Gaano Katatag ang mga Bangko?
“Sa aming palagay panahon lamang ang kailangan—isang maikling panahon lamang—hanggang sa magkaroon ng isang pangkalahatang pandaigdig na pagkabangkarote ng mga bangko, na ang lahat halos ng mga bangko ay magsasara.”—When Your Bank Fails, ni Dennis Turner.
“Ang sistema ng pagbabangko ay lubusang matatag. Mayroon kami ng mga mekanismo upang pangalagaan ang anumang problema, malaki o maliit, na maaaring bumangon.”—William Isaac, dating chairman ng Federal Deposit Insurance Corporation, sinipi sa U.S.News & World Report.
IILANG tao ang nagtatago pa ng pera sa ilalim ng kutson. Bukod sa panganib na mawala dahil sa sunog o pagnanakaw, ang perang itinatago sa gayong paraan ay natutulog. Hindi ito dumarami at malamang na bumaba ang halaga dahilan sa implasyon o pagbaba ng halaga ng salapi.
Upang dumami ang kuwarta, ang salapi ay kailangang gamitin. Ang paraan na malawakang tinatanggap at ginagamit ng karamihan—kapuwa para sa pag-iingat at sa pakinabang—ay ang mga bangko. Subalit gaano katatag ang mga ito? Gaya ng ipinakita ng mga sinipi kanina, napakaraming iba’t ibang mga palagay.
Mayroon bang Dahilan Upang Mabahala?
“Ang buong sistema ng pagbabangko sa daigdig ay lubhang magkakaugnay,” sabi ni David Rockefeller, retiradong chairman ng Chase Manhattan Bank. “Totoo, ang mga bangko ay gumagawa ng maraming pakikipagnegosyo sa isa’t isa, kaya’t sila’y lubhang nagtutulung-tulungan.” Bunga nito, walang bangko o bansa ang talagang nakatayong mag-isa. Kaya kailanma’t bumagsak ang isang bangko, nariyan ang pagkabahala na maaari nitong ibagsak ang ibang mga bangko na kasama nito o bawasan ang pagtitiwala na napakahalaga sa industriya ng pagbabangko. Nariyan ang posibilidad na kukunin ng mga depositor sa ibang dako ang kanilang mga pondo o salapi at sa gayo’y pangyayarihin ang pagbagsak ng iba pang mga bangko na gaya ng di-mapigil na epekto ng domino.
May posibilidad ba na pabagsakin ng isang pagbagsak ng bangko sa isang lugar ang internasyonal na sistema ng pagbabangko? “Ang mga nangangasiwa sa E.U. at sa iba pang mga bansa ay tiyak na kukuha ng matatag na mga hakbang upang iwasan ang anumang malaking pagbagsak na waring namiminto,” sabi ni Rockefeller. “Sa palagay ko malamang na hindi ito mangyari.”
Hanggang sa ngayon, bagaman nagkaroon ng ilang malubhang mga problema at mga pagbagsak sa buong globo nito lamang nakalipas na mga taon, ang mga pamahalaan ay namagitan upang hanguin ang kanilang problemadong mga institusyong namumuhunan. “Higit kailanman ang mga ministro ng pananalapi at ang mga bangkero ay dinadalaw na lagi ng multo ng 1929, at gagawin nila ang lahat ng magagawa nila upang huwag maulit ang pinansiyal na kapahamakan na nangyari limampung taon na ang nakalipas—sa paanuman ay umaasa na maiiwasan ang tila di-maiiwasang resulta nito, digmaang pandaigdig,” paliwanag ng lingguhang babasahing Pranses na L’Express. Gayunman, may dahilan upang mabahala.
Ang Problema ng Pagkakautang
Ang mga bangko ay likas na mapanganib na negosyo. Pinangangasiwaan nila ang napakaraming salapi na karaniwan nang hindi kanila. Karagdagan pa, lumilikha sila ng salapi at nagpapautang nang labis-labis kaysa kanilang netong halaga. Bagaman sila ay maaaring kumuha ng sapat na pag-iingat, nalalaman ng mga bangko na ang ilang mga utang ay hindi mababayaran. Kaya nagtatabi ng pondong pera bilang loan reserves na panagot sa utang na hindi mababayaran. Kung maraming utang ang hindi mabayaran, ang mga reserba o pondong perang iyon ay hindi makasasapat upang pagtakpan ang malaking mga pagkalugi sa pautang, o pagkabangkarote ng bangko. “Mientras mas maraming pera na nanganganib dahilan sa mga utang na hindi mabayaran, pinansiyal na lalong humihina ang bangko,” sabi ng magasing New York. “Ang pagkabangkarote (o pagbagsak) ay nangyayari kapag naubos na ang lahat ng pera ng bangko.”
Nasusumpungan ng parami nang paraming bangko ngayon ang kanilang mga sarili sa mismong kalagayang iyan—napakarami sa kanilang mga pautang ang hindi mabayaran, at walang sapat na kapital upang panagutan ang mga ito. Ang mga dahilang ibinibigay ay napakarami: ang krisis sa langis, mga restriksiyon at mga kakulangan ng kalakal, paghina ng kabuhayan, mabuway na mga interes, pagkaubos ng kapital, implasyon, disimplasyon, mga pagbawas ng mga gawaing pangkabuhayan, masyadong maluwag na patakaran sa pagpapautang, mga pagkabangkarote ng korporasyon, mahigpit na kompetisyon, pagbabago ng polisa—pati na ang kawalang-alam at katangahan.
Subalit may mga paraan upang manatiling buháy—sa kasulatan. Ang muling pag-iiskedyul ng mga utang, pagbibigay ng mas mahabang palugit na panahon sa pagbabayad ng utang, ang isang paraan na ginagamit at muling ginagamit. Ang isa pa ay itala ang mga utang sa ganap na halaga, bagaman may kaunting pag-asa na mababayaran nang buo ang inutang na salapi. Ang karaniwang ginagamit na taktika ay pautangin ang mga nanghihiram nang higit na salapi upang mabayaran nila ang interes.
Lahat ng mga paraang ito ay kasalukuyang ginagamit ng mga bangko kung tungkol sa pagkakautang ng Third World, itinuturing ng marami na siyang pinakamalaking banta sa katatagan ng internasyonal na sistema ng pagbabangko. Sang-ayon sa isang surbey ng World Bank, ang panlabas na utang ng mahigit na sandaang nagpapaunlad na mga bansa ay umabot na ng pinagsamang kabuuan na mga $950 bilyong sa pagtatapos ng 1985, isang 4.6 porsiyentong pagsulong kaysa noong nakaraang taon. Bagaman napakalaki na, inaasahan na ito ay aabot ng $1.01 trilyong sa pagtatapos ng 1986. Bakit? Sapagkat marami sa mga bansang iyon ang basta hindi makabayad at pinagpipilitan ang higit pang panahon at salapi. Isinasaalang-alang ang kalakihan ng kanilang mga utang, ang mga bangko ay sumusunod. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang tao: “Kung ako ay nagkakautang sa iyo ng isang dolyar, ako’y nasa iyong kapangyarihan; subalit kung ako ay nagkakautang sa iyo ng isang milyon, ikaw ang nasa aking kapangyarihan.”
Laging lumilitaw sa unahan ang posibilidad na ang ilang mga bansang baón na sa pagkakautang, na nagsasawa na sa mga kahirapan ng mga programa sa pagtitipid, ay baka magpasiyang huwag nang magbayad. Hindi maaaring pilitin ng mga bangko ang soberanong mga estado na magbayad. “Para sa mga bangko, ang kahulugan ng pangglobong krisis sa pagkakautang ay simple,” sabi ng magasing Savvy. “Kinikita nila ang karamihan ng kanilang mga tubo sa pamamagitan ng pagpapautang, at kung hindi mabayaran ng mga bansa ang kanilang pagkalaki-laking mga utang, ang mga tubo ng bangko, ang mga puhunan, at mga presyo ng kalakal o paninda ay maaaring bumagsak nang husto. . . . Ang hindi pagbabayad ng maraming bansa sa Third World ay maaaring sumagad sa sistema ng pamumuhunan, malamang ay magbunga ng pagbagsak ng malalaking mga bangko.”
Ang hindi pagbabayad ng apat lamang na mga bansa—ang Mexico, Brazil, Argentina, at Venezuela—ay maaaring magpabagsak sa siyam na pinakamalaking mga bangko sa E.U., babala ng mga dalubhasa. “Na ang aktuwal na hindi pagbabayad ng utang ay hindi nagaganap ay pambihira,” sabi ng The New York Times Magazine. “Mangyari pa, maaaring ipalagay ito ng isa sa semantics (pag-aaral ng mga kahulugan). Kung paanong ang mga digmaan ay hindi na ‘idinideklara,’ wala na ngayong idinideklara na ‘legal’ na hindi makabayad.”
“Matatag ba ang Aking Bangko?”
Masasabi ba ng isa kung ang isang bangko ay matatag at may kakayahang makabayad ng utang? “Para sa karamihan ng mga depositor ay mahirap o imposibleng matuklasan kung ano ang kalagayan ng isang bangko,” sabi ng magasing Changing Times. Susog pa ng The New York Times: “Ipinakita ng karanasan kamakailan na lubhang mahirap para sa mga tagalabas na hatulan ang katatagan ng isang bangko. Halos lahat ng malaking bangko na bumagsak nitong nakalipas na mga taon, o halos bumagsak ay labis-labis na pinapurihan ng mga tagasuri sa bangko-aksiyon (bank-stock) . . . . Hindi nga mapansin ng mga namamahala sa bangko at mga awditor ang malubhang problema hanggang sa ito’y napakahuli na.”
Karaniwan na ang ginagawa lamang ng isang parokyano ay suriin ang bangko sa panlabas na kalagayan: ang mga uri ng serbisyong ibinibigay, ang pagiging palakaibigan at bilis ng paglilingkod sa kaniya. Sa katunayan, kapag nag-aanunsiyo ang mga bangko, karaniwan nang ang mga bagay na iyon ang idiniriin nila—ang palakaibigang bangkero, ang mabilis na pautang, pantanging mga kuwenta o mga serbisyo, kaginhawahan. Kung minsan ay nagbibigay ng mga regalo upang akitin ang bagong mga depositor. Subalit kaunti lamang ang sinasabi tungkol sa pinansiyal na katayuan ng bangko. Mangyari pa, ang mga serbisyo ng isang bangko ay mahalaga. Dapat ding pansinin ang interes na ibinibigay at kung paano ito nadaragdagan, yamang ang mga interes ay nagbabagu-bago. Napakahalaga sa depositor ang kaligtasan ng kaniyang salapi.
Dito, ang seguro sa idinepositong pera ang susi. “Sapagkat ang seguro sa idinepositong pera, maliban na lamang kung mayroong malubhang pagbagsak sa sistema ng pagbabangko ang mga ito ang mga problema ng mga bangkero at ng mga kasosyo ng bangko, hindi ng mga depositor,” sabi ng The Atlantic Monthly. “Hinding-hindi dadalhin ng mga pagbagsak ng bangko ngayon ang pagkalugi sa mga idinepositong salapi ng mga indibiduwal na gaya ng naranasan noong 1930’s.”
Makabubuting siyasatin kung ang mga depositong salapi ay nakaseguro at kanino. Mangyari pa, ang seguro ng gobyerno ang pinakamabuti. Ang isang halimbawa nito ay ang Federal Deposit Insurance Corporation sa Estados Unidos. Ang iba na sinabihan na ang kanilang deposito ay nakaseguro ang nang malaunan ay natuklasan nila na ito ay nakaseguro sa isang pribadong ahensiya na walang sapat na pondong ibayad sa lahat ng mga depositor kapag bumagsak ang bangko. Tingnan din ang halagang saklaw ng seguro. Kung ang iyong deposito ay nakahihigit sa takdang iyon, pag-isipan mo ang pagbubukas ng kuwenta o pagdideposito sa iba pang mga bangko upang ang lahat ng iyong salapi ay masasaklaw ng seguro.
Ano ang nasa Unahan?
Ang mga pagbagsak ng bangko ay inaasahang magpapatuloy at ang bilang ay maaari pa ngang tumaas. Gayunman, napakahalaga sa sistema ng pagbabangko ay na panatilihin ang pagtitiwala rito. “Magkakaroon lamang ng krisis kung bibigyan-kahulugan ng mga depositor ang pinansiyal na mga pagtagilid na ito bilang isang dahilan upang kunin ang kanilang salapi mula sa apektadong mga bangko,” sabi ng magasing Fortune. Samakatuwid, ang lahat ng mga pagsisikap ay ginagawa upang patibayin ang sistema at panatilihin ang matibay na pagtitiwalang iyan.
Nariyan din ang mga plano na bawasan ang utang ng mga bansa sa Third World sa antas na kaya nilang bayaran at tulungan sila na matugunan ang kanilang mga pagkakautang. “Sa pangwakas na pagsusuri, ang pagkalaki-laking kakulangan sa pananalapi ay maaatang sa mga nagbabayad ng buwis sa buong daigdig,” sabi ni Albin Chalandon, dating Ministro ng Pagpaplanong Pang-industriya ng Pransiya.
Kung gayon, gaano katatag ang mga bangko? Ganito ang pagkakasabi ng isang opisyal ng bangko: “Ang mga bangko ay kasintatag ng mga gobyernong tumatangkilik sa kanila.” Samantalang iyan ay waring nakapagpapatibay-loob ngayon, ito ay nagbibigay sa nag-iisip na mga tao ng dahilan upang mag-isip. Bakit? Sapagkat inihuhula ng Bibliya ang ganap na pagkawasak ng lahat ng makalupang mga gobyerno at hahalinhan ito ng walang hanggang Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44) At itinuturo nito ang mga pangyayari sa ika-20 siglong ito bilang palatandaan ng katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay.—Mateo 24:3, 6, 7, 21, 22.
Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga tao, sa panahong iyon, na ihahagis pa nga ang kanilang ginto at pilak sa mga lansangan na para bang walang halaga upang iligtas sila. (Ezekiel 7:19; Zefanias 1:18) Yamang iyan ay mangyayari sa mas mahalagang mga bagay na ito, anong pagtitiwala ang mailalagak sa pambansang mga salapi o sa mga institusyong namumuhunan na dumidepende rito? Mawawala na ang mga pamahalaan na tumatangkilik sa kanila!
Kaya si Jesus ay angkop na nagbabala: “Huwag kayong magtipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw. Bagkus, magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw. Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso. . . . Hindi kayo makapagpapaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.”—Mateo 6:19-21, 24.
[Kahon sa pahina 9]
Ang Kalagayan sa Pagbabangko—Kung Ano ang Sinasabi ng Iba
● “Hindi kalabisan na sabihin na hinaharap ng mga gobyerno ng dose-dosenang baon-sa-utang na mga bansa, ng International Monetary Fund, ng Federal Reserve Board, at ng daan-daang Amerikano at banyagang mga bangko ang pinakagrabe at pinakamalawak na pinansiyal na krisis sapol nang 1930s.”—Magasing New York.
● “Ang kasalukuyang mga polisa ay naglalaan lamang ng lubhang walang katiyakang proteksiyon. Ang pinansiyal na kaligtasan ng daigdig ay nasa balag ng alanganin. Isinasapanganib ng krisis sa pagkakautang hindi lamang ang pagsulong sa nagpapaunlad na mga bansa kundi gayundin ang katatagan ng sistema ng pagbabangko ng industriyal na mga bansa.”—Report ng isang pangkat ng mga dalubhasa sa Commonwealth, The Guardian ng London.
● “Ang pagkalaki-laking pagkakautang ng mga bansa sa Third World sa mga bangko sa Estados Unidos ay nakaakmang gaya ng isang potensiyal na daluyong o panganib sa ibabaw ng Amerikanong sistema ng pagbabangko.”—The New York Times Magazine.
● “Ang kabuuang pangglobong pagkakautang ay pagkalaki-laki anupa’t ito ay naglatag ng saligan para sa isang primera klaseng krisis sa pagkakautang sa internasyonal na sistema ng pagbabangko.” “Ang sukdulang kabalighuan ng pangglobong krisis sa pagkakautang ay na ang mga bangko ay totoong baon sa utang anupa’t hindi nila malusutan ito nang hindi bumabagsak nang sunud-sunod.”—Magasing Savvy.
● “Ang kalagayan ngayon ay mas grabe at mas mapanganib kaysa noong 1930’s.”—Ekonomista sa Kanlurang Alemanya na si Kurt Richebächer, U.S.News & World Report.
[Chart sa pahina 10]
Labimpitong May Malaking Pagkakautang na Nagpapaunlad na mga Bansa
Bansa Utang Panlabas Porsiyentong Inutang
($ sa U.S. bilyon) Pribadong Pinagmumulana
Argentina 50.8 86.8
Bolivia 4.0 39.3
Brazil 107.3 84.2
Chile 21.0 87.2
Columbia 11.3 57.5
Costa Rica 4.2 59.7
Ecuador 8.5 73.8
Ivory Coast 8.0 64.1
Jamaica 3.4 24.0
Mexico 99.0 89.1
Morocco 14.0 39.1
Nigeria 19.3 88.2
Peru 13.4 60.7
Pilipinas 24.8 67.8
Uruguay 3.6 82.1
Venezuela 33.6 99.5
Yugoslavia 19.6 64.0
Kabuuan 445.9 80.8
[Talababa]
a Karamihan ay mga bangkong pangkomersiyo
Pinagkunan: World Debt Tables, 1985-86 na edisyon, inilathala ng The World Bank, Washington, D.C.
[Larawan sa pahina 8]
Kung bumagsak ang maraming malalaking bangko, isang dominong epekto ang baka magpangyari sa pagbagsak ng buong sistema ng pagbabangko