaong mga nasa templo ni Solomon. Subalit walang binanggit ang Kasulatan tungkol sa mga ito. Gayunman, may katibayan na nagkaroon ng gayong kandelero dahil nabanggit ito ni Josephus at nakalarawan ito sa isang bahorelyebe na nasa loob ng kurba ng Arko ni Tito sa Roma. Nakalarawan sa arkong ito ang ilang bagay na kinuha sa Jerusalem nang wasakin ito ng mga Romano noong 70 C.E. Inangkin ni Josephus na nasaksihan niya ang prusisyong iyon ng tagumpay ni Emperador Vespasian at ng anak nitong si Tito. Sinabi ni Josephus na sa prusisyong iyon ay may binubuhat na “isang kandelero, na yari rin sa ginto, ngunit iba ang disenyo kaysa sa mga ginagamit natin sa pang-araw-araw na buhay. Nakakabit sa tuntungan niyaon ang pinakakatawan, kung saan may nakausling payat na mga sanga, na nakaayos na gaya sa isang salapang, anupat may isang hinubog na lamparang nakakabit sa dulo ng bawat sanga; at ang mga ito ay pito.”—The Jewish War, VII, 148, 149 (v, 5).
Sa ngayon, walang sinuman ang may-katiyakang makapagsasabi kung ang kandelerong nakalarawan sa Arko ni Tito ay kamukhang-kamukha ng orihinal na kandelerong nagmula sa templo sa Jerusalem. Magkakaiba ang opinyon lalo na tungkol sa hitsura ng paanan nito, na binubuo ng dalawang kahang hugis-poligon na magkakatapat ang mga tagiliran, anupat ang mas maliit na kaha ay nakapatong sa mas malaki. Ipinapalagay ng ilan na tumpak ang paglalarawan ng mga Romano sa kandelerong nasa arko, yamang lumilitaw na ang tradisyonal na disenyong Judio na kandelerong may paanang tatsulok o tripod ay binago noon ni Herodes dahil sa kaniyang kampanya na tularan at palugdan ang mga Romano. Tumututol naman ang ibang mga iskolar at sinasabi nilang hindi eksakto ang paglalarawang ito. Sa mga dekorasyon ng paanan, may makikitang mga agila at mga dambuhalang hayop-dagat, na ayon sa kanila ay isang malinaw na paglabag sa ikalawang utos.
Sinasabi ng iba na ang orihinal na kandelero sa templo ay may tatlong paa. Ibinatay nila ito sa maraming paglalarawan ng kandelero sa iba’t ibang bahagi ng Europa at ng Gitnang Silangan mula noong ikatlo hanggang ikaanim na siglo, na kakikitaan ng isang paanang tripod, anupat ang ilan ay mga paa ng hayop. Ang pinakamatandang paglalarawan sa kandelero ay makikita sa mga barya ni Antigonus II, na naghari noong 40-37 B.C.E. Bagaman hindi na maganda ang kundisyon ng mga baryang iyon, waring ipinakikita ng isa sa mga iyon na ang paanan ng kandelero ay tila isang plato na may mga paa. Noong 1969, isang paglalarawan ng kandelero sa templo ang natagpuang nakaukit sa palitada ng isang bahay na nahukay sa matandang lunsod ng Jerusalem. Makikita sa simpleng drowing ang pitong sanga at isang tatsulok na paanan, na pawang napapalamutian ng mga globitong pinaghihiwalay ng dalawang magkahilerang linya. Sa Libingan ni Jason, na natuklasan sa Jerusalem noong 1956 at pinetsahang umiiral na noong pasimula ng unang siglo B.C.E., natagpuan ng mga arkeologo ang mga disenyo ng isang kandelerong may pitong sanga na nakaukit sa palitada. Waring ang mga pang-ibabang seksiyon ay nakabaon sa isang kahon o patungan.
Kaya naman, salig sa mga tuklas na ito sa arkeolohiya, may mga tumututol sa hitsura ng paanan ng kandelerong nasa Arko ni Tito at iminumungkahi nila ang posibilidad na ang mga ukit sa arko ay ideya ng isang Romanong dalubsining na naimpluwensiyahan ng mga Judiong disenyo na pamilyar sa kaniya mula sa ibang mga mapagkukunan ng impormasyon.
Makasagisag na Paggamit. Sa isang pangitain, ang propetang si Zacarias ay nakakita ng isang kakaibang ginintuang kandelero. Gaya ng kandelero para sa tabernakulo, mayroon itong pitong lampara, ngunit ang mga lamparang ito ay may pitong tubo, at ipinapalagay ng mga iskolar na ang bawat lampara ay may tig-iisang tubo. Mayroon ding isang mangkok sa ibabaw ng kandelero. Lumilitaw na ang mga lampara ay patuluyang sinusuplayan ng langis sa pamamagitan ng mga tubong nakakonekta sa mga ito. Maliwanag na ang langis ay nagmumula sa dalawang punong olibo na nakita ng propeta sa tabi ng kandelero.—Zac 4:2, 3, 12.
Ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng niluwalhating si Jesu-Kristo, ay nagbigay sa apostol na si Juan ng isang pangitain kung saan nakakita ito ng “pitong ginintuang kandelero, at sa gitna ng mga kandelero ay may isang tulad ng anak ng tao.” Ang isang ito, na ayon sa paglalarawan ay si Jesu-Kristo, ay nagpaliwanag kay Juan na ang pitong kandelero ay nangangahulugang pitong kongregasyon. (Apo 1:1, 12, 13, 20) Malamang na ang mga kandelerong ito sa pangitain ay katulad ng kandelerong nagbigay-liwanag sa tabernakulo upang maisagawa ng mga saserdote ang kanilang mga tungkulin doon. Ang paggamit ng mga kandelero upang lumarawan sa mga kongregasyon ay kasuwato ng mga salita ni Jesus sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan.” (Mat 5:14) Bilang ang Isa “na lumalakad sa gitna ng pitong ginintuang kandelero,” pinangangasiwaan niya ang lahat ng kanilang gawain bilang mga tagapagdala ng liwanag.—Apo 2:1.
Nang payuhan ni Kristo ang kongregasyon sa Efeso, nagbabala siya na aalisin niya ang kandelero mula sa kinalalagyan nito, malibang sila’y magsisi. Tiyak na nangangahulugan ito na hindi na sila gagamitin upang magpasikat ng liwanag ng katotohanan sa dakong iyon, kundi mamamatay ang kanilang liwanag.—Apo 2:1-5; ihambing ang Mat 6:22, 23.
Sa Bibliya, ang huling pagbanggit sa mga kandelero ay may ilang pagkakahawig sa pangitain ni Zacarias. Ang “dalawang saksi” na manghuhula samantalang nadaramtan ng telang-sako ay sinasabing isinasagisag ng “dalawang punong olibo at ng dalawang kandelero.”—Apo 11:3, 4.
[Mga larawan sa pahina 1397]
Sa mga paglalarawan ng mga Judio sa kandelero ng templo (sa kanan, sa isang haligi; sa itaas, sa sahig ng isang sinagoga), ang disenyo ng paanan ay ibang-iba roon sa ipinakikita sa Arko ni Tito