Ang Iyong mga Kuko—Inaalagaan Mo ba ang mga Ito?
Ng Kabalitaan ng Gumising! sa Sweden
KUNG may magtanong sa iyo, “Puwede ko bang tingnan ang mga kuko mo?” ano ang gagawin mo? Buong-lugod mo bang ipakikita ang iyong malilinis na kuko, o agad mong itatago ang iyong mga kamay sa iyong likuran? Maaaring may mabuti kang dahilan upang itago ang iyong mga kuko. Baka talagang hindi magaganda ang mga ito, o marahil ay kinakagat mo ang iyong mga kuko. Ang higit na kaalaman tungkol sa kahanga-hangang pagkakayari ng ating mga kuko ay tutulong sa atin na higit na pahalagahan ang mga ito at mag-uudyok sa atin na alagaan ang mga ito.
Ang iyong mga kuko ay pangunahin nang binubuo ng tumigas na mga patay na selula na nagtataglay ng mahimaymay na protinang tinatawag na keratin. Ang bilis ng paghaba ng mga kuko ay nagkakaiba sa bawat daliri at bawat tao. Humahaba ang mga kuko sa katamtamang antas na mga 3 milimetro bawat buwan. Ang mga kukong hindi ginugupit ay maaaring humaba nang husto. Ayon sa The Guinness Book of World Records 1998, isang lalaking Indian ang nagpahaba ng limang kuko sa kaniyang kaliwang kamay sa kabuuang haba na 574 centimetro. Ang kuko sa kaniyang hinlalaki ay may sukat na 132 centimetro.
Isang Masalimuot na Kayarian
Sa unang tingin ay baka isipin mo na ang kuko ay isang piraso lamang, ang nail plate. Kaya baka magulat ka na malamang ang mga kuko ay maaaring ituring na may ilang pangunahing bahagi na nakikita at may ilan na hindi mo nakikita. Tingnan nating mabuti ang kayarian ng kuko.
1. Nail plate. Ito ang matigas na kayarian na karaniwan nating tinutukoy na kuko. Ang nail plate ay binubuo ng dalawang suson, ang ibabaw at ang ilalim. Ang mga selula sa dalawang bahaging ito ay magkaiba ang pagkakaayos at magkaiba ang bilis sa paghaba. Makinis ang ibabaw, samantalang ang loob nito ay may mga hilera ng mistulang mga gulugod na kaakma ng mga umbok sa nail bed. Ang mga umbok na ito’y natatangi sa bawat indibiduwal at maaaring magsilbing isang paraan ng pagkakakilanlan.
2. Lunule. Ito ay ang maputing bahagi na hugis kalahating-buwan na nasa pinakapuno ng nail plate. Hindi lahat ng kuko ay may nakikitang lunule. Ang kuko ay humahaba mula sa isang maliit na bahagi ng buháy na tisyu sa pinakapuno ng nail plate, na tinatawag na matrix. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng yunit ng kuko. Ang lunule ay siyang pinakadulo ng matrix ng kuko at, sa gayon, ay ang nakikitang bahagi ng buháy na kuko. Ang natitirang bahagi ng nail plate ay binubuo ng mga patay na selula.
3. Mga nail fold, proximal at lateral. Ang mga ito’y tumutukoy sa balat na nakapalibot sa nail plate. Ang balat na ito ay tinatawag na nail fold sapagkat hindi ito nagtatapos sa nail plate kundi ito’y tumitiklop sa ilalim at bumabalot sa tumutubong nail plate. Iniingatan at inaalalayan ng mga nakatiklop na balat na ito ang palibot ng kuko.
4. Eponychium. Ito ang maliit at makitid na piraso ng nakatiklop na balat na ang dulo’y nakalitaw sa pinakapuno ng nail plate. Kung minsan, ito’y tinutukoy bilang cuticle.
5. Cuticle. Ang tunay na cuticle ay isang maliit na palugit sa ilalim ng eponychium. Ito’y isang walang-kulay na suson ng natuklap na balat na nakakapit sa likod ng nail plate.
6. Free edge. Ang bahagi ng nail plate na tumutubong lampas sa dulo ng daliri.
7. Hyponychium. Yamang masusumpungan sa ilalim ng free edge ng kuko sa pagitan ng nail bed at ng dulo ng daliri, ang tisyung ito ay nagiging isang di-mapapasok-ng-tubig na takip na nagsasanggalang sa nail bed mula sa impeksiyon.
Ang Kahalagahan ng mga Ito
Maraming pinaggagamitan ang ating mga kuko, gaya sa pagkakamot. Nagagamit ang mga ito sa pagbabalat ng dalandan, pag-aalis ng buhol, o paghawak sa maliliit na bagay. Isa pa, inaalalayan at iniingatan ng mga kuko ang sensitibo at delikadong mga dulo ng daliri.
Hindi rin dapat kalimutan ang kagandahang dulot ng mga kuko. Maaaring ipaaninag ng ating mga kuko ang mainam—o di-mainam na gawi sa pag-aayos. Ang mga ito’y gumaganap ng mahalagang papel sa karaniwang mga kumpas, at kung naaalagaan, napagaganda nito ang ating mga kamay. Kung wala ang mga ito, mahahadlangan tayo sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, at ang ating mga kamay ay magmumukhang di-kumpleto.
Lalo Pang Titibay ang mga Ito sa Wastong Pag-aalaga
Bilang bahagi ng ating kahanga-hangang katawan, ang ating mga kuko ay dapat na alagaan nang wasto. Kung ikaw ay may malubhang diperensiya sa kuko, dapat kang magpadoktor. Sa katunayan, sa dulo ng iyong mga kuko, maaaring may mga palatandaan ka ng ilang pisikal na karamdaman. Oo, sinasabi na ang ilang karamdaman sa katawan ay maaaring matiyak sa pamamagitan ng pagtingin sa iyong mga kuko.
Lalo bang titibay ang mga kuko kung iinom ng dagdag na kalsiyum o bitamina? Sa pagsagot sa tanong na ito, sinabi ni Propesor Bo Forslind, isang mananaliksik may kinalaman sa mga kuko sa Karolinska Institute sa Stockholm, Sweden, sa Gumising!: “Wala pang katibayan upang suportahan ang pangmalas na iyan. Nakita sa pagsusuri hinggil sa taglay na kalsiyum ng normal na mga kuko na babahagya sa mga elementong ito ang nasa kuko.”
Gayunman, ang tiyak na makatutulong upang mapanatiling matibay at hindi madaling mabali ang iyong mga kuko ay ang tubig. Gaya ng nabanggit na kanina, ang kuko ay may keratin. Ang mga himaymay ng keratin na ito ay nangangailangan ng tubig upang huwag lumutong. Nagbigay ng halimbawa si Propesor Forslind: “Bagaman ang isang piraso ng iyong kuko ay malambot nang ito’y bagong gupit, ang piraso ng kuko ring iyon ay lulutong nang husto kapag ito’y natuyo sa magdamag.” Ang halumigmig ay magpapanatili sa iyong mga kuko na di-madaling mabali at matibay. Pero saan ba nanggagaling ang halumigmig na ito? Sa tingin ay parang buo ang nail plate, ngunit ito’y napaglalagusan. Ang halumigmig na nanggagaling sa nail bed ay pumapaitaas sa nail plate hanggang sa ibabaw nito, kung saan ito’y natutuyo. Ano ang maaaring gawin upang huwag matuyo ang mga kuko at upang mapanatiling matibay ang iyong mga kuko? Ganito ang sabi ni Propesor Forslind: “Ang araw-araw na pagpapahid ng langis ay makabubuti.”
Pangangalaga sa Pagpapahaba at Pagpapaganda sa mga Ito
Yamang ang kuko ay tumutubo mula sa matrix, mahalaga ang tamang pangangalaga sa bahaging ito ng kuko. Ang pagpapasigla sa matrix sa pamamagitan ng regular na pagmamasahe nang may cream o langis ay makabubuti sa nail plate. Bukod pa rito, ang isang patak ng langis sa free edge ng kuko ay makatutulong din, yamang nahahadlangan nitong matuyo ang kuko.
Ang paraan ng iyong pagkikil o paggupit sa iyong mga kuko ay makapagpapatibay o makapagpaparupok sa mga ito. Iminumungkahi na kikilin mo ang iyong mga kuko mula sa gilid patungo sa gitna. Tandaan na ang pagkikil sa mga sulok ay makapagpaparupok sa kuko. Gagawin nitong patulis ang kuko, na siyang pinakamarupok na hugis sa lahat, yamang wala itong suporta mula sa tagiliran. Para sa matitibay na kukong maiigsi, iminumungkahi na pahabain ang iyong mga kuko hanggang 1.5 milimetro sa tagiliran at kikilin nang pabilog na sinusunod ang hugis ng dulo ng daliri.
Maaaring naisin ng ilang kababaihan na pahabain pa nang kaunti ang kanilang mga kuko. Ngunit may paalaala. Ang mga kukong sobra ang haba ay maaaring maging tampulan ng pansin at makapipigil sa iyo sa paggawa ng karaniwang gawain. Kaya magkaroon ng timbang na pangmalas sa haba ng iyong mga kuko. Kung gagawin mo ito, ang iyong mga kuko ay magiging mahalaga at makapagbibigay ng magandang impresyon sa iba.
Kailanman ay huwag kutkutin, sabi ng mga eksperto, ang iyong mga kuko ng matulis na bagay. Ito’y makapipinsala sa hyponychium, ang tisyu sa ilalim ng free edge ng kuko. Ang tisyung ito ay bumubuo ng mahigpit na takip upang maingatan ang kuko sa ilalim. Kapag napinsala ang bahaging ito, ang kuko ay baka humiwalay pa nga sa nail bed at maimpeksiyon. Upang malinis ang ilalim ng kuko, gumamit ng napakalambot na sepilyo.
Ang matitibay at malulusog na kuko ay waring namamana. Iyan ang dahilan kung bakit may mga taong matitibay at hindi madaling mabali ang mga nail plate, samantalang ang iba naman ay may tuyo o malulutong na kuko. Anuman ang kalagayan ng iyong mga kuko, mapagbubuti mo ang hitsura ng mga ito sa katamtaman at regular na pangangalaga. Oo, ang pagkaunawa sa kayarian, gamit, at tamang pag-aalaga ng yunit ng kuko ay magbibigay sa iyo ng kaalaman. Ang matalinong paggamit ng impormasyong iyon ay magbubunga ng mabubuting resulta.
Ang mga kuko ay tunay na isang kahanga-hangang bahagi ng katawan ng tao. Ang kayarian at gamit ng mga ito ay nagpapatunay sa mapanlikhang isip na nasa likod ng mga ito. Si Haring David noong sinaunang panahon ay buong-pagpapakumbabang nagpahayag ng paghanga sa kaniyang Maylalang, gaya ng nakaulat sa Awit 139:14: “Ako’y pupuri sa iyo sapagkat ako’y ginawa sa kamangha-manghang paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”
[Dayagram sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1. Nail plate;
2. lunule;
3. mga nail fold, proximal at lateral;
4. eponychium;
5. cuticle;
6. free edge;
7. hyponychium;
8. matrix;
9. nail bed