Mula sa Aming mga Mambabasa
Isang Inumin na Nagliligtas ng Buhay
Nais ko kayong pasalamatan sa inyong napapanahong artikulo na “Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay! (Pebrero 22, 1986 sa Tagalog) Ang aking dalawang anak na babae ay madalas maospital dahilan sa nauubusan ng tubig sa katawan (dehydration) dahil sa isang karamdamang tinatawag na A. G. Syndrome. Sinubukan kong ipainom ito sa aking bunsong anak na babae nang siya ay magkasakit. Ito ang ipinaiinom sa kanila kapag sila’y nasa ospital, at maraming ulit na iniligtas nito ang kanilang buhay. Muli ko kayong pinasasalamatan sa impormasyong ito, lubhang nakatulong ito sa akin at sa marami pang iba.
C. R. G., Indiana
Ang Iglesya Katolika at ang Pag-aasawa
Ang inyong pangmalas sa katayuan ng Katolisismo tungkol sa sekso ay mali at, malala pa, mapanira at nakakainsulto. (Marso 8, 1986 sa Tagalog) Maling-mali kayo at ito’y walang katotohanan. Inilalarawan ninyo ang lahat ng mga Katoliko na seksuwal na nakadarama ng pagkakasala, na ganap na walang katotohanan din.
F. P., Colorado
Ang inyong mga artikulo tungkol sa “Ang Iglesya Katolika—Ang Pangmalas Nito sa Sekso” ay isang tagapagbukas-mata. Ang magasing ito ay nakagulat sa marami. Napakahusay ninyong naihatid ang inyong punto sa paggamit ng Katolikong reperensiyang mga aklat. Pakisuyong padalhan ninyo ako ng mas detalyadong impormasyon tungkol sa Katolikong reperensiyang mga lathalain. Ang inyong magasin ay regular na binabasa ng debotadong Katolikong ito.
P. W., Alabama
Nais ko lamang sabihin sa inyo na lubha kong pinahahalagahan ang inyong artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya Tungkol sa Sekso.” Ako ay lumaking isang Katoliko, at nang ako’y maging tin-edyer, sinikap kong iplano kung ano ang nais kong gawin sa aking buhay, mag-asawa at magpamilya o maglingkod sa Diyos at maging isang madre. Pinili ko ang mag-asawa, gayunman inaakala kong mali ang makipagtalik sa aking asawa. Tinulungan ako ng artikulong ito na matanto ang ilan sa mga kadahilanan kung bakit gayon ang aking akala. Sa palagay ko ang mga kasulatan sa artikulong ito ay tutulong sa akin upang maging higit na timbang.
B. J., Arkansas
Sa inyong labas tungkol sa “Ang Iglesya Katolika—Ang Pangmalas Nito sa Sekso” ipinakita ninyo ang isang pamagat na nagsasabi, “Iniuugnay ng simbolong Maria ang Kristiyanismo sa sinaunang mga relihiyon ng mga diyosang ina,” subalit ipinakita ninyo ang larawan ni Santa Teresa.
P. G., Pransiya
Ikinalulungkot namin. Maling ilustrasyon ang napili sa pamagat na ito.—ED.
Pang-aabuso sa Bata at Krimen
Pakisuyong magpadala ng 30 kopya ng inyong labas tungkol sa “Pang-aabuso sa Bata.” (Hunyo 22, 1985 sa Tagalog) Ang kapitan ng mga detektib sa kagawaran ng pulisya sa aming bayan ay lubhang humanga sa artikulo at nais niyang ipamahagi ito sa kaniyang kawanihan ng mga kabataan. Ibinabatay ng isa pang kapitan ang marami sa kaniyang mga lektyur sa inyong labas tungkol sa krimen. (Enero 8, 1986 sa Tagalog) Marami sa mga pulis at ang hepe ay tumanggap ng mga kopya ng kapuwa mga magasin.
D. G., Connecticut
“Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ”
Ang mga artikulong ito ay talagang nakatulong upang magkaroon ng pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga kabataan at mga magulang. Tunay, kung wala ang mga pantanging artikulong ito, hindi masasabi ng aming mga anak ang mga bagay na nasasabi nila sa amin.
L. C., Arkansas