Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Magagawang Igalang Ako ng Iba?
“Minsan pagka nakikipag-usap ka sa isang adulto, para kang nakikipag-usap sa pader.”—Paul.
“Nayayamot ako pagka hindi ka pinagtitiwalaan ng mga nakatatanda.”—Matt.
“Ang mga magulang ko’y alin sa hindi ako pinapansin o nagkukunwang nakikinig, ngunit hindi talaga sila nakikinig. Salita ka nang salita at magtatanong, ‘Narinig ba ninyo ako?’ at sila’y sasagot, ‘Uh-huh.’ Talagang hindi nila alam kung ano ang sinabi mo.”—Paula.
PAGGALANG—bakit napakahirap makamit mula sa iba ang kahit na kaunting paggalang lamang? Nais mong pakinggan ka, totohanin ka. Kaya kapag ang mga nakatatanda—lalo na ang iyong mga magulang—at ang mga kasama ay di ka pinapansin, binabale-wala ang iyong damdamin, nakikipag-usap sa iyo na para bagang di ka nakauunawa, o ipinaaalaala ang iyong kalagayan, totoong nakasasakit ito.
Natural lamang na magnais na pahalagahan ng iba. Ang Bibliya mismo ay humihimok sa atin na “makasumpong ng lingap at mabuting unawa sa paningin ng Diyos at ng tao.” (Kawikaan 3:4) At gayon ang ginawa ng maka-Diyos na mga kabataan noong panahon ng Bibliya. Halimbawa, nagkaroon ng pribilehiyo ang binatang nagngangalang Timoteo na makasama ni apostol Pablo sa kaniyang mga paglalakbay misyonero. Bakit? Sapagkat siya’y may “mabuting patotoo ng mga kapatid,” palibhasa’y natamo niya ang kanilang paggalang. (Gawa 16:1, 2) At nariyan mismo si Jesus, na bilang kabataan ay “patuloy na lumalaki sa karunungan at sa pangangatawan at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao.”—Lucas 2:52.
Totoo, hindi ikaw si Jesus. At ang makamit ang paggalang ng iba ay hindi madali lalo na kung ikaw ay bata. Sa isang bagay, iniuugnay ng Bibliya ang kabataan sa ‘kawalang-karanasan’ at di-mapigil na kalakasan; ang kaalaman at karunungan ay dumarating habang nagkakaedad. (Kawikaan 1:4; 20:29; Job 32:6, 7) Kung gayon, sa pangkalahatan ang mga tao ay hindi nagbibigay ng paggalang sa mga kabataan gaya ng kanilang ginagawa sa mga adulto. Di-makatuwiran? Marahil. Ngunit iyan ay isang katotohanan sa buhay na dapat mong tanggapin. Isa pa, maraming kabataan ang gumawa ng masamang pangalan para sa kanilang sarili. Bilang resulta, ilan sa mga adulto ang may kamaliang nag-iisip na lahat ng mga kabataan ay “rebelde,” “iresponsable,” o “hangal.”
Sa ibang lupain, ang kultura, tradisyon, at mabilis na pagbabago sa lipunan ang nagpalawak sa agwat sa pagitan ng mga kabataan at mga adulto. Halimbawa, sa Aprika, maraming mga kabataan ang nakapag-aral kaysa kanilang mga magulang. Bukod pa riyan, maaaring masumpungan nila ang kanilang sarli na patuloy na kasalungat ng mga nakatatanda sa kanila na napapatnubayan pa rin ng tradisyunal na mga pamantayan. Ang mga nakatatanda ay karaniwan nang nayayamot sa itinuturing nilang di-paggalang o paghihimagsik pa nga sa bahagi ng mga kabataan.
Anuman ang iyong kalagayan, ito’y nangangailangan ng tunay na pagkukusa at pagsisikap upang makamit mo ang paggalang ng iba. Ngunit magagawa iyon.
Isang Bagay na Dapat Kamtin
Una, unawain na ang paggalang ay hindi isang bagay na ipinagkaloob sa iyo dahil lamang sa nais mo iyon, o maiuutos mo kayang igalang ka ng iba. Ang paggalang ay isang bagay na iyong nakakamit. Noong panahon ng Bibliya ang taong si Job ay lubhang iginagalang sa kaniyang pamayanan. “Ang mga binata ay nagsitabi pagkakita sa akin,” gunita ni Job, “at ang mga matatanda ay nagsitindig upang magbigay galang sa akin.” Gayunman, maliwanag na naging karapat-dapat si Job sa gayong paggalang. “Ang bawat makakita sa akin o makarinig sa akin ay may mabuting sinasabi hinggil sa aking ginawa,” paliwanag ni Job. Oo, may di-nababagong rekord ng matuwid na paggawi si Job.—Job 29:7-17, Today’s English Version.
Anong uri ng rekord ang iyong nagawa para sa iyong sarili? Naikapit mo ba ang payong ibinigay kay Timoteo? “Huwag hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan,” wika ni Pablo. “Kundi, maging uliran ng mga nagsisisampalataya sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” (1 Timoteo 4:12) Ikaw rin ay maaaring maging halimbawa na karapat-dapat sa paggalang. Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa iyong gawin iyon. Ang salmista ay nagsabi: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! . . . May higit na unawa kaysa lahat ng aking naging mga tagapagturo, sapagkat ang iyong mga paalaala ang siya kong gunita. Ako’y kumilos na may higit na unawa kaysa nakatatandang mga lalaki, sapagkat tinupad ko ang iyong sariling mga tuntunin.”—Awit 119:97, 99, 100.
Tiyak na igagalang ka ng kapuwa mga Kristiyano kung pauunlarin mo ang gayong espirituwal na matalinong unawa. Gayumpaman, pansinin na dapat mong ‘sundin,’ o ikapit, ang payo ng Bibliya. Isang kabataang Aprikano na nagngangalang Charles ang taimtim na sinunod ang payo ng Bibliya na “gumawa ng mga alagad” at naging buong-panahong ebanghelisador sa edad na 16 at ngayon ay naglilingkod sa isang sangay ng Samahang Watch Tower. (Mateo 28:19, 20) Ang kaniyang tapat na halimbawa sa pagsasalita ay nagpangyari na igalang siya ng iba at nagbunga ng higit na kaligayahan sa kaniya. Sabi niya: “Ang buhay sa ganitong paglilingkuran ay tunay na kalugud-lugod. Ang malapít na paggawang kasama ng maka-Diyos na mga tao na may malawak na karanasan ay tunay na nagpatibay sa akin. Iyon ay isang kagalakang walang kapantay.”
Mga Paraan Upang Makamit ang Paggalang
Ang isa pang mahalagang paraan upang makamit ang paggalang ay maging halimbawa sa paggawi. Si Salome, isang kabataang Saksi sa Aprika, ay nagugunita ang kaniyang kabataan: “Hindi ako nakikipagbarkada. Sa halip, nakipagpunyagi akong itaguyod ang mga simulaing Kristiyano sa lahat ng panahon. Sinikap kong maging seryoso, mapitagan, at magalang sa iba—kahit sa mga bata.” Totoo, maaaring ikaw ay kutyain at tuksuhin dahil sa pagiging naiiba. (1 Pedro 4:4) Ngunit tulad sa kalagayan ni Salome, ang iba ay mag-aatubili na igalang ka dahil doon.
Pansinin din, na gumawa ng pantanging pagsisikap si Salome sa pagiging magalang sa iba. Ang paggalang ay sinusuklian din ng paggalang. Kaya ang Roma 12:10 ay nagsasabi: “Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo.” Ang pagsisinungaling at pagpipilipit ng katotohanan, malupit na panunukso, ginagawang katatawanan ang iba, paghahari-harian o pananakot—hindi ito ang pakikitungo nang may paggalang sa iba. Sa wakas, sinisira nito ang paggalang ng iba sa iyo.
Lubhang mahalaga na magpakita ng pagpipitagan at paggalang sa mga nasa awtoridad. (1 Pedro 2:17) Halimbawa, isang miyembro ng pulisya ang nagsabi minsan: “Ang mga kabataan sa ngayon ay bihira nang magsabi ng, ‘Po.’ ” Paano ka nakikitungo sa mga nasa awtoridad—mga guro, mga pulis, mga namamahala sa paaralan? Kung ikaw ay kilala sa pagiging magalang sa mga taong nasa awtoridad, malamang na ikaw ay pakikitunguhan ng mga iyon nang may gayunding paggalang.—Ihambing ang Mateo 7:2.
Paggalang sa mga Nakatatanda
Sa ibang mga kultura may matatagal nang mga pamantayan ng etika na inaasahang susundin ng isang kabataan. Halimbawa, sa Ghana, hindi naiibigan ng maraming nakatatanda ang isang kabataan na nakikipag-usap sa kanila na nakapamulsa o kumukumpas sa kanila sa kaliwang kamay. Ang gayong sosyal na mga pamantayan ay maaaring kakatuwa sa mga taga-Kanluran at makaluma kahit sa ilang kabataang Aprikano, ngunit ito’y natatanggap naman ng mga Kristiyano. Oo, ang Bibliya ay humihimok sa atin na iwasang di-kinakailangang makasakit sa iba.—2 Corinto 6:3.
Ang isang karaniwang kasabihan sa Ghana ay: “Ang isang bata ay ipinapalagay na babalatan lamang ang susô hindi ang mga pagong.” Sa ibang pananalita, ang ilang mga tungkulin ay inaasahang gagampanan ng mga adulto, hindi ng mga kabataan. Maaaring ito’y magtinging di-makatuwiran at nakapagpapababa sa iyo. Subalit ang sumasalungat sa lokal na kultura sa pamamagitan ng pag-aangkin sa awtoridad ng matatanda ay karaniwan nang iisiping kawalang-galang. Mas igagalang ka ng iba kung kikilalanin mo ang iyong nakabababang bahagi at matutong isagawa iyon.
Sinasabi ng Bibliya sa Levitico 19:32: “Titindig ka sa harap ng may uban, at magpapakita ka ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki, at katatakutan mo ang iyong Diyos. Ako si Jehova.” Pagka sumasakay sa pampublikong mga sasakyan, ibinibigay mo ba nang kusa ang iyong upuan sa mga nakatatanda? Pagka nakikipag-usap, ikaw ba’y maingat sa iyong pagsasalita? Ikaw ba’y magalang na nakikinig?
Pagkakamit ng Paggalang sa Iyong mga Paniniwala
Kung gayon, paano kung hindi ka iginagalang ng iba dahil sa iyong relihiyosong mga paniniwala? Halimbawa, karaniwang ginigipit ng mga guro at mga kasama ang mga kabataang Saksi ni Jehova na makisali sa makabayang mga seremonya at relihiyosong mga gawain na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya. Hindi naiintindihan kung bakit may gayong tibay ng loob na paninindigan ang mga kabataang Saksi, maaaring malasin ng iba ang kanilang mga paniniwala nang may paghamak. Ang mga kabataang Saksi ay maaaring makaranas ng pagsalansang.
Kung gayon, isaalang-alang kung paano gumawi ang kabataang taga-Aprika na tatawagin nating Kwasi. “Hindi ako lumiliban sa mga klase,” sabi niya, “at itinataguyod ko ang mga gawaing hindi lumalabag sa aking budhi. Higit na mahalaga, maliwanag na ipinakikita ko sa simula pa lamang ang aking paninindigan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.” Ang katapatan, kataimtiman, at ang matatag na mga simulain ni Kwasi ang nagpangyaring mahalin siya ng mga guro at mga kamag-arál. Isinusog pa niya: “Kung minsan kailangang ipaliwanag ko ang aking paninindigan—noong minsan sa punong-guro at sa lahat ng mga guro—ngunit ang aking mga pangmalas ay laging iginagalang.”
Oo, gumawi ka sa paraang igagalang ka ng iba. Hindi man iginigiit ang iyong mga paniniwala sa iba, maging “laging handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, ngunit ginagawa iyon nang may kahinahunan at taimtim na paggalang.” (1 Pedro 3:15) Iwasang gumawi sa anumang paraan na magpapangyaring ‘lapastanganin ang salita ng Diyos.’ (Tito 2:5) Kasali na riyan ang pag-iwas sa kakatuwang pananamit at pag-aayos at pagsunod sa makasarili o mapaghimagsik na mga saloobin.
Mangyari pa, pinasisigla ka ng Bibliya na ‘magalak ka sa iyong kabataan,’ at wala namang umaasang ikaw ay kikilos na gaya ng isang 50-taóng-gulang. (Eclesiastes 11:9) Ngunit sa pagiging halimbawa mo sa iyong pananalita at paggawi, iyong matatamo ang paggalang at pagtitiwala ng iba.
[Larawan sa pahina 20]
Ang pagbubuhat ng dalahin ng nakatatanda ay isang paraan upang igalang