Paano Darating ang Tunay na Bagong Panahon?
ANG awtor ng Bagong Panahon na si Shirley MacLaine ay nagpahayag ng isang totoong pangkaraniwang damdamin nang siya’y sumulat: “Nasumpungan ko ang aking sarili na lubhang nag-iisip sa kung ano ang nangyayari sa daigdig. Hindi mo ito maiiwasan kung aktuwal na nakikita mo ang karukhaan, ang gutom, ang pagkapoot. Nagsimula akong maglakbay sa ibang bansa nang ako ay disinuwebe, at ngayon, ako’y mga kuwarenta’y singko na, makatuwirang masasabi ko na ang mga bagay-bagay ay patuloy na sumamâ.”
Sa gayunding paraan, ang mga tao sa lahat ng dako ay pagód na sa pagpapaimbabaw at kasinungalingan ng relihiyon. Sila’y bigo dahil sa kapabayaan at kakulangan ng mga pamahalaan. Sila’y nangangamba dahil sa inaakalang malamig na mga saloobin at malalaking pagkakamali ng umiiral na sistema sa medikal na pangangalaga at mga pamamaraan. At marami ang nabibiktima ng pagtatangi dahil sa lahi o pagkiling sa sekso at pagkapanatiko.
Isang Makatotohanang Solusyon?
Walang alinlangan dito, kailangang-kailangan natin ang isang bagong sanlibutan. Subalit makatotohanan ba ang mga inaasahan ng Bagong Panahon? O ang paglalarawan ba nito ng hinaharap ay mas nakakatulad ng mga pelikulang science-fiction ng Hollywood? Makatuwiran bang maglagak ng pananampalataya sa mga hulang salig sa nakalimutang mga tradisyon, sinaunang mga alamat, at mga pagbabakasakali?
Ipagpalagay na, marami sa mga idea na sinusunod ng kilusang Bagong Panahon ay maaaring nagtataguyod ng kagalingan ng isipan at ng katawan sa limitadong paraan. Ang mabuting pagkain, ehersisyo, paglilibang, at pagkabahala sa kapaligiran ay pawang makatuwirang mga aspekto ng buhay. Malamang na maging mas matagumpay ang mga manggagamot kung sila ay magbibigay ng higit na pansin sa emosyonal na mga pangangailangan ng maysakit samantalang inaasikaso ang kanilang pisikal na mga karamdaman. Subalit ang lahat ay nagkakasakit sa malao’t madali, at kahit na ang pinakamalusog ay mamamatay rin sa wakas. Hindi tayo lubusang masisiyahan sa buhay dahil sa sakit at kamatayan na nagbabanta sa atin. Ang mga tagapagtaguyod ba ng Bagong Panahon ay nagbibigay ng mabisang solusyon sa mga problemang ito?
Parami nang paraming tao ang nalulungkot at nanlulumo, at walang gaanong magawa rito ang kilusan ng Bagong Panahon. Ganito ang sabi ng International Herald Tribune ng London: “Kung ipinakilala ng ika-20 siglo ang Panahon ng Kabalisahan, nasasaksihan ng pagtatapos nito ang bukang-liwayway ng Panahon ng Panlulumo.” Isinusog pa ng pahayagan na ang “unang internasyonal na pagsusuri tungkol sa pangunahing panlulumo ay nagsisiwalat ng patu-patuloy na pagdami ng sakit sa buong daigdig.”
Ang kilusang Bagong Panahon, taglay ang tila relihiyosong pahiwatig nito, ay hindi talaga nakasasapat sa espirituwal na kahungkagan sa makabagong lipunan. Kahit na sa pinakamabuting kalagayan ang ipinapalagay na espirituwal na ginhawa na iniaalok nito ay pansamantala lamang. Tunay, hindi naibsan ng kombensiyunal na relihiyon, lalo na ang Sangkakristiyanuhan, ang panlahat na espirituwal na pagkagutom. Hayagang binatikos ng isang pahayagan ang “kabiguan ng Simbahan na tulungan yaong nakadarama na sila’y nag-iisa, hindi pinakikitunguhan, hindi minamahal.” Inilarawan ng pahayagan ang makabagong relihiyon bilang nakababagot, “inaalisan ang indibiduwal ng anumang diwa ng tuwirang kaugnayan sa Diyos.”
Ang Bibliya—Isang Aklat ng mga Kasagutan
Hinaluan at binantuan ng Sangkakristiyanuhan ang mga katotohanan ng Bibliya. Gayundin naman, maraming doktrina ng Bagong Panahon ay salungat din sa mga turo ng Bibliya. Kunin halimbawa, ang idea ng Bagong Panahon na malulutas ng tao ang mga problema ng daigdig. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya sa Jeremias 10:23: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Isa pang kasulatan ay nagsasabi: “Ang pagliligtas ay ukol kay Jehova.”—Awit 3:8.
Hindi itinuturo ng Bibliya na ang mga tao ay may imortal na kaluluwa na nabubuhay bilang isang hiwalay na bagay, hiwalay sa katawan. Ayon sa Kasulatan, ang kaluluwa ay namamatay, at niwawakasan ng kamatayan ang lahat ng pag-iisip at gawain. (Bilang 23:10; 35:11; Eclesiastes 9:5, 10) Maliwanag na hindi nito tinatanggap ang idea ng Bagong Panahon na reinkarnasyon.
At, imposible ang pakikipagtalastasan sa mga patay. Ayon sa Bibliya, ang anumang sinasabing pakikipagtalastasan sa mga patay ay sa katunayan pakikipagtalastasan sa mga demonyo—espiritung mga kaaway ng Diyos at ng mga tao. Samakatuwid, hinahatulan ng Kautusan ng Diyos ang pagsasagawa ng espiritismo, pati na ang lahat ng anyo ng panghuhula, astrolohiya, at pagiging medium, na isang kasalanang ang parusa’y kamatayan.—Levitico 19:31; 20:6, 27; Deuteronomio 18:10-12.
Ang Bibliya ang pinagmumulan ng tunay na espirituwal na pagpapagaling. Mayroon itong kalipunan ng mga turo na tumutulong sa mga Kristiyano na maunawaan ang kanilang panloob na sarili at baguhin ang kanilang personalidad. (Roma 12:2; 2 Corinto 13:5; Efeso 4:21-24) Ito’y nagtuturo ng disiplina-sa-sarili, katinuan ng isip, paggalang sa sarili at sa iba.
Pinangyayari ng Bibliya na maunawaan natin ang pinakamataas na kapangyarihan sa sansinukob, ang ating Maylikha. (Gawa 17:24-28) Ipinakikita nito na sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ng kaniyang Anak, maaaring makamit ng sangkatauhan ang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. (Roma 6:23) Ito ay nagbibigay ng kasiya-siyang mga kasagutan sa mga tanong na gaya ng: Bakit ipinahintulot ng Diyos ang labis na paghihirap? Sino ang makapangyarihang mga persona sa di-nakikitang dako? Sila ba ang may pananagutan sa maraming tinatawag na paranormal na kababalaghan?
Tungkol sa kinabukasan, ang Bibliya ay nangangako ng sakdal na kalusugan at buhay na walang-hanggan at isang bagong sanlibutan ng kapayapaan at pagkakaisa, taglay ang isang malinis na kapaligiran, dito mismo sa lupa. (Isaias 33:24; 2 Pedro 3:13) Sa bagong sanlibutang iyon, tiyak na daragdagan ng mga tao ang kanilang kaalaman at, sa ilalim ng patnubay ng Diyos, lulutasin nila ang maraming hiwaga tungkol sa katawan ng tao, sa ating planeta, at sa iba pang bagay sa sansinukob. Lahat ng ito ay magagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova, isang Diyos na nagmamahal sa sangkatauhan.
Naroon Ka Ba?
Gayunman, itinuturo rin ng Bibliya na ang mga pagpapalang ito ay makakamit lamang niyaong namumuhay na kasuwato ng mga kautusan ng Diyos. Ang mga kautusang ito ay hindi mapaniil. Subalit ang mga ito ay dapat na sundin. (Kawikaan 4:18, 19; 1 Juan 5:3) Hindi maaaring umayon sa hindi maka-Kasulatang kaisipang Bagong Panahon at kasabay nito ay maniwala sa Bibliya.—1 Corinto 3:18-20; 10:18-22; Santiago 4:4.
Kaya nga, iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano na masangkot sa hindi maka-Kasulatang kaisipan ng kilusang Bagong Panahon. Kailangan ang matinong paghatol at pagkamakatuwiran. Dapat pansinin na ang tatak na “Bagong Panahon” ay malawakan nang ginagamit sa mga bagay na hindi galing sa kilusang Bagong Panahon at na maaaring hindi naman labag sa kasulatan. Totoo ito lalo na sa mga larangan ng kalusugan, pagkain, sining, at musika. Ang mga Kristiyano sa gayon ay dapat na magpakita ng mabuting pasiya at matalinong pagkakatimbang samantalang tiyak na nilalayuan ang anumang bagay na hinahatulan sa Bibliya. Angkop naman, ang Kawikaan 14:15 ay matalinong nagpapayo: “Ang musmos ay naniniwala sa bawat salita, ngunit ang matalino ay nagpapakaingat sa kaniyang paglakad.”
Oo, ang Bibliya ang susi sa tunay na kaliwanagan. Ang pagwawalang-bahala ng mga tagapagtaguyod ng Bagong Panahon sa Kasulatan ay maaari lamang magdala ng higit na kadiliman sa daigdig. Subalit ang Bibliya ay nagbibigay ng espirituwal na liwanag at pag-asa tungkol sa isang bagong sanlibutan gaya ng ipinangako ng Diyos: “ ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’”—Apocalipsis 21:3-5.