Nabubuong mga Isla
“HAWAII.” Ang mga Isla ng Hawaii ay lumilikha sa isipan ng mga tanawin ng paraiso sa tropiko, maaraw na mga dalampasigan, at nakagiginhawang simoy ng hangin. Ngunit alam mo ba ang kapansin-pansing pagkakabukod ng mga islang ito? Kung hahanapin mo ang Hawaii sa mapa, makikita mo ang mga islang ito sa gitna ng Karagatan ng Hilagang Pasipiko—pinakamalayo sa baybayin ng kontinente na mararating mo! Kaya, maitatanong mo, ‘Paano napunta roon ang mga isla? Naniniwala ba ang mga siyentipiko na higit pang mga isla ang mabubuo sa hinaharap? Ano ang masasabi sa atin ng mga islang ito tungkol sa mismong lupa na tinitirhan natin?’
Ang Kapuluan ng Hawaii
Karamihan ng mga taong dumadalaw sa Hawaii ay nagiging pamilyar sa kawing ng walong isla na mula sa hilagang-kanluran hanggang sa timog-silangan, ang pinakamalalaki ay ang Kauai, Oahu, Molokai, Lanai, Maui, at Hawaii. Ang mas maliit na Niihau ay nasa kanluran ng Kauai, at ang Kahoolawe ay nasa timog-kanluran ng Maui. Ang isla ng Hawaii, na tinatawag ding Big Island, ay sumusukat ng mahigit na 10,000 kilometro kudrado, samantalang ang munting Kahoolawe ay sumasaklaw lamang ng 117 kilometro kudrado. Bukod pa riyan, kabilang din sa kawing ng mga isla ang 124 pang mas maliliit na isla, o mumunting pulo, na umaabot hanggang doon pa sa hilagang-kanluran. Ang Midway, na malapit sa dulo ng hilagang-kanluran ng kawing, ay halos 2,500 kilometro ang layo mula sa Big Island! Ang mumunting pulo, na ang karamiha’y binubuo ng mga korales at buhangin, ay bumubuo ng isang pulo na ang ibabaw ay sumusukat lamang ng walong kilometro kudrado. Angkop naman, ginagamit ng ilan ang pangalang Kapuluan ng Hawaii upang tukuyin ang buong pangkat ng mga isla.
Kung isasaalang-alang natin na ang mga isla at ang mumunting pulo ay mula sa malalapad na plataporma na tumataas, sa katamtaman, ng mahigit sa 4,000 metro sa ibabaw ng pinakasahig ng dagat sa paligid, saka natin mauunawaan na ang mga ito’y ang nakalantad lamang na dulo o tuktok ng pagkalaki-laking mga bundok. Sa katunayan, kung susukatin mula sa kanilang pinakapuno sa sahig ng karagatan, ang Mauna Kea at ang Mauna Loa sa isla ng Hawaii ay may taas na mga 10,000 metro. Sa gayon, ang mga ito sa diwa ang pinakamatataas na bundok sa daigdig!
Pagbuo ng Isang Isla
Suriin pa natin ang isla ng Hawaii. Natiyak ng mga heologo na ang Big Island ay binubuo ng limang malalaki’t magkakasamang bulkan. Karamihan sa mga dumadalaw ay pamilyar sa tatlong malalaking bulkan—ang Mauna Kea, na ipinalalagay na natutulog at siyang pinakamataas sa Hawaii, 4,205 metro ang taas sa antas ng dagat; ang Mauna Loa, na 4,169 metro at siyang pinakamalaking bulkan sa Hawaii; at ang Kilauea, na siyang pinakabagong bulkan at nasa gawing timog na panig ng isla. Bukod pa riyan, ang bulkan ng Kohala ang bumubuo sa hilagang-kanlurang dulo ng isla, at ang Hualalai ang nasa itaas sa ibabaw ng baybayin ng Kona.
Ang bawat bulkan ay lumaki sa pamamagitan ng paglalabas at pagsasalansan ng libu-libong agos ng lava. Ang mga pagsabog ay nagsisimula sa ilalim ng dagat, kung saan agad na lumalamig ang lava, anupat nag-aanyong balat at hugis-dilang agos na kapag nagsalansan ay parang mga talaksan ng unan. Kapag ang lumalaking bulkan ay lumilitaw sa ibabaw ng tubig, nag-iiba ang anyo ng agos ng lava. Ginagamit ng mga bulkanologo ang termino ng mga Hawayano na “pahoehoe” para sa agos na likido na may makinis, maalon, at parang lubid na ibabaw at ang “aa” para sa lava na baku-bako, tulis-tulis, at parang durog na bato. Ang bulkan ay nag-aanyong isang malapad at banayad na padalisdis na bundok na parang kalasag na dala ng sinaunang mga mandirigmang Romano. Nagkakaroon ng malalaking bunganga ng bulkan sa taluktok ng bulkan kapag ang magma, o binubong bato, ay sumasabog o lumalabas sa mga siwang na malapit sa ibabaw. Gayundin, nagkakaroon ng presyon sa imbakan ng magma sa loob ng bulkan. Itinutulak ng presyon na ito ang bahagi ng bulkan padagat, anupat nagbubukas ng malalaking bitak. Sa wakas, gaya ng nangyari sa Mauna Kea, ang mga pagsabog ng isang bulkang pinakapananggalang ay nagiging mas malakas, anupat nagkakalat ang hugis-kono na mga bunton ng baga mula sa bulkan.
Ang Mauna Loa at Kilauea ay kabilang sa pinakaaktibong pumuputok na mga bulkan sa daigdig. Ipinahihiwatig ng mga ulat ng kasaysayan mula sa katutubong mga Hawayano, misyonero, siyentipiko, at iba pa na 48 pagsabog ang naganap sa Mauna Loa mula noong 1832 at mahigit sa 70 pagsabog sa Kilauea mula noong 1790. Ang mga pagsabog na ito ay tumagal ng mula mga ilang oras hanggang mga taon. Ang pinakamatagal na naitala ay ang isang lawa ng lava sa bunganga ng Halemaumau sa Kilauea, na halos patu-patuloy na aktibo mula noong naunang mga taon ng 1800 hanggang noong 1924. Sa kasalukuyan, ang Kilauea ay sumasabog mula pa noong Enero 1983, na paminsan-minsang naglalabas ng kagila-gilalas na mga bukal ng apoy at mga ilog ng lava na umagos tungo sa dagat.
Dahil sa karaniwang likidong lava nito, karamihan ng mga pagsabog sa Hawaii ay hindi pumuputok o bahagyang mga pagputok lamang. Subalit, sa pambihirang mga kalagayan ang tubig sa ilalim ng lupa ay humahalo sa magma, anupat nagbubunga ng mga pagsabog ng singaw. Noong 1790, ang gayong pagsabog ay kumitil ng mga 80 katao nang isang pangkat ng katutubong mga mandirigma at ang mga miyembro ng kanilang pamilya ay nilamon ng mainit na mga gas at nagliliyab na baga na ibinuga mula sa Kilauea.
Kumikilos na mga Isla
Ang naitalang kasaysayan sa nakalipas na 200 taon ay nagpapahiwatig na dalawa lamang bulkan sa pinakatimog-silangang isla, ang Hawaii at Maui, ang aktibo. Ang nakapagtatakang kalagayang ito ay nag-udyok sa mga siyentipiko na pag-aralan pa nang higit ang kasaysayan ng bato sa kawing ng mga isla. Nasa loob ng lava ang kakaunting radyoaktibong anyo ng potassium at ang nabubulok na produkto nito, ang argon, na masusukat nila sa laboratoryo upang matantiya ang edad ng bato. Isinisiwalat ng pagsusuring iyon ang isang sistematiko at ang pahilagang-kanlurang pagtanda ng buong Kapuluan ng Hawaii sa loob ng milyun-milyong taon.
Yamang ang mga pagsabog sa Hawaii ay nagaganap na madalas sa timog-silangang bahagi ng kawing ng mga isla, nangangahulugan ba ito na ang pinagmumulan ng magma sa ilalim ay kumikilos din? Sa katunayan, natiyak ng mga heologo na ang pinagmumulan ng magma, na tinatawag nilang hot spot, ay nakapirme. Sa halip, ang sahig ng Karagatang Pasipiko ang siyang kumikilos sa itaas ng hot spot, anupat inilalayo ang mga islang bulkan mula sa hot spot na gaya ng mga bunton ng bato sa isang gumagalaw na conveyor belt. Ang katulad na pagkilos ding ito ang kumikiskis sa sahig ng dagat sa Pasipiko laban sa kalapit na kontinente at iba pang bahagi ng sahig ng dagat, anupat nagiging dahilan ng malalakas na lindol na nagaganap sa kahabaan ng Pacific Rim. Kung nakatira ka sa Hawaii, ang bahay mo ay umurong na ng mga pito at kalahating centimetro pahilagang-kanluran mula pa noong nakaraang taon!
Sinasabi ng mga siyentipiko na ang iba pang mga hot spot na gaya niyaong nasa ilalim ng Hawaii ang dahilan ng maraming bulkan sa buong daigdig, kapuwa sa lupa at sa dagat. Karamihan ng mga hot spot na ito ay nagpapakita rin ng katibayan ng palipat-lipat na pagsabog, na nangangahulugang ang ibabaw ng lupa kung saan ka nakatira ay malamang na nagbabago rin ng puwesto nito.
Pagbuo ng mga Bagong Isla . . .
Yamang daan-daang libong taon ang kinailangan upang magkaroon ng malalaking bulkan sa Big Island, maaasahan nating ang isla ay lumalayo sa hot spot sa panahong ito. Kaya magkakaroon ng bagong mga bulkan at isla sa ibabaw ng hot spot habang nagdaraan ito sa di-apektadong sahig ng dagat. Nakikita na ba ang potensiyal na kahaliling mga bulkan sa Big Island?
Nakikita na. Isang aktibong bulkang bundok sa ilalim ng dagat, ang Loihi, ay lumalaki sa timog ng isla ng Hawaii. Subalit, huwag mong asahang lilitaw ito mula sa dagat sa madaling panahon. Kailangan itong tumaas ng 900 metro pa, na maaaring gumugol ng sampu-sampung libong taon.
. . . At Pagkawasak ng Matatandang Isla
Ang malalaking bulkang pinakapananggalang at ang pag-agos ng lava na siyang bumubuo sa mga Isla ng Hawaii ay para bang matatag mula sa paglitaw nito sa karagatan. Subalit iba naman ang kuwento ng mumunting pulo at ng mga bundok na nakalubog sa dagat sa hilagang-kanluran ng Hawaii. Halimbawa, ang buhangin at mga bahura ng korales sa mga isla ng Midway at Kure ay nabuo sa ibabaw ng malalaking bulkanikong bundok na ang mga taluktok ngayon ay daan-daang metro ang lalim sa antas ng dagat. Bakit naglalaho ang bulkanikong mga isla?
Ang mga isla ay unti-unting naaagnas dahil sa tinatangay ng agos ng tubig, salpok ng alon, at iba pang puwersa. Lumulubog din ang isla dahil sa sariling bigat nito habang itinutulak nito ang sahig ng karagatan. Ipinakikita ng matatarik na dalisdis sa mga gilid ng ilang isla ang isa pang proseso na sumisira sa bulkanikong mga isla—mga pagguho ng lupa. Isinisiwalat ng mga sonar image ng mga tagiliran ng mga isla sa ilalim ng dagat ang malalaking pagguho ng lupa na umaabot ng sampu-sampung milya tungo sa sahig ng dagat.
Ang Pagkilos ng Hot Spot
Sa isla ng Hawaii, nakikita mismo ng mga dumadalaw sa Hawaii Volcanoes National Park ang pabagu-bagong tanawin na gawa ng bulkanikong pagkilos ng hot spot. Sinusubaybayan ng mga siyentipiko sa Hawaiian Volcano Observatory, na nasa gilid ng bunganga ng bulkan ng Kilauea, ang nagaganap at nagbabantang mga pagsabog nito. Ang kanilang mga pag-aaral ay humantong sa higit na pagkaunawa sa kung paano kumikilos ang mga bulkan at kung paano lumilipat at nagbabago ang ibabaw ng lupa. Taglay ang paghanga, tayo’y nagpapasalamat na nabuo at naanyuan ng makapangyarihang mga puwersa ng heolohiya ang Kapuluan ng Hawaii—ang kahanga-hangang kawing na ito ng mga isla sa gitna ng Karagatang Pasipiko.
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Isla ng Hawaii
Niihau
Kauai
Oahu
Molokai
Lanai
Maui
Kahoolawe
Hawaii
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 24]
Isang hanay ng mga bukal ng apoy sa silangang siwang ng Kilauea
[Larawan sa pahina 24, 25]
Isang pagsabog sa Kilauea
[Credit Line]
Mga Bulkan: Dept. of Interior, National Park Service
[Larawan sa pahina 25]
Isang ilog ng lava sa Mauna Loa
[Larawan sa pahina 26]
Isang mistulang pader na apoy sa Mauna Loa
[Credit Line]
Itaas sa kaliwa at ibaba sa kanan: Dept. of Interior, National Park Service
[Larawan sa pahina 26]
Pagsabog ng isang bukal ng apoy sa Kilauea
[Credit Line]
U.S. Geological Survey
[Larawan sa pahina 26]
Lawa ng lava sa Kilauea
[Credit Line]
Itaas sa kaliwa at ibaba sa kanan: Dept. of Interior, National Park Service