Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Makababagay sa Aming Paglipat?
KALILIPAT lamang ba ng inyong pamilya? Kung gayon marahil ay sasang-ayon ka na ang ilang karanasan sa buhay ay napakahirap—o napakaigting. At pagkatapos na mabuksan ang huling kahon at mailagay na sa tamang lugar ang huling muwebles, makadarama ka pa rin ng panlulumo, kalungkutan, o pagkabalisa. Hindi mahalaga kung ang inyong bagong bahay o apartment ay mas mahusay o mas mababa ang uri kaysa dating tinitirhan ninyo. Nasasabik ka pa rin sa inyong dating tirahan, sa iyong dating paaralan, at lalo na sa iyong dating mga kaibigan.
Mangyari pa, likas lamang na mangulila ang isang tao sa kaniyang dating tahanan. Subalit ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit baga nangyaring ang mga nakaraang araw ay mas maigi kaysa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan kung kaya ka nag-usisa tungkol dito.” (Eclesiastes 7:10) Ang karunungan ay makatutulong sa iyo na malasin ang mga bagay-bagay nang makatotohanan. Ang totoo, ‘ang masasayang araw’ sa inyong dating tinitirhan ay hindi naman talaga napakabuti—marahil malayo pa sa pagiging mabuti. Yamang hindi naman nito sinisira ang iyong buhay, ang paglipat ay maaaring magbigay sa iyo ng bagong mga pagkakataon at mga bentaha. Magkagayon man, ang pakikibagay sa paglipat ay hindi madali. Ano, kung gayon, ang makatutulong sa iyo na maging madali iyon?
Ituring Ninyong Parang Bahay Ninyo Ito
Talagang totoo ang mga salita sa isang lumang awit na nagsabi: “Any old place I can hang my hat is home sweet home to me.” Oo, sa halip na mabalisa dahil sa mga lugar na iyong nilisan, bakit hindi mo gawing tahanan ang inyong bagong lugar? Ang The Teenager’s Survival Guide to Moving ay nagsasabi: “Pagkalipat na pagkalipat ninyo, gawin mong komportable at nakagiginhawa ang iyong bagong silid.” Halimbawa, maaari mong palamutian ang iyong silid ng pamilyar na mga bagay at mga larawan. Kung may kasama kang kapatid sa iyong silid, magkasama ninyong gawin itong proyekto.
Noong panahon ng Bibliya hinimok ng isang salmista ang bayan ng Diyos na sanayin nila ang kanilang sarili sa kabiserang lungsod nila, na nagsasabi: “Libutin ninyo ang Sion, at inyong ligirin siya, inyong saysayin ang mga moog niyaon. . . . Tandaan ninyong mabuti ang kaniyang mga kuta.” (Awit 48:12, 13) Sa gayunding paraan, suriin mo ang inyong pook. Alamin mo kung saan matatagpuan ang mga shopping center, ang iyong bagong paaralan, ang aklatan sa lugar na iyon, at iba pang mga pasilidad. Makatutulong ito sa iyo na makasanayan mo ang lugar.
Walang alinlangan na ikaw ay may itinakdang rutin o paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa inyong dating tinitirhan. Mientras madali kang bumalik sa dati mong ruting iyon, mas madali mong makakasanayan ang lugar. Lalo na kung ikaw ay ‘patuloy [na] lumakad nang maayos sa kinagawian ding ito’ kung may kinalaman sa espirituwal na mga bagay gaya ng Kristiyanong mga pagpupulong at pag-aaral sa Bibliya.—Filipos 3:16.
Pasukan sa Paaralan
Ang pakikibagay sa bagong paaralan ay isang hamon mismo, lalo na kung ikaw ay lumipat sa kalagitnaan ng pasukan. Sa ilang bansa ang kurikulum sa paaralan ay ipinaplano ayon sa lugar, at ito’y maaaring kakaiba mula sa kurso sa pag-aaral na kinuha mo sa iyong dating paaralan. Masusumpungan mo ang iyong sarili na talagang nahuhuli sa mga estudyante sa iyong bagong paaralan; baka mailipat ka pa nga sa mas mababang grado.
Bagaman ito’y maaaring nakahihiya sa panahong iyon, huwag kang mawalan ng pag-asa; ang maiwanan sa pag-aaral ay karaniwang resulta ng paglipat. Isa pa, bagaman ang mga paaralan sa inyong lugar ay may pamantayang kurikulum, ang kaigtingan ng paglipat at ang pakikibagay sa iba’t ibang tao, mga kalagayan, at mga kaugalian, gayundin ang kahirapan sa pagtatanda ng napakaraming bagong mga pangalan—ang lahat ng bagay na ito ay maaaring sama-samang makapagal sa iyong kakayahang mag-isip. Ang solusyon? Sikapin mong dagdagan ang panahon sa paggawa mo ng takdang-aralin, at bawasan ang panonood ng TV. Balang araw ang iyong pag-aaral ay malamang na sumulong.
Pagkakaroon ng Bagong mga Kaibigan
“Ang pagkakaroon ng bagong mga kaibigan ang siyang talagang susi [sa pakikibagay],” sabi ng kabataang nagngangalang Brian na ang pamilya ay lumipat sa gawing timog ng Estados Unidos. “Pagkatapos kong makatagpo ng ilang kaibigan na kasing-edad ko na katulad ko ang mga hilig, naging madali ang lahat para sa akin. Ang tanging bagay na talagang kinasasabikan ko sa dating lugar namin ay ang paglalaro ng ice hockey.” Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, may kapantasang humanap si Brian ng mga kaibigan sa gitna ng mga kabataang may takot sa Diyos na dumadalo sa lokal na Kingdom Hall. Kung ikaw man ay nagnanais ng mga kaibigan na may mataas na pamantayan sa moral at talagang nagmamalasakit sa iyo bilang persona, ang inyong lokal na Kingdom Hall ang pinakamabuting lugar upang makahanap ng gaya nila.—Kawikaan 13:20.
Mangyari pa, hindi ka makasusumpong ng mga kaibigan sa pamamagitan ng pagmumukmok o paghihiwalay ng iyong sarili. (Ihambing ang Kawikaan 18:1.) “Ang paraan ko upang magkaroon ng bagong mga kaibigan,” sabi ni Anita, “ay gawin ang dapat kong gawin at ipakilala ang aking sarili. Natuklasan ko rin na sa pagkakaroon ng positibong saloobin—ang basta pagngiti at pagiging masayahin—ang mga tao’y lalapit at makikipagkilala sa iyo.” Oo, ang mga tao ay maaakit sa iyo kung ikaw ay magbibigay ng isang bagay na kaayaaya para sa kanila—isang palakaibigang ngiti at masayahing kalooban! At maging matiyaga. Panahon ang kailangan upang maitatag ang pagkakaibigan.
Kaya naman, kung minsan mainam na mapasisimulan mo ang pakikipagkaibigan sa pamamagitan ng pagdalaw nang patiuna sa inaasahan mong bagong tirahan ninyo. Ganito ang sabi ng labintatlong taóng gulang na si Laura: “Talagang nabalisa ako nang una kong malaman na kailangan naming lumipat kaagad. Subalit nagkaroon na ako ng pagkakataon na makilala ang ilan sa mga bata kung saan kami’y lilipat at iyan ay nakatulong sa aking mabuti hinggil sa aming paglipat.”
Kapaki-pakinabang Laban sa Di-kapaki-pakinabang na Pakikipagkaibigan
Sinasabi mo ba na walang gaanong kasiya-siyang samahan ang nasusumpungan mo sa gitna ng mga kabataan sa inyong bagong lugar? Kung gayon ‘palawakin’ ang iyong pakikipagkaibigan. (2 Corinto 6:11-13) Sa paano man, ang ilan sa magiliw na pakikipagkaibigang napaulat sa Bibliya ay sa pagitan ng mga tao na may napakalaking agwat sa edad—gaya nina David at Jonathan, at nina Pablo at Timoteo. (1 Samuel 18:1; 1 Corinto 4:17) Kaya bakit mo tatakdaan ang iyong pakikipagkaibigan sa mga kaedad mo lamang? May mga may edad na sa Kristiyanong kongregasyon na masisiyahan kang makasama.
Ipagpalagay na, maaaring sila’y hindi makaaagapay sa iyo sa paglalaro ng soccer. Ni makakahiligan man nila ang musikang iyong pinakikinggan. Gayunman, marami silang maipagkakaloob sa paraan ng nakapagpapatibay na samahan. Yamang ang pinakamainam na paraan upang magkaroon ng kaibigan ay maging isang kaibigan, maaaring pasimulan mo ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kusang pagtulong sa isa sa mga may edad na ito. O bakit hindi na lamang tanungin sila kung maaari mo silang dalaw-dalawin? Maaaring sumibol ang isang kasiya-siyang pakikipagkaibigan.
Sa kabilang dako, kung ikaw ay basta mananatili sa iyong silid at maaawa sa iyong sarili, madali kang malulungkot at manlulumo. Ito’y maaaring madaling umakay sa iyo sa maling uri ng mga kaibigan. Halimbawa, ang mga gang ng tin-edyer ay isang malubhang suliranin sa maraming lugar. Ipinapangako nila sa nalulumbay na mga kabataan na sila’y may makakasama at sila’y kabilang nila. Subalit gaya noong panahon ng Bibliya, ang gayong mga kabataan ay maaaring humila sa iyo na ikaw ay masangkot sa masamang gawa, na nagsasabi: “Halika . . . Ating daluhungin ang mga walang malay bilang katuwaan!” Subalit ang pantas na si Haring Solomon ay nagbabala: “Anak ko, huwag kang makisama sa mga taong gaya nila. Lumayo ka sa kanila. Ang lagi nilang hangad ay gumawa ng masama.”—Kawikaan 1:10-16, Today’s English Version.a
Magtuon ng Pansin sa Iba
Ang isang tiyak na paraan upang maalis sa iyong isip ang kalumbayan ay humanap ng mga paraan na mapalakas-loob ang iba—lalo na ang mismong mga miyembro ng iyong pamilya. “Ang paglipat ay hindi rin naman madali para sa mga magulang,” ang paalaala sa atin ng magasing Current Health, “at mapakikinabangan nila ang lahat ng tulong na kanilang makukuha.” Si inay o si itay ay kapuwa makikibagay sa bagong mga trabaho. Ang bagong bahay o apartment ay maaaring hindi kasing-alwan o kasing-aliwalas na gaya ng dati. At kung ikaw ay may mga kapatid na lalaki at babae, marahil sila rin ay nakararanas ng kalungkutan at nasisiraan ng loob. Bakit hindi tingnan kung ano ang iyong magagawa upang makatulong? Tanungin ang iyong mga magulang kung may ilang karagdagang gawaing-bahay na maaari mong gawin. Kung ang iyong mga kapatid ay waring nalulungkot, gumugol ng panahon na kasama nila. Tandaan na “ang pag-ibig ay nagpapatibay” kapuwa sa tumatanggap at nagpapakita nito.—1 Corinto 8:1.
Kung gayon, sa pangkatapusang pagsusuri, nasasaiyo kung ibig mo o hindi ang inyong bagong tahanan. Tayo’y pinaaalalahanan ng salaysay ng pantas na matandang lalaki na nilapitan ng dalawang kotse na punô ng mga dayuhan. “Iniisip naming lumipat dito,” sabi ng pamilya sa unang kotse. “Ano bang uri ng mga tao ang naririto?” Ang matandang lalaki ay sumagot: “Ano bang uri ng mga tao mayroon sa pinanggalingan ninyo?” Sumagot ang pamilya: “Kami’y galing sa bayan na may napakapalakaibigang mga tao. Ang mga tao ay bukas-palad at mabait at talagang may tunay na interes sa mga dayuhan.” Napangiti ang matandang lalaki. “Sa palagay ko’y maiibigan ninyo rito,” sabi niya. “Ganiyang-ganiyan ang mga tao rito.”
Gayundin ang itinanong ng matandang lalaki sa pamilya sa ikalawang kotse. Sila’y sumagot: “Kami’y galing sa masamang munting bayan. Ang mga tao ay tamad at mapakialam at labis na mga tsismosa.” Sumimangot ang matandang lalaki. “Sa palagay ko’y hindi kayo liligaya rito,” sabi niya. “Ganiyang-ganiyan ang mga tao rito.”
Ang ibig sabihin ng salaysay? Ang mga tao ay pare-pareho saanman. At kung ikaw man ay nasisiyahan o namumuhi sa kanilang samahan, ito’y depende sa iyong sariling saloobin, kaisipan, at paraan ng pakikitungo sa iba. Kaya taglayin ang positibong saloobin! Gawin mo ang pinakamabuting magagawa mo sa iyong paglipat. Hindi, ang mga bagay-bagay ay hindi na magiging gaya ng dati. Subalit sa pagsisikap at pagtitiyaga, maaari mong gawing mas mahusay ang mga bagay kaysa rati. Hangga’t kapiling mo ang iyong mga mahal sa buhay, anumang lugar ay maaaring maging tunay na tahanan.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Sumali sa Isang Gang?” na lumilitaw sa Hunyo 8, 1991, labas ng Gumising!
[Larawan sa pahina 13]
Magkusa na makipagkilala sa bagong mga kaibigan