Kung Bakit Bumabagsak ang mga Bangko
NOONG 1970 nang magbukas ng isang sangay ang Bank of Hawaii sa isla ng Yap sa Micronesia, nagkaroon ito ng problema: kung paano kukumbinsihin ang mga tao sa Yap na ideposito ang kanilang pera sa bangko. “Nagkaroon kami ng mga miting sa bayan at nagsimula sa panimulang mga bagay,” paliwanag ng opisyal ng bangko na si Dominic B. Griffin III. “Sa sistema ng pagpapalitan na walang pera, ang anumang bagay ay maaaring maging salapi. Kailangang ipaliwanag namin kung bakit ang isang baboy ay hindi salapi, kundi na ang isang nakasulat sa isang piraso ng papel ang salapi.”
Idiniriin ng problemang iyan ang isang pangunahing punto: Ang modernong pagbabangko ay nakasalig sa pagtitiwala. Ito ay nakasalig sa pagtitiwala ng mga tao—mga indibiduwal gayundin ng mga negosyo—sa mga bangko na kung saan magkakaroon sila ng kaugnayan sa negosyo at sa mga ahensiya na sumasagot o tumatangkilik sa mga ito.
Ang Yap ay mayroon nang bangko—ang bangko ng mga perang bato. Sa nilakad-lakad ng mga panahon ang kultura nito ay gumamit ng pagkalalaking mga bilog na bato na pinaka-salapi. Pagkalalaki nito anupa’t hindi na kinakailangan ang kaha de yero upang itago at ingatan ang mga ito. Sa halip, ang mga ito ay nakasuhay sa mga pader at mga punungkahoy sa tabi ng daan sa labas ng Colonia. Hinukay sa mga pulo ng Belau, timog-kanluran ng Yap, ang kanilang halaga ay itinatakda ng kung gaano kahirap kunin ang mga ito at dalhin ang mga ito sa Yap sa pamamagitan ng maliliit na mga bangka. Ang perang bato ay hindi kailanman inililipat. Ang bawat isa ay pamilyar sa bawat piraso at sa kasaysayan nito. Ang pagmamay-ari (ngunit hindi ang aktuwal na bato) ay inililipat mula sa isang pamilya tungo sa isang pamilya sa pagbili ng lupa o mga paninda.
Kung gayon, ang Yap ay literal na kinakailangang hanguin mula sa “panahon ng bato” tungo sa panahon ng modernong elektronikong pagbabangko, ipakilala ang pagdideposito ng tseke at pera, palitang panlabas, savings bonds, telegraphic remittances. Kailangang matutuhan ng mga tao ang halaga ng inimprentang mga piraso ng papel at ilagak ang kanilang tiwala sa mga bangko na siyang mangangasiwa sa mga salaping hindi nila nakikita.
Ang kalagayang iyan ay umiiral sa buong daigdig ngayon. Walang sinuman ang talagang nagtatanong sa isang bangko na ipakita sa kaniya ang kanilang salapi. Sa katunayan, karamihan ng mga transaksiyon ay nagaganap sa pamamagitan ng elektroniks o sa pamamagitan ng isang tseke. Naniniwala ang mga tao na ibibigay ng mga bangko ang salapi kapag kinubra nila ito o kapag dumating na ang takdang panahon ng kaniyang ipinatagong pera. Gayunman ang mga bangko ay aktuwal na nag-iiwan lamang sa kanilang mga kaha de yero ng salaping kinakailangan para sa pang-araw-araw na rutinang mga inilalabas na pera. Alam nila mula sa karanasan kung gaano karaming salapi ang kinakailangan sa isang partikular na panahon o kapanahunan. Saan, kung gayon, naroroon ang lahat ng iba pang salapi?
Ang Negosyo ng Pagbabangko
Ang mga bangko ay mga negosyo. Gaya ng iba pang kompanya, sila ay nasa negosyo upang tumubo. Subalit di-tulad ng iba pa, ang kanilang produkto ay pera. Sa pinakadiwa, sila ay nanghihiram ng salapi mula sa isang pinagmumulan at ipinahihiram ito sa iba. Sa pamamagitan ng pagpapahiram sa isang mas mataas na interes kaysa hiniram, sila ay gumagawa ng salapi para sa kanilang sarili, sa kanilang mga kasosyo, at sa mga nagdideposito sa kanila, gayundin bilang pambayad sa gastos ng pagpapatakbo ng negosyo. Subalit ang mga bangko ay lumilikha rin ng salapi. Paano nila ginagawa ito?
Ipinaliliwanag ni Dennis Turner sa kaniyang aklat na When Your Bank Fails: “Hinihiling ng Fed[eral Reserve System] ang mga bangko na magtabi lamang ng maliit na porsiyento ng kanilang mga deposito. Yamang ang mga kahilingang reserba ay nagkakaiba-iba depende sa laki ng bangko at sa uri ng deposito, 8% ang kasalukuyang [1983] katamtamang reserba nila. Kung ang isa ay magdideposito ng $100 sa kaniyang kuwenta, maaaring ipautang ng bangko ang $92 nito. Ang nangungutang, gastahin man niya ang salapi o ideposito ito sa iba pang bangko, ay lilikha ng $92 na bagong deposito. Sa idinepositong ito $84.64 ang maaaring ipautang, samantalang $7.36 ang iniingatan bilang reserba. Ang parami nang paraming pamamaraang ito ay nagpapatuloy, anupa’t sa isang 8% na kahilingang reserba, ang isang $100 na deposito ay maaaring lumikha ng kabuuang $1,200 na bagong salapi.”
Ang mga bangko ay karaniwang nagpapautang hanggang sa sukdulang takda na ipinahihintulot. Subalit kung kumalat ang isang balita na ang bangko ay nalulugi, ang mga maydeposito o depositor ay maaaring mawalan ng tiwala sa bangko at kunin ang lahat ng kanilang pera rito. Hindi mababayaran ng bangko ang lahat ng mga depositor na kinukuha ang kanilang pera at maaaring bumagsak ang bangko—maliban na lamang sagipin ito ng gobyerno o isama ito sa isang mas malakas na bangko. Kahit na ang mga bangkong pinansiyal na matatag ay dumanas nito.
Iba Pang mga Sanhi ng Pagbagsak
Kadalasan na ang mga pautang mismo ang nagdadala ng pagkalugi sa isang bangko, lalo na kung ginagawa sa loob ng mahabang panahon at sa mababang interes. Karaniwan nang walang problema kung ang ekonomiya ay nananatiling matatag at ang interes na ibinabayad ng bangko sa perang tinanggap mula sa mga depositor o sa iba pang pinagmumulan ay mas mababa kaysa interes ng mga pautang. Subalit kapag tumaas ang interes na ibinabayad sa salapi, gaya ng ginawa nila kamakailan, ang bangko ay nagbabayad nang higit kaysa tinatanggap nito.
Mas malala pa kapag yaong mga umutang ay hindi makabayad. Ito ang kalagayan ngayon ng maraming mga magsasaka sa Estados Unidos. Ang gayong di pagbabayad ng utang ay nagpapangyari sa maraming mas maliit na mga bangkong pangrehiyon na bumagsak. “Eksaktong kalahati ng mga bangkong nasa talaan ng pagkabangkarote noong 1985 ay sinasabing mga bangkong para sa mga magsasaka, yaon ay, hindi kukulangin sa 25% ng kanilang mga utang ay nauugnay sa agrikultura,” sabi ng pahayagan sa pamumuhunan na American Banker.
Lantarang pandaraya at paglustay ang isa pang dahilan ng pagbagsak ng bangko. Ang panahon ng mga paglilipat ng kuwenta sa pamamaraang elektroniko ay nagpangyari sa pagnanakaw ng mga pondo na gumagawa sa dating panghuholdap sa bangko na magtinging hindi interesante kung ihahambing dito. “Ang kabuhayang Amerikano ay nagkakaroon ng isang taunang pagkalugi na mahigit 500 milyong dolyar sa ganitong paraan,” sabi ng pahayagan sa Paris na Le Figaro. “Sa Europa, ang malalaking bangko ay mas maingat tungkol sa mga bilang, ayaw nilang isiwalat ang kanilang mga problema. Gayunman inaamin nila ang mas maraming pagkalugi mula sa pandaraya sa computer kaysa mula sa mga holdap at karaniwang panloloob. Ang pandaraya sa computer ay naging pahirap sa ating modernong kabuhayan. . . . Karakaraka kapag natuklasan ng mga eksperto sa computer ang mga kontra-pagkilos, bagong mga butas naman ang nakikita na agad-agad sinasamantala ng ilang indibiduwal sa kanilang sariling kapakinabangan.”
Gaya ng sa lahat ng negosyo, ang masamang pangangasiwa at mahinang mga gawain sa negosyo ay maaari ring maging sanhi ng pagbagsak. Sa katunayan, ang masamang pangangasiwa ay sinasabing gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa karamihan ng mga pagbagsak ng bangko. Maaari na ang mga direktor ng bangko ay nagpautang sa kanilang mga kaibigan o mga kamag-anak nang walang prenda o panagot. O marahil sila ay umutang ng higit kaysa makakaya nilang bayaran noong mas masaganang mga panahon. O ang kasakiman at ang pagsisikap na magkakuwarta agad at yumamang bigla ang nag-udyok sa ilang walang-ingat na pamumuhunan.
Sa ilang mga kaso, ang matinding kompetisyon ay umakay sa mga bangko na kumuha ng di-karaniwang mga panganib. Ang ilan ay naging biktima ng kanila mismong masyadong maluwag na mga patakaran sa pagpapautang. Upang mapagtakpan kapag may lumitaw na mga problema at upang paramihin ang mga reserba at daloy ng pera, sinisikap ng ilang mga bangko na akitin ang mga depositor sa pamamagitan ng pagbibigay ng di-karaniwang mataas na interes o gumawa ng higit pang pamumuhunan sa mapanganib na mga negosyo.
Ang pagseguro ng gobyerno sa mga deposito—ginagarantiya na, anuman ang mangyari, ang mga depositor ay mababayaran—ay nag-udyok din sa ilang mga bangko na mangahas na makipagsapalaran. Subalit hindi mo masabi kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap. Halimbawa, ang ilan na namuhunan sa langis at iba pang mga larangan ng enerhiya nang ang mga ito ay malakas na negosyo at ang mga presyo ay mataas ay nabangkarote nang bumagsak ang mga presyo o bumagsak ang mga negosyo. O kapag biglang tumaas ang halaga ng salapi, maaaring ipahamak nito yaong mga umaasang mabayaran ang hiniram na salapi noong mas mababa ang halaga ng dolyar.
Ang mga problemang ito na maaaring humantong sa mga pagbagsak ng bangko ay hindi limitado sa maliliit na bangko. Nasusumpungan din ng ilan sa pinakamalalaking institusyong namumuhunan ng daigdig ang kanilang mga sarili sa gayunding mga problema. Ang marami ay nagpautang ng milyun-milyon, bilyun-bilyon pa nga, na mga dolyar sa mga bansa sa Third World na ngayo’y hindi nga mabayaran ang interes, gaano pa nga ang inutang na salapi. Ang pabigla-biglang mga pagbagsak ng bangko nitong nakalipas na mga taon ay nagbangon ng mga pag-aalinlangan sa buong daigdig. Mali ba ang pinaglalagakan ng ating tiwala? Gaano nga ba katatag ang mga bangko?
[Tsart/Larawan sa pahina 6]
Mga Pagbagsak ng Bangko sa E.U.a
1977 - 6
1978 - 7
1979 - 10
1980 - 10
1981 - 10
1982 - 42
1983 - 48
1984 - 79
1985 - 120
[Talababa]
a Mga bangkong nakaseguro sa FDIC (Federal Deposit Insurance Corporation). Hindi kabilang dito ang mga pagbagsak ng iba pang mga bangko. Karagdagang 1,196 na mga bangko ang nasa talaan ng FDIC na may problema noong Marso 11, 1986.
[Larawan sa pahina 5]
Ang perang bato sa Yap ay makikita sa labas ng bahay na ito