Pagmamasid sa Daigdig
Bagsak na mga Marka Para sa UN
“Apatnapung taon pagkaraan na maitatag ito, ang United Nations ay hindi papasa sa pagsisikap nito na lutasin ang mga labanan ng daigdig,” ulat ng The Toronto Star. Ipinakikita ng isang Gallup surbey sa mahigit 20,000 katao sa 17 mga bansang hindi komunista na halos sangkatlo lamang ng mga tao ang nag-aakala na ang UN ay gumagawa ng mabuti “sa paglutas ng mga problema na dapat nitong harapin.”
Ipinahayag din niyaong may mga pananagutan sa organisasyon ang kabiguan. “Gaya ng maraming bigong mga magulang,” sabi ng The New York Times, “marami sa mga nakibahagi sa dalawang araw na komperensiya tungkol sa ‘United Nations sa Loob ng 40 Taon’ ay nagpahayag ng nagbagong saloobin, galit at hinanakit na ang anak na kanilang ipinaglihi ay hindi lumabas na gaya ng nais nila.” Tinipon ng komperensiya, na ginanap sa New York University, ang maraming beterano na nagmamasid sa UN, mga propesor ng abugasiya, at dating mga embahador—pati na ang tanging nabubuhay na Amerikanong lumagda sa charter ng UN. Ang UN ay binatikos na wala kundi “isang lugar na pinagdidebatihan.”
Magastos na Pagsusunog ng Patay
Ang bangkay ni Reyna Rambhai Bharni ng Thailand ay sinunog noong nakaraang Abril—halos isang taon pagkamatay nito. Ang masalimuot na seremonya, na punô ng mga nagtutrumpeta, mga nagtatambol, at mga umiihip ng tambuli na nakasuot ng maharlikang mga kasuotan, ay nagkahalaga ng mahigit $1 milyon (U.S.) at nangailangan ng mahigit sa anim na buwan na paghahanda. Sa pagtatapos, ang mga hiyas na nagkakahalaga ng sangkapat ng isang milyong dolyar ay inilagay sa urna kasama ng mga abo ng reyna. Ang kaniyang asawa, si Haring Prajadhipok, ang kahuli-hulihang makadiktador na hari ng Thailand.
Genetikong “Tatak ng Daliri”
“Natuklasan ng mga siyentipiko ang genetikong katumbas ng tatak ng daliri,” ulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada, “anupa’t maaaring kilalanin ng isang selula ng tao ang sumalakay sa isang kaso ng panggagahasa, ang ama sa isang pagsasakdal sa pagkaama at ang pagkakakilanlan ng isang katawan.” Ang binabanggit na tagapagpakilala ay isang “tila walang silbing bahagi” ng DNA na tinatawag na intron, mga kopya nito ay masusumpungan sa lahat ng cromosoma ng tao. Ang tsansa na ang dalawang magkaibang indibiduwal ay magkaroon ng iisang padron ng mga kopyang ito sa isang hibla ng kilalang DNA ay isa sa sampung bilyun-bilyon. Natuklasan ito ng mga mananaliksik mula sa University of Leicester.
Suliranin sa Populasyon
Ang pagdami ng populasyon sa Kenya, na 4 na porsiyento, ang pinakamataas sa daigdig at maaari pang tumaas sa 4.5 porsiyento sa pagtatapos ng dantaon. “Sa isang bansa na doo’y isang ikalima lamang ng lupain ang nasasaka,” sabi ng The Sunday Star ng Toronto, Canada, “ang karamihan ng mga pamilya ay doble ang dami ng mga anak kaysa karaniwan sa iba pang mga bansa sa Third World—at sila ay hindi nagpapakita ng tanda ng pag-unti ng populasyon.” Ang mga pagsisikap upang sugpuin ang pagdami ay hindi nagtagumpay, dahilan sa mataas na bilang ng mga adultong hindi marunong bumasa at sumulat at pagbaba sa dami ng mga batang namamatay. Karagdagan pa, ang malalaking pamilya ay tradisyonal na ipinalalagay na kinakailangan upang panatilihin ang kita ng pamilya, at ang birth control ay ipinalalagay na hahantong sa maliliit na tribo na mapapasailalim ng kontrol ng mas malalaking tribo. Sang-ayon sa isang pag-aaral, kalahati ng populasyon sa Kenya ang namumuhay na sa karalitaan.
Sa Kabutihan at sa Kasamaan
Ang koryente na mula sa nuklear na pinagmumulan ay dumarami, ulat ng International Atomic Energy Agency. Isang kabuuan ng 344 na mga atomic reactor—33 mahigit kaysa nakaraang taon—ang umaandar sa pagtatapos ng 1984, na lumilikha ng koryente para sa 26 na mga bansa. Ang Pransiya, na 58.7 porsiyento, ang pinakamalakas gumamit, sinusundan ng Belgium, Finland, at Sweden. Ang Estados Unidos ay kumukuha ng 13.5 porsiyento ng koryente nito mula sa nuklear na lakas, sabi ng ahensiya. Tinataya nito ang 9 na porsiyento sa Unyong Sobyet.
Pinagsisikapan din ng dumaraming bansa ang pagkakaroon ng sandatang nuklear. “Itinatala ng Carnegie Endowment for International Peace . . . ang walong mga bansa na kumuha na ng ‘mahalagang hakbang’ mula noong 1983 sa pagiging mga membro ng samahang nuklear,” sabi ng magasing Science Digest. Ang mga bansang nabanggit ay: Timog Aprika, Pakistan, India, Israel, Iraq, Libya, Argentina, at Brazil.
Bibliya Para sa mga Katutubong Taga-Australia
Ang mga katutubong taga-Australia ay malapit nang magkaroon ng mga bahagi ng Bibliya sa isa sa marami nilang mga wika, sang-ayon sa The Courier Mail ng Brisbane. Ang Kriol, na sinasalita ng pinakamalaking pangkat ng mga katutubong taga-Australia, ay pinili bilang pinakaangkop na wika. Ang gawain ay kumuha ng sampung taon sa paghahanda. Tinatawag na Holi Baibul, ito ay naglalaman ng mga aklat ng Genesis at Ruth, at piniling mga bahagi ng Mga Hukom, ang apat na Ebanghelyo, Filemon, at Apocalipsis.
Kawastuhan ng Oras
Sa ika-11 pagkakataon mula noong 1972, isang karagdagang segundo ang idinagdag sa mga orasang atomiko na ginagamit bilang pamantayan sa pagsasaoras ng pamahalaan ng E.U. Kung hindi mo napansin, ang ekstrang segundo ay isiningit sa pagitan ng pagtatapos ng Hunyo 30 at sa pagsisimula ng Hulyo 1. Ang dahilan, sabi ng Naval Observatory sa Washington, D.C., ay na ang solar time, batay sa bilis ng pag-ikot ng lupa, ay hindi kasingwasto ng mga orasang atomiko, na batay sa resonant frequency ng atomong cesium. Samantalang ang pag-ikot ng lupa “ay hindi nagbabago sa isang-ikasanlibo ng isang segundo isang araw,” sabi ng The New York Times, ang sistema ng orasang atomiko “ay wasto sa isang-ikasambilyon ng isang segundo sa bawat araw.”
Serbesa at Baseball
Maraming koponan ng major-league ang naglagay ng mga restriksiyon sa pag-inom ng mga inuming alkoholiko kung panahon ng mga laro sa baseball. Bakit? “Dahilan sa dumaraming pagkabahala tungkol sa mga tagahanga na nakikipag-away, nambubulyaw o naghahagis ng mga beachball at mga bote sa mga larangan na pinaglalaruan,” ulat ng The New York Times. Sa Tiger Stadium ng Detroit, ang hindi matapang-alkohol na serbesa lamang ang isinisilbi. Sa Yankee Stadium ng New York, ang serbesa ay ipinagbibili lamang sa ikapitong inning. Sa Comiskey Park sa Chicago, ang inimprentang mga mensahe sa mga tasa ng beer ay nagbababala sa mga tagahanga na huwag magpakalabis. Sa Atlanta, ang ilang lugar na malapit sa pinaglalaruang larangan ay bawal sa mga umiinom. Ganito ang sabi ni Rick Cerrone, isang aide sa komisyonado ng baseball: “Sa mga kaarawan na ito ng nakatatakot na mga pangyayari sa mga palaruan ng baseball, nais naming malaman nila na hindi ito ang dako upang magpakalasing o manggulo.”
Maruming Hangin
Libu-libong tonelada ng nakalalasong mga bagay—pati na ang mga bagay na pinagmumulan ng kanser—ay inilalabas ng mga kemikal na kompanya, sang-ayon sa U.S. Congressional surbey kamakailan. Ang mga antas ay nasumpungang mas mataas at mas malaganap kaysa dating inaakala. “Halos lahat ng kemikal na planta na tumanggap kami ng impormasyon ay naglalabas ng matataas na antas ng nakapipinsalang mga kemikal, kahit sa rutinang paglalabas,” sabi ni Henry A. Waxman, tagapamanihala ng House Subcommittee on Health and the Environment. May mga pamantayang pambansa para sa mga nagpaparumi sa hangin sa lima lamang nakalalasong mga sustansiya: asbestos, benzene, beryllium, asoge, at vinyl chloride. Ang mga pamantayan para sa ibang mga sustansiya ay ipinauubaya sa bawat lunsod o estado, at ang mga ito ay iba-iba—kung minsan ay isa sa sampu.
Pagdarambong sa Nakalipas
Ang pambuong daigdig na pagdarambong ng makasaysayang mga lugar “ay dumarami,” sabi ng U.S.News & World Report. “Ikinatatakot ng mga awtoridad na hindi magtatagal aalisin ng bandalismo ang lahat ng kilalang arkeolohikal na mga lugar sa Amerika at sa palibot ng daigdig.” Dahilan sa malaking halaga ng salapi na makukuha mula sa mayamang mga kolektor, dinambong ng mga magnanakaw ang mga libingang Aztec at Mayan, ang mga libingan ng Amerikanong Indian, at mga lumubog na barko—kadalasang iniiwan ang mga lugar na giba at ginagawang imposible ang mga ito para sa akademikong pag-aaral. “Sinisisi ng marami ang pandarambong sa paglalarawan ng arkeolohiya sa mga pelikula kamakailan na gaya ng ‘Raiders of the Lost Ark’ at ‘Romancing the Stone,’” sabi ng magasin.
Panganib ng Kanser
“Isang batang ipinanganak sa E.U. noong 1985 ay may higit sa isa sa tatlong tsansa na magkaroon ng kanser,” sabi ng Ca-A Cancer Journal for Clinicians na inilathala ng ACS (American Cancer Society). Sang-ayon sa ACS, sa mga lalaking ipinanganak noong 1985, ang mga tsansa na mamatay dahil sa kanser ay halos isa sa apat. Sa mga babae, ang tsansa ay isa sa lima. Ang maliwanag na pagdami ng probabilidad na mamatay dahil sa kanser ay dahilan, sa bahagi, sa bagay na ang mga tao ay nabubuhay na mas mahaba, yamang ang ibang sanhi ng kamatayan, gaya ng mga sakit sa puso, ay umuunti. Kaya, ang kalagayang ito ay nagbibigay sa mga tao ng higit na panahon upang malantad sa mga panganib ng kanser, sabi ng ACS. Sa mas positibong panig, ipinakikita ng isang report ng ACS kamakailan ang “limang-taóng antas ng pagkaligtas ng halos 50 porsiyento ng bagong narikonosing mga pasyente ng kanser.”
Humahabol
“Inilagay ng isang Gallup surbey kamakailan ang Brazil na pangalawa sa pinakamarahas na bansa sa daigdig, kasunod ng Colombia,” sabi ng The Wall Street Journal. “Sa nakalipas na limang taon, natuklasan ng surbey, na 34% ng mga pamilya sa Brazil ay nakaranas ng ilang uri ng krimen. Ang katumbas na bilang sa E.U. ay 13%.” Napakaraming krimen ang nagaganap, sabi ng report, “anupa’t ang mga balita ng karahasan ay hindi na kinasisindakan.” Ang pagbibili ng mga baril at paglilingkod ng mga bodyguard ay sumagana. Pinayuhan ng mga pulis sa São Paulo at Rio de Janeiro ang mga tsuper sa gabi na huwag nang huminto bilang pagsunod sa mga ilaw ng trapiko, kung hindi nila nais na mapagnakawan. Ang karamihan ng mga pagnanakaw ay ibinibintang sa mga kabataan na mula sa mahihirap na pamilya na, sang-ayon sa isang pari, ay nag-aakala na “lubusan silang binibigyang-matuwid na magnakaw sa mga mayaman” at “hindi man lamang nagkukumpisal ng pagnanakaw bilang isang kasalanan.”
Walang Maidadahilan na Linggo
Sa isang pagsisikap na padaluhin sa simbahan ang mga tao kung Linggo, sinikap ng Bethlehem United Methodist Church na pagtakpan ang lahat ng mga pagdadahilan na ginagawa ng mga tao. Gaya ng iniulat sa The Lufkin Daily News ng Texas, may mga kama para sa mga nag-aakalang ang Linggo ang kanilang tanging araw upang matulog, isang TV para roon sa mga ayaw makaligtaan ang isang paboritong programa, at matigas na mga sombrero para sa mga nagsasabi na “ang bubong ay maaaring bumagsak kung ako ay magsisimba.” Mga kumot at pamaypay ay inilaan sa mga nag-aakalang ang gusali ay alin sa napakainit o napakalamig, mga tag ng pangalan para roon sa mga walang nakikilala, at mga kagamitan sa isports para sa mga naglalaro kung Linggo, at mga damit para roon sa mga walang maisuot. Kabilang sa ibang mga bagay na inilaan ay ang tuwid at malambot na mga silya, hatid-sundo na mga sasakyan, at mga iskor kard “upang itala ang lahat ng mga mapagpaimbabaw na naroroon.”