Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 13—476 C.E. patuloy—Mula sa Kadiliman, Isang Bagay na “Banal”
“Ang mga kasalanang ginagawa sa dilim ay nakikita sa Langit na parang lagablab ng apoy.”—Kawikaang Intsik
NOONG Abril 1988 ikinagalak ng Simbahan sa Unyong Sobyet na marinig ang pahayag sa madla ng Panlahat na Kalihim na si Mikhail Gorbachev na ang mga pagkakamaling nagawa ng Estado sa kaugnayan nito sa Simbahan at sa mga miyembro nito ay itutuwid.
Isa pang uri ng hidwaan ay waring malulutas na rin nang ang Romano Katolikong papa John Paul II ay magpadala ng pagbati sa “sanlibong-taóng-gulang na kapatid na simbahan bilang kapahayagan ng taos-pusong pagnanais na makamit ang sakdal na pagkakaisa na nais ni Kristo at na mahalaga sa kalikasan ng Simbahan.” Subalit paano ba nagkaroon ng pagkakasira sa pagitan ng ‘magkapatid na simbahan’?
Pagkawala ng Pagkakaisa na Hindi Kailanman Umiral
Maaga noong ikaapat na siglo, pagkatapos maging emperador ng Imperyong Romano, inilipat ni Constantinong Dakila ang kabisera nito mula sa Roma tungo sa Griegong lungsod ng Byzantium, nasa mga dalampasigan ng Bosporus. Ito’y muling pinanganlang Constantinople, at ngayo’y kilala bilang Istanbul, Turkey. Ang pagkilos na ito ay idinisenyo upang pag-isahin ang imperyong nanganganib na magkahiwa-hiwalay. Sa katunayan, kasing-aga ng huling hati ng ikalawang siglo, “ang mapa para sa isang hati-hating imperyo ay naiguhit na, gaano man kalabo,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica.
Ang Kristiyanismo ay mas mabilis na lumaganap sa gawing silangan ng imperyo kaysa gawing kanluran. Kaya nakita ni Constantino sa isang pansansinukob (katoliko) na relihiyon ang isang puwersa para sa pagkakaisa. Palibhasa’y nababahagi ang imperyo, nababahagi rin ang relihiyon nito. Ang simbahan sa Silangan ay mas konserbatibo kaysa roon sa nakasentro sa Roma, at tinatanggihan nito ang teolohikal na mga pagbabago na ibinibigay ng Roma. “Hanggang noong ikalabindalawang siglo nagkaroon ng maraming pulitikal at teolohikal na mga pagtatalo sa pagitan ng dalawang simbahan,” sabi ng The Collins Atlas of World History.
Isa sa teolohikal na mga pagtatalo nito ay may kinalaman sa Kredong Nicene, na nakatulong pa sa pagbuo ng hindi makakasulatang doktrina ng Trinidad. Gaya ng ginawa ng unang tatlong panlahat na konsehong idinaos ng simbahan (Nicea noong 325 C.E., Constantinople noong 381 C.E., Efeso noong 431 C.E.), ang kredo ay bumabanggit sa “Espiritu Santo . . . na mula sa Ama.” Subalit sa isang konseho noong ikaanim na siglo, binago ng simbahan sa Kanluran ang parirala na kababasahan “na mula sa Ama at sa Anak.” Ang isyung ito tungkol sa filioque (Latin para sa “at ng anak”) ay, at hanggang sa ngayon ay, pinagtatalunan pa rin ng “Kristiyanong” magkapatid na simbahang ito.
Ang hindi pagkakaisa ay lalo pang naging maliwanag nang matapos ang imperyo sa kanluran noong 476 C.E., tinatandaan ang pasimula ng Panahon ng Kadiliman. Kung tungkol sa Kristiyanismo, tunay ngang ang Panahon ng Kadiliman ay isang panahon ng intelektuwal na kadiliman at kawalang-alam. Ang liwanag ng ebanghelyo ng Kristiyanismo ay, pansamantalang, nagapi ng kadiliman ng Sangkakristiyanuhan.
Ang relihiyosong kadiliman ay hindi nakatutulong sa pagkakaisa. “Ang iba’t ibang bahagi ng Kristiyanong daigdig ay laging hinahanap ang pagkakaisa na kailanma’y hindi natamo,” sabi ng dating Canon ng Canterbury na si Herbert Waddams. “Hindi ito isang kaso na punô ng pagkakaisa na nang maglaon ay nasira,” sabi niya, idinaragdag pa na “ang ideya na ang Sangkakristiyanuhan ay dating isang malaking nagkakaisang Simbahan ay isang guniguni.”
Isinilang ang Isang “Anak”
Ang “anak” na isinilang noong 800 C.E. ng Araw ng Pasko ay lumaki at tinawag na banal. Ito’y isang ipinanumbalik na imperyo sa kanluran na isinilang pagkatapos kumalas si Papa Leo III sa simbahan sa Silangan at pinutungan ng korona si Charlemagne, hari ng Franks, na emperador. Pagkalipas ng maikling paghinto, ang imperyo sa kanluran ay pinasigla noong 962 C.E. at nang dakong huli ay nakilala sa mas maranyang titulo, Banal na Imperyong Romano.
Sa katunayan, ang pangalang Imperyong Romano ay isang maling pangalan. Ang sakop ng teritoryo nito, ang kasalukuyan-panahong Alemanya, Austria, kanlurang Czechoslovakia, Switzerland, gawing silangan ng Pransiya, at ang Mabababang Bansa, ay nasa labas ng Italya. Nakalalamang ang mga lupaing Aleman at mga pinunong Aleman, kaya ang opisyal na pangalan nito ay pinalitan nang dakong huli tungo sa Banal na Imperyong Romano ng Bansang Aleman.
Pinagsama ng imperyo ang relihiyon at pulitika. Ang Collier’s Encyclopedia ay nagsasabi na ang ideya ay “na dapat may isang pulitikal na pinuno sa daigdig, gumagawang kasuwato ng pansansinukob na Simbahan, bawat isa’y sa kaniyang sariling kalagayan at autoridad na buhat sa Diyos.” Subalit ang hangganang linya ay hindi laging malinaw, sa gayo’y humahantong sa mga pagtatalo. Lalo na sa pagitan ng kalagitnaang ika-11 at kalagitnaan ng ika-13 siglo, ang Simbahan at ang Estado ay naglaban para sa pamumuno sa Europa. Inaakala ng iba na ang pagkasangkot ng relihiyon sa pulitika ay walang kasakiman at binibigyang-matuwid, gaya ng sabi ng autor na si Waddams, “may kaunting pag-aalinlangan na ang ambisyon ng papa para sa kapangyarihan ay gumanap ng mahalagang bahagi sa pag-unlad nito.”
Noong huling dantaon at kalahati ng pag-iral nito, ang imperyo ay humina tungo sa isang maluwag na kalipunan ng mga bansa sa ilalim ng mabuway na pamumuno ng isang karaniwang emperador. Angkop na angkop nga sa yugtong ito ng kasaysayan ang mga salita ng manunulat na Pranses na si Voltaire, na nagsabing ito ay “hindi banal, ni Romano, ni imperyo man.” Sa wakas, noong 1806, palibhasa’y matanda na at wala anumang bagay upang irekomenda ito sa pagkasanto, ang “banal na anak” ay namatay. Noong 1871 ito ay muling binuhay sa Ikalawang Reich (Aleman para sa “imperyo”) subalit ito’y bumagsak noong 1918, wala pang 50 taon pagkatapos. At noong 1933, sinimulan ng Third Reich ni Adolf Hitler ang pananakop nito sa Europa, upang sumapit lamang sa hindi maluwalhating wakas noong 1945 sa mga kagibaan ng Berlin.
Mga Impluwensiyang Aleman sa Kanluran
Tinatawag ng Alemang reperensiyang katha na Meyers Illustrierte Weltgeschichte (Isinalarawang Kasaysayan ng Daigdig ni Meyers) “ang tatlong haligi na kinasasaligan ng Edad Medya ng Europa . . . ang pamana ng klasikal na sinaunang panahon sa huling yugto ng panahong Romano, Kristiyanismo, at sa wakas ang mga tradisyon na minana ng mga Aleman sa kanilang mga ninuno.” Bilang pagpapatunay, ang Alemang autor na si Emil Nack ay nagsasabi: “Ang matandang taunang kapistahang Aleman ay kadalasang nagpatuloy sa anyo ng mga kapistahang Kristiyano, yamang binago ng simbahan, gaya ng payo ni Papa Gregoriong Dakila, ang maraming kapistahang pagano tungo sa Kristiyanong kapistahan.”
Ang pagdiriwang ng relihiyosong mga kapistahang ito ay hindi nagpapahiwatig ng pagiging relihiyoso ng mga Aleman. Si Andreas Heusler, yumaong autoridad sa relihiyong Aleman, ay inilalarawan ito bilang isang relihiyon na “nagbabawal nang kaunti at walang hinihiling na mahirap, pati na ang anumang mitolohikong orthodoxo. Ang isang tao’y itinuturing na banal kung ginagawa niya ang kaniyang mga hain, nagbabayad ng kaniyang buwis sa templo, hindi dinurungisan ang santuwaryo, at hindi sumusulat ng mga talata ng panlibak tungkol sa mga diyos.” Hinuha niya: “Hindi ito masasabing alab sa relihiyon. . . . Isang idealismong Aleman na hindi nasasalalay sa kaniyang relihiyon.”
Bagaman ang sinaunang mga Aleman ay naniniwala sa mga diyos, inaakala nila na mayroon pang isang nakatataas na kapangyarihan, isa na lumikha sa mga diyos. Ito “ang kapangyarihan ng kapalaran,” paliwanag ni Nack, na, sabi niya, ay “hindi nadadala ng mga hain o mga panalangin.” Bukod pa riyan, ang kapalaran ay hindi ipinalalagay na “lubhang di-makatuwiran,” yamang ito ay kumikilos ayon sa likas na mga batas. Kaya ng isang tao ay itinuturing na “isang malayang ahente, hindi isang biktima.”
Ang relihiyong Aleman ay nag-uugat sa kalikasan. Ang mga hain ay kalimitang ginaganap sa labas ng bahay, sa mga taniman ng prutas at sa kagubatan. Isang alamat na Aleman ang bumabanggit tungkol sa isang kosmikong punungkahoy na tinatawag na Yggdrasill, kung saan ang mga diyos ay humahatol araw-araw. Inilalarawan ito ng The Encyclopedia of Religion: “[Umabot ito] sa langit, at ang mga sanga nito ay kumalat sa buong daigdig. . . . Ang simbolismo ng punungkahoy ay . . . mababanaag sa iba pang tradisyon. Sa sinaunang Babilonya, halimbawa, isang punong kosmiko, ang Kiskanu, ay lumaki sa isang banal na dako. . . . Sa sinaunang India, ang uniberso ay inilalarawan ng isang nakatiwarik na puno. . . . [Subalit] walang patotoo ng anumang elementong Judio-Kristiyano sa ideya ng Yggdrasill.”
Dahil sa pinagmulang ito, hindi kataka-taka na sa mga bansang malakas ang impluwensiya ng relihiyong Aleman, ang mga tao ay karaniwang patalistiko, hindi masyadong relihiyoso, at mahilig magsabi: ‘Ang kalikasan ang diyos ko!’ Mauunawaan din kung bakit ang marami sa mga kaugaliang pagano na ipinakilala ng relihiyong Aleman sa Sangkakristiyanuhan ay mahilig-sa-kalikasan. Ang mga kaugalian kung Pasko, gaya ng paggamit ng mga ilaw at mistletoe, pagsisiga ng kahoy kung Pasko, o pagdidispley ng Christmas tree, ay ilan lamang halimbawa.
Samantala, sa Silangan
Sa tuwina’y kalaban ng simbahan sa Kanluran, ang simbahan sa Silangan ay wala ring kapayapaan sa ganang sarili, gaya ng ipinakikita ng pagtatalo tungkol sa pagsamba sa mga larawan o imahen. Ang mga imahen, na kakaiba sa tres-dimensiyunal na mga imahen, gaya ng mga istatuwang karaniwan sa simbahan sa Kanluran, ay relihiyosong mga imahen o mga larawan sa isang makinis na ibabaw, pati na ang nakaangat na ukit. Karaniwang inilalarawan nito si Kristo, si Maria, o ang isang “santo.” Napakapopular nito sa Silangan anupa’t, sang-ayon kay John S. Strong ng Bates College, sila’y “itinuring na tuwirang mga salamin o impresyon ng mga taong kinakatawan nila, [at] . . . sa gayo’y ipinalalagay na punô ng banal at makahimalang kapangyarihan.” Gayumpaman, noong maagang ikawalong siglo, ipinagbawal ni emperador Leo III ng Byzantine ang paggamit nito. Ang pagtatalo ay hindi nalutas hanggang noong 843 C.E., na nang panahong iyon ang paggamit ng mga imahen o mga larawan ay ipinahintulot sa simbahan sa Silangan.
Ang isa pang pagkakabaha-bahagi sa Silangan ay nanggaling sa Ehipto. Samantalang ang ilang Katoliko sa Ehipto ay nagsasalita ng Coptic, ang iba naman ay nagsasalita ng Griego, ang dalawang pangkat ng wika na nagtatalo tungkol sa kalikasan ni Kristo. Bagaman ayaw itong tanggapin ng mga autoridad sa Byzantine, ito’y humantong sa aktuwal na pag-iral ng dalawang magkahiwalay na simbahan. Samantala, sinikap ng bawat grupo na imaneobra ang isa sa mga obispo nito sa posisyon ng patriarka ng Alexandria.
Ngayon, nababahagi pa rin ang simbahan sa Silangan. Ang ilang ritwal ng mga simbahan sa Silangan, kilala bilang Uniates, ay tinatanggap, halimbawa, ang kapangyarihan ng papa ng Roma. Sa kabilang dako, ang mga Simbahang Orthodoxo sa Silangan at ang tinatawag na mas mababang mga simbahan sa Silangan, ay hindi tumatanggap sa kapangyarihan ng papa.
Parang Lagablab ng Apoy
Bago pa magwakas ang di-banal, hindi maituturing na Romano at hindi-Imperyo, “isang pamana ng pagkapoot ng mga Kristiyano sa iba pang Kristiyano ang naitanim nang malalim sa puso ng mga Kristiyano sa Silangan,” sabi ng Anglicanong si Waddams. Tunay, ang kasalanan ng “Kristiyanong” napopoot sa “Kristiyano,” kahit na ginagawa sa dilim, ay nakita sa langit na parang lagablab ng apoy.
Isa pa, ang kasalanan ng Sangkakristiyanuhan sa nababahaging tahanan ay napansin sa lupa. Halimbawa, isang kilalang Arabe noong ikapitong siglo C.E., na “maraming nalalaman tungkol sa Kristiyanismo mula sa kaniyang mga paglalakbay at sa mga taong malapit sa kaniya,” sabi ng klerigong si Waddams, ay hindi humanga sa “mga pagtatalo na nakita niya sa gitna ng mga Kristiyano.” Hinanap ng taong ito ang isang daan na mas mabuti kaysa inaalok ng baha-bahaging Sangkakristiyanuhan. Nasumpungan ba niya ito? Ngayong 1989, ipinaglalaban ng 17 porsiyento ng populasyon ng daigdig ang kaniyang layunin. Sino ang taong ito at ano ba ang nadama niya tungkol sa “Pagpapasakop sa Kalooban ng Diyos” ang sasagutin ng aming susunod na labas.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Sa pagbagsak ng Imperyong Romano (476 C.E.), ang Sangkakristiyanuhan ay nahati sa anim na nagpapaligsahang obispo—Roma, Constantinople, Antioquia, Alexandria, Jerusalem, at Salamis (Cyprus)
Rome
Constantinople
Antioch
Salamis
Jerusalem
Alexandria
[Larawan sa pahina 23]
Isang larawan (relihiyosong imahen) ni Jesus at ni Maria
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.