Mula sa Aming mga Mambabasa
Gayon ba Kasamâ ang Pagsisinungaling?
Nais ko kayong pasalamatan sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Gayon nga ba Kasamâ ang Pagsisinungaling? (Oktubre 8, 1987) Ako ay totoong nagkaroon ng problema tungkol sa pagsisinungaling, at maraming beses noong ako ay bata pa, ako’y nagsinungaling sa aking mga magulang. Idiniin ng artikulo ang pangmalas ni Jehova tungkol sa pagsisinungaling—na kaniyang “ihihiwalay ang lahat ng mapanuyang labi,” yamang kinapopootan niya ang kasinungalingan at “ang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan nanggagaling.” (Awit 12:2-4; 1 Juan 2:21; Kawikaan 6:16, 17) Sa mga kadahilanang ito, naging tunguhin ko na huwag nang magsinungaling at huwag magsalita ng bahagyang katotohanan. Maraming maraming salamat.
R. M. R., Brazil
Isyu Tungkol sa Pastang-Pilak
Ako’y naakit ng artikulong “Hindi Mabuti sa Kalusugan na mga Pasta?” (Oktubre 22, 1987) Bilang isang dentista sa loob ng 37 taon at nakapaglagay ng sampu-sampung libong mga pastang pilak, alam na alam ko ang mga panganib ng merkuryo kapuwa sa pasyente at sa dentista at sa kaniyang kasamang mga manggagawa. Ang isang mahusay ang pagkakalagay na pastang pilak ay naalisan na ng hangga’t maaari’y maraming merkuryo nito . . . Sa pamamagitan ng paghahalo ng merkuryo sa isang haluang metal na karaniwan nang binubuo ng pilak, na may kaunting tanso, lata, at zinc, ang taglay nitong lason ay nabawasan nang lubha at ipinalalagay na halos wala na. Isa pa, hanggang ngayon ang mapagpipiliang materyal na makukuha ay alin sa napakamahal o hindi kasintibay.
A. R., D.D.S., Estados Unidos
Una sa lahat, sabihin natin na ang maikling artikulo sa “Pagmamasid sa Daigdig” ay hindi nilayon bilang isang artikulo upang saklawin ang lahat ng aspekto ng isang paksa kundi upang iharap lamang ang ilang nailathalang impormasyon na maaaring magbigay-babala sa isang tao na nangangailangan na suriin pa ang bagay na ito. Karagdagan pa, ang “Gumising!” ay hindi nagtataguyod ng isang anyo ng panggagamot na higit kaysa iba. Alang-alang sa katarungan, masasabing hindi sinusuportahan kahit na ng American Medical Association, ng Federal Drug Administration, o ng American Dental Association ang sinasabi na ang mga pastang pilak ay naghaharap ng anumang panganib na pagkalason sa taong hindi alerdyi. Wala pang 1 porsiyento ng populasyon ay sinasabing alerdyik sa merkuryo sa pinakakaunting dami nito. Sa paglalathala ng artikulo, hindi namin inirirekomenda na ang lahat ng mambabasa, na hindi sinusuri nang higit ang tungkol sa bagay na ito, ay magmadali at papalitan ang kanilang mga pastang pilak. Sa halip, ito’y inilathala upang ang ilang tao (marahil wala pang isa sa isang daang tao) na may suliranin sa kalusugan, na ang pinagmumulan ay hindi matiyak sa pamamagitan ng anumang iba pang paraan, ay mabigyang-babala na tingnan ang posibilidad na baka ang mga pastang pilak ang pinagmumulan ng pagkalason na kung saan ang indibiduwal ay alerdyik.—ED.
Pagtitipid ng Panahon
Interesadung-interesado ako sa artikulong “Panahon—Ikaw ba ang Panginoon Nito o ang Alipin Nito?” (Disyembre 8, 1987) Kaagad kong ikinapit ang mga mungkahi tungkol sa paggawa ng isang iskedyul, at ito’y matagumpay! Gayundin, ang inyong mga mungkahi sa kung paano makapagtitipid ng panahon ay lubhang kapaki-pakinabang. Naipasiya ko nang tumanggi sa mga imbitasyon upang magkaroon ng higit na panahon para sa aking gawaing pangangaral. Tamang-tama ang kaisipang: Huwag mag-aksaya ng panahon sa pag-aalala tungkol sa di-kanaisnais na mga tungkulin. Ngayon, sa halip na ipagpaliban ang mga ito, sinisikap kong unahin ang mga ito. Ito nga’y nakatutuwa!
A. W., Pederal na Republika ng Alemanya